Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino

Communist Party of the Philippines
Resize text: A+ A- Reset

Ikatlong Edisyon
2005

Mga Paunang Salita

Pambungad

Mayaman ang Pilipinas Pero Naghihirap ang Sambayanang Pilipino

Ang Kasaysayan ng Pilipinas ay Kasaysayan ng Tunggalian ng Iilang Naghaharing Uri at ng Malawak na Masang Inaapi at Pinagsasamantalahan

Ang Imperyalismong US, Pyudalismo at Burukratang Kapitalismo ang mga Ugat ng Kahirapan ng Sambayanang Pilipino

Demokratikong Rebolusyong Bayan ang Tanging Solusyon sa mga Pundamental na Problema

Talasalitaan

Ang paglalabas ng ikatlong edisyong ito ng Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP) ay bahagi ng napapanahong mga pagtugon sa patuloy na pagpapalaganap, pagpapasigla at pagpapaunlad ng rebolusyonaryong gawain sa edukasyong pampulitika ng pambansa-demokratikong kilusan. Itinuturing ang MKLRP bilang pinakabatayan at unang kursong masang pinag-aaralan mula sa kurikulum ng Pambansa Demokratikong Paaralan o PADEPA. Samantalang masaklaw nitong inilalahad ang pundamental na kalagayan at katangian ng lipunang Pilipino at ang demokratikong rebolusyong bayan, inilalatag rin nito ang pangkalahatang konteksto at batayan ng pagaaral sa iba pang kasunod na maiikling kurso tulad ng sa kilusang magsasaka, kilusang kabataan at kilusang kababaihan.

Sa praktikal na pagtupad ng MKLRP sa makabuluhang papel nito sa kabuuang balangkas ng sistematikong edukasyong pampulitika, napakahalaga ng mga pagsisikap tungo sa tuluy-tuloy na pagsisinop nito. Mahalaga na sa tuwina’y maagap na makasabay ang kurso sa pagsasalarawan sa pinakahuling mga pangkasaysayang kaganapan at tunguhin sa lipunan at rebolusyong Pilipino. Kaugnay nito, idinadagdag pangunahin sa edisyong ito ang mga sumusunod:

ilang susog kaugnay ng mayor na mga patakaran ng nagdaang mga rehimen nina Aquino at Ramos;

mga seksyon hinggil sa pinatalsik na rehimeng Estrada at sa kasalukuyang rehimeng Macapagal-Arroyo;

mga bagong datos sa ibayo pang pagpapatunay at pagpapatingkad sa pagsusuri hinggil sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino, kasama na ang bagong mga termino sa talasalitaan;

at ang punto hinggil sa nasyunalisasyon sa lupa bilang bahagi ng tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan sa larangan ng ekonomya.

Liban sa nabanggit na mga pagdaragdag, kininis din sa kasalukuyang edisyon ang pormulasyon ng ilang konsepto at pangungusap. Gayundin, nilinis ang ilang kamaliang tipograpikal mula sa ikalawang edisyon. Samantala, sinikap pang paramihin ang mga ilustrasyon at paunlarin ang gayak o lay-out ng aklat bilang anyaya at agapay sa mga mambabasa, laluna ang mula sa hanay ng uring anakpawis.

Basahin natin at pakahalagahan ang MKLRP. Pag-aralan natin ang lipunan at rebolusyong Pilipino at ituro ito sa pinakamalawak na masa ng sambayanan.

Pambansang Kagawaran sa Edukasyon
Paaralang Primarya ng Partido
Marso, 2005

Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon

Inilalathala ang ikalawang edisyon ng Maikling Kusro sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP) bilang ambag sa kasalukuyang kabuuang diin sa pagrekober, pagpapalawak at pagkokonsolida sa baseng masa ng rebolusyon laluna sa hanay ng masang anakpawis. Ang kapabayaan sa gawaing masa sa nakaraan ay nangahulugan din ng malaking kapabayaan sa sistematikong edukasyong pampulitika. Kahit sa rurok ng lawak at lakas na inabot ng organisadong baseng masa ng rebolusyon sa kanayunan at kalunsuran noong 1985, di-hamak na malayong nahuhuli ang edukasyong pampulitika.

Sa muling pagpaparami ng mga teksto ng kursong masa para sa pagpapalaganap at pagpapasigla ng edukasyong pampulitika, minabuti ng Paked-Pangkahatang Kalihiman na amyendahan na rin ang dating mga teksto ng mga kursong masa.

Sa ikalawang edisyon ng MKLRP pansinin ang sumusunod na mga pagbabago:

Binago ang pagkakasunud-sunod ng mayor na mga bahagi ng kurso. Inuna ang pagtalakay sa kasaysayan ng Pilipinas kaysa sa pagtalakay sa tatlong saligang suliranin ng sambayanang Pilipino. Sa gayon, agad nang nailalatag ang istorikong ugat ng tatlong saligang suliranin ng sambayanang Pilipino.

Idinagdag ang seksyon tungkol sa pagbagsak ng diktadurang Marcos at ang mga seksyon tungkol sa rehimeng Aquino at kasalukuyang rehimeng Ramos. Ginamit na rin ang pinakahuling mga datos tungkol sa kalagayan ng lipunang Pilipino.

Binuo ang seksyon sa pagtalakay sa mga uri sa bahaging Demokratikong Rebolusyong Bayan.

Ginawang mas malinaw ang ilang pormulasyon at presentasyon ng sagot sa ilang mga tanong.

Nagpalawig sa ilang bahagi ng Demokratikong Rebolusyong Bayan Ang MKLRP ay makatatayo bilang nagsasariling kurso sa pag-aaral.

Kaalinsabay, dinisenyo ito bilang bahagi ng kurikulum sa sistematikong edukasyong pampulitika na kinapapalooban ng iba pang maiikling kurso para sa mga rebolusyonaryong pwersa. Bilang bahagi ng kurikulum sa sistematikong edukasyong pampulitika, ang MKLRP ay dapat ibigay nang una sa iba pang maiikling kurso. Dahil pinapaksa nito ang kabuuang kalagayan ng lipunang Pilipino at ang demokratikong rebolusyong bayan agad na nailalatag nito ang kabuuang konteksto at batayan ng pag-aaral sa iba pang kasunod na maiikling mga kurso sa pag-aaral tulad ng maikling kurso para sa kilusang magsasaka, kilusang kabataan, kilusang kababaihan at iba pa. Kung mauunang pag-aralan ang MKLRP kaysa sa iba pang maiikling kurso maiiwasan ang tendensyang kumitid sa partikular na konteksto lamang ang pag-aaral sa mga kurso para sa mga sektoral na kilusan.

Mainam na isanib sa pag-aaral sa MKLRP ang pag-aaral sa Isinalarawang Lipunan at Rebolusyong Pilipino upang masuplementuhan ng biswal at pagaanin ang pag-aaral, laluna sa hanay ng masang anakpawis.

Patuloy nating paunlarin ang kurso. Sa proseso ng pagdaraos ng mga pag-aaral, mas makikita natin kung paano higit pang maiaangkop ito sa kalagayan at mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Kailangang kolektibong matasa ang bawat pag-aaral, at pana-panahong malagom ang karanasan dito. Hinihiling namin ang mga obserbasyon, puna at mungkahi ng mga mambabasa, mag-aaral at instruktor.

Pambansang Kagawaran sa Edukasyon
Pangkalahatang Kalihiman
Abril 1996

Paunang Salita sa Unang Edisyon

Ang Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino ay naglilinaw sa kalagayan ng Pilipinas at mamamayang Pilipino, tatlong pundamental na problema ng lipunang Pilipino, kasaysayan ng sambayanang Pilipino, at demokratikong rebolusyong bayan. Sinasagot nito ang mga kwestyong: Ano ang kalagayan at mga problema ng sambayanang Pilipino?, Ano ang mga pinagmulan sa kasaysayan ng mga problemang ito?, at Paano natin babaguhin ang kasalukuyang lipunang Pilipino?

Ang kursong ito ang nagsisilbing pangkalahatang kursong masa at pinag-aaralan bago o pagkatapos ng espesyal na kursong masa. Tinatalakay ng espesyal na kursong masa ang mga problemang partikular sa uri o sektor na ating inoorganisa, ang kasaysayan ng at rebolusyonaryong solusyon sa mga problemang ito. Layunin naman ng pangkalahatang kursong masa ang pagpapalawak at higit na pagpapalalim sa kamulatang pampulitika ng masang kasapian ng Bagong Hukbong Bayan, mga organisasyon masa, at mga grupong lihim. Ang kursong ito ay makatatayo nang nag-iisa para sa kolektibo at indibidwal na pag-aaral. Magagamit din itong gabay ng mga namumuno sa edukasyong masa. Mapag-aaralan ito sa apat hanggang anim na sesyon na tigalawang oras.Para maging masigla at buhay ang pag-aaral, dapat mahigpit na iugnay ito sa mga karanasan at kapaligiran ng mga mag-aaral. Nilagyan ng ilustrasyon ang mga piling bahagi para ang kurso ay higit na mapasimple at higit na madaling maintidihan.

Pambansang Kawanihan sa Instruksyon
Abril 1980

Pambungad

Sa rebolusyonaryong kilusang masa, malakas ang kahilingan ngayon para sa isang praymer na nagbabalangkas sa mas simpleng anyo sa nilalaman ng pangkalahatang kursong masa. Ito’y senyal at resulta ng mabilis na paglawak ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa at pagtaas ng antas ng mga pakikibakang masa sa kanayunan at kalunsuran. Kailangang paunlarin ang ating sistema ng pagbibigay sa masa ng edukasyong pampulitika. Dapat tayong magpakahusay sa sistematiko’t mabilis na pagpapaunawa sa malawak na masa ng mga saligang layunin at prinsipyo ng rebolusyong Pilipino. Pagkumbinasyunin natin ang malawakang pamamahagi ng mga praymer at ang direktang paggabay ng mga kadre ng Partido at hukbong bayan para mapasigla ang inisyatiba ng pinakamaraming aktibistang masa sa pangunguna sa kolektibo at indibidwal na pag-aaral.

Ang pagpapaunlad sa edukasyong pulitikal ng masa ay isang mahalagang rekisito sa pagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusang masa at pagsulong sa mas malalaking rebolusyonaryong pakikibaka. Kung mabibigyan sila ng saligan at kumprehensibong kaalamang pulitikal, ang rebolusyonaryong masa ay higit na makapagkukusa at aktibong lalahok sa mga pakikibaka’t gawain sa rebolusyon. Higit na magiging makabuluhan ang pag-aaral nila sa mga rebolusyonaryong babasahin at mga publikasyon ng Partido, at mas mabilis silang makasusulong sa mas maunlad pang aralin sa rebolusyon.

Inilalathala ang praymer na ito bilang ambag sa pagpapaunlad sa ating edukasyong masa. Ito ay ibinase sa pag-aaral sa ipinatutupad nang pangkalahatang kursong masa sa iba’t ibang lugar. May ilang mahalagang pagbabago na ipinasok dito. Kung ikukumpara sa karamihan ng ipinatutupad nang pangkalahatang kursong masa, mas malaking pansin ang ibinibigay ng praymer na ito sa pag-aaral sa kasaysayan. Siguro iniiwasan ng ibang kurso ang paghaba ng pag-aaral. Pero dahil mahalaga ito para sapat na maunawaan ang lipunan at rebolusyong Pilipino, idinagdag ang hiwalay na bahagi tungkol sa kasaysayan, kahit humaba nang bahagya ang kurso. Isa pang pagkakaiba ang pagtrato sa namumunong papel ng Partido. Hindi malayong sadyang iniiwasan ang tuwiran o sapat na pagtalakay sa bagay na ito dahil sa anti-komunistang propaganda ng kaaway. Pero dahil sa pag-iwas sa usaping ito, hindi rin sapat na naililinaw ang pundamental na mga prinsipyo ng rebolusyong Pilipino.

Dapat sapat na malinaw na talakayin sa masa ang namumunong papel ng Partido sa rebolusyon. Pagkatapos ng mahigit isang dekada sapul ng muling pagtatatag, alam na ng karamihang mamamayan na ang Partido ang namumuno sa rebolusyonaryong kilusan sa malawak na bahagi ng kanayunan at kalunsuran. Ang kaaway pa nga ang isa sa aktibong nagpapakalat sa katotohanang ito, sa layuning pigilin ang masa sa pagsuporta at paglahok sa rebolusyon. Ang patuloy at masiglang paglawak at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan ang pinakamalinaw na palatandaang bigo ang kaaway sa kanyang propagandang anti-komunista. Kinikilala ng malawak na masa ang pamumuno ng Partido at interesado silang higit pang maunawaan ang katangian at mga layunin nito.

Iminumungkahi naming palaganapin ang praymer na ito sa rebolusyonaryong kilusang masa sa kanayunan at kalunsuran. Pinakamabuti rin na sa pag-aaral nito ay masunod ang kabuuang balangkas at matalakay ang lahat ng mahahalagang punto. Pero kung sa ilang lugar ay may malaking dahilan para gumawa ng mga pagbabago sa presentasyon, pwedeng magkusa na ang mga kinauukulang organo o yunit.

Tulad sa ibang mga babasahing ipinamamahagi natin, nais naming kunin ang mga puna at mungkahi ng mga kasama para mapaunlad pa ang praymer.

Komisyon sa Edukasyon at Propaganda
1980

I. MAYAMAN ANG PILIPINAS PERO NAGHIHIRAP ANG SAMBAYANANG PILIPINO

A. ANG BAYANG PILIPINAS AT MAMAMAYANG PILIPINO

1. Anu-ano ang mga katangian ng Pilipinas?

Ang Pilipinas ay isang kapuluang may klimang tropikal at mabundok na kalupaan. Mayroon itong 30 milyong ektaryang sukat ng lupain. Binubuo ito ng 7,100 pulo. Tatlo rito ang malalaking grupo ng mga pulo: Luzon, Visayas at Mindanao.

Ang Pilipinas ay nasa Timog-Silangang Asya. Napapaligiran ito ng Karagatang Pasipiko, Dagat Tsina at Dagat Celebes. Nasa bandang hilaga nito ang Tsina at bandang timog naman ang Indonesia at Hilagang Borneo. (Tingnan ang mapa.)

Ang populasyon ng Pilipinas ay 82 milyon noong 2003. Pitumput limang porsyento (75%) ang naninirahan sa kanayunan at 25% ang nasa kalunsuran.

May ilang lahing pinagmulan ang mga Pilipino. Pangunahin sa mga ito ang lahing Malayo. Makabuluhang ambag sa makalahing komposisyon ng mamamayan ang Indones at Tsino. Mayroon ding halong mga lahing Arabe, Indian, Espanyol, Amerikano at Negrito, pero maliit na porsyento lamang ang mga ito.

Pambansang minorya ang di bababa sa 14% ng populasyon. Kabilang sa kanila ang mga unang nanirahan sa kapuluan sa loob ng ilampung libong taon bago dumating ang mga kolonyalistang Espanyol. Hanggang nitong ilampung taong nagdaan, sila ang naninirahan sa mas malaking bahagi ng kapuluan bago sila itinaboy at inapi ng mga mang-aagaw ng lupa.
Mahigit 100 lenggwahe at diyalekto ang sinasalita ng mga mamamayan. Ang limang lenggwaheng sinasalita ng nakararami ay Tagalog, Cebuano, Iloko, Hiligaynon at Waray. Ang Tagalog ang pangunahing basihan ng pambansang wika. Sinasalita ito ngayon ng mamamayan sa ibat ibang katatasan.

2. Anu-ano ang likas na yaman ng Pilipinas?

Sagana sa likas na yaman ang Pilipinas. Dahil sa mga kabundukan na karamihay dating bulkan, sa maraming ilog at sa klimang tropikal, matabang-mataba ang lupaing pang-agrikultura ng Pilipinas. Bagay ito sa maraming klase ng pananim na makakain tulad ng palay, mais, gulay, prutas at halamang-ugat, at iyong magagamit sa industriya tulad ng abaka, goma, niyog, tubo at iba pa.

Malawak ang kagubatan ng Pilipinas. Sagana ito sa mga kahoy at iba pang yamang-gubat na magagamit sa ibat ibang pangangailangan ng mamamayan.

Sa mga kabundukan at kapatagan, makukuha ang maraming mineral tulad ng ginto, tanso, langis, pilak, karbon, bauxite, uranyum at nikel. Sapat ang mga ito para makapagsarili ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng mga industriya.

Sagana sa isda at iba pang yaman ang mga ilog, lawa, look at dagat. Maaaring kontrolin ang prinsipal na mga ilog para mapatubigan ang mga sakahan at mabigyan ng kuryente ang bawat parte ng bayan. Ginagamit din para sa transportasyon ang mga ilog, lawa, look at dagat. Marami ring mahuhusay na daungan ang Pilipinas.

Kung ang mamamayang Pilipino mismo ang gagamit at lilinang sa likas na yaman ng Pilipinas para sa sariling pakinabang, sobra-sobra pa ito para sustinihin ang populasyong makailang beses ang laki kaysa kasalukuyan. Gayunman, ang mamamayang Pilipino ay pinipigilan ng imperyalismong United States, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo na gamitin ang likas na yaman ng Pilipinas para sa sariling bentahe. Sa ngayon, ang likas na yamang ito ay nililinang ng imperyalismong US at lahat ng alipuris nito para sa sarili nilang ganansya at ayon sa makikitid nilang pakana na nakapipinsala sa masang anakpawis.

B. NAHAHATI SA IILANG NAGHAHARING URI AT NAKARARAMING PINAGSASAMANTALAHAN AT INAAPI ANG LIPUNANG PILIPINO

1. Sinu-sino ang kumokontrol at nagpapasasa sa yaman ng Pilipinas?

Ang kumokontrol at nagpapasasa sa yaman ng bayan ay ang imperyalistang US at iba pang dayuhang imperyalista, at ang kasabwat nilang lokal na mga naghaharing uri na malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa. Isang porsyento (1%) lamang sila ng populasyon ng Pilipinas.

Sila ang lubos na nakikinabang sa likas na yaman ng bayan, sa pwersang paggawa at sa likhang yaman ng mamamayang Pilipino. Kontrolado nila ang reaksyunaryong gubyerno at reaksyunaryong armadong pwersa sa Pilipinas. Sila ang mga naghaharing uri na nang-aapi at nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.

2. Ano ang kalagayan ng sambayanang Pilipino?

Binubuo ang sambayanang Pilipino ng mga manggagawa, magsasaka, mala-proletaryado, petiburgesya at pambansang burgesya. Binubuo nila ang 99% ng populasyon ng Pilipinas.

Ang sambayanang Pilipino ay isang makapangyarihang pwersa para sa pag-unlad. May angkin silang lakas at talino para magpakahusay sa ibat ibang larangan ng gawain sa lipunan at may dakilang tradisyon ng magiting na paglaban sa dayuhan at lokal na pagsasamantala at pang-aapi. Kaya nilang magtayo ng lipunang nagkakaisa, makatarungan at maunlad.

Sa lakas at talino ng sambayanang Pilipino, naipundar ang malawak na agrikultura, mga pabrika, minahan, transportasyon at komunikasyon na bumubuhay sa lipunan. Dapat sanay sila ang nagtatamasa sa mga biyaya ng mga ito. Pero sila ang naghihirap at matinding pinagsasamantalahan at inaapi ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri.

Pinipiga ng iilang imperyalistang dayuhan at mga lokal na naghaharing uri ang lakas at talino ng mamamayan para sa kanilang pakinabang. Kaya, mayaman man ang Pilipinas, dumaranas ng sobrang kahirapan ang sambayanang Pilipino.

Naghihirap ang mga manggagawa dahil wala silang pag-aaring mga kagamitan sa produksyon at nagbebenta ng kanilang lakaspaggawa upang lumikha ng tubo para sa mga kapitalista kapalit ng napakababang sahod, di makataong kalagayan sa paggawa at kawalan ng seguridad sa trabaho. Pinagsasamantalahan sila ng mga kapitalistang dayuhan at lokal.

Ang mga magsasaka, na ang mayorya ay wala o kulang ang lupa ay inaapi at pinagsasamantalahan ng luma at bagong tipong mga panginoong maylupa. Pasanin nila ang mataas na upa sa lupa, mababang sahod at usura. Patuloy silang inaagawan ng lupa ng mga panginoong maylupa, burukratang kapitalista at korporasyong dayuhan. Marami sa kanila, laluna ang saray ng maralita at mababang panggitnang magsasaka ay napipilitang magbenta ng kanilang lakas-paggawa sa isang takda o mahabahabang panahon para sa kanilang ikabubuhay. Sila ang malaproletaryado sa kanayunan.

Bukod sa malaproletaryado sa kanayunan, may iba pang seksyon ng malaproletaryado na bumubuo ng malaki-laking parte ng populasyon. Pinakamarami sa kanila ang mga maralitang mangingisda at yaong mga nasa kabayanan at kalunsuran tulad ng mga kargador, karpintero, kantero, katulong sa tindahan, drayber sa traysikel, maglalako at iba pang wala ring sapat na kagamitan sa produksyon. Dahil sa malakolonyal at malapyudal na kondisyon, hindi sapat ang kanilang sahod, hindi regular at kulang ang kanilang kita, at wala silang tiyak na trabaho.

Dumadausdos naman ang kabuhayan ng petiburgesya. Pababa nang pababa ang tunay na halaga ng maliit nilang kita. Namemeligro ang seguridad nila sa trabaho. Bumabagsak din ang maliliit nilang negosyo dahil sa taas ng interes sa utang, taas ng buwis, at mga kabulukan sa burukrasya.

Ginigipit ang pambansang burgesya ng malalaking kapitalistang dayuhan na nagtatambak ng yaring produkto sa Pilipinas at nagmamanipula sa mga saligang patakaran ng reaksyunaryong gubyerno kaugnay ng ekonomya, pananalapi, taripa at pagbubuwis at lokal na pagbebenta ng mga kalakal. Nasasagkaan din ng pyudalismo ang kanilang pagnanais na paunlarin ang kapitalistang produksyon. Dahil sa mga ito, may panganib at nangangamba silang mabangkrap. Nauunsyami ang kanilang ambisyong maging malaking burgesya at magtayo ng estadong kapitalista sa ilalim ng paghahari ng uri nila.

II. ANG KASAYSAYAN NG PILIPINAS AY KASAYSAYAN NG TUNGGALIAN NG IILANG NAGHAHARING URI AT NG MALAWAK NA MASANG INAAPI AT PINAGSASAMANTALAHAN

Ang kasaysayan ng Pilipinas, higit sa anuman, ay kasaysayan ng sambayanang Pilipino at ng kanilang magiting na pakikibaka laban sa dayuhan at lokal na mapagsamantala at mapang-api.

Sa pag-aaral ng kasaysayan, mauunawaan natin ang tunay na ugat ng ilang dantaong kahirapan ng sambayanang Pilipino – ang paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Sa pag-aaral ng kasaysayan, lalo nating lilinawin ang batayan ng patuloy na pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

A. Ang Paglaganap ng Pyudalismo sa Buong Pilipinas at ang Paglaban Dito ng Sambayanan

1. Ano ang kalagayan ng lipunang Pilipino bago dumating ang mga kolonyalistang Espanyol?

Bago sakupin ng kolonyalistang Espanyol ang Pilipinas, may batayan na para patuloy na umunlad ang lipunang Pilipino. Sa loob ng Pilipinas noon, laganap nang nagsasaka ang mga naninirahan sa malaking bahagi ng kapuluan. Marunong silang maghabi ng tela, magtroso, magmina at gumawa ng simpleng mga kasangkapang metal, porselana, at iba pa. May sarili silang panitikan. At may pakikipagkalakalan na sila sa mga katabing-bayan.

Sa panahong ito, may umiiral na tatlong sistema ng lipunan sa Pilipinas: mala-alipin at malakomunal, pyudal at primitibong komunal.

a. Ang sistemang mala-alipin at malakomunal.

Ito ang pinakalaganap na sistema ng lipunan sa kapuluan bago dumating ang kolonyalistang Espanyol. Umiral ang sistemang ito sa mga barangay. Bawat barangay ay may ilandaang katao at tiyak na teritoryo.

Sa mga barangay, may dalawang anyo ng pag-aari sa lupa. Una ang pribadong pag-aari ng mga raha at datu na pinuno ng mga barangay, ng pamilya nila at ng mga maharlika o malayang mamamayan. Ikalawa, ang komunal na pag-aari na pinamamahalaan ng raha at datu sa ngalan ng buong barangay. May mga timawang nagsasaka sa mga lupa ng mga naghahari at maharlika. Nagbabayad ng upa sa lupa ang mga timawa. Mayroon ding mga alipin na nagtatrabaho nang walang tiyak na hati sa ani.

Ang mga maharlika ay gumaganap ng espesyal na serbisyo sa mga naghahari ngunit may mga pagkakataong nagsasaka rin sila.

b. Ang pyudal na sistema

Bago ang panahon ng Espanyol, ang pyudal na sistema ang pinakamaunlad na sistema ng lipunan sa Pilipinas. Umiral ito sa mga sultanatong Moro sa Mindanao at Sulu. Mas maraming tao at mas malaking teritoryo ang sakop ng bawat sultanato kaysa ng barangay.

Ang naghaharing uri ay binubuo ng mga sultan, datu at mga pamilya nila. Ang mga sultan ay nakapangingibabaw sa ilang datu. Sila ang namamahala sa mga lupang komunal bukod sa lupang pag-aari nila. Nangongolekta sila sa mga magsasaka ng upa sa lupa sa anyo ng buwis sa relihiyon. Pinagsisilbihan sila ng mga guro sa relihiyon, eskribyente at pinunong mandirigma.

k. Ang primitibong komunal na sistema

Ito ang pinakamababang anyo ng organisasyon ng lipunan. Umiral ito sa tribo ng mga Ita, Igorot, Ilongot, Mamanwa, Manobo at katulad na mga tribo.

Dito’y walang pribadong pag-aari sa lupa. Nabubuhay ang mga tao sa pamamagitan ng pangingisda, pangangalap ng pagkain at pangangaso sa gubat. Lahat ng makapagtatrabaho sa tribo ay sumasama sa paghahanap ng makakain at pinaghahatian ang nakakalap.

2. Bakit sinakop ng mga kolonyalistang Espanyol ang Pilipinas?

Isa nang malakas na kapangyarihan sa daigdig ang Espanya nang sakupin nito ang Pilipinas noong ika-16 na siglo. Nangingibabaw sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ang kapangyarihan ng hukbongdagat nito at may mga kolonya na ito sa Amerika Latina. Nasa rurok na noon ang sistemang pyudal sa Espanya. Tulak ng pagyabong ng merkantilismo at pag-usbong ng manupaktura sa Europa, lalong pinalawak ng Espanya ang pangongolonya.

Sinakop ng Espanya ang Pilipinas para gawing istasyon ng pakikipagkalakalan sa Tsina at kalapit na mga pook. Isa pang mahalagang dahilan ng pananakop ng kolonyalistang Espanyol ang makukuhang ginto at iba pang mamahaling metal. Interesado rin ito sa saganang pagkain at iba pang panustos sa pangangailangan ng mga kolonyalista na matatagpuan sa Pilipinas.

3. Paano nasakop ng mga kolonyalistang Espanyol ang Pilipinas?

Para sakupin ang Pilipinas, ginamit ng kolonyalismong Espanyol ang taktikang manghati at maghari. Sinamantala nito ang kawalan ng pagkakaisang pampulitika ng mga barangay. Nilansi ng mga kolonyalista ang ilang datu at ginamit sila para sakupin ang iba pa. Kaya, kahit iilandaang tropang Espanyol lamang ang ginamit sa simula, nasakop nila ang kalakhan ng Pilipinas. Ginamit ang kumbinasyong “krus at espada”. Sa pamamagitan ng panlalansi napayakap nila sa pananampalatayang Kristyano ang ilang barangay. Pagkatapos, ginamit ang dahas sa pagsupil sa mga lumalaban.

Ang mga sultanato sa Mindanao ay may sistema ng ekonomya at pagkakaisang pampulitika na mas mataas kaysa mga barangay. Ang mataas na antas ng pagkakaisang pampulitika at kahandaang lumaban ng mamamayan doon ang bumigo sa pananalakay ng mga Espanyol sa mga pamayanang Moro. Hindi rin epektibong nakontrol ng mga Espanyol ang mga mamamayan sa kabundukan tulad ng mga Igorot. Nagamit ng huli ang mga kabundukan para ipagtanggol ang kanilang kalayaan laban sa mga kolonyalistang Espanyol.

4. Paano pinalaganap ng mga kolonyalistang Espanyol ang pyudalismo sa Pilipinas?

Sa mahigit tatlundaang taong paghahari ng kolonyalismong Espanyol, ipinatupad ang dalawang pangunahing paraan para palaganapin at patatagin ang pyudalismo sa Pilipinas. Una, ang sistemang enkomyenda na sinimulan noong 1570 at, ikalawa, ang sistemang asyenda na ipinatupad noong huling bahagi ng ika-18 siglo.

a. Ang sistemang enkomyenda

Ang mga enkomyenda ay malalawak na lupaing ipinagkaloob ng haring Espanyol sa mga upisyal at ordeng relihiyoso sa kolonya. Kapalit ang mga ito ng serbisyo nila sa pagsakop sa Pilipinas. Ang enkomyenda ay binubuo ng pinagsama-samang nilupig na mga barangay, na naging mas malalaking yunit sa ekonomya at administrasyon. Dito, ipinatupad ang pyudalismo.

Layunin at tungkulin ng mga enkomyenda ang pagpapadali sa koleksyon ng buwis, pagpapatupad sa polo o sapilitang paggawa, at indoktrinasyon ng mamamayan sa Kristyanismo. Kinasangkapan ito para maagaw ng mga kolonyalista ang malalawak na lupain.

Inangkin ng mga kolonyalista ang mga sakahang matagal nang binubungkal. Pinagbayad ng upa sa lupa ang mga magsasaka rito. Lahat ng mga lupang di sinasaka ay itinuring na pag-aari ng haring Espanyol. Sapilitang pinagtrabaho ang mga magsasaka sa paghahawan ng mga gubat para palawakin ang lupaing mapapakinabangan ng mga kolonyalista. Pati ang mga dating maharlika ay bumagsak sa katayuang timawa.

Binuwag ang mga enkomyenda noong ika-17 siglo. Ipinalit ang mga probinsya bilang sistema ng administrasyon. Ginawa ito para pahigpitin ang pagpapatupad ng mga batas ng Espanya sa pag-aari ng lupa at para bawasan ang banggaan ng mga panginoong maylupang kleriko at sibil. Bunga nito, lalong tumindi ang pagsasamantala at ang pangangamkam ng lupa. Malawakan na noon ang pribadong pagmamay-ari ng mga kolonyalista sa lupa.

b. Ang sistemang asyenda

Pinalawak ng mga kolonyalistang Espanyol ang mga sakahan para sustentuhan ang kakainin at mga pangangailangan nila. Ang pinagkaabalahan ng mga kolonyalista ay ang Kalakalang Maynila-Acapulco. Ang kalakalang ito ay nakatuon sa pagbebenta sa Mexico ng mga produktong yari sa Tsina at ibang kalapit-bayan. Nagsimula itong malugi noong huling bahagi ng ika-18 siglo bunga ng kumpetisyon ng mga produkto ng mga pabrika sa Europa at ng pananalakay ng mga piratang Ingles sa mga barkong nagbibyahe sa Maynila at Mexico.

Sa kalagayang ito, sinimulan ang sistemang asyenda. Iniutos ang malawakang pagtatanim ng mga halamang ibebenta sa mga kapitalistang bayan. Ipinalaganap ang pagtatanim ng tabako, tubo, abaka, indigo at iba pa. Kasabay nito, binuksan ang mga daungan ng Pilipinas sa mga barko ng mga kapitalistang bayan sa Europa at ng United States. Para pabilisin ang daloy ng mga produkto mula sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan, itinayo ang mga riles ng tren, bagong daungan, bagong kalsada, at ang sistema ng komunikasyon. Dahil dito, lalong pinahigpit ang pagpapatupad ng pwersahang pagtatrabaho. Dumalas ang paghahakot sa malalaking bilang ng mamamayan para magtrabaho sa malalayong lugar.

Sa sistemang asyenda, lalong tumindi ang pagsasamantalang kolonyal at pyudal. Nagdikta ang mga Espanyol ng kota sa aanihing mga pananim para sa eksport. Pwersahan ding binili ang mga ito sa napakababang presyo. At mas malaking produktong sarplas ang kinuha sa mga magsasaka sa anyo ng buwis sa lupa at parte sa ani. Ginawang monopolyo ng gubyernong kolonyal ang pagbili sa mga pananim na ito. Lumubha ang pang-aagaw ng lupa dahil nais ng mga panginoong maylupa na makinabang nang husto sa pagbebenta ng mga pananim na komersyal.

Sa sistemang asyenda nagsimula ang sistemang kasamá. Ipinaupa ng mga prayle at upisyal na Espanyol ang mga asyenda sa mga asendero (lokal na panginoong maylupa). Ipinarsela sa mga sakahan ang lupa at ipinatrabaho sa mga magsasaka sa kundisyong hatian ng ani.

Isa pang resulta ng sistemang asyenda at ng pagsigla ng kalakalang panloob at panlabas ay ang paglitaw ng usbong ng uring manggagawang Pilipino. Lumitaw din ang usbong ng burgesyang Pilipino na binubuo ng mga komersyante at ng mga anak nilang nakapag-aral sa kolehiyo.

5. Paano napatagal ng mga kolonyalistang Espanyol ang paghahari nila sa Pilipinas?

Nagawa ng mga kolonyalistang Espanyol na patagalin ang paghahari nila sa Pilipinas sa loob ng mahigit tatlundaang taon.

Gumamit sila ng iba’t ibang paraan tulad ng:

a. Paggamit sa armadong pwersa para supilin ang mga Pilipino. Itinayo ng mga kolonyalista ang hukbong kolonyal. Pinalakas ito sa pamamagitan ng sapilitang pagrerekluta ng sundalong Pilipino. Ginamit ang hukbong ito para supilin ang pagtutol at paglaban ng mamamayan. Malupit na sinalakay ng hukbong kolonyal ang mga magsasakang nagaalsa sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Ginamit ang hukbong ito sa paulit-ulit na pagsalakay sa mga Moro sa Mindanao at sa mga Igorot sa bulubunduking Kordilyera.

b. Pagkontrol sa isipan ng mamamayan sa pamamagitan ng relihiyon. Winasak ng mga paring Espanyol ang dating pananampalataya ng mga mamamayan. Ipinalaganap ang Katolisismo. Isinubo sa mga mamamayan ang mga nobena, dasal at pamahiin para maluwag nilang matanggap ang paghahari at pang-a abuso ng mga kolonyalistang Espanyol. Itinanim sa isip ng mamamayan ang pikit-matang pagsunod at pag-aasal alipin.

Ang mga paring Espanyol mismo ay tuwirang humawak ng makapangyarihang mga pusisyon sa gubyernong kolonyal. Sa ganitong mga pusisyon, napagkumbinasyon nila ang kapangyarihan ng relihiyon at gubyerno para ipagtanggol ang paghahari ng Espanya at ang pangingibabaw ng mga ordeng relihiyoso.

k. Paggamit sa lokal na naghaharing uri. Binigyan ng mga kolonyalistang Espanyol ang dating mga raha at datu ng ilang kapangyarihan sa mga munisipyo’t barangay. Binigyan din sila ng ilang pribilehiyo tulad ng pangaangkin ng lupa at eksemsyon sa polo. Sa ganitong paraan, nakuha nila ang suporta ng dating mga raha at datu. Nagamit nila ito sa pagpapatupad ng paghaharing kolonyal sa mga barangay at munisipyo.

Ang mga lokal na papet na ito ang bumuo ng prinsipalya, ang grupo ng mga kabesa ng barangay at gubernadorsilyo. Sila ang naging kolektor ng buwis o cacique, tagahakot ng mga tao para sa polo, nangungunang tauhan ng Simbahan sa hanay ng mga Pilipino, katiwala sa mga lupa ng mga panginoong maylupang Espanyol, at nangungunang tagapuri ng mga kolonyalista.

6. Bago ang Rebolusyon ng 1896 paano nilabanan ng sambayanang Pilipino ang kolonyalismong Espanyol?

Sa buong panahon ng kolonyal na paghahari ng Espanya, sumiklab ang iba’t ibang pagbabangon laban sa buwis, sapilitang paggawa, monopolyo sa komersyo, napakataas na upa sa lupa, pangangamkam ng lupa, pagpapataw ng relihiyong Katoliko, mga palakad na di-makatwiran at iba pang kalupitan ng mga kolonyalistang Espanyol. Naganap ang di kukulangin sa 200 pagbabangon na iba’t iba ang itinagal at lawak na naabot. Sa mga ito, makikita ang pagkilala ng sambayanang Pilipino sa pangangailangan ng dahas at nagkakaisang pagkilos para ibagsak ang paghaharing Espanyol. Lumaganap at lumakas ang mga ito at lumikha ng isang dakilang rebolusyonaryong tradisyon sa sambayanang Pilipino.

Ilan sa mga tampok na pagbabangon ang sumusunod:

Ika-16 siglo:

a. Noong 1574, may 2,000 mandirigma ang nag-ipon sa Tondo upang itaboy ang mga Espanyol na kapapasok pa lamang sa Maynila. Ito ang tinatawag na pagbabangon ni Sulayman.

b. Noong 1574, namuno sa pagbabangon si Lakandula, ang raha ng Tondo upang itaboy ang mga kolonyalista. Kumalat hanggang Cavite ang pagbabangong ito. Pinatay ng mga nag-aalsa ang mga prayle at Espanyol na nadakip nila at sinunog ang mga simbahan. Pinalibutan ang Maynila ng libu-libong mandirigma. Sa bandang huli, nakipagkasundo si Lakandula sa mga Espanyol.

k. Noong 1596, namuno si Magalat sa pag-aalsa laban sa matataas na buwis at abuso ng mga enkomendero sa Cagayan. Ang iba’t ibang datu ng Tuguegarao ay sumali sa pagbabangong ito. Tumagal ng walong buwan bago nasugpo ang pagbabangong ito.

Ika-17 siglo:

a. Noong 1620, sinimulan ng mga Espanyol ang pagpapadala ng mga ekspedisyon sa Kordilyera para sakupin ang mga Igorot at maangkin ang mga mina ng ginto sa lugar. Pero paulit-ulit na nabigo ang mga ekspedisyong ito at hindi epektibong nakontrol ng mga Espanyol ang Kordilyera.

b. Pinamunuan ni Sumuroy ang pagbabangon sa Samar noong 1649-50. Pangunahing dahilan nito ang paghahakot sa mga magsasaka para sa paggawa ng barko sa Cavite. Kumalat ang pagbabangong ito hanggang sa Albay, Camarines Sur, Masbate, Cebu, Camiguin, Zamboanga, Hilagang Mindanao at Leyte. Sinunog ang lahat ng simbahan sa Samar at pinatay ang maraming prayle. Gayundin ang nangyari sa ibang lugar na sumunod sa pagbabangon sa Samar.

k. Noong 1660, naganap sa Pampanga ang pagbabangong pinamunuan ni Maniago. Sumiklab ito dulot ng malaking halagang di binabayaran ng kolonyal na gubyerno para sa kinukulektang palay at sa masamang kundisyon sa polo sa pagpuputol ng troso sa Pampanga at Bataan. Nanawagan ito ng pagtataboy sa mga kolonyalista. Nasugpo ang pagbabangong ito nang bigyan ng amnestiya ang mga nag-alsa at binayaran ang isang bahagi ng utang ng kolonyal na gubyerno.

d. Noong taon ding iyon, nag-alsa ang mamamayan sa Pangasinan, sa pamumuno ni Malong. Ang mga hinaing nila ay katulad ng sa pagbabangong pinamunuan ni Maniago. Nagpadala si Malong ng pwersa sa Ilocos, Cagayan at Pampanga para itayo doon ang kapangyarihan niya bilang hari. Natalo ang pagbabangong ito ng ekspedisyon ng mga Espanyol.

e. Sa pamumuno ni Almazan, nag-alsa sa Ilocos bilang tugon sa panawagan ni Malong. Sa bandang huli, nadurog ang pagbabangong ito at napatay si Almazan.

Ika-18 siglo:

a. Ang pagbabangon sa Bohol na pinamunuan ni Dagohoy ang pinakamatagal. Mula 1744 hanggang 1829, naitaboy ng mga nag-alsa ang mga Espanyol sa malaking bahagi ng Bohol. Umabot sa 20,000 ang lakas nila at nakapagtayo ng nagsasariling gubyerno sa mga base sa kabundukan.

b. Halos sabay na pumutok ang pagbabangon sa Pangasinan na pinamunuan ni Palaris at ang pagbabangon sa Ilocos na pinamunuan ni Silang. Ang una ay tumagal mula 1762-64 at ang ikalawa ay mula 1762-63. Ang pagbabangong pinamunuan ni Silang ay umabot hanggang Pangasinan at Cagayan. Kapwa pinamunuan ng mga kabilang sa prinsipalya ang mga pagbabangong ito. Ang mga ito’y itinulak ng napakataas na buwis at ng pang-aabuso ng mga prayle at kolonyal na upisyales. Ipinanawagan ng nagsialsa ang pagpapatalsik sa mga prayle at upisyales na Espanyol sa mga nabanggit na probinsya.

k. Noong 1745, pumutok ang pag-aalsa sa Batangas, na pinamunuan ni Matienza. Resulta ito ng arbitraryong pagpapalawak ng mga Heswita sa mga asyenda at ng pagtataas ng upa sa lupa.

d. Noong taong 1745 rin pumutok ang mga pag-aalsa sa maraming bahagi ng Maynila, Rizal, Cavite at Bulacan, dahil sa pangangamkam ng mga prayle ng lupa at pagtataas ng upa sa lupa. Sa mga pagbabangong ito, sinalakay ng mga magsasaka ang mga asyenda, sinunog ang mga bahay ng mga prayle, pinatay ang mga katiwala na karamiha’y Tsino, at lumaban sa mga tropang Espanyol.

Marahas na sinupil at sinugpo ng mga kolonyalistang Espanyol ang mga pagbabangon ng mamamayan. Sapilitang pinagsundalo ang maraming Pilipino para ipanlaban sa mga armadong nag-aalsa.

7. Anong mga kilusan ang inilunsad ng mga ilustrado laban sa mga kolonyalistang Espanyol?

Ang mga ilustrado ay mga Pilipinong nakapag-aral sa mga kolehiyo sa loob o labas ng Pilipinas. Sa pagtindi ng pagsasamantalang kolonyal at pyudal, tinamaan ang interes ng mga magulang nilang komersyante at prinsipales. Naging biktima ang mga maykayang Pilipino ng pangangamkam ng lupa, pagpapatalsik sa bilang katiwala sa mga asyenda, mabibigat na buwis at iba pang abuso ng mga kolonyalista. Naging tampulan din ang mga ilustrado ng paghamak ng mga Espanyol na kaklase at guro nila.

Unang sistematikong kilusang inilunsad ng mga ilustrado para atakehin ang paghahari ng mga Espanyol ang kilusang sekularisasyon sa hanay ng mga kleriko. Hiningi ng mga paring Pilipino ang pagpapatalsik sa mga ordeng relihiyoso mula sa mga parokya.

Nang mag-alsa noong 1872 ang mga manggagawa sa Cavite, pinaratangang kasabwat sa pag-aalsa ang mga pinuno ng kilusang sekularisasyon na sina Padre Gomez, Burgos at Zamora. Ginarote sila kahit nagmamakaawang wala silang kasalanan.

Ikalawang kilusan ng mga ilustrado ang Kilusang Propaganda. Inilunsad ito ng mga ilustradong pumunta sa Espanya para magaral at mangampanya ng mga reporma sa Pilipinas. Hiniling nila sa gubyerno ng Espanya na gawing regular na probinsya ng Espanya ang Pilipinas, bigyan ito ng representasyon sa parlamentong Espanyol at ipatupad sa bayan ang mga probisyon ng Konstitusyon ng Espanya sa mga karapatang sibil. Pinangunahan ang kilusang ito nina Jose Rizal, Marcelo del Pilar, Graciano Lopez Jaena, Juan at Antonio Luna. Nabigo ang kilusang ito ng mga ilustrado.

Umuwi si Rizal sa Pilipinas para ipagpatuloy ang pagpopropaganda. Itinayo niya ang La Liga Filipina at nanawagan sa mga Pilipino na tumindig bilang isang bansa. Pero, hindi siya nanawagan ng paghiwalay sa Espanya. Bago siya binaril sa Luneta, ipinagkanulo niya ang armadong pagbabangon ng mamamayan nang manawagan siya sa mamamayan na magsalong ng sandata.

Limitado ang kilusan na pinamunuan ng mga ilustrado sa paghingi ng mga reporma sa ilalim ng kolonyal na paghaharing Espanyol. Hindi rin ito nag-organisa ng isang kilusan sa hanay ng masang anakpawis. Dahil ang mga pinuno nito ay galing sa maykayang uring ilustrado, ang pangunahing layunin nila ay matiyak ang partisipasyon ng kanilang uri sa pampulitikang paghahari at ang mas malaking parte sa mga pakinabang na pangekonomya. Gayunman, nakatulong ang mga ito sa pagpapalaganap ng nasyunalismo at sa paghahanda ng isip ng mga Pilipino para sa pagsiklab ng Rebolusyon ng 1896.

8. Ano ang Rebolusyong Pilipino ng 1896?

Ang Rebolusyong Pilipino ng 1896 ay ang armadong paglaban na inilunsad ng sambayanang Pilipino para ibagsak ang kolonyal at pyudal na paghahari ng mga Espanyol. Ipinaglaban nito ang soberanya ng bansang Pilipino, ang kalayaang sibil, ang pagkumpiska sa mga asyenda ng mga prayle para ipamahagi sa mga magsasaka at ang paghihiwalay ng estado sa Simbahan.

Ang Rebolusyong 1896 ay sinimulan ng Katipunan sa pamumuno ni Andres Bonifacio. Naniniwala si Bonifacio na hindi reporma kundi rebolusyon ang tamang landas sa pagkakamit ng kalayaan ng Pilipinas. Mayorya ng kasapian nito ay galing sa mga manggagawa at magsasaka. Nakapagpalawak ito at nakaipon ng sapat na bilang ng mga kasapi para makapaglunsad sa buong bayan ng isang digma para sa pambansang pagpapalaya. Inihudyat ng Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 23, 1896 ang pagsisimula ng armadong paglaban sa mga kolonyalista.

Si Bonifacio ay kumuha ng inspirasyon sa mga demokratikong rebolusyon na pinamunuan ng burgesya sa Europa at Amerika. Ginabayan siya ng paninindigang nagtataguyod sa pagtatayo ng demokratikong republika at umaayon sa kapitalismo. Sa pagtindi ng pagsasamantala at pang-aaping kolonyal sa sambayanan, sumidhi rin ang pambansademokratikong hangarin ng malawak na masa ng mamamayan. Habang patinding inaapi, paigting naman ang palabang diwa ng mga pinaghaharian, laluna ng masang anakpawis, hanggang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino ng 1896.

Nang ilunsad ang Rebolusyong 1896 ay unti-unti nang humihina ang kapangyarihan ng Espanya. Natatalo ito sa pakikidigma sa mas malalakas na kapitalistang bayan tulad ng Britanya, Germany at Pransya. Sumusulong na rin ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan sa mga kolonyang Espanyol. Resulta nito, napilitan ang Espanya na buksan ang kanyang mga kolonya sa pagpasok ng mga bayang kapitalista na papalaki ang pangangailangan sa hilaw na materyales at mapagbebentahan ng yaring produkto.

Nang ipalaganap ang sistemang asyenda, ang pyudalismo sa Pilipinas ay ganap na umunlad at ang ekonomyang nakasasapat sa sarili ay unti-unti nang hinahalinhan ng ekonomyang nakabatay sa salapi. Ang lipunang Pilipino ay nagsimulang tumungo sa sistemang malapyudal mula sa pyudalismo. Sumigla ang produksyon ng kalakal at ang palitan. Sumibol ang binhi ng kapitalismo sa lipunang pyudal. Lumitaw din ang usbong ng bagong mga uri sa mas maunlad na sistema ng lipunan.

Malinaw na nagbinhi ang proletaryadong Pilipino noong ika-19 siglo. Sila ang mga manggagawa sa riles, bapor, daungan, asukarera, pabrika ng tabako’t sigarilyo, imprenta, distilerya, pandayan, bahay-kalakalan at iba pa. Nagmula sila sa maraming magsasaka na naagawan ng lupa at nabangkrap. Kabilang din sa kanila ang maraming artesano at tagayaring kamay na nawalan ng trabaho.

Kasabay ng paglitaw ng binhi ng proletaryado ay lumitaw din ang burgesyang Pilipino na binubuo noon ng mga kumprador at ilustrado. Ang lokal na uring kumprador ay pangunahing mga komersyanteng Tsino at mga pinunong papet na may sariling lupa o namumuwisan sa prayle.

Para paghusayin ang transportasyon at komunikasyon, pinuwersa ng mga kolonyalistang Espanyol ang parami nang paraming mamamayan na gumawa ng mga daan, tulay at pwerto. Sa kabilang banda, lumawak at humigpit ang ugnayan ng masang api. Lumakas ang panlabas at panloob na kalakalan.

9. Ano ang kinahinatnan ng Rebolusyong Pilipino ng 1896?

Pagkaraan ng Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 23,1896, umani ng maraming tagumpay ang sambayanang Pilipino. Lumawak ang kasapian ng Katipunan. Naitaboy mula sa maraming bahagi ng bayan ang mga kolonyalistang Espanyol, laluna sa Luzon.

Subalit noong 1897, inagaw ng mga ilustradong pinamumunuan ni Emilio Aguinaldo ang liderato ng Rebolusyon. Dinakip at pinatay si Bonifacio ng pamunuang Aguinaldo. Itinayo ang pamahalaang rebolusyonaryo pero dumanas ito ng sunudsunod na pagkatalo. Nalantad ang mapagkompromisong katangian ng uring ilustrado.

Sa taon ding iyon, nakipagkasundo sa mga Espanyol ang pamahalaang Aguinaldo. Kapalit ng P400,000, nanawagan sila sa mamamayan na tumigil sa paglaban at nagpatapon sila sa Hongkong. Ito ang Kasunduan ng Biak-na-Bato. Sumuko ang pamunuang Aguinaldo ngunit hindi ang sambayanang Pilipino. Ipinagpatuloy ng mamamayan ang rebolusyonaryong pakikibaka.

Samantala, nakipag-ugnayan kay Aguinaldo sa Hongkong ang mga ahente ng imperyalismong US para kasangkapanin siya sa balak na pag-agaw sa Pilipinas. Ibinalik ng mga Amerikano si Aguinaldo sa Cavite pagkaraang pasukin ng iskwadrong pandagat ni Dewey (admiral ng hukbong pandagat ng US) ang Look ng Maynila para lipulin ang plotang Espanyol.

Pagsiklab ng Digmaang Espanyol-Amerikano, sinamantala ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang magandang pagkakataon para paigtingin ang pakikibaka sa mga kolonyalistang Espanyol. Bumagsak ang paghahari ng Espanya sa buong kapuluan liban sa Intramuros at ilang di-mahalagang garison. Pero dahil sa panghihimasok at pananalakay ng imperyalismong US, hindi naganap ang pormal na pagsuko ng mga kolonyalistang Espanyol sa mga Pilipino. Ipinagkait sa mga rebolusyonaryong Pilipino ang tagumpay na dapat ay sa kanila. Makahayop na nilupig ng imperyalismong US ang sambayanang Pilipino at nagpatuloy ang kolonyal na katayuan ng Pilipinas.

B. Ang Kolonyal na Paghahari ng Imperyalismong US at ang Pakikibaka ng Sambayanang Pilipino

1. Bakit sinakop ng imperyalismong US ang Pilipinas?

Noong maagang bahagi ng ika-20 siglo, umabot na sa yugto ng monopolyo kapitalismo ang US. Para makapang-agaw ng mga kolonya, ginera ng US ang Espanya noong 1898.

Sinakop ng US ang Pilipinas dahil sagana ito sa likas na yaman at murang lakas-paggawa at mapagtatambakan ito ng sobrang produkto at kapital. Gusto ring gamitin ng US ang Pilipinas bilang base sa pakikipag-agawan sa iba pang imperyalistang kapangyarihan sa pagkontrol sa Tsina at iba pang bahagi ng Asya.

2. Paano sinakop ng imperyalismong US ang Pilipinas?

Para masakop ang Pilipinas prinsipal na ginamit ng imperyalismong US ang kontra-rebolusyonaryong dahas at segundaryo, ang panlilinlang.

Sa simula, nakialam ito sa mga usapin sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagkukunwang tutulong sa pamahalaang Aguinaldo sa pagtataboy sa kolonyalismong Espanyol. Kahit nasukol na ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang mga kolonyalistang Espanyol, nakumbinsi ng mga Amerikano ang pamahalaang Aguinaldo na patagalin ang huling dagok sa mga Espanyol. Sa gayon, nakapag-ipon ang imperyalistang US ng sapat na tropang ginamit para maagaw ang kredito sa pagpapasuko sa mga Espanyol at para ipanagupa sa mga Pilipino.

Lingid sa mga Pilipino, nakipagkasundo ang gubernadorheneral na Espanyol kay Admiral Dewey para sa isang kunwang labanan. Ginawa ito para may dahilang sumurender ang mga kolonyalistang Espanyol sa mga imperyalista, sa halip na sa mga Pilipino na noo’y nakapaligid sa Intramuros. Sa kung anu-anong dahilan, paulit-ulit na pinaurong ng mga pwersang Amerikano ang mga Pilipino mula sa kanilang pagkakakordon sa Intramuros. Noong Disyembre 10, 1898, lihim na nagpirmahan ang Espanya at US sa isang kasunduang nagkakaloob ng Pilipinas sa US kapalit ng halagang $20 milyon. Ang kasunduang ito’y ang Tratado ng Paris.

Habang nagdaragdag ng tropang panalakay sa Pilipinas sinimulan ng mga Amerikano ang madugong kampanya ng pagsakop sa Pilipinas noong 1899. Tumagal hanggang 1902 bago mapagpasyang naipanalo ng imperyalismong US ang digma ng pagsakop sa Pilipinas. Pero hanggang 1916, nagpatuloy sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan ang armadong paglaban sa bagong mga mananakop.

Sa Digmaang Pilipino-Amerikano(1899-1902) 126,468 tropa ng US ang pinakawalan laban sa pitong milyong mamamayang Pilipino. Hindi kukulangin sa 4,000 ang napatay sa mga dayuhang agresor at halos 3,000 ang nasugatan. Halos 200,000 namang Pilipinong pangkombat at di pangkombat ang napatay. Sa madaling sabi, sa bawat sundalo ng US na napatay, limampung (50) Pilipino naman ang napatay. Mahigit 250,000 Pilipino ang namatay na direkta at hindi direktang resulta ng mga labanan. Sa tantya pa nga ng isang heneral ng US ay aabot sa 600,000 ang napatay na Pilipino, o ika-anim na parte ng populasyon noon ng Luzon.

Malahalimaw na henosidyo o paglipol sa lahi ang ginawa ng mananakop na imperyalismong US. Nagsagawa sila ng sari-saring kalupitan tulad ng pagmasaker sa mga bihag at sibilyan, pagsasamantala sa kababaihan, panununog sa mga tahanan at ari-arian, pagpapahirap, pagsosona at pagkokonsentra ng mga mamamayan sa mga kampo. Aabot sa 1.5 milyong Pilipino ang pinatay ng imperyalismong US magmula 1899 hanggang sa pagtatapos ng kampanyang pasipikasyon noong 1913. Kasabay nito, sinamantala ng imperyalismong US ang mga kahinaan ng lideratong ilustrado ng pamahalaang Aguinaldo. Inakit nito ang mga palasuko sa liderato ng rebolusyon sa pamamagitan ng pangakong “kapayapaan,” “awtonomya” at “mapagpalang asimilasyon.”

Sa bawat munisipalidad na nasakop nila, nagdaos ang mga imperyalistang tropa ng eleksyong munisipal na nilahukan lamang ng mga kabilang sa lumang prinsipalya. Ipinwera sa mga papet na eleksyong ito ang masa na hindi nakakatugon sa mga rekisito sa ari-arian at sa kakayahang bumasa at sumulat. Ginamit ng mga mananakop ang mga eleksyon para ilayo sa rebolusyon ang mga kabilang sa prinsipalya. Ginawa nilang papet ang mga kasapi nito, tulad ng ginawa ng mga kolonyalistang Espanyol.

Nang sumuko sina Pedro Paterno at Felipe Buencamino (mga pangunahing upisyales ng gabinete ni Aguinaldo), agad silang ginamit para manawagan na sumurender ang lumalabang mamamayan. Sa panunulsol ng mga mananakop, laluna ng ahensya sa paniktik ng hukbo ng US, inorganisa ni Pardo de Tavera (dating upisyal ng gabinete ni Aguinaldo) ang Partido Federal noong 1900. Nangampanya ang partidong ito sa pagsasanib ng Pilipinas sa US.
Samantala, gumawa ng mga batas ang mga imperyalista na nagbabawal at nagtatakda ng parusa sa pagtataguyod ng pagsasarili ng Pilipinas.

3. Bakit at paano pinanatili ng imperyalismong US ang pyudalismo sa Pilipinas?

Pinanatili at pinalaganap pa ng imperyalismong US ang pyudalismo sa Pilipinas. Ginawa niya ito upang kunin ang suportang pampulitika ng mga panginoong maylupa, prinsipalya at mga taksil sa rebolusyon, tiyakin ang patuloy na suplay ng hilaw na materyales na mula sa mga pananim tulad ng tubo, niyog at abaka, gawing tiyak na pamilihan ang Pilipinas ng mga produktong imperyalista, at samantalahin ang murang lakas-paggawa.

Sa Tratado ng Paris noong 1898, pinalitan ng imperyalismong US ang kolonyalismong Espanyol bilang mananakop ng Pilipinas. Sa kasunduang ito, ginarantyahan ng mga bagong kolonyalista ang mga ari-arian at negosyong itinayo noong panahon ng mga Espanyol.

Para linlangin ang masang Pilipino, binili ng mga mananakop ang ilang asyenda ng mga prayle sa napakataas na halaga. Ang malaking bahagi ng mga ito ay inilaan sa mga taksil sa rebolusyon samantalang ang iba ay hinati sa maliliit na parsela at ibinenta sa mga magsasaka. Hindi nagtagal, ang karamihan ng mga nakatanggap ng maliliit na parsela ay napilitang magbenta ng lupa dahil hindi nila makayanan ang pagbabayad sa mga ito at nagkabaun-baon sila sa utang.
Sa maraming bahagi, ibinalik pa nga ng mga bagong mananakop ang lupang nakumpiska ng rebolusyonaryong masa sa mga panginoong may-lupang Espanyol.

Pinag-ibayo ng mga imperyalistang US ang paghakot ng mga pananim na pang-eksport. Lalong pinasigla at pinalaganap ang sistemang asyenda.

Noong 1902, nagpatupad ang mga mananakop ng batas sa pagrerehistro sa lupa. Noong 1907, nagpatupad ng batas sa pagsukat ng lupa. Sinamantala ito ng nangungunang mga tuta ng mananakop para mang-agaw ng lupa. Lumaganap ang pandaraya sa pagpapatitulo at pagsukat ng lupa.

Pinagtibay ang sunud-sunod na batas hinggil sa lupang publiko noong 1903, 1919 at 1929. Pinalabas na layunin ng mga ito na hikayatin ang mga magsasaka na makapag-ari ng lupang publiko sa pamamagitan ng homisted, pagbili o pag-upa. Sa katunayan, naging pantabing ito sa malawakang pag-angkin sa mga lupang publiko ng mga indibidwal at kapitalistang Amerikano, panginoong maylupa at burukrata. Pinapwesto ang mga magsasaka sa mga lupang publiko. Pinaghawan sila sa kagubatan at naging panangga ng mga panginoong maylupa laban sa mga dating naninirahan sa lugar na inagawan ng lupa.

Dala ng mabilis na pag-unlad ng kalakalan at paggamit ng pera, lalong naghirap ang mga magsasaka. Ang mga nabangkrap na may sariling sinasakang lupa ay napilitang magbenta ng kanilang lupa sa mga panginoong maylupa, komersyante-usurero at mayamang magsasaka. Nagpatuloy sa panahon ng mga Amerikano ang mga kasamaan ng panahon ng mga Espanyol.

4. Paano naging malapyudal ang lipunang Pilipino sa ilalim ng kolonyal na paghahari ng imperyalismong US?

Sa huling bahagi ng kolonyalismong Espanyol, nagsimulang maging malapyudal ang lipunang Pilipino. Nagsimula nang lumitaw ang mga binhi ng kapitalistang sektor sa ekonomya ng bayan. Ito’y nakatuon sa kalakalang panlabas at panloob. Ang pag-eeksport ng mga produktong agrikultural tulad ng abaka at asukal ay pinalakas ng pagtatayo sa Pilipinas ng mga kumpanya sa byaheng-dagat at komersyo, na pag-aari ng mga Amerikano at Europeong di Espanyol.

Nang sakupin ng imperyalismong US ang Pilipinas, pinagibayo nito ang paghakot ng hilaw na materyales. Pinaunlad nito nang mas mabilis ang ekonomyang nakabatay sa salapi na kumubabaw sa sistemang pyudal. Nagtayo ito ng mga asukarera, repinerya ng langis ng niyog, pabrika ng lubid, at mga minahan. Inumpisahan ang maliitang pagproseso ng hilaw na materyales. Lumaki ang bilang ng proletaryado o uring manggagawa.

Sa kabilang banda, nagtambak naman ito ng mga yaring produkto mula sa US. At para pahigpitin ang kontrol nito sa bayan at pabilisin ang daloy ng kalakalan, pinaunlad ng imperyalismong US ang sistema ng transportasyon at komunikasyon ng Pilipinas. Bunga ng mga ito, lumitaw ang malaking burgesyang kumprador na kasosyo at pangunahing katulong ng mga dayuhang monopolyong kapitalista sa pagkontrol sa kolonyal na kalakalan.

Sadyang limitado, tagibang at pasumpung-sumpong ang antas ng kapitalistang pag-unlad na ipinapahintulot ng interes ng mga imperyalista. Patuloy na kinupkop ang pyudalismo at uring panginoong maylupa na ipinailalim sa kapangyarihan ng malaking dayuhan at lokal na mga kapitalista.

Nabangkrap ang mga magsasakang may sariling sinasakang lupa at nawasak ang lokal na pagyayaring-kamay. Lalong napilitan ang mamamayan na bilhin ang mga imported na yaring kalakal at pangunahing magprodyus ng hilaw na materyales. Lubusang naagnas ang ekonomyang nakasasapat sa sarili. Lumitaw ang napakalaking reserbang pwersa sa paggawa na pangunahing nagmula sa uring magsasaka.

Ang mga pautang na kapital naman ay ginamit sa kalakalang panlabas at bilang pampuno sa mga depisit ng kalakalan, sa paglalabas ng tubong dolyar, at pagtustos sa pangangailangan ng kolonyal na gubyerno at negosyo.

Naglalakihang tubo ang nakuha ng mga korporasyong US sa mga kontrata sa obras publikas sa paggawa ng mga daan, tulay, pwerto, riles, telegrap at iba pang pasilidad sa transportasyon at komunikasyon. Lalong lumawak ang pamilihan para sa sasakyang demotor, makinarya at produkto ng langis mula sa US. Bumilis ang kolonyal na kalakalan at bumilis din ang paghakot ng mga tropang susupil sa mamamayan.

Taun-taon, lumaki ang yamang nililikha ng mga manggagawa at magsasaka. Pero dahil sa patuloy na pagpapatindi sa pagsasamantalang kolonyal, pyudal at malapyudal, lalo silang nabaon sa paghihikahos.

5. Paano pinanatili ng imperyalismong US ang kolonyal na paghahari nito sa Pilipinas?

Pinanatili ng imperyalismong US ang kolonyal na paghahari nito sa Pilipinas, pangunahin sa pamamagitan ng kontrarebolusyonaryong dahas at segundaryo sa pamamagitan ng panlilinlang.

a. Patuloy na pagpapalakas sa kolonyal na mga armadong pwersa kahit nahuli na si Aguinaldo at nadurog ang pamunuan ng rebolusyon.

Pinanatili ng US ang sariling armadong pwersa. Sistematiko ring inorganisa ang unang konstabularya. Malawakan silang ginamit sa pagsugpo sa mga nagpursiging rebolusyonaryong mandirigma sa Luzon at Visayas, at sa pagsupil sa Mindanao. Nang itayo ang papet na Komonwelt, ang unang batas na pinagtibay nito ay tungkol sa pagtatayo sa Philippine Constabulary bilang regular na hukbo sa ilalim ng Hukbong US. Ang ubod nito ay binuo ng mga Pilipinong nagsilbing mga bayarang sundalo ng imperyalismong US noong maagang bahagi ng pananakop nito sa Pilipinas.
Ginamit ang kolonyal na hukbong armado bilang pangunahing tagapagtanggol ng kolonyal na paghahari ng imperyalismong US.

b. Pag-aalaga at pagsasanay sa mga papet na kakatulungin sa pagpapatakbo ng gubyernong kolonyal habang tuwirang hinahawakan nito ang kapangyarihan sa bayan. Mula sa malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa, pumili ang imperyalismong US ng pangunahing mga ahenteng pulitiko. Sinanay ang mga ito bilang mga burukaratang kapitalista na nakikinabang sa mga nadarambong ng gubyernong kolonyal.

Sa maagang bahagi ng paghahari nito, umasa nang malaki ang mga mananakop sa serbisyo ng mga taksil sa rebolusyon. Kasunod na ginamit nito nang husto ang Partido Nacionalista na pinamunuan ni Sergio Osmeña. Nang marami na silang nasasanay na mga burukrata, sinimulan ng mga mananakop noong 1916 ang “Pilipinisasyon” ng gubyernong kolonyal. Ang karamihan sa mga pusisyong administratibo ay ipinasa sa maaasahang mga papet at itinayo ang Senado at Camara de Representantes ng Pilipinas. Sa panahong ito, si Manuel Quezon na ang pangunahing papet ng mga imperyalista.

Noong 1935, binuo ang papet na Komonwelt at idinaos ang Kumbensyon sa Konstitusyon. Bahagi ito ng pagsasanay para sa ipinangakong “kalayaan” ng Pilipinas.

Ang mga papet na pulitiko ay gumanap ng pangunahing papel sa paglinlang sa mamamayan sa panahon ng kolonyal na paghahari ng imperyalismong US. Simula kay Osmeña, naging gawi ng mga pulitiko noong panahong ito ang pag-iingay tungkol sa “kalayaan” ng Pilipinas. Sa panahon ding ito nagsimulang magpakahusay ang mga burukratang kapitalista sa pambubulag sa mamamayan. Ginamit nila ang eleksyon at debate sa Senado’t Camara de Representantes. Samantala, aktibo silang tumulong sa mga pakana ng mga mananakop, nangurakot at nanupil sa mamamayan. Sa Konstitusyon ng 1935, halimbawa, ginarantyahan ang pag-aari at negosyo ng mga Amerikano sa Pilipinas, ang pananatili ng mga base militar at tropang US sa bayan at ang pagpapatuloy ng kolonyal na kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at US.

k. Pagkontrol ng mga mananakop sa pag-iisip ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpatay sa diwang makabayan at rebolusyonaryo at pagpapalaganap ng pagsamba sa imperyalismong US.

Sinikil ng mga imperyalistang US ang diwang makabayan at rebolusyonaryo at pinalaganap ang pagsamba sa mga dayuhan para makontrol nila ang pag-iisip ng mamamayan.

Ginamit ang sistema ng edukasyong publiko, at ipinataw ang wikang Ingles sa pagtuturo para itanim sa isip ng mamamayan ang pagiging sunud-sunuran sa imperyalismong US. Nagsilbi rin ang mga ito para maging mahilig sila sa lahat ng klase ng kalakal mula sa US. Nagpadala ng maraming pensyonado sa US upang magsanay ng maaasahang mga papet at propagandista. Ginamit din ang sine, radyo, pahayagan at panitikan para siraan ang rebolusyong Pilipino.

Hinayaan ang Simbahang Katoliko na magpatuloy sa pagpapalaganap ng kaisipang pyudal at mga pamahiin. Ibinaling ng mga pari sa bagong amo ang kanilang mga papuri. Sa kabilang banda, ipinagbawal at marahas na sinupil ang pagpapahayag ng kaisipang makabayan. Ipinagbawal ang paglaladlad sa bandera ng Pilipinas at ang mga drama’t panitikang makabayan. Pinarusahan nang mabigat ang makabayang mga manunulat. At, binansagang mga “bandido” ang mga nagpursigi sa armadong paglaban sa paghaharing US.

6. Paano ipinagpatuloy ng sambayanang Pilipino ang paglaban sa pananakop ng imperyalismong US?

Hanggang sa ikalawang dekada ng paghaharing US, nagpatuloy ang armadong paglaban ng mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng bayan. Nagpursigi sa paglaban sa mga mananakop ang mga mamamayan ng Mindanao, mga Pulahan sa Visayas, at ang mamamayan sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Sa Luzon, pinakatampok ang paglabang pinamunuan ni Sakay sa Bulacan, Pampanga, Laguna, Nueva Ecija at Rizal mula 1902 hanggang 1906. Lubusang natapos ang digmang gerilya sa Luzon noong 1911 na. Gayunman, isinulong ng mamamayan ng Mindanao ang pinakamabagsik na armadong paglaban mula 1902 hanggang 1916.

Tinangka ng imperyalismong US na supilin, singitan, at iligaw ang mga unyon ng manggagawa at samahang magsasaka. Naglitawan at lumaganap ang mga ito noon pa mang maagang bahagi ng paghaharing US sa Pilipinas. Sa Araw ng Paggawa ng 1903, tinuligsa ng nagmartsang 100,000 manggagawa ang pananakop ng imperyalismong US.

Sa buong dekadang 1920, sumiklab ang maraming ispontanyong paglaban ng masang manggagawa at magsasaka. Bunga ito ng patuloy na pagtindi ng pagsasamantala ng dayuhan at lokal na mga naghaharing uri. Sa Maynila, pumutok ang maraming welga ng mga manggagawa. Nagwelga ang mga magsasaka sa maraming bahagi ng Gitnang Luzon, Timog Luzon, Visayas at Mindanao. Noong 1925, nag-alsa ang mga Colorum sa dalawang probinsya ng Mindanao, sa Negros, Morong (Rizal), Laguna, Batangas, Pampanga, Tarlac at Pangasinan.
Sa kabila ng pagbabawal ng mga mananakop, nagpatuloy ang makabayang propaganda at mga likhang-sining na nagtataguyod sa kalayaan.

7. Ano ang kabuluhan ng pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino?

Noong Nobyembre 7, 1930, itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas. Tugon ito sa lumalakas na paggigiit ng mamamayan sa kalayaan at demokrasya. Pinamunuan ito ni Crisanto Evangelista, isang lider manggagawa. Itinatag ang Partido Komunista sa kalagayang lumalawak ang pakikibaka ng mga manggagawa laban sa dayuhan at lokal na malalaking kapitalista. Sumusulong noon ang pakikibaka ng masang magsasaka laban sa pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Maramihang bumabagsak ang mga negosyo sa mga kapitalistang bayan at ibayong tumitindi ang pagsasamantala sa mamamayang Pilipino.

Nang itatag ang Partido Komunista ng Pilipinas, umabot sa bagong kasukdulan ang walang humpay na pakikibaka ng masang manggagawa at magsasaka laban sa imperyalismong US at pyudalismo. Sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas, matatag na hinawakan ng proletaryado ang pamumuno sa rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanang Pilipino. Pinapatnubayan na ito ng Marxismo-Leninismo, ang rebolusyonaryong teorya ng proletaryado. Ang Marxismo-Leninismo ang tanging teorya na buong linaw na naglalantad sa mga katotohanan ng pagsasamantala ng imperyalismo sa uring manggagawa, uring magsasaka at sa mga kolonya’t malakolonya. Ito ang tanging teoryang naglilinaw sa syensya ng rebolusyonaryong pagbabago sa lipunan.

Nagsikap ang Partido na isanib sa kongkretong kundisyon ng lipunang Pilipino ang unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo at itaas ang antas ng rebolusyong Pilipino sa bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa panahon ng imperyalismo. Simula noon, nailinaw ang pangangailangan ng puspusang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Nailatag ang matibay na pagkakaisang pampulitika ng uring manggagawa at uring magsasaka sa pamumuno ng Partido Komunista.

Mabilis nakita ng imperyalismong US at ng lokal na mga papet nito ang malaking panganib na dulot ng Partido Komunista sa paghahari nila sa Pilipinas. Noong Mayo 1, 1931, dinakip ang pangunahing mga lider at kasapi ng Partido. Sa sumunod na taon, ang Partido ay idineklarang iligal ng papet na Korte Suprema.

Noong 1936, pinakawalan ng papet na Komonwelt ang mga dinakip na lider at kasapi ng Partido. Reaksyon ito ng naghaharing mga uri sa lumalakas na banta ng pananalakay ng Japan, Germany at Italya sa maraming bahagi ng daigdig. Para ipagtanggol ang sariling interes nakita nila ang pangangailangang makipagtulungan sa Partido sa harap ng bantang pagsalakay ng imperyalismong Hapones.

K. Ang Pakikibaka ng Sambayanan Laban sa Mananalakay na Hapones

1. Bakit sinakop ng imperyalismong Hapones ang Pilipinas?

Malubha ang krisis sa mga kapitalistang bayan noong mga taong 1930. Nayanig ang balanse ng kapangyarihan sa pagitan at sa loob ng mga bayang imperyalista. Nakapangibabaw ang pasismo sa Germany, Italya at Japan. Itinaguyod ng mga monopolyo kapitalista sa mga bayang ito ang paghahari ng pasismo. Buong lupit na sinupil ng estadong burges ang proletaryado at ibang mamamayan para ipagtanggol ang paghahari ng mga imperyalista at maghanda sa gera.

Sinimulan ng mga pasistang kapangyarihan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Inilunsad ito para mang-agaw ng mga kolonya at iligtas ang kanilang sarili sa malubhang krisis. Sa Asya, nanalakay ang imperyalismong Hapones para agawin ang mga kolonya ng US, Britanya, Pransya at Holland. Nasakop nila ang Maynila noong 1942. Hindi puspusang ipinagtanggol ng mga imperyalistang US ang Pilipinas. Mas inasikaso nila ang labanan sa Europa. Inipon ang mga tropang US at mga boluntaryong Pilipino sa Bataan at Corregidor para matabingan ang pagtakas ng mga upisyales na Amerikano at ng gubyernong Komonwelt patungong US. Hindi nagtagal, isinuko ng mga heneral na Amerikano ang mga pwersang nasa ilalim nila.

2. Ano ang mga pangunahing katangian ng pananakop ng imperyalismong Hapones sa Pilipinas?

Sa ilang taong paghahari ng imperyalismong Hapones sa Pilipinas, naging pangunahing gawain ng mga mananakop ang panghuhuthot sa mamamayan para suportahan ang digmang mapanalakay nito sa Asya. Marahas na sinupil at pinagsamantalahan ang sambayanang Pilipino. Naging laganap ang pangungumpiska sa ari-arian ng mga mamamayan.

Ang mga burukratang kapitalista, malaking burgesyang kumprador at malalaking panginoong maylupa ay nahati sa dalawang paksyon. Ang una ay pumanig sa imperyalismong US at sumama sa pagtakas patungong Washington o sumama sa US Armed Forces in the Far East (USAFFE). Ang ikalawa ay pumanig sa bagong mga among imperyalista. Sa tulong ng mga taksil na pinamunuan ni Jose Laurel, itinayo ng mananakop na Hapones ang papet na gubyerno. Noong 1943, ibinigay ng mga mananakop ang huwad na kasarinlan sa Pilipinas.

3. Paano nilabanan ng sambayanan ang mananakop na Hapones?

Bago dumating ang Hapones, pinamunuan ng Partido Komunista ang isang malawakang kilusan sa pagboykot ng mga produktong Hapones.

Nang masakop na ng Hapones ang Pilipinas, sumiklab sa lahat ng probinsya ang pakikidigmang gerilya. Itinayo ng Partido Komunista ang Hukbong Bayan Laban sa Hapon (HUKBALAHAP) noong Marso 29, 1942. Nanguna ito sa armadong pakikibaka sa malawak na bahagi ng Gitna at Timog Luzon. Sa kalunsuran, nabuo ang malawak na kilusang lihim na sumuporta sa mga gerilya sa iba’t ibang paraan.

Sa kabilang banda, ang mga pwersang USAFFE na pinamunuan ng mga upisyal na Amerikano ay hindi puspusang lumaban sa kaaway sa malaking bahagi ng digmaan. Tinupad nila ang utos ng mga imperyalistang US na umiwas sa mga labanan. Sa maraming lugar, ang mga gerilyang USAFFE ay higit na napabantog dahil sa mga pang-aabuso nila sa mamamayan sa halip na sa paglaban sa kaaway.

Sa loob naman ng Partido Komunista at Hukbalahap, ipinatupad nina Vicente Lava at Luis Taruc ang patakarang “umurong para magtanggol.” Binuwag sa maliliit na yunit ang pwersa ng hukbong bayan. Dahil dito, napigilan ang mabilis na paglaki ng hukbong bayan. Noon lamang 1944 binawi ang maling patakarang ito dahil sa paggigiit ng rebolusyonaryong mga lider at kasapi ng Partido. Sa panahong ito, napatanyag ang mga Komunista at ang Hukbalahap bilang pinakaepektibong mga mandirigma laban sa Hapones.

Ang magiting na pakikibaka ng mamamayang Pilipino, kasama na ang Hukbalahap at iba pang makabayang gerilya, ang bumali sa gulugod ng mga mananalakay na Hapones. Ito rin ang nagpalaya sa malawak na bahagi ng bayan. Hindi ang imperyalistang US ang nagpalaya sa Pilipinas mula sa kapangyarihan ng imperyalismong Hapones.

D. Ang Pagbabalik ng Imperyalismong US at ang Papet na Republika ng Pilipinas

1. Paano napanumbalik sa Pilipinas ang paghahari ng imperyalistang US?

Bumalik sa Pilipinas at Asya ang imperyalismong US sa panahong malawakang nililipol na ng mga pwersang mapagpalaya sa Asya ang mga pwersang Hapones. Binomba ng mga Amerikano ang mga syudad at kabayanan ng Pilipinas hindi lamang para pasukuin ang mga natitirang pwersang Hapones kundi para din lumpuhin ang ekonomya ng Pilipinas. Sa gayon, mas madaling naipailalim muli ang Pilipinas sa kapangyarihan ng imperyalismong US.

Sinamantala ng imperyalismong US ang malakihang pagkawasak ng ekonomya ng bayan. Nagdikta ito ng mga di pantay na kasunduan at nangikil ng mga pribilehiyo kapalit ng mga bayad sa pinsala ng gera na pinakinabangan lamang ng mga kapitalistang Amerikano at ng lokal na mga naghaharing uri. Marahas na sinalakay ng imperyalismong US ang Partido Komunista, Hukbalahap at ang masang magsasaka sa Gitna at Timog Luzon. Tinipon sa pamumuno ng “Military Police Command” ang mga pwersang USAFFE at ang dating maka-Hapones na Konstabularya. Ginamit ang mga ito laban sa Hukbalahap. Maramihan ding dinakip ang mga kasapi ng Partido Komunista, mga Pulang mandirigma at karaniwang mamamayan. Sinuportahan ng imperyalismong US ang mga panginoong maylupa na nagsitago at kinumpiskahan ng lupain, at hindi binayaran ng upa sa lupa at utang ng mga rebolusyonaryong pwersa sa ilalim ng pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas noong panahon ng Hapon. Tinulungan sila sa pagtatayo ng armadong mga gang para marahas na ipataw muli ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan.

Malaki ang pananagutan ng magkakapatid na Lava at ni Taruc sa pagkatalo at malaking pinsalang tinamo ng mamamayan sa pananalakay ng imperyalismong US at mga panginoong maylupa. Noong nakikibaka pa laban sa mga Hapones, hindi nila inihanda ang isip ng mamamayan sa pagbalik ng paghahari ng imperyalismong US at sa patuloy na paglaban sa pyudalismo. Itinuon lamang nila sa imperyalismong Hapones ang paglalantad sa mga kaaway ng bayan.

Kahit sinasalakay na ng mga imperyalistang US ang mamamayan, nangampanya ang mga Lava para sa “demokratikong kapayapaan.” Hinikayat nila ang mamamayan na maniwala sa “kalayaan” at “eleksyon” na ipinapangako ng imperyalismong US. Binuwag nila ang hukbong bayan. Ibinaling nila ang Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan sa paghahanda at paglahok sa eleksyon.

2. Paano naitatag ang papet na republika ng Pilipinas?

Noong Hulyo 4, 1946, ibinigay ng imperyalismong US ang huwad na kalayaan sa Pilipinas. Ginawa ito sa pangambang sumiklab ang isang digmang mapagpalaya sa Pilipinas. Mabilis noong sumusulong ang mga kilusan sa pambansang pagpapalaya at ang mga bayang sosyalista sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Samantalang kunwa’y ibinigay ang kalayaan, tiniyak ng imperyalismong US na magpapatuloy ang kontrol nito sa Pilipinas. Nagdikta ito ng mga kasunduan na nagbigay sa kanya ng mga karapatan para patuloy na magpanatili ng mga base militar at tropa sa bayan, mag-ari at magpalawak ng mga negosyo dito at patuloy na makialam sa papet na gubyerno at armadong pwersa nito.

Sa pagkakatatag ng papet na republika, naging malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino. Sa saligan, nagpapatuloy hanggang ngayon ang sistemang ito ng lipunan. Nananatili sa ilalim ng matinding pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo ang malawak na masa ng sambayanan – ang mga manggagawa, magsasaka, petiburgesya, at pambansang burgesya.

3. Paano itinaguyod ng mga papet na rehimen ang mga interes ng imperyalismo at pyudalismo?

a. Ang Rehimeng Roxas (1946-48)

Bilang huling halal na presidente ng papet na Komonwelt, si Manuel Roxas ang naging unang presidente ng papet na republika noong 1946. Suportado siya sa pera at propaganda ng imperyalismong US. Pinaboran siya bilang tutang pinakamadaling kontrolin dahil maaari siyang takutin ng paglilitis bilang kolaboreytor noong panahon ng Hapon.

Pinirmahan niya ang sunud-sunod na mga kasunduan na nagpapailalim sa Pilipinas sa kontrol ng imperyalismong US

i. Kasunduang US-RP sa Pangkalahatang Relasyon. Nagbigay ito sa gubyernong US ng karapatang panatilihin ang sarili bilang pinakamataas na awtoridad sa malalawak na base militar sa Pilipinas. Ginarantyahan nito ang karapatan ng mga korporasyon at mamamayang Amerikano na patuloy na mag-ari at magpalawak ng negosyo dito at pinailalim sa dikta ng gubyernong US ang patakarang panlabas ng Pilipinas.

ii. Batas sa Ari-arian. Itinakda nito ang patuloy na pagrespeto sa mga pag-aari ng mga Amerikano sa Pilipinas.

iii. Batas Bell sa Kalakalan. Nagtakda ito ng pagsususog sa Konstitusyon ng Pilipinas para bigyan ng karapatan ang mga Amerikano na makapandambong sa likas na yaman ng bayan at makapagnegosyo sa mga gamit-publiko; makapagpatuloy ng kolonyal na kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at US; at maipailalim ang taripa at salapi ng Pilipinas sa dikta ng US.

iv. Kasunduang US-RP sa mga Base Militar. Nagbigay ito ng karapatan sa imperyalismong US na makapaghari sa loob ng 99 taon sa mahigit 20 base militar sa iba’t ibang estratehikong bahagi ng kapuluan.

v. Kasunduang US-RP sa Tulong Militar. Itinakda nito ang patuloy na kontrol ng US sa lokal na reaksyunaryong hukbo sa pamamagitan ng Joint US Military Advisory Group o JUSMAG. Ang JUSMAG ang tagapayo at tagasanay sa papet na hukbo at nagpapahiram o nagbebenta rito ng armas at iba pang kagamitan.

Pananagutan ng rehimeng Roxas ang makahayop na pananalakay sa masang magsasaka para palakasin ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan. Mga halimbawa ang masaker sa Maliwalu at sa Masico na kapwa nasa Pampanga.

b. Ang Rehimeng Quirino (1948-53)

Nang mamatay si Roxas noong 1948, pumalit na presidente si Elpidio Quirino. Sa eleksyon ng 1949, tinalo niya si Jose Laurel. Pangunahing serbisyo ng rehimeng Quirino sa imperyalismong US at mga lokal na mapagsamantalang uri, ang matinding dagok na pinalasap nito sa Partido Komunista at hukbong bayan. Pormal na sinuspindi ng rehimeng Quirino ang writ of habeas corpus. Ginamit ito ng pasistang militar na pinamumunuan ni Magsaysay para sa walang taros na pangaabuso sa demokratikong mga karapatan ng mamamayan.

Noong katapusan ng dekada 1940, mabilis na naubos ang reserbang dolyar ng Pilipinas. Dala ito ng walang-kontrol na pag-iimport ng mga produkto para sa luho ng mga naghaharing uri, obras publikas, pagtatayo ng mga molinohan, paggawa ng mga mansyon ng mga kumprador at panginoong maylupa at laganap na korapsyon. Dahil dito, kinontrol ang pag-iimport para pigilin ang pagkasimot ng reserbang dolyar ng Pilipinas.

Sinamantala ng mga imperyalistang US ang kagipitan ng Pilipinas para makapagpapasok ng mga “tagapayo” sa mahahalagang upisina ng gubyerno. Noong 1953, pinirmahan ni Quirino ang Kasunduan sa Pagpasok ng mga Mangangalakal at Mamumuhunan ng US. Pinadali nito ang pagpasok sa Pilipinas ng kapital at mga manedyer na Amerikano. Noong 1951, niratipikahan ang Tratado ng US-RP sa Pagdedepensahan para bigyan ng karapatan ang US na arbitraryong makapanghimasok sa mga usaping Pilipino.

Pinirmahan ni Quirino ang kasunduan na nagpapatuloy nang walang taning sa bisa ng Kasunduang US-RP sa Tulong Militar. Sa pagkukunwaring sinusunod nito ang mga resolusyon ng United Nations o UN, nagpadala ng pwersang militar sa Gera sa Korea noong 1950. Pagtulong ito sa imperyalismong US sa kanyang gera ng agresyon laban sa mamamayang Koreano.

k. Ang Rehimeng Magsaysay (1953-57)

Mula sa Partido Liberal, lumipat si Ramon Magsaysay sa Partido Nacionalista para tumakbo laban kay Quirino. Nanalo si Magsaysay noong eleksyon ng 1953. Todong suporta ang ginawa ng imperyalismong US para manalo si Magsaysay. Ginamit ng mga negosyanteng Amerikano sa Pilipinas ang kanilang salapi para manalo ang kandidato nila. Ang mga upisyal ng hukbong US ay nangampanya hanggang sa mga kumpanya ng papet na hukbo.

Sa kabila ng malalaking krimen niya sa mamamayan, inilako ng mga propagandistang Amerikano si Magsaysay bilang “tao ng masa” at “tagapagligtas ng demokrasya.” Kinumpleto ng rehimeng Magsaysay ang pagdurog sa Partido Komunista at hukbong bayan. Para linlangin ang masang magsasaka, nagpatibay ito ng batas na gagarantya raw sa paghawak ng mga kasamá sa kanilang sinasaka. Sa katunayan, ginarantyahan nito ang pag-aari ng mga panginoong maylupa sa malalawak na lupain. Sa batas ding ito, idineklara ang patakarang panatilihin ang Pilipinas bilang tagasuplay ng mga produktong agrikultural na ginagamit na hilaw na materyales sa US.

Sa rehimeng Magsaysay, lalong pinag-ibayo ang pagpapadayo ng mga magsasaka sa mga prontera para pakalmahin ang pag-aalsa nila at pagtakpan ang pangangamkam ng lupa ng mga mapagsamantala. Ipinalaganap nito ang pagtatayo ng huwad na mga kooperatiba na pawang nakontrol at napakinabangan ng mga panginoong maylupa, komersyante, burukrata at mayamang magsasaka.

Pumasok ang rehimeng Magsaysay sa Kasunduang Laurel-Langley na nag-amyenda sa Batas Bell sa Kalakalan. Sa gayon, nasabotahe ang malawak na paggigiit ng mamamayan sa pagpapawalambisa sa Batas Bell. Sa bagong kasunduan, pinanatili ang karapatan ng mga monopolyong US na magnegosyo sa Pilipinas nang tulad ng mga Pilipino.

Binago ang sistema ng kota at taripa ng US sa hilaw na materyales ng Pilipinas para lalong ibaon ang huli sa kolonyal na kalakalan. Pormal na inalis ang pagkakatali ng piso sa dolyar. Pero wala itong kabuluhan dahil lubos na nakasalig ang ekonomya ng Pilipinas sa kalakalang kolonyal.

Itinaguyod ni Magsaysay ang pagtatayo ng South East Asian Treaty Organization (SEATO), isang alyansa-militar ng mga bayan sa Timog-Silangang Asya. Ginamit ito ng imperyalismong US para dominahin ang rehiyon at pigilin ang paglaganap ng komunismo sa Asya.

d. Ang Rehimeng Garcia (1957-61)

Nang mamatay si Ramon Magsaysay noong 1957, pinalitan siya bilang presidente ni Carlos P. Garcia. Noong taon ding iyon, nahalal na presidente si Garcia bilang kandidato ng Partido Nacionalista.

Noong 1958, pinagtibay nito ang Batas na Anti-Subersyon para lubusin ang pagsugpo sa Partido Komunista at pigilan ang muling pagbangon nito.

Sa panahon ni Garcia, sumigla ang paggigiit ng mga pambansang burges para sa pagpapalaki ng proteksyon sa industriyang Pilipino at pagpapahigpit ng kontrol sa importasyon. Tinutulan nila ang ginagawa ng mga negosyanteng Amerikano na paglusot sa kontrol sa importasyon. Nangyari ito nang itayo sa Pilipinas ang mga pabrika sa pag-aasembol at muling pag-eempake.

Inilabas ni Garcia ang islogang “Pilipino Muna” dahil sa lumalakas na kilusang anti-imperyalista. Pero ginamit lamang ito upang pagtakpan ang kanyang pagkapapet sa imperyalismong US.

Ibinaling nito ang pansin ng mamamayan sa maliliit na negosyanteng Tsino. Samantala, pinabayaan ang malalaking negosyanteng Tsino na makibahagi sa kalakalang kolonyal.

Tumulong ang rehimeng Garcia sa muling pagpapalakas sa imperyalismong Hapones sa pagpasok sa Kasunduang Japan-RP sa Pagkakaibigan, Komersyo at Nabigasyon. Hindi agad napirmahan ang kasunduan dahil laganap ang pagtutol dito ng mamamayan. Pero pinabayaan ng rehimeng Garcia ang mga negosyanteng Hapones na magtayo na ng mga upisina, gumawa ng mga “survey” at sumali sa negosyong eksportimport sa Pilipinas.

Gumawa si Garcia ng malaking palabas kaugnay ng negosasyon sa base militar. Nag-ingay siyang paiigsiin ang pananatili ng mga base ng US sa Pilipinas. Subalit walang kinahinatnan ang negosasyong ito.

e. Ang Rehimeng Macapagal (1961-65)

Tinalo ni Diosdado Macapagal si Garcia noong 1961 sa tulong ng pondo at propaganda ng imperyalistang US.
Pagkaupong-pagkaupo niya, inalis ni Macapagal ang kontrol sa paglabas at pagpasok ng dolyar sa Pilipinas. Binigyang-laya ang mga monopolyong kapitalista na ipagpalit sa dolyar at malakihang mailabas ang tubo nila sa Pilipinas. Hinawakan ng malaking burgesyang kumprador ang dolyar na kinikita nila sa eksport. Ipinagpalit nila sa dolyar ang mga piso nila upang mag-import ng mga yaring produkto.

Pagkaubos ng reserbang dolyar ng Pilipinas, ibinaba ang halaga ng piso sa P3.90 mula P2.00 bawat dolyar. Bunga nito, nagtaasan ang presyo ng mga import at bilihin sa Pilipinas. Nangutang ang rehimeng Macapagal sa mga bangkong Amerikano para iwasan ang patuloy na pagbagsak ng piso.

Ipinatupad ni Macapagal ang patakarang “bukas na pinto” para sa mga puhunang US. Dumagsa ang puhunang US pero patuloy na mas malaki ang paglabas sa Pilipinas ng tubo ng mga negosyanteng Amerikano. Nilamon ng mga monopolyong US ang maraming kumpanyang Pilipino na nabangkrap. Sinaid ng mga negosyanteng Amerikano ang perang naiipon ng mga Pilipino at ang kapital na ipinapautang sa gubyerno ng Pilipinas ng mga bangkong ari o kontrolado ng US.

Para lalong ibaon sa dayuhang utang ang Pilipinas, hinikayat ang mga korporasyong gubyerno at mga korporasyon at bangkong pribado na mangutang sa mga bangkong Amerikano at iba pang dayuhang bangko. Naglunsad ng mga proyekto sa obras publikas para mabilis na ubusin ang inuutang sa mga dayuhan at ang pondo ng gubyerno.

Pinagtibay ni Macapagal ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Agrikultural para linlangin ang mga magsasaka. Ipinaghambog ni Macapagal na “pinalaya” na ang mga magsasaka. Sa katunayan, itinakda ng batas na ito na kailangang bayaran ng mga magsasaka sa presyong di nila kaya ang lupang dapat nilang ariin.

Ipinagbawal ng batas ang sistemang kasama. Pero ipinalit dito ang sistemang “buwisan” na nagtakda ng pirming upa sa lupa na katumbas ng 25 porsyento ng karaniwang taunang netong ani. Obligadong magbayad ng upa sa lupa ang namumuwisan, may ani man siya o wala.

Nang dumami ang kaso ng pagpatay sa mga Pilipino ng mga sundalong Amerikano sa mga base militar, tinuligsa ito ng mamamayan. Iginiit nilang alisin ang mga base militar. Muli namang ginamit ng papet na rehimen ang palabas na negosasyon sa mga base militar pero di kailanman ito naging seryoso sa negosasyon.

Nangampanya si Macapagal na magpadala ng bayarang tropang Pilipino sa Byetnam para tulungan ang imperyalismong US sa digmang mapanalakay nito.

Sa ilalim ng rehimeng Macapagal, lalong inengganyo ang pagpasok ng mga negosyong Hapones. Umabot sa 20 porsyento ng kalakalang panlabas ng Pilipinas ang napasakamay nila sa panahong ito.

g. Ang Rehimeng Marcos (1965-86)

Tulad ng ginawa ni Magsaysay, lumipat si Ferdinand Marcos sa Partido Nacionalista mula sa Partido Liberal para kumandidatong presidente. Tinalo ni Marcos si Macapagal sa eleksyon ng 1965, at si Sergio Osmena, Jr. sa eleksyon ng 1969. Si Marcos ang piniling pangunahing papet ng imperyalismong US dahil sa kahusayan niyang gumamit ng dahas at panlilinlang. Lalong kailangan ito ng US sa panahong nakapagpanibagong lakas at tampok ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan.

Nag-asta itong “makabansa” at nagyabang na di na palalampasin sa 1974 ang pag-iral ng Kasunduang Laurel-Langley. Pero pinagtibay naman nito ang Batas na Pangganyak sa Pamumuhunan. Sa batas na ito, idineklarang patakaran ng estado ang pag-engganyo sa dayuhang pamumuhunan. Itinakda ring ituturing na korporasyong Pilipino ang mga korporasyong hanggang 40% ang sosyo ng mga dayuhan. Sapat ito para makontrol ng mga dayuhan ang isang korporasyon.

Dahil itinuturing nang Pilipino, makakapamuhunan ang ganitong korporasyon sa ibang negosyo at kumpanya nang walang limitasyon. Itinakda ng batas ang pagpapahintulot sa 100% pag-aari ng mga dayuhan sa mga korporasyon sa Pilipinas basta’t irerehistro ang mga ito sa Lupon sa Pamumuhunan.

Ginagarantyahan ng batas na ito ang karapatan ng mga dayuhang mamumuhunan laban sa ekspropriyasyon o pagkumpiska ng estado. Kaya, ang Investment Incentives Act ay tusong maniobra para patuloy na makontrol ng mga dayuhang monopolyong kapitalista ang ekonomya ng Pilipinas kahit wala nang bisa ang Kasunduang Laurel-Langley.

Pinagtibay ng rehimeng Marcos ang Export Incentives Act. Nagpapahintulot ito ng hanggang 55% sosyong dayuhan sa mga industriya sa eksport. Hanggang 100% naman ang sa bagong mga industriyang para sa eksport.

Sa dalawang batas na nabanggit, binigyan ng sari-saring kaluwagan sa buwis, pangungutang at pagnenegosyo angdayuhang monopolyong mga kapitalista. Nagtayo ng mga sona sa pagproseso ng eksport sa Bataan, Baguio City, Cebu, Cavite, at iba pa. Sa gayon, nakapagtayo ang mga dayuhang monopolyo ng permanenteng mga teritoryo sa ekonomya na hindi saklaw ng mga batas sa buwis ng gubyernong Pilipino.

Sa unang apat na taon ng rehimeng Marcos, binangkrap nito ang Pilipinas at ibinaon ito sa utang sa loob at labas ng bayan. Todo-todo ang ginawang paggastos para sa obras publikas at iba pang proyektong di produktibo. Binigyan ang mga kumpanyang Amerikano sa Pilipinas, malalaking kumprador at malalaking panginoong maylupa ng malalaking pautang at garantya ng gubyerno sa mga utang.

Ibayong lumaki ang gastos para sa luho, pagtatayo ng mga asukarera, pagbubukas ng mga minahan at ispekulasyon sa mina. Naglalakihan ang kikbak ng mga burukratang kapitalista kaugnay ng mga kontrata sa eksport-import, laluna sa mga kontrata ng mga dayuhang kumpanya sa makinarya at konstruksyon.

Para patuloy na makautang sa mga dayuhang bangko, muling ibinaba ng rehimeng Marcos ang halaga ng piso. Naging mahigit anim na piso bawat dolyar ang palitan. Kasabay nito, paulit-ulit na itinaas ng rehimeng Marcos ang mga buwis. Kaya, mabilis ding nagtaasan ang presyo ng mga bilihin.

Bunga ng pagbaba ng halaga ng piso at iba pang dikta ng mga dayuhang bangko na matapat na sinunod ng rehimeng Marcos, lumobo ang utang sa labas ng Pilipinas. Lumaki din ang depisit sa kalakalang panlabas (eksport-import). Nagipit nang husto ang maraming maliliit na kumpanyang pag-aari ng mga Pilipino. Humakot ng mas malaki pang tubo ang mga imperyalista. Lalong humigpit ang kontrol nila sa ekonomya at gubyerno ng Pilipinas.

Ipinagpatuloy ng rehimeng Marcos ang kampanya sa ratipikasyon ng Kasunduang Japan-RP sa Pagkakaibigan, Komersyo at Nabigasyon. Lalo nitong pinasigla ang pagpasok sa Pilipinas ng imperyalismong Hapones at ang pakikipagkalakalan sa Japan.

Mayabang na idineklara ni Marcos na saklaw ng reporma sa lupa ang maraming munisipalidad laluna sa Gitnang Luzon. Pero wala itong ginawang makabuluhang hakbang para ipatupad ang kanyang paghahambog.

Sa kontrarebolusyonaryong hangad na sagkaan ang muling sumisiglang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at kilusang masa, marahas na sinupil at sinalakay ng rehimeng Marcos ang mamamayan. Sa tulong ng imperyalismong US, pinalaganap nito ang militarisasyon at malawakang binuo ang mga yunit sa “kontra-insureksyon”. Noong 1971, sinuspinde ang kasulatang habeas corpus para mas libreng makapangabuso sa mamamayan. At noong Setyembre 21, 1972, pormal na idineklara nito ang paghaharing militar.

Ang paghaharing militar ay lantad na teroristang paghahari na nagsisilbi sa interes ng imperyalismong US, malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Naghasik ng lagim ang mga pasistang armadong pwersa at buong lupit na nanupil sa karapatan ng mamamayan para iligtas ang bumabagsak na sistemang malakolonyal at malapyudal. Desperadong hakbang ito ng diktadurang USMarcos para sugpuin ang mabilis na lumalakas na rebolusyonaryong kilusan.

Kasabay ng pagsidhi ng pasismo, ibayong pinatindi ang pagsasamantala ng mga dayuhang imperyalista, malaking burgesyang kumprador at malaking panginoong maylupa. Nanguna si Marcos at ang kanyang mga kamag-anak at kroni sa mga Pilipinong nakinabang sa paghaharing militar.

Binago ng diktadurang US-Marcos ang Konstitusyon ng 1935 para gawing ligal ang walang-taning na paghahari ng pangkating Marcos. Lalong pinatibay ang kontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas. Daan-daang dekreto at utos sa iba’t ibang programa ang pinagtibay para bigyan ng mas malalaking pribilehiyo at supertubo ang mga dayuhang monopolyong kapitalista. Marahas na sinupil ang mga karapatan ng mga manggagawa. Pinigil ang pagtaas ng sahod para makahakot ang mga imperyalista ng mas malaking supertubo.

Lalong pinasigla ang kalakalang kolonyal. Mas garapal na ginamit ito ng mga imperyalista para mandambong. Tauntaon, parami ang eksport sa pababang presyo habang parami ang import sa pataas na presyo.

Higit pang lumalim ang pagkakabaon ng Pilipinas sa utang sa mga dayuhan bunga ng pagwawaldas ng rehimeng military at mabilis na pagkasaid ng reserbang dolyar. Paulit-ulit na nagdikta ang dayuhang mga bangko ng mas mabibigat na kundisyon sa pagpapautang sa rehimeng Marcos.

Bilang makapangyarihang diktador, arbitraryong niratipika ni Marcos ang Kasunduang Japan-RP sa Pagkakaibigan, Komersyo at Nabigasyon. Dumagsa ang mga produktong Hapones sa bayan at sunud-sunod na itinayo ang mga kumpanyang Hapones. Kalaunan, lalong lumaki ang bahagi ng Japan sa kalakalang panlabas ng Pilipinas. Ngayon, aktibo ang Hapones sa iba’t ibang industriya at negosyo sa Pilipinas.

Nagsagawa ang pasistang rehimen ng bagong negosasyon sa mga base militar ng US para lalong patagalin ang mga ito sa Pilipinas. Kunwa’y pinaiksi ang pananatili ng mga base pero ibinukas naman ang renegosasyon. Ginamit ang negosasyong ito para lalong makapanghimasok ang imperyalismong US sa mga usaping pambansa nang may aktibong pagsang-ayon ng diktadurang Marcos.

Nagpalabas ang diktadurang Marcos ng bagong batas sa reporma sa lupa (PD 27) para pakalmahin ang masang magsasaka. Pero lalo lamang pinataas ng nasabing batas ang presyo ng lupa. Wala ni isang maralitang magsasaka ang nagkalupa sa ilalim ng batas na ito.

Naging mas masahol ang pamumuhay ng masang magsasaka sa ilalim ng paghaharing militar. Sila ang pangunahing mga biktima ng pasistang pang-aabuso. Pinatindi ng mga panginoong maylupa, komersyante-usurero at malaking burukratang kapitalista ang pagpiga sa kanila. Maraming magsasaka ang nawalan ng lupang inaari o sinasaka. Bunga ito ng mga pasistang operasyong militar, pangangamkam ng panginoong maylupa, pagpapalawak ng mga plantasyon, at paggawa ng kalsada, tulay, daungan, paliparan, at dam.

Samantala, patuloy ang panlilinlang ng pasistang diktadura sa mamamayan. Kinontrol ng diktadura ang mga pahayagan, radyo, telebisyon at sine para ipalaganap ang mga doktrina ng “bagong lipunan.” Nagdaos ng huwad na mga eleksyon, reperendum at plebisito para matatakan ng “pagsang-ayon” ng mamamayan ang mga kautusan at pakana nito.

Sa halip na maampat ang paglala ng krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal, pinatindi pa ito ng mga patakaran at hakbang ng rehimeng US-Marcos. Higit pang pinataba ang lupa sa pagsulong ng rebolusyon. Bunga ng mga nasabing patakaran, tumindi ang krisis sa ekonomya na nagdulot ng labis na kahirapan at pagdurusa sa mamamayan. Pinalubha pa ito ng pagbagsak ng kita mula sa eksport, sobrasobrang pangungutang at ng walang-habas na burukratikong pangungurakot at pandarambong ng pangkating Marcos sa kabang-yaman ng gubyerno.

Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, tuluytuloy na sumulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang malawak na ligal na demokratikong kilusan. Mabisang nailantad, naihiwalay at nabigyan ng maririing dagok ang pasistang diktadura.

Malawakang nagsagawa ang mga pasistang tropa ng diktadura ng makahayop na pang-aabuso at kabuktutan. Pinaslang ng diktadura si Benigno Aquino noong Agosto 21, 1983 upang alisin ang pangunahing karibal sa kanyang paghahari.

Nag-ibayo ang paglaban ng mamamayan sa diktadura. Tumalim ang hidwaan sa pagitan ng diktadura at iba pang paksyon ng mga lokal na naghaharing uri.

Bunga ng labis na pagkakahiwalay ng pangkating Marcos, ng pagkamuhi rito ng mamamayan at paglakas ng kanilang rebolusyonaryong paglaban, nalagay sa panganib ang interes ng US at ng buong naghaharing sistema. Sinamantala ng US ang malawak na protesta ng mamamayan matapos ang eleksyong “snap” ng 1986 para palitan ang papet nito. Itinulak ng US ang paksyong Ramos-Enrile-RAM sa loob ng AFP para mag-alsa laban sa pangkating Marcos. Sinuportahan ito ng Simbahang Katoliko at malalaking negosyante. Ito ay nagresulta sa popular na pag-aalsang EDSA noong Pebrero 1986.

Bumagsak ang rehimeng Marcos pero hindi nalutas ang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.

h. Ang rehimeng Aquino (1986-92)

Si Corazon Aquino ang nakalaban ni Marcos sa eleksyong “snap.” Kaya siya ang umupong presidente nang matanggal ang diktador sa poder. Tulad ng naunang mga papet na presidente, pinaburan ng imperyalismong US si Aquino dahil siya ang pinakaepektibong makakapanlinlang sa mamamayan samantalang marahas na pinananatili ang naghaharing sistema. Sa ilalim ng papet na rehimeng Aquino, lalo lamang lumala ang krisis sa lipunan.

Ipinagpatuloy at pinatibay ni Aquino ang mga patakaran sa ekonomya na nagbibigay sa imperyalismong US at iba pang dayuhan ng pribilehiyo para patuloy na makapandambong sa bayan at makapagkamal ng mas malalaking supertubo. Hindi naiahon ng panandaliang pagdagsa ng dayuhang pamumuhunan ang ekonomya. Sa halip, namalimos pa ang rehimeng Aquino ng karagdagang pautang kapalit ng mabibigat na kondisyong higit na nagpahirap sa mamamayan. Mula $26 bilyon noong 1986, lumobo ang dayuhang utang ng Pilipinas sa $30 bilyon noong 1992.

Nagkunwari ang papet na rehimeng Aquino na nilalansag nito ang istruktura ng rehimeng militar. Sa katunayan, nagsagawa lamang ito ng kosmetikong mga reporma at hakbang. Tampok ang pagbabalik ng pormal na burges-demokratikong mga proseso at institusyon tulad ng eleksyon at Kongreso. Hindi nabago ang saligang katangian ng mga nasabing proseso at institusyon bilang mekanismo para piliin kung aling pangkatin ng mga reaksyunaryo ang maghahari sa bayan.

Sa likod ng balatkayong ito, higit na pinatindi ng Rehimeng Aquino ang pasistang pananalakay sa mamamayan, laluna sa masang manggagawa at magsasaka. Pinanatili ang pasistang mga batas na sumusupil sa mga demokratikong karapatan ng masang anakpawis.

Sa katunayan, pagkaupong-pagkaupo pa lamang sa poder, ipinatupad ni Aquino noong Abril 1986 ang kontra-insureksyong programa ng AFP na OPLAN Mamamayan kapalit ng Oplan Katatagan ni Marcos. Katambal ng islogan ni Aquino na “pambansang rekonsilasyon nang may hustisya”, nilayon ng Oplan ang mabilis na pagwawakas ng armadong rebolusyon at matagalang digmang bayan.

Isinabatas nito ang Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP na lalo lamang nagpahigpit sa hawak ng mga panginoong maylupa at malalaking burgesyang kumprador sa malalawak na lupaing agrikultural. Dahil sa napakaraming butas at eksemsyong pabor sa kanila, sa mataas na presyo ng lupa at kawalan ng pondo para ipatupad ang huwad na programa sa reporma sa lupa, lalo lamang ipinagkait sa masang magsasaka ang karapatang makapag-ari ng lupa.

Isinabatas nito ang Herrera Bill (RA 6715) upang lalo pang yurakan ang karapatan sa pag-uunyon at pagwewelga ng mga manggagawa. Kabilang sa pinakamasasahol na probisyon nito ang: pagpapahaba sa limang taon mula tatlong taon ng tagal ng collective bargaining agreement (CBA) at pagbabawal sa mga welga habang naka-CBA; pagsikil sa karapatang magwelga ng mga manggagawa sa pamamagitan ng boluntaryong arbitrasyon, labor management council at assumption of jurisdiction, na pawang mga instrumento na naglalagay sa kamay ng mga ahenteng pabor sa mga kapitalista ng kapangyarihang pigilin ang welga.

Nagpanggap ang rehimeng Aquino na interesado sa usapang pangkapayapaan sa NDF, pero tumanggi itong harapin ang tunay na mga ugat ng armadong tunggalian. Sa halip, ginamit ang usapan bilang paghahanda sa “total war” laban sa rebolusyonaryong kilusan. Matapos mabigo ang “usapan sa kapayapaan” noong Enero 1987, inilunsad ni Aquino ang “total war” sa pamamagitan ng “paghugot ng espada ng digmaan.”

Sa ilalim ng patakarang “total war,” naglunsad ang reaksyunaryong hukbo at pulisya ng mga kampanya at operasyong militar na mas malaki, malawak, mabangis, mapanira at matagalan kaysa mga inilunsad ng pasistang rehimeng Marcos. Dahil nabigo ang nauna nang Oplan Mamamayan, pinalitan ito ng Oplan Lambat Bitag 1 at 2,(OLB 1 at 2) na ipinatupad ng kanyang kalihim ng depensa, si Heneral Fidel Ramos. Matagalang layunin ng Lambat Bitag na bunutin ang ugat ng armadong rebolusyon sa pamamagitan ng paglutas diumano sa ugat nito sa pulitika, ekonomya at lipunan. Kagyat na tungkulin naman nito na “pigilin ang paglago ng armadong kilusan sa pamamagitan ng solusyong militar.”

Nabigo ang mga ito na durugin ang mga rebolusyonaryong pwersa, pero nagdulot ng matinding pinsala at pahirap sa mamamayan. Inatake rin ng rehimeng Aquino ang ligal na kilusang masa at ang pinakamasahol dito ay ang masaker sa Mendiola noong Enero 26, 1987 kung saan napatay ang 11 nagpoprotestang magsasaka at nasugatan ang mahigit 100.

Masugid na nagmaniobra at nangampanya si Aquino sa pagpapanatili ng mga base militar ng US. Mariing tinutulan ito ng mamamayan na buong tatag na nanindigan para sa pambansang soberanya. Bunga nito, naitulak ang Senado na ibasura ang panukalang tratado na magpapatagal pa sa mga base militar ng US sa Pilipinas.

Ibinalik ng rehimeng US-Aquino ang nabanggit na mga proseso at institusyon sa pagnanasang muling palaparin ang pagtamasa ng mga reaksyonaryong uri sa mga pakinabang ng paghahari. Pero bunga ng walang ampat na paglala ng krisis sa ekonomya, patuloy na kumitid ang batayan para sa akomodasyon sa hanay nila. Ilang ulit sumambulat ang tangkang mga kudeta – mararahas na agawan ng kapangyarihan ng nagtutunggaling mga paksyon.

Subalit minabuti ng imperyalismong US na lantarang basbasan ang rehimeng Aquino. Naging mapagpasya ito sa pananatili ni Aquino sa poder.

i. Ang rehimeng Ramos (1992-1998)

Nanalo si Heneral Fidel Ramos bilang presidente ng Pilipinas sa eleksyon ng 1992. Naging mapagpasya sa kanyang pagkapanalo ang todong suporta ng US at ang paggamit ng pondo at rekurso ng reaksyunaryong gubyerno. Gayunman, 23.5% lamang ng kabuuang naitalang boto ang kanyang nakuha.

Nabunton kay Ramos ang lahat ng naipon at napakalalang problema ng naghaharing sistema. Para pangalagaan ang interes ng imperyalismong US at ng lokal na mga naghaharing uri, gumamit siya ng lahat ng klase ng sandata sa kanyang estratehiya at taktika. Pero ang panloob at panlabas na rekursong maaari niyang gamitin sa pagpupursigi sa kontrarebolusyon ay higit nang maliit kaysa nahawakan nina Marcos at Aquino.

Ang naghaharing pangkatin ni Heneral Ramos ay isang burukratiko-malaking kumprador-panginoong maylupang paksyon, na kasinsiba ng nakaraang nagharing mga pangkating Marcos at Aquino. Si Ramos ay isang subok at tapat na tuta ng imperyalismong US. Isa siyang sagadsaring anti-komunista at militarista. Bilang hepe ng Philippine Constabulary (PC) ng rehimeng Marcos, kabilang siya sa pangunahing nagbalak at nagpatupad ng batas militar. Bilang Chief-of-Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pagkatapos, Kalihim ng Department of National Defense sa panahon ni Aquino, siya ang pangunahing arkitekto at tagapagpatupad ng “total war.”

Pinirmahan ni Ramos ang kasunduang ehekutibo sa pagitan ng US at Pilipinas kaugnay ng Access and Cross Servicing na nagbabalik sa presensya ng pwersang militar, kagamitang pandigma at mga pasilidad ng US sa Pilipinas sa tabing ng cr oss-ser vicing , pagkaraang itakwil ng sambayanang Pilipino at tanggihan ng senado ang US-RP Military Bases Agreement noong 1991. Sa ilalim ng kasunduang ito, ang akses na militar ng US sa Pilipinas ay maaaring sumaklaw sa anumang parte ng Pilipinas na maaaring kailanganin ng US Pacific Command.

Inilunsad ng rehimeng Ramos ang “Philippines 2000,” isang grandyosong programa para gawin diumanong isang bagong industriyalisadong bayan ang Pilipinas sa pagtatapos ng siglo. Nakasalalay ang pagsasakatuparan nito sa garapalang pagsunod sa dikta ng imperyalismong US at sa higit pang pagbubukas ng bayan sa pandarambong ng mga dayuhan. Kagaya nina Marcos at Aquino, iniasa ni Ramos sa dayuhang pamumuhunan at ibayong pangungutang ang pag-ahon ng Pilipinas mula sa napakatinding krisis sa ekonomya.

Para maengganyo ang dayuhang puhunan, ibinigay sa kanila ng rehimeng Ramos ang mas maraming kaluwagan sa buwis, garantya ng supertubo at maluwag na paglalabas nito sa bayan. Dagdag dito, higit na itinulak ang liberalisasyon sa kalakalang panlabas.

Dali-daling inaprubahan ng rehimen ang General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) at ang pagsapi sa World Trade Organization (WTO). Alinsunod ito sa estratehikong pakana ng makapangyarihang mga imperyalistang bayan para ibayong pahigpitin ang dominasyon nila sa ekonomya ng maliliit na bayan sa ngalan ng “globalisasyon.” Ginagarantyahan ng kasunduang ito ang pananatiling atrasado ng ekonomya ng Pilipinas at ang pagiging sunud-sunuran nito sa interes ng mga imperyalista. Halimbawa, ipinatupad ang patakarang deregulasyon sa industriya ng langis upang higit na magkamal ng supertubo ang mga malalaking korporasyong multinasyunal gaya ng Petron, Shell, at Caltex.

Sinamantala ng mga burukratang kapitalista, malaking kumprador at dayuhang kapitalista ang programa sa pribatisasyon ng mga korporasyong pag-aari ng gubyerno upang kulimbatin ang primera klaseng lupain, estratehikong korporasyon at institusyong publiko tulad ng Fort Bonifacio, Philippine National Oil Company, Manila Waterworks and Sewerage System, Philippine Airlines at Manila Hotel. Niluto ang mga “public bidding” upang matiyak na mapupunta sa mga piling kaibigan ang mga kontrata sa bentahan. Katulad ng naganap sa iskandalosong PEA-Amari land deal, si Ramos mismo ang nakialam sa mga kontrata. Tinatayang P3 bilyong “lagay” ang ibinulsa nina Ramos, at iba pang matataas na upisyal ng gubyerno at ng naghaharing partidong Lakas-NUCD. Katulad rin ng mga alipures ni Marcos at Aquino, nabigyang-pabor ang mga “bata” ni Ramos sa mga pautang at pribilehiyo sa negosyo. Tinatayang aabot sa P100 bilyon ang ipinautang ng mga bangko ng gubyerno sa mga malaking negosyanteng malapit kay Ramos.

Ibayong pinaigting at pinalawak ng rehimeng Ramos ang mga patakarang kontra-manggagawa, mula sa kontramanggagawang batas tulad ng RA 6715 (dating Herrera Bill) na sumisikil sa karapatang mag-unyon at magwelga ng mga manggagawa, Omnibus Amendments to the Labor Code na naglalaman ng mga probisyong tumitiyak sa mas murang lakas-paggawa tulad ng: pagpapahaba sa apprenticeship period, pagliligalisa sa kontraktwalisasyon ng paggawa o labor-onlycontracting at pagbibigay-kapangyarihan sa kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na isuspindi ang implementasyon ng labor standards sa mga lugar na idineklarang erya ng kalamidad at iba pa.

Higit pang pinarami at pinalawak sa buong bayan ang tinatawag na espesyal na mga sona sa ekonomya at mga sona sa pagpoproseso ng eksport para sa pakinabang ng dayuhang mga negosyo. Nagbibigay dito ng mga garantyang walangunyon at walang-welga. Gumagamit ng iba’t ibang instrumento ang estado para panatilihing mababa ang sahod at para buwagin ang mga welga at unyon.

Pinaghati-hati ang mga manggagawa sa pamamagitan ng pagkupkop sa mga bagong dilawang organisasyong manggagawa tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na pinamunuan ni Felimon Lagman (isang kontrarebolusyonaryong taksil na itinakwil ng Partido at rebolusyonaryong kilusan). Kakutsaba ang BMP sa Social Accord, isang kasunduang kasama ang rehimeng Ramos, mga dilawang organisasyon sa paggawa, mga organisasyon ng malaking burgesyang kumprador na pinirmahan noong Hunyo 1993 para sa pagtataguyod sa programa at mga patakaran ng rehimen sa liberalisasyon ng kalakalan, murang lakaspaggawa, Philippines 2000 at iba pang katulad nito.

Hinigitan ng rehimeng Ramos ang rehimeng Marcos at Aquino sa pagiging anti-magsasaka at ang mga patakaran nito sa ekonomya ay lalo pang nagpalala sa suliranin sa lupa ng masang magsasaka. Binigyan nito ang mga dayuhang indibidwal at korporasyon ng karapatang umupa ng lupa nang hanggang 75 taon. Ang pagtatayo ng mga “industrial estate” at mga pasilidad para sa turismo ay nag-engganyo ng matinding ispekulasyon at pangangamkam ng lupa.

Para pagtakpan ang kanyang anti-demokratikong mga patakaran at linlangin ang masang magsasaka, nagtayo ang rehimen ng tinatawag na Agrarian Reform Communities (ARCs). Sa katunayan, nagsisilbi ang mga ARCs para sa pagpapalaganap ng pananim na pang-eksport, pagpapairal ng sistemang buwisan (leasehold) pabor sa mga panginoong maylupa at sa layuning kontra-insurhensya.

Mahalagang sangkap ng “Philippines 2000” ng rehimeng Ramos ang marahas na pagsupil at pagsalakay sa rebolusyonaryong kilusan. Ibayong pinaigting ng rehimeng Ramos ang “total war.” Pinalaki nito ang badyet ng papet na hukbo at inilunsad ang pinakamabangis na mga porma ng karahasan. Ipinagpatuloy niya ang Oplan Lambat Bitag 1 at 2 sa pamamagitan ng Oplan Lambat Bitag 3 at 4 para wasakin ang baseng masa ng armadong rebolusyon sa kanayunan at tugisin ang Partido Komunista at hukbong bayan. Kaalinsabay, nagpatupad din ito ng mga pakanang psywar upang linlangin ang mamamayan, paghati-hatiin ang mga rebolusyonaryong pwersa at engganyuhin ang pagsuko.

Pinawalambisa diumano ang Batas Anti-Subersyon (RA 1700) at ginawang “ligal” ang Partido Komunista. Layon nitong udyukan na lumantad ang mga rebolusyonaryo at hatakin sila sa parlamentaryong pakikibaka. Subalit pinanatili ang ibang mapanupil na mga batas tulad ng batas na nagpapahintulot sa pag-aresto nang walang mandamyento at sa pagtatayo ng mga tsekpoynt at paghahalughog nang walang mandamyento, pagpapahintulot sa mga pasistang tropa na magpataw ng blokeyo sa pagkain sa mga operasyong kontra-insurhensya at marami pang iba.

Nilampasan ni Ramos ang rehimeng Aquino sa pagkukunwaring siya ay para sa kapayapaan. Nagpostura ito para pagtakpan ang kanyang makahayop na mga kampanya ng panunupil laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Layon din ng rehimeng Ramos na maghasik ng kalituhan sa rebolusyonaryong hanay at mang-upat ng pagkakahati at kapitulasyon. Naganap ang pagpapasurender kay Nur Misuari ng Moro National Liberation Front na pansamantalang binigyan ng posisyon sa burukrasya.

Aktibong ginamit ni Ramos ang serbisyo ng mga oportunistang taksil na sina Felimon Lagman, Arturo Tabara, Ricardo Reyes, Joel Rocamora, Romulo Kintanar at iba pang kasabwat nila laban sa Partido Komunista at rebolusyonaryong kilusan. Katulong sila ng rehimeng Ramos sa pag-atake sa rebolusyonaryong kilusan at sa pagkakalat ng kapitulasyon, repormismo at likidasyunismo. Inayudahan nila ang kontra-rebolusyonaryong opensiba sa ideolohiya at propaganda ng imperyalismo sa buong mundo.

Sa gitna ng papatinding pagsasamantala at pang-aapi, patuloy na lumalaban ang mamamayan. Pursigidong nagpupunyagi ang rebolusyonaryong pwersa sa matagalang digmang bayan sa pamumuno ng Partido Komunista. Ang pagyayabang ng AFP na nagapi na ang rebolusyonaryong kilusan ay pinabubulaanan ng patuloy na pagpapalaki sa badyet militar at pagdedeploy ng reaksyunaryong hukbo sa kanayunan.

Nagpakana si Ramos para panatilihin ang sarili sa poder nang lampas sa 1998. Mula nang naging presidente, aktibo at garapalan na niyang pinalakas ang sariling pangkatin. Kasabay nito ang mga hakbang para nyutralisahin at pahinain ang reaksyunaryong mga karibal sa kapangyarihan, sa kalagayang lalong lumiliit ang puwang sa akomodasyon sa pagitan nila. Nagmaniobra rin si Ramos para amyendahan ang Konstitusyon at baguhin ang sistema ng gubyerno mula presidensyal tungong parlamentaryo. Kasama ng mga pakanang psywar, hinawan ng mga ito ang daan sa walangbalatkayong monopolyo ng pangkating Ramos sa kapangyarihan.

Ang pagkabangkarote ng ipinagmalaki at ipinagmayabang na “Philippines 2000” ng Rehimeng Ramos ay ganap na nalantad nang sumambulat ang krisis sa Asya noong 1997. Nalantad ang kahinaan ng malapyudal at malakolonyal na ekonomya dahil sa krisis na ito. Naunsyami ang balak ni Ramos na magpatuloy sa kanyang panunungkulan.

l. Ang rehimeng Estrada (1998-2001)

Kabaligtaran ng paghahambog ni Joseph Estrada na “Erap para sa Mahirap,” ang rehimeng Estrada ay hindi naiba sa lahat ng nakaraang reaksyunaryong gubyerno: ito’y tuta ng imperyalismong US, kinatawan ng malalaking kumpradorburgesya at malalaking asendero, at kontra sa interes ng mayorya ng naghihirap na mamamayang magsasaka at manggagawa.

Mahigpit na pinangalagaan ng rehimeng Estrada ang sistemang malakolonyal at malapyudal. Lahat ng kanyang ginawa at ipinatupad na patakaran at programa ay katulad din ng mga programang nagdulot ng krisis sa ekonomya at pagdarahop sa mamamayan. Sa katunayan, ipinagpatuloy niya ang mga programa ng rehimeng Ramos na pawang mga patakarang dikta ng IMF-WB-WTO ayon sa pakanang globalisasyon ng imperyalismo.

Bilang pagtanaw ng utang na loob dahil sa ginawang suporta sa kanya sa pinansya at pulitika, tinangkilik niya ang pamilya Marcos at mga dating kroni nito tulad nina Danding Cojuangco at Lucio Tan. Naging kroni din niya ang mga gangster at kriminal na tulad nila Atong Ang, Mark Jimenez at Panfilo Lacson na nag-ambag nang malaki sa panahon ng eleksyon ni Estrada at sumuhay sa kanyang imoral at maluhong pamumuhay. Ang kanyang pagyayabang na susugpuin ang korapsyon na “walang kaibigan, walang kamaganak” ay naging kabaligtaran ng lahat. Si Estrada ay hindi lamang nagsilbing koordineytor ng mga dambuhalang magnanakaw na ito laban sa interes ng mamamayang Pilipino, kundi siya mismo ang pinuno sa pamamagitan ng pagiging presidente ng gubyernong pinatakbo ng mga sindikatong kriminal. Kasangkot siya sa kidnap-for-ransom na ginawa ng Abu Sayyaf, mga pagnanakaw sa bangko, malakihang negosyo ng ipinagbabawal na droga, pagmamaniobra sa stock exchange, at pandarambong.

Hindi lingid sa kaalaman ng imperyalismong US ang burukratikong korapsyon at mga gawing kriminal ng rehimeng Estrada. Ngunit kinunsinte ito ng US kapalit ng masugid na pagsunod at pagpapatupad nito sa pinakamasahol na makaimperyalistang patakaran.

Pinagtibay ng rehimen ni Estrada ang mga patakaran ng IMF, World Bank at WTO. Gayung inamin nito na bangkarote ang buong ekonomya at reaksyunaryong gubyerno, buu-buong itinulak nito ang mga patakaran ng liberalisasyon sa pamumuhunan at kalakalan, deregulasyon at pribatisasyon at pagpapanatili sa ekonomya bilang tagaeksport ng hilaw na materyales, mga mala-manupakturang mababa ang dagdag na halaga at paggawa, at taga-import ng mga yaring produkto at manlilimos ng dayuhang pautang.

Inalis nito ang lahat ng pambansang restriksyon sa dayuhang pamumuhunan at pinayagan ang mga korporasyong multinasyunal na magtamasa ng 100 porsyentong pag-aari ng lupa at mga likas-yaman, bangko, telekomunikasyon, masmidya at kalakalang pagtitingi.

Kanyang inilusot sa Senado ang ratipikasyon ng Visiting Forces Agreement (VFA) na lalong nagpahigpit sa kontrol ng imperyalismong US sa ekonomya, militar at kultura ng Pilipinas. Pinagtibay ng kasunduang ito ang naunang lihim na kasunduang ehekutibo noong 1992 hinggil sa “access” at cross-servicing" o ACSA. Pinahihintulutan ang mga pwersang militar ng US, gaano man kalaki, na gumamit ng anumang bahagi ng Pilipinas, at anumang pasilidad at pagkukunan ng suplay sa Pilipinas anumang oras at gaanuman katagal, nang hindi sinasaklaw ng hurisdiksyon ng mga korte sa Pilipinas.

Pinatindi ng rehimeng Estrada ang kampanyang panunupil ng militar at pulis. Walang pakundangang nilabag nito ang mga karapatang pantao. Buu-buong komunidad kapwa sa kanayunan at kalunsuran ay ipinailalim sa mga operasyong pagsosona at paghahalughog gayundin sa sapilitang malawakang pagpapalayas at ebakwasyon. Dumami ang biktima ng pang-aaresto nang walang mandamyento, iligal na detensyon, tortyur, at pagsasalbeyds, kabilang ang pagmasaker.

Ginamit ang mabangis na pwersa para sapilitang palayasin ang mamamayan sa lupang gustong kamkamin ni Estrada at ang kanyang mga kroni. Mapagkutyang inilarawan ng rehimen bilang reporma sa lupa ang pinakatusong panloloko ng korporasyon sa pangangamkam ng lupa at pinuri ang malaking kumprador-panginoong maylupa na si Eduardo Cojuangco bilang padrino ng reporma sa lupa.

Katuwang ang malaking kumprador na si Lucio Tan, ininsulto ni Estrada ang mga manggagawa sa pagsasabing sila’y “sunod sa layaw.” Walang pakundangang gumagamit ng pwersang militar at pulis ang rehimeng Estrada para takutin at salakayin ang mga manggagawa laluna sa mga welga.

Ibinasura ng gubyerno ang pakikipagnegosasyon sa mga rebolusyonaryong pwersa ng NDFP upang walang hadlang nitong maipatupad ang kontra-rebolusyonaryong Oplan Makabayan. Layunin ng malakihang operasyong militar na ito na durugin ang armadong paglaban ng mamamayan. Kinasangkapan rin ng rehimeng Estrada ang mga kontrarebolusyonaryong taksil tulad ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) para sa psywar.

Gayung nakikipag-usap para sa tigil-putukan sa mga rebolusyonaryong Moro, mabangis nitong binomba at nilusob ang mga kampo ng Moro Islamic Iberation Front (MILF) sa Mindanao. Daan-daang mamamayang Moro ang pinaslang ng militar, libu-libo ang nawalan ng tirahan at hanapbuhay.

Winakasan ng rehimeng Estrada ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng National Democratic Front (NDFP). Binalewala nito ang lahat ng naunang mga kasunduan, pati na ang pinirmahan niya mismong Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa mga Karapatang Pantao at sa Internasyunal na Makataong Batas (CARHRIHL). Ikinatwiran na nagkamali lang daw si Estrada nang pirmahan ito. Sinabi nito sa NDFP na maaari lamang ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan kung papayag ang CPP-NPANDFP na sumuko at ituring ang sarili na kriminal sa pamamagitan ng pagpapailalim nila sa konstitusyon, sistemang ligal at mga hukuman ng GRP.

Labis na nahiwalay ang rehimeng US-Estrada dahil sa lantarang anti-nasyunal at anti-demokratikong mga patakaran nito. Nabunyag ang kanyang mga katiwalian at isinalang siya sa isang impeachment na mas lalung nakapagpasidhi sa galit ng sambayanang Pilipino. Nag-alsa ang malawak na masa sa buong kapuluan laban sa pangangayupapa ng rehimen sa imperyalismong US at laban sa kanyang sukdulang korapsyon at panunupil. Bago pa ang pag-aalsa, ang demokratikong kilusang masa ay malaon nang nagpupunyagi, mula’t sapul pa, laban sa rehimeng Estrada. Sa kalaunan, nakapagpakilos ito ng 1.8 milyong mamamayan sa Edsa, ng milyun-milyon sa buong bansa at ng 75,000 na nagmartsa at sumalikop sa palasyo ng presidente upang pwersahin si Estrada na lisanin na ang palasyo ng Malacanang noong Enero 21, 2001.

Ang matagumpay na pagpapalayas sa rehimeng Estrada ay resulta ng matatag at militanteng pakikibaka ng sambayanan at ng malawak na nagkakaisang prente. Sa ikalawang pagkakataon muling naipakita ang lakas ng malawak na kilusang masa na kaya nitong patalsikin ang naghaharing rehimen bagamat hindi pa ang buong sistemang malakolonyal at malapyudal.

m. Ang rehimeng Macapagal-Arroyo

Tulad ni Aquino, iniluklok ng pag-aalsa ng mamamayan ang rehimeng Macapagal-Arroyo. Si Gloria Macapagal-Arroyo bilang bise presidente ni Estrada, ang pumalit bilang presidente ng bayan matapos patalsikin si Estrada. Tulad din ng katangian ng mga nagdaang papet na rehimen, ang gubyerno ni Macapagal-Arroyo ay estado ng malalaking burgesya-kumprador at panginoong maylupa, at kontrolado ng imperyalismong US.

Noong senador pa lamang si Macapagal-Arroyo, kita na ang kanyang pagkatuta sa imperyalismong US. Siya ang nagisponsor ng todong pagpapatupad sa mga probisyon ng GATT dito sa Pilipinas, bagama’t salungat ito sa nakasaad sa saligang batas. Inisponsor niya at ikinampanya ang pagpaloob ng Pilipinas sa WTO.

Nang maupo na bilang presidente, walang renda nitong ipinagpatuloy ang mga patakaran sa ekonomya ng mga rehimeng nauna sa kanya. Pinag-ibayo ni Arroyo ang pagpapatupad ng patakarang globalisasyon na dikta ng IMFWB-WTO. Ipinatupad niya ang Medium Term Philippine Development Plan (MTPDP) 2001-2004 na sa esensya ay pagpapahigpit sa tali ng liberalisasyon, deregulasyon, at pribatisasyon sa ekonomya ng Pilipinas. Ang mga patakarang ito ay labis-labis na nagtataguyod sa interes ng mga imperyalista at mga lokal na naghaharing uri. Ito’y tulong para lutasin ng mga imperyalista at burgesya kumprador ang kanilang mga suliranin sa negosyo sa kabila ng rumaragasang krisis ng buong sistemang kapitalista.

Isang mahalagang salik sa pagpapatupad ng kagustuhan ng imperyalismong US ay ang pag-alis sa natitirang mga ligal na sagka sa programang globalisasyon. Ito ang pakay ng rehimen sa pagpupumilit ng Charter Change (Chacha) o pagbabago sa reaksyunaryong konstitusyon upang alisin ang anumang restriksyon sa dayuhang pagmamay-ari ng mga kumpanya sa telekomunikasyon, public utilities, pribadong kalupaan, masmidya, pakikipagkontrata ng gubyerno at mga paaralan at institusyon sa edukasyon.

Dahil sa papet na mga patakaran sa ekonomya, lalong nabangkrap ang dati nang bangkrap na kabuhayan ng Pilipinas. Bumagsak ang lokal na produksyong nakatuon sa eksport kasabay ng pagbagsak ng produksyong industriyal sa buong daigdig. At dahil sa liberalisasyon sa kalakal na ipinatutupad ng rehimen, napilitang magsara ang maliliit na empresa na ikinasira ng kabuhayan ng maraming mamamayan.

Nabangkrap ang sektor ng agrikultura at milyong magsasaka ang nasadlak sa matinding gutom at nawalan ng lupa at kabuhayan dahil sa pagpapatupad ng Agreement on Agriculture (AoA) ng WTO. Itinatakda nito ang pag-alis ng mga subsidyo sa lokal na produksyong agrikultural kasabay ng pag-alis ng taripa at iba pang buwis ng mga imported na produktong agrikultural. Ang ganitong sitwasyon ay nagdudulot ng di-pantay at kolonyal na kompetisyon na ikinalulugi ng mga magsasakang Pilipino.

Sa rehimeng Macapagal-Arroyo umabot sa P3 trilyon ang kabuuang utang ng gobyerno. Kaya naman itinuturing ang Pilipinas na ikatlo sa Asya pagdating sa pangungutang. Sa taong 2003, kahit na may depisit sa badyet, inilaan ng rehimen ang mahigit na P223 bilyon para pambayad ng utang, o 28% ng kabuuang badyet. Binabaan pa nang husto ang badyet sa edukasyon, pangkalusugan, pabahay, social welfare at reporma sa lupa para kayanin ang pasaning ito.

Sumidhi ang suliranin ng disempleyo laluna sa mga industriyang pang-eksport. Nawalang saysay ang programang “emergency employment” ng reaksyunaryong rehimen na pawang pansamantala, kontraktwal at di tunay na produktibo ang nililikha ng mga trabaho. Sa halip, itinulak pa nga ang malawakang pagtanggal sa mga manggagawa. Sa dalawang taon ng kanyang panunungkulan, lomobo sa 3.5 milyon ang walang trabaho.

Mabilis na lumiliit ang tunay na halaga ng sahod. Tumaas ang presyo ng mga bilihin at halaga ng serbisyo. Tinanggihan ang panawagan para sa P125 na karagdagang sahod at ang ipinagkaloob lamang sa mga manggagawa noong Nobyembre 2002, ay ang mapang-insultong P30 emergency cost of living allowance.

Lumiit o nawala ang mga benepisyong panlipunan tulad ng libreng pagamutan at edukasyon. Labis-labis ang singil sa kuryente at tubig. Ayon sa isang pag-aaral, noong Disyembre 2002 umaabot sa P538 ang pang-araw-araw na pangangailangan ng isang pamilyang may anim na myembro; samantalang hindi man lang umabot sa kalahati nito ang minimum wage.

Wala itong ginagawang hakbangin upang ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Sa halip, ipinatutupad ang mga patakarang pabor sa mga panginoong maylupa at malalaking dayuhang korporasyon sa agrikultura.

Tumampok ang maraming demolisyon ng mga komunidad ng mga maralita upang bigyang-daan ang interes ng malalaking dayuhang korporasyon sa real estate. Ang mga demolisyon ay tinabingan ng pagbibigay diumano sa programang pabahay ng rehimen.

Sa kabila ng tindi ng kahirapang bunga ng krisis ng naghaharing sistema, lumala ang galit ng mamamayan sa nagpapatuloy at lalong lumulubhang korapsyon laluna sa mga kaso ng pambabraso sa negosyo, mga tiwaling negosasyon at sikretong pakikipagkasundo sa malalaking kroni ng mga dating presidente, mula kay Marcos hanggang kay Estrada. Kabilang dito sina Danding Cojuangco at Lucio Tan.

Higit na naging malaganap at lantad ang maraming kaso ng korapsyon sa iba’t ibang antas ng reaksyunaryong gubyerno. Ang kasuklam-suklam sa mamamayan ay ang mga kaso ng overpricing ng Macapagal Blvd, at ang kasong Jose Pidal.

Ang mga upisyal hindi lang ng burukrasya kundi pati ng militar ay nagsasabwatan at nagkukumpetensya sa isa’t isa sa pagnanakaw ng pampublikong pondo sa pamamagitan ng mga kontrata sa suplay at pagpapatakbo ng mga sindikatong kriminal na sangkot sa kidnap-for-ransom, pagtutulak ng droga, ismagling at marami pang ibang kriminal na aktibidad. Sa unang taon ng pag-upo ng rehimen, tinatayang 95 bilyong piso ang nawala dahil sa korapsyon. Hindi pa kabilang dito ang naibulsa ng mga matataas na upisyal sa pakikipagsabwatan sa teroristang Abu Sayyaf.

Hindi nagdalawang-isip ang rehimen sa pagpapatupad ng pinakabrutal na dikta ng US sa marahas na patakarang panlabas nito sa ilalim ng “gera laban sa terorismo” at walang kahihiyang nagbigay ng taos-pusong suporta sa pananalakay at gerang agresyon ng US laban sa Iraq noong 2003.

Ginamit ng rehimen ang kampanyang “anti-terorismo” laban sa Abu Sayyaf upang makipagkutsabahan sa administrasyong Bush para sa direktang panghihimasok dito sa Pilipinas ng mga sundalong Amerikano. Dahil mahigpit na ipinagbabawal maging ng reaksyunaryong konstitusyon ang pagbabase sa bansa ng mga dayuhang tropa, kung anuano ang ikinakatwiran ng gubyerno ni Macapagal-Arroyo upang palabasing lehitimo ang presensya at paglahok sa direktang kombat ng mga sundalong Amerikano. Pilit na inilarawan ni Macapagal-Arroyo na pabor ang mamamayan sa pagpasok ng mga tropang Amerikano sa ngalan ng pagsugpo sa itinuturing nitong mga “terorista”.

Pinayagan ng rehimeng Arroyo ang US-RP Mutual Logistics Support Agreement (MLSA). Sa ilalim ng MLSA, bibigyan ng “suportang pambase” at hahayaan ang mga sundalo ng US na gamitin ang Clark, Subic at anupamang bahagi ng Pilipinas para sa kanilang mga layuning militar. Mas masahol pa, binibigyang-laya nito ang imperyalismong US na ibayong yurakan ang soberanya ng Pilipinas at panghimasukan ang mga internal na usapin nito sa pamamagitan ng pagtatalaga rito ng mga tropang militar na tutugis sa mga pwersang itinuturing nitong banta sa interes at seguridad ng US.

Maaaring okupahin ng tropang militar ng US ang alin mang teritoryo ng Pilipinas, gaano man katagal sa ilalim ng pagkukunwang pakikipaglaban sa terorismo, mga pagsasanay-militar, aksyon sibika, at kung anu-ano pa.

Ang patraydor na pagpapatibay ni Macapagal-Arroyo sa MLSA ay tahasang pagbasura sa tagumpay ng ilang dekadang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para patalsikin ang mga base militar ng US. Sa pamamagitan ng MLSA, ibinabalik ng rehimeng Macapagal-Arroyo sa US ang karapatang magmantine ng mga base militar at tropa sa bansa, kapalit ng kakarampot na ayuda at kagamitang militar mula sa US.

Bilang masugid na pagsunod sa anti-teroristang linya ni Bush, binabansagang “terorista” ng rehimeng Arroyo ang sinumang tumututol sa panghihimasok ng US.

Sa unang taon pa lamang, nalampasan na ng rehimeng Macapagal-Arroyo ang rekord ng gubyernong Estrada sa mga paglabag sa karapatang-pantao. Pinakawalan ni Macapagal-Arroyo nang buong bangis ang reaksyunaryong pwersang militar at pulis upang supilin ang mga paglaban at pakikibaka ng mamamayan. Naiulat ng mga grupong human rights na umaabot na sa may 1,709 kasong paglabag sa karapatang pantao na bumiktima ng 45,330 tao sa loob ng dalawang taon (Enero 2001-Enero 2003).

Sa kanayunan, walang pakundangan ang mga inilulunsad na kampanyang militar. Pinaiiral ang walang-maskarang pasismo at inihahasik ang malawakang terorismo sa hanay ng mamamayan. Patuloy na dumarami ang bilang ng mamamayang napupwersang lumikas sa kanilang mga lupang sinasaka dahil sa malawakang mga operasyong militar.

Sinagkaan ng rehimen ang usapang pangkapayapaan sa bawat pihit nito. Sa itinakbo na ng usapang pangkapayapaan, tuluy-tuloy at mahigpit ang pagtutol ng mga militarista sa gabinete ni Macapagal-Arroyo sa muling pagpapatuloy nito.

Inilalayo ng rehimen ang usapan sa atensyon ng publiko upang maging lingid sa mamamayang Pilipino ang superyoridad ng programa ng NDFP at ang pagiging makatarungan ng ipinapanukala nitong mga reporma. Sa kabilang banda, umiiwas ang rehimen na malantad sa mamamayan ang kabulukan at pagiging reaksyunaryo ng umiiral na sistemang panlipunan na pinananatili at ipinagtatanggol nito.

Para tiyakin ang kanyang panalo sa eleksyong 2004, walang kahihiyang humingi si Macapagal-Arroyo ng basbas kay US Pres. George Bush. Nakipagsabwatan din siya nang patraydor sa dating kroni ni Marcos na si Danding Cojuangco na pinahintulutang mapanatili ang kontrol sa San Miguel Corporation, sa coco levy at sa pangangamkam ng malalawak na lupain. Kahit ang pakanang impeachment kay Chief Justice Hilario Davide, na inihain ni Cojuangco ay patagong sinuportahan ni Macapagal-Arroyo kapalit ng pananatili niya sa kapangyarihan.

4. Sa ilalim ng papet na republika, paano ipinagpatuloy ng sambayanang Pilipino ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya?

Ang pagkakaloob ng huwad na kasarinlan at pagkakatatag ng papet na republika noong Hulyo 4, 1946 ay hindi nakapigil sa pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na kalayaan at demokrasya. Mula 1946 hanggang 1955, ang pinakamakabuluhang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan ay nasa pamumuno ng Partido Komunista. Muling nabuo at lumawak ang mga organisasyon ng mga manggagawa at magsasaka. Naglunsad ang mga ito ng maraming welga at iba pang pakikibaka laban sa mga dayuhan at lokal na mapagsamantala. Sa maraming pagkakataon, tuwirang nagtutulungan sa pakikibaka ang mga manggagawa at magsasaka.

Kasama ang makabayang mga propesyunal, intelektwal at kilalang personahe, masigasig silang nangampanya laban sa mga di pantay na kasunduan na ipinapataw ng imperyalismong US. Nilabanan din ang pangungurakot at panunupil sa mamamayan ng mga burukarata kapitalista at ang mga abuso ng mga panginoong maylupa.

Nang bumalik ang mga imperyalistang US noong 1945, ang mga kontrarebolusyonaryong rebisyunistang ahente ng burgesya, sina Lava at Taruc, ay nagmaniobrang dalhin ang Partido sa maling landas ng parlamentaryong pakikibaka at pumayag na bawiin ng imperyalismong US at pyudalismo ang mga lugar na may natamo nang makabuluhang demokratikong tagumpay ang mga manggagawa’t magsasaka.

Napakalaking pinsala ang idinulot ng pagbitiw sa armadong pakikibaka at pagkabulid sa parlamentarismo at repormismo at iba pang maling patakaran ng mga Lava at Taruc. Maraming kadre at kasapi ng Partido, pulang mandirigma at mamamayan ang pinaslang at dinakip ng mga sundalo at bayarang maton ng mga naghaharing uri. Hindi mabisang nasagkaan ng rebolusyonaryong kilusan ang mga pakana ng kaaway.

Kahit patagong nangampanya laban sa armadong pakikibaka ang mga Lava at Taruc, nagkaroon ng ispontanyong mga pagtatanggol ang masa laban sa pananalakay ng kaaway. Noong 1948, nangibabaw na sa Partido ang opinyong pabor sa armadong pakikibaka. At sa sumunod na taon, lumaganap ang armadong pakikibaka sa Gitnang Luzon at sa mga bahagi ng Timog Luzon.

Sa kabila ng kagitingan ng mga kadre at kasapi ng Partido, mga mandirigma ng hukbong bayan at ng rebolusyonaryong masa, nabigo ang armadong pakikibakang ito. Bunga ito ng mga patakaran ng pamunuang Lava sa madaliang pag-agaw ng kapangyarihan sa loob ng dalawang taon. Pinaigting nang husto ang armadong pakikibaka nang lampas sa kakayahan ng Partido, hukbong bayan at kilusang masa. Patuloy ding sinabotahe ni Luis Taruc ang armadong pakikibaka sa pamamagitan ng kaisipang palasuko, paghingi ng amnestiya sa kaaway at pagsuko noong 1954.

Noong 1955, ipinatupad ni Jesus Lava ang patakarang itigil ang armadong pakikibaka. Nilansag niya ang mga yunit ng hukbong bayan na naimpluwensyahan niya. Nagtago siya sa syudad hanggang noong 1964 nang sumuko siya sa rehimeng Macapagal.

May mga yunit ng hukbong bayan na nagpursigi sa rebolusyonaryong pakikibaka sa Gitnang Luzon. Pero dahil sa kawalan ng wastong pamumuno ng Partido, ang malaking bahagi nito ay nadomina sa kalaunan nina Pedro Taruc at Sumulong. Kinasangkapan nila ito sa pangingikil, pananakot at pangungurakot sa masa.

Nasabotahe ang rebolusyonaryong kilusang masa dahil matagal na nangibabaw sa loob ng lumang Partido Komunista ang kontrarebolusyonaryong linyang rebisyunista nina Lava at Taruc. Hindi lamang nabigong mang-agaw ng kapangyarihan ang lumang Partido Komunista, kundi nabigo rin itong iligtas ang sarili para maipagpatuloy ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Noong huling bahagi ng dekada 1950 at maagang bahagi ng dekada 1960, naging aktibo ang mga pambansang burges sa pamumuno ni Claro M. Recto. Nagpropaganda sila laban sa pagkontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas.

Noong 1961, nagsimula ang muling paglakas ng rebolusyonaryong kilusang masa. Inihudyat ito ng demonstrasyon ng mga kabataan laban sa Committee on Anti-Filipino Activities (CAFA) ng papet na Kongreso. Nagtangka ang CAFA na gamitin ang Batas na Anti-Subersyon para pagbawalan ang mga estudyante, guro at mamamayan sa pagpapahayag ng mga adhikain nilang makabayan at demokratiko.

Sa sumunod na mga taon, sumulong ang rebolusyonaryong kilusang masa sa kalunsuran. Lumaganap ang propagandang makabayan. Patuloy na lumaki ang mga demonstrasyong nilahukan ng mga manggagawa, magsasaka, estudyante at iba pang nagmamahal sa kalayaan ng bayan. Noong 1964, itinayo ang Kabataang Makabayan. Gumanap ito ng mahalagang papel sa pagsusulong ng pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya.

Sa hanay ng mga nagtataguyod sa Marxismo-Leninismo, nagsimula ang pag-aaral sa kasaysayan ng Partido Komunista at ang pagpuna sa mga kamalian ng mga Lava at Taruc.

III. ANG IMPERYALISMONG US, PYUDALISMO AT BURUKRATANG KAPITALISMO ANG MGA UGAT NG KAHIRAPAN NG SAMBAYANANG PILIPINO

Ang Pilipinas ay kontrolado ng Imperyalismong US,kasabwat ang lokal na mga naghaharing uri – ang malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Kinakatawan ng mga ito ang paghahari ng tatlong salot na pahirap sa sambayanang Pilipino: ang imperyalismong US, pyudalismo, at burukratang kapitalismo.

A. Ang Imperyalismong US ang Pangunahing Dahilan ng Kahirapan ng sambayanang Pilipino

Ang imperyalismong US ang pangunahing nakikinabang at pinakamapagpasyang pwersang nagtataguyod sa kasalukuyang naghaharing sistema sa Pilipinas.

1. Ano ang imperyalismo?

Ang imperyalismo ay ang monopolyong yugto ng kapitalismo. Lumitaw ito nang makontrol ng mga monopolyong kapitalista ang ekonomya, pulitika at kultura ng mga pinakaabanteng kapitalistang bayan.

Bago lumitaw ang imperyalismo, ang mga kapitalista sa mauunlad na bayan ay libreng nagkukumpitensyahan sa pamumuhunan, produksyon, pagbebenta at paggamit sa pautang. Sa panahon ng imperyalismo, nakonsentra sa kamay ng iilang malaking kapitalista ang puhunan sa industriya at bangko na kanilang pinagsanib. Sa gayon, nakokontrol nila ang buu-buong mga industriya at nakapagdidikta sila ng laki ng produksyon, presyuhan at pagpapautang.

Hawak ng mga monopolyong kapitalista ang mga pamilihan, pinagmumulan ng hilaw na materyales, modernong teknolohiya at bihasang paggawa (skilled labor). Pati ang kapalaran ng mas maliliit na kapitalista ay mapagpasyang naiimpluwensyahan nila.

Mga halimbawa ng mga monopolyong kapitalista sa US sina Rockefeller at Getty na makapangyarihan sa industriya ng langis, ang grupong Morgan na makapangyarihan sa pagbabangko at ang grupong Ford at Du Pont sa pagmamanupaktura ng mga sasakyan.

Ang US ang pinakamalaking imperyalistang kapangyarihan sa buong daigdig sa kasalukuyan. Mga imperyalistang bayan din ang Japan, Germany, Pransya at Britanya.

2. Bakit katangian ng imperyalismo ang pananakop at pagkontrol sa mga atrasadong bayan?

Kailangang-kailangan ng mga imperyalistang bayan ang mga kolonya at malakolonya. Ang mga bayang ito ang pinagkukunan ng murang hilaw na materyales, pinagtatambakan ng mga produktong yari sa imperyalistang bayan at pinagdadalhan ng sobrang kapital. Mula sa pamumuhunan, kalakalan at pagpapautang sa mga atrasadong bayan, nagkakamal ang mga imperyalista ng supertubo.

Kung wala ang mga kolonya at malakolonya, hindi mapapanatili ng mga imperyalistang bayan ang mabilis na pagpapalawak sa produksyon at kalakalan at ang pagkakamal ng supertubo sa pamumuhunan. Kung hindi mapapanatili ang mga ito, matatalo sila sa pakikipagkumpitensya sa ibang imperyalistang bayan at babagsak ang negosyo nila.

Kaya sa panahon ng imperyalismo, pinaghahati-hatian ng mga imperyalistang bayan ang daigdig. Nakabatay sa lakas ng kanilang ekonomya at militar ang lawak ng teritoryong sakop ng bawat imperyalistang kapangyarihan. Pinakamalawak ang nasasakupan ng imperyalismong US sa buong mundo. Kontrolado nito ang Amerika Latina at maraming bayan sa Aprika at Asya tulad ng Thailand, Indonesia, Timog Korea at Pilipinas. Saklaw ng dominasyon ng imperyalismong US maging ang ilang mas mahihinang imperyalistang bayan. Ang Germany, Japan, Britanya at Pransya naman ay may sariling mga teritoryo sa Aprika at Asya. Bago ganap na gumuho ang Unyong Sobyet noong 1991, kumilos ito bilang isang imperyal istang kapangyarihan. Nanakop at nagsamantala ito sa Silangang Europa, Afghanistan, Ethiopia at iba pa.

3. Bakit nangangahulugan ng gera ang imperyalismo?

Kakambal ng imperyalismo ang gera at pagpapalakas sa militar. Kakabit ito ng pagtatanggol at pagsusulong ng mga imperyalista sa kanilang mga interes sa ekonomya sa sariling bayan, sa kanilang mga kolonya at mala-kolonya at sa buong daigdig. Dalawang digmaang pandaigdig na ang naganap dahil sa pag-aagawan ng mga imperyalistang kapangyarihan sa teritoryo.

Nakikipaggera ang isang imperyalistang bayan at laging naghahanda sa pakikipaggera sa ibang imperyalistang bayan para ipagtanggol ang paghahari nito sa sakop na mga teritoryo at mangagaw ng bagong mga teritoryo.

Ginagamit ng mga imperyalista ang lakas sa militar para supilin ang mga mamamayan sa mga kolonya at malakolonya at sugpuin ang mga rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka sa mga ito. Para magparami ng kolonya at malakolonya, pangunahing ginagamit ng mga imperyalista ang digmang mapanalakay.

Para ipagtanggol at patatagin ang paghahari sa sariling bayan, sinusupil ng imperyalista ang rebolusyonaryong kilusan at pakikibaka ng lokal na mamamayan, laluna ng uring manggagawa.

Isang malaking negosyo ng mga imperyalista ang manupaktura at pagbebenta ng mga armas at kagamitan sa digma. Halimbawa, noong 1950-1979, kumita ang US ng $22.5 bilyon sa pagbebenta ng tangke, missile, kanyon, barko, eroplano, jet, helikopter at iba pa. Kalahati ng sandatang pandigma na iniluluwas sa iba’t ibang bansa sa daigdig ay nagmumula sa US. Mayroon din itong 10,600 nuclear warheads.

4. Kaaway ba ng sambayanang Pilipino ang mamamayan ng mga imperyalistang bayan?

Hindi. Ang mamamayan sa mga imperyalistang bayan ay pinagsasamantalahan at inaapi ng mga monopolyong kapitalista at mga tauhan nila sa gubyerno at militar. Mga manggagawa ang mayorya sa kanila.

Magkatulad sa saligan ang kalagayan nila at ng sambayanang Pilipino sa ilalim ng paghahari ng imperyalismo. Dahil iisa ang kaaway, dapat silang magkapit-bisig para ibagsak ang imperyalismo sa buong daigdig.

5. Paano kinokontrol ng imperyalismong US ang Pilipinas?

Mahigit sandaang taon nang nasa ilalim ng kapangyarihan ng imperyalismong US ang Pilipinas. Mula 1900-1946 ang tuwiran o kolonyal na paghahari at 1946 hanggang kasalukuyan ang dituwiran o malakolonyal na paghahari ng imperyalismong US sa bayan. Makikita ito sa:

a. Larangan ng ekonomya

i. Paghawak ng mga monopolyong kapitalista ng US sa estratehikong mga industriya sa Pilipinas tulad ng industriya ng petrolyo, bangko at pananalapi, komunikasyon, transportasyon at mina. Sa gayon, epektibo nilang nakokontrol ang takbo ng ekonomya.

Halimbawa ang industriya ng petrolyo. Hawak nila ang malaking bahagi ng paghahakot ng langis mula sa ibang bayan, pagrerepina rito, pagbebenta ng gasolina at iba pang produktong petrolyo, gayundin ang explorasyon at pagmimina ng langis sa loob ng bayan. Galing sa langis ang mahigit 90% ng pangangailangan sa enerhiya ng Pilipinas. Sa gayon, may kontrol sila sa pagtakbo ng mga industriya sa Pilipinas. Kaya ang malaking pagtubo ng mga dayuhang monopolyo sa langis ay mahalagang salik sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kontrolado rin ng mga monopolyong kapitalistang US at lokal na sangay ng mga kumpanya nila ang mga negosyo sa gulong at goma, gamot, abono, pagmimina, mabigat na makinarya, transportasyon, komunikasyon, sasakyan, bangko at iba pa. Kontrolado ng mga imperyalistang Amerikano ang mahahalagang pangangailangan ng Pilipino mula sa sinapupunan hanggang sa libingan.

ii. Patuloy na pagkatali ng ekonomya ng Pilipinas sa eksport at import.

Sa matagal na panahon, hinubog ng imperyalismong US ang ekonomya ng bayan para manatiling nakaasa sa eksport ng hilaw na materyales at import ng yaring mga produkto. Sa saligan, nagpapatuloy ang istrukturang ito ng ekonomya.

Ang kalakalang panlabas ng bayan ay nakasentro sa US sa matagal nang panahon. Nitong mga nakaraang taon, naging importanteng kakalakalan ng bayan ang Japan. Dahil sa ganitong sitwasyon, mapagpasyang naiimpluwensyahan ng nabanggit na mga bayan ang takbo ng ekonomya ng Pilipinas. Namamanipula ng mga ito ang presyo’t kantidad ng hilaw na materyales na binibili nila at ang presyo’t kantidad ng yaring mga produktong ibinibenta nila sa Pilipinas.

iii. Pagkatali ng piso sa dolyar.

Ito’y resulta ng pagsandig ng ekonomya ng bansa sa pakikipagkalakalan sa US. Kasangkapan ito ng imperyalismong US para patuloy na makontrol ang ekonomya ng Pilipinas.

Ang katatagan ng piso ay matagal nang nakaasa sa laki ng dolyar na naiipon at kinikita ng bansa. Dahil dito, kailangang patuloy na paramihin ang eksport ng Pilipinas para kumita ng sapat na dolyar. Apektado ng mga patakaran ng gubyernong US kaugnay ng dolyar ang halaga at katatagan ng piso. Sa pagtiyak na nakasentro sa pagpaparami ng kitang dolyar ang mga pagbabalak ng Pilipinas sa ekonomya, naseseguro ng mga imperyalistang US na may dolyar na ipambabayad sa mga import ng bayan, madaling naipagpapalit sa dolyar ang supertubo nila sa pagnenegosyo rito at may pansweldo sa mga Amerikanong tauhan at upisyal nila sa Pilipinas.

iv. Pagkabaon ng Pilipinas sa utang sa mga dayuhan.

Dahil laging kapos ang dolyar na kinikita ng Pilipinas sa eksport, kailangang taun-taon itong mangutang nang malaki sa mga dayuhan. Kung hindi, walang ipambabayad sa mga import na mahalaga sa pagtakbo ng buong ekonomya, sa pagpapalakas ng reaksyunaryong armadong pwersa at sa pagpapatupad ng iba’t ibang proyekto ng gubyerno. Wala ring sapat na dolyar na maipambabayad sa mga obligasyon ng Pilipinas sa ibang bayan.

Lahat ng utang ng Pilipinas sa mga dayuhan ay may kalakip na mabibigat na kundisyon. Kaya palalim nang palalim ang pagkabaon ng ekonomya sa utang.

b. Sa larangan ng pulitika

i. Kontrolado ng imperyalismong US ang papet na gubyerno at ang reaksyunaryong armadong pwersa ng Pilipinas.

Ang imperyalismong US ang ultimong nagpapasya sa pagpili ng mga pangunahing humahawak ng kapangyarihan sa reaksyunaryong gubyerno. Para magawa ito, ginagamit ng imperyalismong US ang kapangyarihan sa ekonomya ng bayan, kontrol sa masmidya sa loob at labas ng bayan, at kapangyariha’t kontrol sa reaksyunaryong armadong pwersa ng Pilipinas.

Umaasa nang malaki ang papet na armadong pwersa sa tulong na armas, kagamitang pandigma at pagsasanay mula sa imperyalismong US. Mayroon ding mga Amerikanong “tagapayong militar” sa mahahalagang departamento ng reaksyunaryong hukbo. Ang mga “tagapayong” ito ay direktang nakikialam sa estratehikong pagpaplano at paniniktik ng reaksyunaryong hukbo.

ii. Nagpapatuloy ang pagpupusisyon ng mga tropang Amerikano at kagamitang pandigma ng US sa Pilipinas sa ilalim ng Access and Cross-Servicing Agreement (ACSA), US-RP Mutual Defense Treaty (MDT) at US-RP Militar y Assistance Agreement (MAA), Visiting Forces Agreement (VFA) at Mutual Logistics Support Agreement (MLSA).

Dati, may mahigit 20 base militar ang imperyalismong US sa Pilipinas. Pinakamalaki ang Clark Air Base sa Angeles, Pampanga, at Subic Naval Base sa Olongapo, Zambales. Ginamit ang mga ito sa pananalakay sa mga mamamayan ng Asya at sa pagtatanggol sa mga interes ng imperyalismong US sa Pilipinas at sa mga kalapit-bayan.

Sa mga base militar, asal-hari at di sakop ng mga batas ng Pilipinas ang mga tropa ng US. Sa kabilang banda, tinatratong alipin ang mga Pilipinong nagtatrabaho rito. Ang ibang Pilipino naman ay pinagbawalang lumapit at pumasok sa lupaing sakop ng mga base gayong sila dapat ang nakikinabang dito. Noong 1991, hindi naaprubahan ang bagong tratadong magpapalawig sa pananatili ng mga base militar. Kaya nalansag ang lahat ng base at instalasyong militar ng US sa Pilipinas.

Gayunman, nananatili ang bisa ng MDT at MAA. Sa ilalim ng una, maaari pang gamitin ng US ang Subic at Clark sa ngalan ng kooperatibong mga operasyon (cooperative operations). Sa ikalawa, nananatili ang JUSMAG na siyang pangunahing tagasanay militar ng reaksyunaryong armadong pwersa at ang mga kasunduan sa pagbili o tulong na mga armas at kagamitang pandigma.

Sa ilalim ng ACSA, makapanghihimasok ang mga dayuhang pwersang militar kahit sa anumang parte ng Pilipinas. Ipinatupad ang ACSA ng rehimeng US-Ramos sa bisa ng isang ehekutibong kasunduan upang lusutan ang isang pormal na kasunduang kailangang aprubahan sa senado. Pinagtibay ng ACSA, sa pamamagitan ng VFA, ang walang limitasyong pagpasok ng tropang US, barkong pandigma at iba pang kagamitang pandigma at karapatan sa mga instalasyong militar. Sa pamamagitan ng VFA bukas ang Pilipinas sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na sandatang nukleyar, kemikal at biological. Isang pagtatakwil ito sa kasunduan sa base noong 1991.

Mas pinahigpit ang pampulitikang kontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas sa pamamagitan ng MLSA noong 2002 sa ilalim ng rehimeng Macapagal-Arroyo. Saklaw ng MLSA ang batayang katangian ng isang operasyunal na base – bukas sa paggamit ng lahat ng daungan at mga pasilidad militar sa buong bansa, lahat ng uri ng hayag at lihim na mga aktibidad gaya ng mga pagsasanay at ehersisyong militar, mga operasyon at iba pang pagtatalaga sa ilalim ng MDT, VFA, MAA. Sa batayan, binubuksan ng MLSA ang pinto sa dagdag pang interbensyon ng US at higit na inilalapit ang Pilipinas sa mga gerang agresyon ng imperyalismong US.

Patuloy ding hinihikayat ng US ang papalaking papel ng imperyalismong Japan sa pag-ayuda sa US sa pagpapanatili ng dominasyon nito sa Pilipinas. Pero patuloy na tumitindi ang kumpetisyon ng US at Japan.

k. Sa larangan ng kultura

Laganap ang imperyalistang kultura sa Pilipinas. Ipinapalaganap sa bayan ang mga ideyang palasamba at palaasa sa imperyalismong US. Binibigyang katwiran ng mga ito ang patuloy na pagkontrol at pagsasamantala ng imperyalista sa sambayanang Pilipino. Itinataguyod ang mga pananalakay at panghihimasok ng imperyalismong US sa ibang bayan. Samantala, pilit na pinapatay ang diwang makabayan at anti-imperyalista ng mga Pilipino.

Para ipalaganap ang imperyalistang kultura, itinataguyod ang paggamit ng Ingles sa mga eskwelahan, negosyo at sa gubyerno. Lubusang ginagamit ang mga paaralan pamamagitan ng pagkontrol sa mga kurikulum at mga libro. Mahalagang kasangkapan din ang mga sine, dyaryo, telebisyon, panitikan at sining.

d. Sa larangan ng ugnayang panlabas

Dinidiktahan ng imperyalismong US ang patakarang panlabas ng papet na gubyerno. Saligang katangian ng patakarang ito ang pagiging sunud-sunuran sa mga patakaran at programa ng imperyalismong US sa ugnayang pandaigdig. Sa mga kapulungang internasyunal, ang mga kinatawan ng papet na gubyerno ay parang mga lorong umuulit at nagtataguyod sa paninindigan at pananaw ng gubyernong US.

i. Mula 1946, sinuportahan ng papet na gubyerno ang mga pakana ng imperyalismong US sa buong mundo. Mga halimbawa ang pagtatayo sa estadong Israel, kampanyang anti-Tsina, mga digmang mapanalakay sa Korea, Indotsina, at Iraq, kampanya para gawing lehitimo ang “Malaysia,” at muling pagbuhay sa militarismong Hapones.

ii. Nagpadala ang papet na gubyerno ng mga sundalong Pilipino sa Korea noong dekada 1950, sa Byetnam noong dekada 1960 at 1970 at sa Middle East, Kampuchea noong dekada 1990. Nais panatilihing ligtas ang mundo para sa malalaking negosyo ng imperyalismong US.

iii. Bumubuntot ang papet na gubyerno sa pusisyon ng imperyalismong US sa kampanya sa ratipikasyon ng GATT/WTO, pagbubuo ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) at iba pang usaping pandaigdig.

iv. Pagsuporta ni Macapagal-Arroyo sa “gera laban sa terorismo” ng kanyang among si George W. Bush, kasama na ang pananalakay sa Afghanistan (2001) at Iraq (2003), panunupil at panggigipit sa mga tinaguriang “buhong na estado,” pagdedeklarang foreign terrorist organizations maging ang mga rebolusyonaryong grupo o partido, na nakikibaka para sa tunay na demokrasya at pambansang paglaya tulad ng NDFP.

6. Paano pinagsasamantalahan ng imperyalismong US ang sambayanang Pilipino?

Walang-habas na pinagsasamantalahan ng imperyalismong US ang sambayanang Pilipino. Nanghuhuthot ito ng limpak-limpak na tubo mula sa pawis at dugo ng mamamayan.

Tatlong pangunahing paraan ang ginagamit ng imperyalismong US sa pagpiga at pagsasamantala sa sambayanang Pilipino: kolonyal na kalakalan, tuwirang pamumuhunan at pagpapautang.

a. Kolonyal na kalakalan

Binibili ng imperyalismong US ang mga eksport ng Pilipinas sa napakamurang halaga at nagbebenta naman dito ng mga produkto sa napakataas na presyo. Sa kalakalang ito, laging lugi ang Pilipinas habang limpak-limpak namang tubo ang napupunta sa mga imperyalista. Nagagamit din ng mga imperyalista ang kolonyal na kalakalan para sikretong makapaglabas ng dagdag pang tubo mula sa kanilang mga kumpanya sa Pilipinas.

Dahil sa kontrol nila sa mga produkto at pamilihan, naididikta ng mga monopolyong kapitalista ang presyo ng mga kalakal. Itinataas o ibinababa nila ito para makuha ang pinakamalaking pakinabang. Resulta ng ganitong kontrol, halimbawa, ang pabigla-biglang pagtaas at pagbulusok ng presyo ng mga produktong niyog na isa sa pangunahing pinagmumulan ng kitang dolyar ng Pilipinas.

Isang mekanismo ng mga imperyalista ang transfer pricing para magkamal ng dagdag na supertubo. Itinataas sa tunay nitong halaga ang inililistang halaga ng mga makinarya, hilaw na materyales, transportasyon at mga kasangkapan na isinusuplay sa mga lokal na subsidyaryo ng mga imperyalistang kumpanya. Idinideklara pang lugi ang subsidyaryo at ang mother company naman ay nakakaiwas sa mga buwis, pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa at iba pang obligasyon ng kumpanya.

Dahil laging lugi sa pakikipagkalakalan sa mga dayuhan, paulit-ulit ang depisit sa kalakalang panlabas ng Pilipinas. Palaging mas malaki ang gastos sa import kaysa kinikita sa eksport. Ang taunang depisit sa kalakalang panlabas ng Pilipinas ay patuloy na tumataas; umabot ito sa pitong bilyong dolyar noong 1994. Para mapunuan ito, nangutang ang Pilipinas sa mga dayuhan at sa lokal na pribadong sektor.

Patuloy at mabilis na tumataas ang presyo ng mga bilihin sa bayan dahil sa pagmahal ng mga import at pagpaparami sa eksport. Resulta ng huli ang kulang na suplay para sa lokal na pangangailangan.

b. Tuwirang pamumuhunan

Ang mga monopolyong kapitalistang US ay nagtatayo sa Pilipinas ng mga sangay ng kanilang mga korporasyon o kaya’y nakikisosyo sila sa malaking burgesyang kumprador.

Sa ganitong paraan, napapaliit nila ang kanilang gastos sa produksyon, napapalaki ang kanilang tubo at lalo pang napapahigpit ang kontrol sa ekonomya. Sinasamantala nila ang murang lakas-paggawa sa bayan. May iba’t ibang kaluwagan pa sila sa buwis at pagnenegosyo na ibinibigay ng papet na gubyerno. Nakakatipid sila sa gastos sa paghakot ng mga produktong ibinebenta nila sa Pilipinas at kalapit na mga bayan.

Sa industriya ng bakal, halimbawa, ang karaniwang sahod ng isang manggagawang Amerikano ay mahigit na 35 ulit na mas malaki sa sahod ng isang manggagawang Pilipino.

Taun-taon, dambuhalang tubo ang iniuuwi ng mga kumpanyang US. Sinabi mismo ng embahada ng US sa Pilipinas na sa bawat dolyar na ipinapasok ng mga negosyanteng Amerikano, apat na dolyar ang inilalabas nila. Tiyak na mas malaki pa ang totoo.

Dagdag pa, ginagamit nang husto ng mga monopolyong kapitalista ng US ang pangungutang sa mga bangko rito para mabilis na makapagpalawak ng negosyo. Sa bawat dolyar na ipinapasok sa Pilipinas ng mga negosyanteng Amerikano, umuutang sila ng $8.33 sa lokal na mga bangko at institusyong pinansyal.

Ayon sa tala ng Bangko Sentral ng Pilipinas, 2.56 bilyong dolyar ang dayuhang puhunang pumasok sa bayan mula 1970-87. Ang lumabas na kapital naman sa panahon ding iyon ay 3.75 bilyong dolyar. Kaya may netong lumabas na kapital na mga 1.19 bilyong dolyar.

k. Pagpapautang

Sadyang ibinabaon ng imperyalismong US ang Pilipinas sa utang. Mula sa pagpapautang sa Pilipinas, tumutubo ang mga imperyalista ng malaking interes at nakakapagdikta ng mga kundisyong nagpapaluwag pa sa pandarambong at lalong nagpapahigpit ng kontrol nila sa bayan. Kabilang dito ang mga pautang para sa mga proyektong tuwirang pakikinabangan ng mga empresang imperyalista.

Sa taong 2003 umabot sa $55.8 bilyon ang utang ng Pilipinas sa mga dayuhan. Nang bumagsak ang halaga ng piso mula P45:$1 patungong P55:$1 ay nadagdagan ng mahigit sa P1 bilyon ang utang ng Pilipinas nang walang tinatanggap na perang inutang. Sa populasyong 82 milyon, ang bawat Pilipino ay may utang na mahigit P37,500.

Bawat malaking pangungutang ng Pilipinas sa mga dayuhan ay may kakabit na mabibigat at makaisang-panig na kundisyon. Mga halimbawa ng mga kundisyong ito ang: pagpapababa sa halaga ng piso, liberalisasyon ng import, pagbibigay ng iba’t ibang kaluwagan sa mga dayuhang namumuhunan, mabilis na pagpapataas sa mga buwis, presyo ng kuryente at tubig, at pagpapanatiling mababa ng sahod.

Nitong huli, idinagdag na kundisyon ang deregulasyon ng ekonomya. Itinatakda nito ang di pakikialam at pamumuhunan ng gubyerno sa ekonomya. Kabilang dito ang pag-aalis ng subsidyo o suporta sa agrikultura at pagsasapribado ng mga korporasyon ng gubyerno. Bukod pa, ginagawang pleksible ang mga patakaran sa paggawa, ipinagbabawal ang mga unyon, pinalalaki ang bilang ng mga manggagawang kontraktwal at pinapawalambisa ang minimum na sahod.

Ang buong bigat ng pagsasamantala ng imperyalismong US at iba pang mga dayuhang monopolyong kapitalista ay binabalikat ng mamamayang Pilipino. Sila ang pinahihirapan ng napakababang sahod, mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mabigat na pasaning buwis at pagkaatrasado ng buong ekonomya.

B. Ang Pyudalismo Bilang ugat ng Kahirapan ng Sambayanang Pilipino

1. Ano ang pyudalismo?

Pyudalismo ang sistema ng produksyon na ang pangunahing pwersa sa produksyon ay mga magsasaka at ang lupang binubungkal nila. Saligang katangian ng pyudal na relasyon sa produksyon ang matinding pang-aapi at pagsasamantala ng uring panginoong maylupa sa masang magsasaka. Sa sistemang pyudal, ipinabubungkal sa masang magsasaka ang malalawak na lupaing pag-aari ng mga panginoong maylupa. Pinagbabayad ang una ng napakataas na upa sa lupa.

2. Ano ang mga palatandaan ng pag-iral ng pyudalismo sa Pilipinas?

Mahigit 400 taon nang umiiral ang pyudalismo sa Pilipinas. Mga palatandaan ng patuloy pang pag-iral nito ang sumusunod:

a. Pag-aari at kontrol o monopolyo ng iilang panginoong maylupa sa malalawak na lupain at kakulangan o kawalan ng lupa ng masang magsasaka

Noong 1968, may nakatalang humigit-kumulang sa 10,800 malalaking panginoong maylupa. Nagmamay-ari sila ng mula 50 hanggang mahigit isang libong ektaryang lupain. Humigitkumulang tatlong milyong ektarya ang kabuuang sukat ng kontrolado nilang lupain. Mababa ito nang kaunti lamang sa kalahati (50%) ng kabuuang sukat noon ng lupang sakahan ng Pilipinas.

Ganito ang pagkakahanay nila batay sa lawak ng pag-aaring lupa:

Bukod dito, mas marami pang mga panginoong maylupa ang nag-aari ng 49 ektarya pababa. Sa mga lupaing tinatamnan ng palay at mais, halimbawa, halos lahat ng mga panginoong maylupa ay nag-aari ng mas mababa sa 50 ektarya ng lupain. Samantala, mahigit sa 1,500,000 ektarya ang mga taniman ng palay at mais na pag-aari ng mga panginoong maylupa.

Ganito rin sa industriya ng niyog. Sa isang pag-aaral sa industriya, 20% lamang ng mga niyugan sa bansa ang pinaghahati-hatian ng 3.4 milyong magsasaka at manggagawang bukid, samantalang ang 80% ay pag-aari ng mga malalaking panginoong maylupa.(Ang Bayan, Oct. 2001)

Sa kabuuan, walang esensyal na pagbabago ang kaayusang ito, bagkus patuloy pang lumalawak ang lupang pag-aari ng uring panginoong maylupa.

Si Danding Cojuangco, na nakaangkin ng malaking bahagi ng coco levy at numero unong kroni ng rehimeng Marcos, Estrada at Arroyo ay tinatayang nagmamay-ari at kumukontrol ng ilang daang libung ektaryang lupa na natatamnan ng iba-t-ibang pananim tulad ng cassava, mangga, niyog, mais (para sa feeds), tubo at iba pa. At patuloy pa itong nangangamkam ng lupain sa iba’t ibang dako ng kapuluan.

Sa huwad na reporma sa lupa ng rehimeng Aquino at Ramos, idineklarang saklaw ng reporma ang 10.3 milyong ektaryang lupain mula sa kabuuang 13.3 milyong ektaryang lupaing agrikultural. Mula dito ay makikita ang nagpapatuloy na malubhang problema sa kontrol ng mga panginoong maylupa sa lupaing agrikultural.

Bunga ng ganitong balangkas ng pagmamay-ari sa lupang agrikultural, laganap ang kawalan ng lupang pag-aari o kakulangan sa lupang sinasaka ng mga magsasaka. Noong 1985, 40% ng kabuuang bilang ng magsasaka ang mga kasamá. Bukod dito, 30% ang nagsasaka ng mga lupang publikong walang titulo. Ang natitirang 30% ay nagbubungkal ng sariling maliliit na parsela ng lupa. Ibig sabihin, sa bawat sampung magsasaka, pito ang walang sariling pag-aaring lupa at ang apat sa pitong ito ay mga kasama.

Ayon sa Statistical Yearbook 1991, ang kabuuang bilang ng mga kasamá, (share tenants, leaseholders, at CLT holders) ay aabot sa 42.5% at nanatiling 70% ng mga magsasaka ang walang sariling lupa. Lumalala pa ang kawalan ng lupa dahil sa patakarang pagbawi ng mga CLT, land use at crop conversion magmula sa rehimeng Ramos hanggang sa kasalukuyan.

Sa mga lupang natatamnan ng palay at mais, mas marami ang bilang ng mga panginoong maylupang nag-aari ng mababa sa 50 ektarya bawat isa. Pero malawak-lawak ang kabuuang eryang saklaw ng mga ito. Karaniwan, hinahati-hati ang mga lupa nila sa maliliit na parsela at ipinapaupa sa mga magsasaka. Dito, umaabot ng mula 60% hanggang 75% ng mga magsasaka ang nakikisama.

Kung ibibilang pa ang mga manggagawang bukid na nagnanais magbungkal ng lupa, aabot sa 85% ng kabuang pwersang paggawa sa agrikultura ang walang sariling lupa. Ayon mismo sa reaskyunaryong gubyerno, 80% ng lupang agrikultural ang pag-aari ng 20% lamang ng populasyon. Noong Agosto 1992, inamin mismo ni Presidente Ramos na “lima’t kalahating porsyento (5.5%) ng mga panginoong maylupa ang nagmamay-ari ng 44% ng lahat ng lupang sakahan.”

Matingkad na nailalarawan ng mga ito kung gaano kalubha ang problema sa lupa ng masang anakpawis sa agrikultura.

b. Laganap na pagsasamantalang pyudal

Nananatiling laganap ang pagsasamantalang pyudal tulad ng napakataas na upa sa lupa, usura at pang-aalila sa masang magsasaka.

Kinikikilan ang masang magsasaka ng upa sa lupa sa anyo ng hatian sa ani o buwisan. Mula 50% hanggang 80% ng ani ang napupunta sa mga panginoong maylupa. Katiting na bahagi lamang ng ani ang natitira sa mga magsasaka.

Dahil hindi nakakasapat ang parteng nakukuha nila sa ani, ang mga magsasaka ay napipilitang mangutang sa mga usurero na karaniwang mga panginoong maylupa rin. Sandaang porsyento (100%) o higit pa bawat anihan ang kalimitang interes sa pautang. Sa isang taon, aabot ito ng hanggang 300%.

Sapilitang inaalila ng mga panginoong maylupa ang mga magsasaka o pinagtatrabaho sila nang walang bayad at pinagbibigay pa ng tributo. Ipinapatawag anumang oras ang mga kasama at pamilya nila para gawin ang anumang iutos ng mga panginoong maylupa.

Sa mga lugar na salat sa lupa, mas maraming magsasaka ang nagkukumpitensya sa pakikisama at pagtatrabaho sa lupa. Kaya, kahit mas maliit kaysa karaniwan ang lupa ng panginoong maylupa, kadalasan namang mas matindi ang pagsasamantalang pyudal.

k. Atrasado at maliitang pagsasaka sa malaking bahagi ng kanayunan

Sa malaking bahagi ng kanayunan, laganap ang atrasado at maliitang pagsasaka. Sa maraming lugar, walang mga patubig at nakaasa lamang sa ulan ang pagsasaka. Karaniwa’y araro at kalabaw ang gamit sa pagbubungkal ng lupa at may ilang lugar pa nga na hindi gumagamit ng araro. Hindi laganap ang paggamit ng pataba at pestisidyo. Maliit ang taunang ani.

Maliliit ang karamihan ng mga sakahan sa Pilipinas. Noong 1980, 2.8 ektarya ang karaniwang laki ng lahat ng klase ng mga sakahan. Lumiit na ito mula 3.6 ektarya noong 1970. Patuloy pa itong lumiliit. Mas maliit sa 2 ektarya ang mahigit 70% ng mga palayan.

Hindi interesado ang mga panginoong maylupa na paunlarin ang paraan ng pagsasaka. Nakukuha nila ang kanilang malaking parte sa ani kahit hindi nila paunlarin ang produksyon. Sa lawak ng kanilang lupain at laki ng upa sa lupa o parte sa ani, sobra-sobra ang pakinabang nila para suportahan ang kanilang maluhong pamumuhay.

3. Paano naghihirap ang magsasaka sa ilalim ng pananatili ng pyudalismo sa malawak na kanayunan?

Sa pananatili ng pyudalismo, matinding pinagsasamantalahan ang masang magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Kabilang dito ang:

a. Pangingikil ng mataas na upa sa lupa

Sa mas maraming lugar, ipinangangalandakan ng mga panginoong maylupa na 50-50 ang hatian nila ng mga kasamá sa ani. Sa hatiang ito, ipinapasa ng mga panginoong maylupa sa magsasaka ang pagpasan sa mga gastos sa pagsasaka. Kayat ang tunay na lilitaw na hatian ay 60-40 hanggang 80-20 pabor sa panginoong maylupa.

Sakali mang sinasagot ng mga panginoong maylupa ang mga gastos sa pagsasaka, tinataasan naman ang halaga ng mga ito para mapalaki ang parte nila sa ani.

Samantala, sa sistemang buwisan, ang takdang tantos ng upa sa lupa ay 25% ng taunang netong ani na nakabatay sa “normal” na ani sa loob ng tatlong taon bago pumasok sa kontrata. Obligadong bayaran ito ng kasamá anuman ang laki ng ani niya, bagyuhin man o pestehin ang pananim. Sa sistemang ito, pasan ng magsasaka ang kabuuang gastos sa pagsasaka.

b. Usura o pagpapautang sa napakataas na interes

Ginagamit ito ng maraming panginoong maylupa para lalong palakihin ang parte nila sa ani at maremata ang lupa ng mga magsasakang may lupa. Mula 100% hanggang 150% bawat anihan ang karaniwang interes na ipinapatong nila sa mga inuutang na pera o butil ng mga magsasaka.

Ang usura ay kakambal ng pyudalismo. Dahil sa matinding pagsasamantala sa masang magsasaka at paghihikahos nila, palagi silang gipit. Para matugunan ang kakulangan sa pagkain o malalaking pangangailangan sa panahon ng kagipitan, napipilitang mangutang sa mga usurero ang mga magsasaka kahit sa napakataas na interes. Madalas na wala silang maipambayad kundi ang parte sa ani o maliit na parsela ng lupang pag-aari nila.

k. Napakababang pasahod

Karamihan sa mga magsasaka ay nagtatrabaho sa iba para madagdagan ang maliliit na parte nila sa ani. Bukod sa pagsasaka sa inookupang parsela ng lupa, sila’y nakikitanim, nakikiani, sumasama sa mga bangkang pangisda at pumapasok sa sarisaring trabaho. Bilang sahod, tumatanggap sila ng maliit na halaga o maliit na bahagi ng ani kapalit ng isang araw na pagbabanat ng buto. Karaniwa’y mga panginoong maylupa at mayamang magsasaka ang umaarkila sa serbisyo nila.

Marami sa mga pana-panahong manggagawang bukid sa mga asyenda ng tubo at mga plantasyon ng mga dayuhang korporasyong agrikultural tulad ng sa pinya ay mga magsasaka rin. Dumaranas sila ng napakababang pasahod at biktima ng sistemang kabo at usura.

d. Pang-aalila at tributo

Anumang oras, ipinapatawag ng panginoong maylupa ang kanyang kasama o ang asawa o anak nito, para utusan sa iba’t ibang gawain.

Karaniwan ang pagpapalinis ng bahay at bakuran at pagpapatrabaho sa kusina laluna kapag may handaan. Bukod pa, madalas ding manghingi ang mga panginoong maylupa ng manok, prutas at iba pang “handog” mula sa masang magsasaka. Obligadong sumunod ang mga magsasaka. Kung hindi, manganganib silang mapatalsik sa sinasakang lupa.

e. Pang-aagaw ng mga panginoong maylupa sa lupa ng mga magsasaka

Nangingibabaw ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan. Kontrolado nila ang reaksyunaryong gubyerno sa mga probinsya at bayan. May sarili silang kinatawan at kuneksyon sa mga nasa poder sa pambansang gubyerno.

Ginagamit nila ang kapangyarihang ito at ang kanilang kayamanan para gipitin at agawan ng lupa ang mga magsasakang nag-aari ng maliliit na parsela ng lupa. Kunwa’y bibilhin nila ang lupa ng mga magsasaka pero ito naman ay sa napakamurang halaga o kaya’y idinadaan sa pekeng mga papeles at kaakibat na utos ng hukuman na nagliligalisa sa pang-aagaw. Mas madalas, tahasang ginagamitan ng dahas at pananakot ang pang-aagaw nila sa lupa ng mga magsasaka.

4. Paano pinahihirapan ng pyudalismo ang buong sambayanang Pilipino?

Ang pyudalismo ay isa sa mga pangunahing ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino. Ito ang pinakamalaking dahilan ng pagkaatrasado ng ekonomya ng bayan. Dahil tumatanggap ng upa sa lupa na sobra-sobra sa mga pangangailangan at luho nila, walang interes ang mga panginoong maylupa sa pagpapaunlad ng pamamaraan ng pagsasaka. Kaya ang agrikultura, na esensyal na basehan ng industriyalisasyon, ay nananatiling atrasado.

Dahil sa monopolyo sa lupa at atrasadong pagsasaka, maraming taganayon ang pwersadong pumunta sa kalunsuran para maghanapbuhay. Sa kalag ayang sobra-sobra ang nagkukumpitensyahan sa limitadong oportunidad sa trabaho, lalong nakakapagdikta ang mga dayuhan at lokal na kapitalista ng mababang sahod at di-makataong kundisyon sa paggawa.

At dahil pinaghihikahos ng pyudalismo ang pinakamalaking bilang ng mamamayan — ang mga magsasaka — limitado ang pamilihan ng mga produkto ng industriya sa loob ng bayan. Kaya malaking hadlang ang pyudalismo sa industriyalisasyon at tumutulong ito para lalong makontrol ng mga dayuhang monopolyong kapitalista ang ekonomya ng bansa.

5. Bakit pyudalismo ang baseng panlipunan ng imperyalismo?

Sa agrikultura ng Pilipinas, umiiral ang lumang pyudal na paraan ng produksyon kaagapay ng kapitalistang pagsasaka. Pangunahing nakatuon ang huli sa produksyon ng eksport na mga pananim na kailangan ng US at ibang bayang kapitalista. Gayunman, mas malawak pa rin ang mga sakahang ginagamitan ng lumang pyudal na paraan ng produksyon kaysa mga sakahang kapitalista.

Ang pyudalismo ay pinananatili ng imperyalismong US para pamalagiing naghihirap ang malawak na sambayanan, supilin ang pinakamalaking uri, ang uring magsasaka, at manipulahin ang atrasadong kalagayan ng bayan. Sa gayon, napapakinabangan nito ang murang paggawa at murang hilaw na materyales. Nasa proteksyon naman ng imperyalismong US ang pananatili sa kapangyarihan ng mga panginoong maylupa. Kaya sinasabi na baseng panlipunan ng imperyalismong US ang katutubong pyudalismo.

K. Ang Burukratang Kapitalismo Bilang Ugat ng Kahirapan ng sambayanang Pilipino

1. Ano ang burukratang kapitalismo?

Ang burukratang kapitalismo ay ang pagpapatakbo sa gubyerno nang parang negosyo at para sa pagpapayaman ng mga nakaupo sa kapangyarihan.

Ang malalaking burukrata o upisyal ng reaksyunaryong gubyerno ay pawang mga kinatawan at bahagi ng uring malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Ginagamit nila ang kapangyarihang pampulitika para magsilbi sa mga dayuhang imperyalista, malaking burgesyang kumprador at mga panginoong maylupa. Kasabay nito, kinakasangkapan nila ang kanilang pusisyon para mangurakot at magpalawak ng pag-aaring lupa at negosyo.
Lahat ng papet na presidente, mula kay Quezon hanggang kay Arroyo, ay mga burukratang kapitalista. Gayundin ang karamihan sa mga nangungunang burukrata sa pamahalaang pambansa, probinsyal at munisipal.

2. Paano pinahihirapan ng burukratang kapitalismo ang sambayanang Pilipino?

Bilang isang salot na kakawing ng imperyalismo at pyudalismo, ang burukratang kapitalismo ay malaking pasanin ng mamamayan. Pinahihirapan ng mga burukratang kapitalista ang mamamayan sa pamamagitan ng:

a. Pasismo at pagsupil sa mamamayan

Ang pasismo ay ang marahas na pananalakay at panunupil ng reaksyunaryong estado sa mamamayan. Para mapasunod ang mamamayan sa gusto ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri, sistematikong sinusupil at kinokontrol sila ng reaksyunaryong estado. Ang estado ay binubuo ng mga instrumento sa pamumwersa (hukbo, pulisya, bilangguan, hukuman) at ng gubyernong gumagawa at nagpapatupad ng mga batas. Nilikha ng mga naghaharing uri ang makinarya ng reaksyunaryong estado sa Pilipinas para ipagtanggol ang kanilang paghahari.

Espesyal na tungkulin ng mga burukratang kapitalista ang direktang pagpapatakbo ng reaksyunaryong estado. Para sugpuin ang mga kilusan at pakikibaka na naglalayong palayain ang lipunang Pilipino sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo, itinataguyod ng mga burukratang kapitalista ang pasismo. Ito ang marahas na pananalakay at panunupil ng reaksyunaryong estado sa mamamayan.

b. Pagpasok sa mga di-pantay na kasunduan at pagpapatupad ng mga batas at programa na nagtataguyod ng pagsasamantala ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri

Ang mga burukratang kapitalista ang pumapasok at nagaapruba sa mga kasunduan na nagbibigay sa imperyalismong US ng karapatan para patuloy na kontrolin at pagsamantalahan ang sambayanang Pilipino.

Ang mga burukratang kapitalista ang gumagawa at nagpapatupad ng mga batas na pabor sa mga naghaharing uri at kontra sa mamamayan.

Mga halimbawa ang sumusunod na mga batas: pagbibigay ng sarisaring kaluwagan sa mga dayuhan at lokal na malalaking kapitalista, pagliligalisa sa monopolyo sa lupa at pangangamkam ng lupa, pagpapanatiling mababa ang sahod at pagbabawal sa paggigiit ng mga manggagawa ng kanilang mga karapatang mag-unyon at magwelga, at pagliligalisa sa mga pasistang pananalakay sa mamamayan.

Ang mga burukratang kapitalista ay nagpapatupad ng iba’t ibang programang tumutulong sa mga naghaharing uri para lalong makapagsamantala sa mamamayan at makapagpayaman.

Halimbawa nito ang magagastos na programa sa pagpapalakas sa reaksyunaryong hukbo at sa paggawa ng mga kalsada, daungan, paliparan, dam at tulay. Ang mga naghaharing uri ang nakikinabang sa mga programang ito na tinutustusan ng malalaking buwis ng mga mamamayan.

k. Kabulukan sa gubyerno

Laganap ang korapsyon at katiwalian sa buong gubyerno. Sa pagpapatibay ng mga batas, utos at desisyon, tumatanggap ng malalaking suhol ang mga burukarata kapitalista. Dahil dito, lubos na nasusunod ang bawat naisin ng mga naghaharing uri na may kontrol sa yaman ng bayan.

Sa bawat kontrata, konsesyon, at lisensya, may ibinubulsang pera ang mga burukratang kapitalista. Kinukurakot nila ang malaking bahagi ng pondo ng reaksyunaryong gubyerno.

Minamanipula at kinukunan ng malaking porsyento ng mga burukratang kapitalista ang bawat kontrata sa obras publikas. Dagdag pa rito, itinatakdang maging suplayer ng mga gagamitin sa proyekto ang kanilang kamag-anak o kaibigan, pinalulusot ang wala sa istandard na kagamitan at pagkakagawa basta’t may suhol at gumagawa ng kung anuano pang katiwalian para makapangurakot.

Nangangamkam ng lupa ang mga burukratang kapitalista. Kinukuha nila ang mga konsesyon sa malalawak na lupaing publiko para gawing pastulan, trosohan, minahan o subdibisyon.

Inaagaw nila ang lupa ng mga setler at pambansang minorya sa pamamagitan ng pagmamaniobra sa mga rehistro at titulo.

d. Panlilinlang sa mamamayan

Nililinlang ng mga burukratang kapitalista ang mamamayan para maging maamo at masunurin sa mga naghaharing uri. Inaakit nila ang mamamayan para umasa sa gubyerno sa paglutas ng mga problema.

Nagdaraos ng mga eleksyon ang mga burukratang kapitalista para palabasing kagustuhan ng mamamayan ang pag-upo nila sa poder. Ginagamit ang eleksyon bilang paraan ng pagpili kung aling pangkat ng naghaharing uri ang hahawak sa kapangyarihan ng estado.

Kontrolado ng mga burukratang kapitalista ang buong sistema ng edukasyon at masmidya. Ginagamit nila ang mga ito para ipalaganap ang mga ideyang sumasamba sa mga imperyalista, malalaking burgesyang kumprador at mga panginoong maylupa. Sa kabilang banda, sinisiraan nila ang rebolusyonaryong kilusan at inilalayo ang mamamayan sa landas ng rebolusyon.

e. Pagsangkot sa kriminal at iligal na mga aktibidad

Ang kriminal at iligal na mga aktibidad ay isa na ngayong malaking pinagkakakitaan ng mga burukrata kapitalista kabilang ang matataas na upisyal ng AFP at PNP. Pinapakita lamang nito ang mabilis na pagkitid ng pinag-aagawang yaman ng bayan.

Kabilang dito ang kalakalan ng ipinagbabawal na droga, ismagling, operasyon ng mga pasugalan, kidnap-for-ransom, bank robbery, prostitusyon, gun-for-hire at marami pang iba.

Sa pamamagitan ng paggamit ng mataas na pusisyon sa estado sila ay tuwirang sangkot o nagbibigay proteksyon sa mga kriminal na sindikato. Kinakasangkapan din nila ang mga kontrarebolusyonaryong taksil para rito.

Malaki ang responsibilidad nila sa paglaganap ng kriminalidad at iba pang antisosyal na aktibidad at sa pagtindi ng imoralidad sa buong bayan.

D. Ang Pagsasabwatan ng Tatlong Salot sa Pagpapanatili ng Lipunang Malakolonyal at Malapyudal

1. Paano nagsasabwatan ang imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa pagpapahirap sa sambayanang Pilipino?

Ang imperyalismong US ang pangunahing nakikinabang at pinakamapagpasyang pwersang nagtataguyod sa kasalukuyang naghaharing sistema sa Pilipinas. Ito ang nangingibabaw sa ekonomya ng bayan at kumokontrol sa reaksyunaryong gubyerno at mga armadong pwersa nito. Kung wala ang suporta ng imperyalismong US, hindi tatagal ang naghaharing sistema.

Ang malaking burgesyang kumprador ay bumubuntot at nakikinabang sa kapangyarihan ng mga dayuhang monopolyong kapitalista. Nabubuhay ang malaking burgesyang kumprador sa kolonyal na kalakalan, pakikipagsosyo sa mga dayuhang kapitalista, at pakikibahagi sa pakinabang mula sa dayuhang pangungutang. Pangunahing kasangkapan ito ng imperyalismong US sa pagsasamantala sa sambayanang Pilipino. Itinataguyod ng imperyalismong US ang pangingibabaw ng kapangyarihan ng malaking burgesyang kumprador sa ekonomya at pulitika ng Pilipinas.

Pinangangalagaan din ng imperyalismong US ang kapangyarihan ng uring panginoong maylupa para itaguyod ang paghahari nito sa Pilipinas. Pinapanatili ang pyudalismo para pamalagiing atrasado at nakasandig sa US ang bayan. Sa gayon, nakakapagkamal ng supertubo ang imperyalismong US.

Ang burukratang kapitalismo ay bahagi ng estadong likha ng imperyalismong US at pyudalismo. Pinag-uugnay nito at pinangangalagaan ang interes ng imperyalismo at pyudalismo laban sa pagtutol at pakikibaka ng mamamayan.

Sa halip na ipaglaban ang pambansa at demokratikong mga interes ng sambayanang Pilipino, naglilingkod ang mga burukratang kapitalista sa mga amo nilang dayuhan at pyudal habang nangungurakot sa pwesto sa gubyerno.

Bunga ng pagsasabwatan ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo, umiiral sa Pilipinas ang lipunang malakolonyal at malapyudal.

2. Paano naging malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino bunga ng pagsasabwatan ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo?

Malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino ngayon. Ang katayuang ito ay itinatakda ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo na ngayo’y walang habas na nagsasamantala sa malawak na masa ng mamamayang Pilipino. Ang tatlong salot na ito, na bunga ng kasaysayan, ang mga pundamental na suliraning nagpapahirap sa lipunang Pilipino. Ang malakolonyal na katangian ng lipunang Pilipino ay pangunahing itinatakda ng imperyalismong US. Kahit sinasabi ng mga reaksyunaryo na malaya na ang Pilipinas, hindi ito ganap dahil sila na rin ang kumokontra sa sarili sa pagsasabing “ibinigay” o “ibinalik” lamang ng imperyalismong US ang kalayaan ng Pilipinas.

Ang totoo ay patuloy na nilalapastangan ng imperyalismong US ang pambansang soberanya, at pagkaraang “ibigay” ito, sinigurado ng imperyalismong US na patuloy nitong makokontrol ang ekonomya, pulitika, kultura, militar at ugnayang panlabas ng Pilipinas. Nakapangikil ang imperyalismong US ng di pantay na mga tratado at makaisang-panig na mga pribilehiyong lumalabag sa pambansang soberanya, integridad ng teritoryo at pambansang mana ng sambayanang Pilipino.

Patuloy na inaangkin ng imperyalismong US ang pribilehiyong bigyan ng armadong proteksyon ang mga lokal na mapagsamantalang uri. Kahit may ilusyon ngayon na nagpapasya sa sarili ang kasalukuyang gubyerno, ang mga saligang patakaran nito at ang eleksyon at pagnonombra ng pinakamatataas na upisyal ay pangunahing itinatakda ng imperyalismong US.

Ang mga engklabe sa ekonomya na pinaghaharian ng mga empresa ng US, ang kontrol ng US sa reaksyunaryong armadong pwersa ng Pilipinas, at ang libreng paglabas-masok ng mga tropa at kagamitang pandigmang US alinsunod sa mga tratadong militar, ang pinakamalinaw na ebidensya na kolonya pa rin ng US ang Pilipinas. Maaalis lamang ang kolonyal na kontrol sa pamamagitan ng armadong pambansang rebolusyon na naggigiit sa kalayaan ng Pilipinas.
Ang malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino ay pangunahing itinatakda ng pagkubabaw ng monopolyong kapitalismo ng US sa lumang pyudal na paraan ng produksyon sa Pilipinas. Ang kongkretong resulta nito ay ang pagkaagnas at pagkalusaw ng natural na ekonomyang nakakasapat sa sarili na naging ekonomyang pangkalakal.

Dahil dinidiktahan ng dayuhang monopolyong kapitalismo ang ekonomyang pangkalakal, ginagamit ito para pigilan ang pagunlad ng pambansang kapitalismo at pwersahing mabangkrap ang mga may-aring nagbubungkal at tagayari ng handikrap. Ginagamit ang ekonomyang pangkalakal para panatilihin sa pyudal na pagkaalipin ang malawak na masa ng mamamayan at kasabay nito’y likhain ang malaking reserbang hukbo ng paggawa, upang mapanatiling mababa ang presyo ng paggawa.

Sa agrikultura ng Pilipinas, patuloy na umiiral ang lumang pyudal na paraan ng produksyon kaagapay ng kapitalistang pagsasaka, na pangunahing isinasagawa para sa produksyon ng ilang pananim na pang-eksport na kailangan ng US at iba pang bayang kapitalista. Subalit di hamak na mas malawak pa rin ang mga sakahang ginagamitan ng lumang pyudal na paraan ng produksyon kaysa mga sakahang kapitalista at mga sakahang pinatatakbo sa paraang kapitalista.
Ang pyudalismo ay pinasisigla at pinananatili ng imperyalismong US para pamalagiing naghihirap ang malawak na masa ng mamamayan, supilin ang pinakamalaking uri, ang uring magsasaka, at manipulahin ang atrasadong kalagayan ng bayan nang sa gayo’y makakuha rito ng murang paggawa at murang hilaw na materyales. Sa ganitong pakahulugan, sinasabi na batayang panlipunan ng imperyalismong US ang pananatili ng pagsasamantala ng mga panginoong maylupa. Kailangan ang rebolusyong agraryo para mawasak ang ugnayan ng imperyalismong US at pyudalismo at alisan ng batayang panlipunan ang imperyalismong US.

Naging malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino dahil naiimpluwensyahan at umaasa sa isa’t isa ang imperyalismong US at pyudalismo. Hindi talaga interesado ang imperyalismong US na paunlarin ang ekonomyang kolonyal at agraryo para maging tunay itong malaya at umaasa-sa-sarili. Natural sa modernong imperyalismo na ang gawing posible lamang ay ang tagibang at pasumpong-sumpong na pag-unlad. Ang mga monopolyong kapitalista ng US ay interesado lamang na makakuha ng sobra-sobrang ganansya mula sa kolonyal na palitan ng hilaw na materyales na galing sa Pilipinas at yaring kalakal na galing sa US, mula sa direktang pamumuhunan sa mga kolonya at malakolonya na nagsasampa ng mas mataas na ganansya, at mula sa internasyunal na pang-uusura.

Ang mga pundamental na problema ng sambayanang Pilipino ay hindi maaasahang lutasin ng kasalukuyang reaksyunaryong estado dahil, unang-una, likha at papet na instrumento ito ng imperyalismong US at pyudalismo. Sa bawat antas ng kasalukuyang reaksyunaryong estado, mula sa pambansang antas hanggang sa antas ng munisipalidad, nariyan ang mga burukratang kapitalista na tuta ng imperyalismong US at pyudalismo.

Ang burukratang kapitalismo mismo ay bukod pang kasamaang nagpapahirap sa buong bansa. Ginagampanan nito ang espesyal na papel na pag-ugnayin ang mga interes ng mga dayuhan at katutubong mapagsamantala at supilin ang determinadong paglaban ng rebolusyonaryong masa. Iniluklok ang mga burukrata kapitalista para maging papet na administrador na siguradong magpapatupad sa mga kagustuhan ng imperyalismong US.

Mas interesado ang mga burukratang kapitalista na ibulsa ang nananakaw nila sa gubyerno at manghingi ng konsesyon sa kanilang mga among dayuhan at pyudal kaysa ipaglaban ang pambansa-demokratikong interes ng sambayanang Pilipino. Walang saysay at mali na asahang babaguhin nila ang malakolonyal at malapyudal na mga saligang patakaran ng reaksyunaryong papet na gubyerno.

Ang karaniwang ginagawa ng mga bulok na upisyal na ito ng gubyerno ay gumamit ng kontra-rebolusyonaryong dalawahang taktika para lokohin ang mamamayan at mas mahusay na pagsilbihan ang mga naghaharing uri. Ipinoproklama nila ang sarili na mga “populista,” “makabayan,” “demokrata” o “sosyalista” pa nga, at kaya rin nilang magnakaw ng mga kataga sa rebolusyonaryong kilusang masa.

Ang imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo ang mga dahilan ng krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino. Hangga’t hindi naibabagsak ang mga ito, hindi makakamit ng sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan at demokrasya.

IV. DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN ANG TANGING SOLUSYON SA MGA PUNDAMENTAL NA PROBLEMA

1. Bakit rebolusyon ang tanging solusyon sa pundamental na mga problema ng sambayanang Pilipino?

Malinaw sa pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas na hindi kailanman kusang bibitawan ng dayuhan at lokal na mga naghaharing uri ang kanilang kapangyarihan. Hindi rin nila kusang isusuko ang kayamanang dinambong nila sa mamamayang Pilipino. Basta’t ang kapangyarihan nila ang nanganganib, gagawin ng mga imperyalistang US, malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa ang lahat ng maniobra at kahayupan.

Bilang pinakamahalagang kasangkapan sa pagtatanggol at pagtataguyod sa kanilang paghahari at interes, itinayo at patuloy na pinalalakas ng mga naghaharing uri ang reaksyunaryong estado. Kaya, para mapalaya ang sambayanan mula sa salot ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo, pinakamapagpasya ang pagdurog sa reaksyunaryong estado. Walang maaasahan ang mamamayan sa simpleng pagpapalit ng mga nagpapatakbo sa reaksyunaryong estado sa pamamagitan man ng eleksyon o kudeta.

Walang ibinubungang pag-unlad sa kalagayan ng mamamayan ang pagbabagu-bago sa presidente ng papet na gubyerno. Patuloy pang sumasahol ang dinaranas nilang pagsasamantala, pang-aapi at kahirapan.

Magtatagumpay lamang ang kudeta sa Pilipinas kung may basbas ito ng imperyalismong US na mahigpit na kumokontrol sa reaksyunaryong armadong pwersa. Mas malamang kaysa hindi na ang iluluklok nito sa kapangyarihan ay kasinsama o mas masahol pa kaysa sa pinalitan. Opsyon ng US na magpalit ng papet depende sa tantya niyang bentahe nito sa kanyang paghahari sa bayan.

Wala ring kahihinatnan ang pagsusumamo ng mamamayan sa reaksyunaryong estado na ipagtanggol laban sa mga dayuhan at lokal na nagsasamantala at nang-aapi. Hindi nakapagtatakang ang reaksyunaryong estado at mga ahente ng mga naghaharing uri ang pangunahing nagpapalaganap sa ganitong palaasang kaisipan. Nais nilang gawing sunud-sunuran sa kanila ang mamamayan.

Wala ring mapapala sa repormismo o ang paniniwalang makakamit ang tunay na kalayaan at demokrasya sa pamamagitan ng parlamentaryong mga paraan lamang.

Para mapalaya ang sambayanan sa paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo, kailangang ibagsak at wasakin ang reaksyunaryong estado. Kailangang palitan ito ng bagong estadong likha ng mamamayan at nagtataguyod sa kanilang mga interes. Kailangan ang rebolusyonaryong dahas para magapi ang mga naghaharing uri at mahawan ang landas sa pagtatatag ng lipunang malaya, makatarungan at maunlad.

2. Bakit pambansa-demokratiko ang katangian ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino?

Dahil malakolonyal at malapyudal ang lipunang Pilipino, dimaiiwasang pambansa-demokratiko ang katangian ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino. Ito’y pambansademokratikong rebolusyon, rebolusyong hangad ang paglaya ng sambayanang Pilipino sa pang-aapi at pagsasamantalang dayuhan at pyudal.

Pambansang rebolusyon ito dahil pangunahing iginigiit nito ang pambansang soberanya laban sa imperyalismong US at mga lokal na tuta nito. Demokratikong rebolusyon ito dahil pangunahing inilulunsad ang pakikibakang magsasaka para sa lupa at laban sa katutubong pyudalismo. Itinataguyod din nito ang mga demokratikong karapatan ng malawak na masa ng sambayanan laban sa pasismo.

Ang mga saligang kontradiksyon sa lipunang Pilipino ay ang kontradiksyon ng bansang Pilipino at ng imperyalismo, at ang kontradiksyon ng malawak na masa ng mamamayan at ng pyudalismo. Sa saligan, ang pasismong tumitindi ngayon ay ang panunupil ng kasalukuyang kontrarebolusyonaryong estado sa sambayanan sa ngalan ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri.

3. Bakit bagong tipo ang pambansa-demokratikong rebolusyon na inilulunsad sa Pilipinas?

Bagong tipo ang kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon dahil ang makauring pamumuno nito ay wala na sa burgesya kundi nasa proletaryado at ang patutunguhan ng rebolusyon ay hindi kapitalista kundi sosyalista.

Dahil prinsipal na layunin ng kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino na palayain ang sambayanang Pilipino sa pang-aapi’t pagsasamantalang dayuhan at pyudal, masasabing karugtong at pagpapatuloy ang rebolusyong ito ng Rebolusyong Pilipino ng 1896 at ng Digmaang Pilipino-Amerikano, na parehong nabigo sa pamumuno ng lokal na burgesya na pinangungunahan ng liberal-burges na liderato ng gubyernong Aguinaldo.

Gayunman, may saligang pagkakaiba ang kasalukuyang pambansa-demokratikong rebolusyon at ang rebolusyong tinalo ng imperyalismong US. Bagong tipo ang kasalukuyang pambansademokratikong rebolusyon. Bagong tipo ito dahil mula noong Rebolusyong Oktubre ng Rusya at mula nang lumitaw ang unang estadong sosyalista sa guho ng gera ng mga imperyalista (ang Unang Digmaang Pandaigdig), di maiiwasang maging bahagi ng pandaigdigang rebolusyong proletaryo ang mga pambansademokratikong pakikibaka sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo sa mga kolonya at malakolonya. Mula noon, nawala na ang obhetibong kundisyon para sa lumang tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Nawala na ang kundisyon sa pamumuno sa rebolusyon ng lokal na burgesya.

Ang pandaigdigang rebolusyong burges ay hindi nakakapagbigay ng tamang oryentasyon sa pambansa demokratikong rebolusyon. Higit kailanma’y hating-hati ang lumang lideratong ilustrado sa tatlong saray: malaking burgesyang kumprador, pambansang burgesya at petiburgesya na malinaw na may iba’t ibang aktitud sa pulitika. Nasa yugto tayo ngayon ng bagong tipo ng pambansa-demokratikong rebolusyon, ang demokratikong rebolusyong bayan.

Nasa proletaryado na ngayon ang makauring pamumuno sa rebolusyong Pilipino at wala na sa burgesya o sa alinmang saray nito. Hindi maibabagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo kung ang malawak na masa ng sambayanan ay hindi pamumunuan ng rebolusyonaryong partido ng proletaryado, ang Partido Komunista ng Pilipinas, sa kataastaasang patnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ang mga rebolusyonaryong hangarin at mithiin ng uring manggagawa, uring magsasaka, petiburgesya at pambansang burgesya ay wastong maisusulong at matutupad lamang sa ilalim ng makauring pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng partido nito.

Itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noon pang 1930. Pero dahil sa grabeng sakit na suhetibismong burges sa ideolohiya, oportunismo sa pulitika at mga paglabag sa demokratikong sentralismo sa buhay ng organisasyon, hindi lamang nabigong tuparin ng Partido ang mga rebolusyonaryong tungkulin nito kahit na napakainam ng obhetibong kundisyon sa ilang panahon, laluna noong panahon ng antipasistang pakikibaka laban sa Hapones at pagkaraan niyon, kundi nabigo rin itong manatiling buo sa loob ng halos 20 taon bago ito itinatag muli noong Disyembre 26, 1968. Ang pangunahing dahilan ng pagkabigong ito ay ang pangingibabaw sa loob ng Partido ng kontra-rebolusyonaryong linya nina Lava at Taruc hanggang itakwil ang linyang ito ng kilusang pagwawasto na binigyan ng inspirasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo.

Ang aping mamamayan ng mundo ay mayroon nang di magagaping sandatang pang-ideolohiya na magbabagsak sa imperyalismo, rebisyunismo at lahat ng reaksyon, at makakasama na sila sa kinabukasang sosyalista. Ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo ang di magagaping sandatang direktang hawak ng mga rebolusyonaryong partidong proletaryo na namumuno sa aping mamamayan ng mundo.

Mayroon na ngayong Partido Komunista ng Pilipinas na puspusang nagsisikap na gamitin ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kundisyon ng Pilipinas. Mayroon na ngayong Bagong Hukbong Bayan na pinamumunuan ng Partido, para magpalasap ng nakakamatay na mga dagok sa armadong kontrarebolusyon at magtayo ng mga bakal na moog ng rebolusyon sa kanayunan bago agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran. Mayroon na ngayong nagkakaisang prente para sa pagsusulong ng digmang bayan at paghihiwalay sa mga pusakal na kaaway. Pangunahing nakabatay ang nagkakaisang prenteng ito sa alyansa ng proletaryado at uring magsasaka na mahigit 90% ng mamamayan at sinasaklaw din nito ang petiburgesya, pambansang burgesya at iba pang makabayan.

4. Ano ang perspektiba ng demokratikong rebolusyong bayan?

Sosyalismo ang perspektiba ng demokratikong rebolusyong bayan. Kagyat na sisimulan ang rebolusyong sosyalista sa tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, kapag naibagsak na ang kapangyarihan ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo at naagaw na ng mamamayan ang kapangyarihang pampulitika sa buong bayan.

Ang sosyalismo ay ang sistemang panlipunan na ang kapangyarihang pang-estado ay nasa kamay ng uring manggagawa at ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aaring publiko. Ang sistema ng apropriyasyon ay may katangiang sosyal upang umalinsunod sa katangiang sosyal ng malakihang produksyon. Sa sistemang panlipunang ito, pinapalitan ang magulong sistema ng produksyon para sa tubo ng sistemang kapitalista, ng planadong produksyon para sa pakinabang ng buong lipunan.

Ang tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan ang naglalatag ng materyal na mga kundisyon at nagluluwal ng mga pwersa at mga kaparaanan para sa paglulunsad at pagsusulong ng sosyalistang rebolusyon. Hindi maaaring simulan ang sosyalistang rebolusyon hangga’t hindi naipagtatagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan.

Ang mga sosyalistang salik sa demokratikong rebolusyong bayan ay pinauunlad at pinalalakas upang matiyak na makapananaig ang proletaryado at makasusulong sa sosyalistang rebolusyon. Ang mga salik na ito ay ang makauring pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang absolutong pamumuno ng Partido sa Bagong Hukbong Bayan at iba pang mga instrumento ng kapangyarihang pampulitika, ang pagtatayo ng sektor pangestado at sektor pang-kooperatiba ng ekonomya bilang mapagpasyang mga salik sa ekonomya, at ang pagtatayo ng diktadura ng proletaryado sa bag-as ng demokratikong diktadurang bayan.

B. Ang mga Kaibigan at ang mga Kaaway ng Rebolusyon

Sa paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan, mahalagang makilala kung sino ang mga kaibigan at sino ang mga kaaway. Sa gayon, natutukoy natin kung paano wastong pakikitunguhan ang bawat isa sa mga ito.

Mga kaaway ng sambayanang Pilipino ang imperyalismong US, malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Bilang mga naghaharing uri, sila ang kumokontrol at nagpapasasa sa yaman ng Pilipinas. Kontrolado rin nila ang reaksyunaryong gubyerno at mga armadong pwersa nito.

Magkakakampi sa rebolusyon ang proletaryado, uring magsasaka, petiburgesya at sa ilang panahon at limitadong saklaw, ang pambansang burgesya. Sila ang dumaranas ng pagsasamantala at pang-aapi ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Ang proletaryado ang uring namumuno sa rebolusyon. Sa lipunang Pilipino, ito ang uring inianak ng modernong industriya at nasa pusisyong patuloy na magpaunlad dito. Habang sumusulong ang industriya, ito ang uring patuloy na mabilis na lalaki at bubuo sa mayorya ng mamamayan. Ito ang pinakaabanteng pwersa sa produksyon.

Dahil sa walang pag-aaring kagamitan sa produksyon, ang proletaryado ay puspusang rebolusyonaryo at magpupunyagi sa rebolusyonaryong pakikibaka hanggang sa mapawi ang pagsasamantala ng tao sa tao. Ito ang uring humahawak ng pinakamaunlad na rebolusyonaryong teorya, ang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ang Partido Komunista ang partidong pampulitika nito.

Ang uring magsasaka, partikular ang maralita at panggitnang magsasaka, ang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Bilang pinakamalaking uri sa kasalukuyang lipunan, kailangang mapukaw at mapakilos ito sa rebolusyon. Ang problema ng mga magsasaka, ang problema sa lupa at pyudal na pagsasamantala, ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ang petiburgesya ay mapagkakatiwalaang kaalyado sa rebolusyon. Dumaranas din ito ng matinding pagsasamantala at pang-aapi at handang aktibong lumahok sa rebolusyon, kasama ng uring manggagawa at magsasaka. Ang mga estudyante at intelektwal ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong propaganda.

Mapalalahok sa rebolusyon ang pambansang burgesya kahit mabuway ang paninindigan. Kahit nagsasamantala rin ito sa mga manggagawa at may mga kuneksyon sa imper yalismo at pyudalismo, nagigipit ito bunga ng pagkontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas.

Para matagumpay na maipatupad ang kagyat at matagalang mga tungkulin sa rebolusyon, kailangang kilalanin at wastong pakitunguhan ang mga tunay na kaaway at mga tunay na kakampi.

1. Paano makikilala ang lokal na mga naghaharing uri?

Ang malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa ang lokal na mga naghaharing uri sa Pilipinas. Isang porsyento (1%) lamang sila ng populasyon.

a. Malaking burgesyang kumprador

Sila ang pinakamakapangyarihang saray ng burgesyang Pilipino. Limpak-limpak ang kinikita nila sa pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa mga bayang kapitalista tulad ng US at Japan. Mga prinsipal na ahente sila ng imperyalismong US sa kalakalan, mga bangko at institusyong pinansyal at mga industriya ng Pilipinas.

Sila ang pinakamalaking mga kasosyo ng mga dayuhang kapitalista sa malalaking kumpanya tulad ng Meralco, SMC, Petron, Filipinas-Shell, PLDT-Smart, Texas Instruments, Caltex, Nestle, Philippine Airlines, Ayala Corp. JG Summit Holdings, Zuellig Pharma, Mercury Drug, Coca-Cola Bottlers, Jollibee, Globe, Procter and Gamble, RFM, PNOC, SM, del Monte, Dole, Metrobank, Citibank, BPI, at iba pa. Kabilang sa burgesyang kumprador ang pinakamayayaman sa Pilipinas tulad nina Eduardo Cojuangco, Marcos, Lopez, Ayala-Zobel, Lucio Tan, Aboitiz, Gokongwei, Sy, Roxas Chua, Araneta, at Enrile.

Kabilang din ang mga manedyer at abugado ng malalaking korporasyon, malalaking akawntant, mga huwad na liderobrero at mga intelektwal na mataas ang sweldo. Lahat sila ay tuwirang naglilingkod sa malaking burgesyang dayuhan at lokal.

Target ng rebolusyon ang malaking burgesyang kumprador. Sila ang pinakamabagsik sa pagpapanatili at pagpapatindi ng imperyalistang paghahari sa Pilipinas. Marumi at marahas silang lumalaban sa rebolusyon.

b. Uring panginoong maylupa

Sila ang nag-aari sa malalawak na lupaing agrikultural. Hindi sila lumalahok sa esensyal na paggawa at kung nagtatrabaho ma’y sa maliliit na gawain lamang. Yumayaman sila sa pangingikil ng mataas na upa sa lupa, tributo, usura at pangangamkam ng lupa. Nakakapagsamantala rin sila sa mababang pagpapasahod sa inuupahang paggawa.

Kilalang malalaking panginoong maylupa sina Cojuangco, Marcos, Enrile, Ayala-Zobel, Lopez, Aquino, Yulo, Osmeña, Montelibano, Araneta, Dimaporo, Floirendo, Elizalde, Lobregat, Roxas, Madrigal, Zubiri, Guanzon, Escudero, Fuentebella, Legarda, Mike Arroyo, at Larrazabal.

Ibinibilang din sa uring panginoong maylupa ang sumusunod:

i. mga nangungupahan o konsesyonero ng malalawak na lupaing pag-aari ng reaskyunaryong gubyerno, mga bangko, simbahan, mga iskwelahan;

ii. mga manedyer at tagalako ng huwad na mga kooperatibang agrikultural;

iii. mga pangunahing engkargado ng mga panginoong maylupa sa pangungulekta ng upa sa lupa (at mas nakaaangat ang kabuhayan sa karaniwang panggitnang magsasaka), o administrador ng malalawak na lupain nila;

iv. mga usurero na umaasa sa usura bilang pangunahing hanapbuhay at mas nakaaangat sa karaniwang panggitnang magsasaka; v. mga may-ari ng makinarya (kono, traktora at iba pa) na sumisingil ng sobrang bayad na butil o pera; at

vi. mga komersyante na nagbebenta ng mga kagamitan sa produksyong agrikultural sa napakataas na presyo at bumibili ng mga produktong agrikultural sa pinababang presyo.

Mahahati ang uring panginoong maylupa sa malaki, panggitna at maliit. Sa kalahatan, ang mga nagmamay-ari ng 10 hanggang 49 ektarya ay kabilang sa maliit at panggitna. Malalaking panginoong maylupa ang may 50 ektarya o mahigit pa. Kabilang sa huli ang bagong tipong mga panginoong maylupa na nag-eeksport ng hilaw na produkto tulad ng asukal, kopra, saging, pinya, abaka, at iba pa. Sila ang pinakamalapit sa mga imperyalista, pinakamayaman at pinakamakapangyarihan sa mga panginoong maylupa.

Marahas na lumalaban sa rebolusyon ang uring panginoong maylupa at sa gayo’y target din sila ng rebolusyon. Para sa taktikal na mga konsiderasyon, pinag-iiba-iba sila ayon sa hawak na awtoridad at pagiging despotiko. Bagamat sa pangkalahatan ay target ng rebolusyon ang buong uring panginoong maylupa, pangunahing target sa hanay nila ang mga panginoong maylupa na malaki, nasa poder at despotiko.

2. Paano makikilala ang bumubuo sa sambayanang Pilipino?

Ang sambayanang Pilipino ay binubuo ng uring manggagawa o proletaryado, uring magsasaka, petiburgesya at pambansang burgesya. Siyamnapu’t siyam na porsyento (99%) sila ng populasyon. Sila ang mga kaibigan ng rebolusyon.

a. Ang proletaryado o uring manggagawa

Ang proletaryado ay walang pag-aaring kagamitan sa produksyon. Para mabuhay, kinakailangan nilang magbenta ng lakas-paggawa. Sila ang siyang lumilikha ng mga produktong pinagtutubuan nang malaki ng mga kapitalistang dayuhan at lokal. Sila ang siyang bumubuhay sa modernong industriya. Mahigit 15% sila ng buong populasyon.

Karaniwang matatagpuan ang mga manggagawa sa mga pabrika ng tela, sigarilyo, kemikal, gamot, pagkain, at iba pa; sa mga minahan at trosohan; at sa mga asyenda ng eksport na mga pananim tulad ng tubo, saging, pinya at niyog.Kabilang sa proletaryado ang mga manggagawa sa serbisyo na matatagpuan sa transportasyon, komunikasyon, pag-iimbak, public utilities, mga department stores at iba pa. Kabilang din sa proletaryado ang mga manggagawang agrikultural na tumatanggap ng regular na sahod sa mga plantasyon at sakahang kapitalista. Pinagsasamantalahan sila ng mga kapitalistang dayuhan at lokal at ng mga panginoong maylupa.

Ang proletaryado ang pinakakonsentradong uri sa lipunan. Sa maramihan at sama-samang paggawa, nagiging mahusay sila sa disiplina at organisasyon. Sa mga pakikibaka sa kabuhayan at pulitika laban sa malaking burgesya, napapanday ang makauring pamumuno nila sa rebolusyong Pilipino.

Pinamumunuan ng proletaryado ang rebolusyon sa pamamagitan ng kanilang partidong pampulitika, ang Partido Komunista ng Pilipinas.

Ang proletaryado ang tagapamandila ng pinakamaunlad na rebolusyonaryong teorya, ang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ito ang pinakapuspusan at pinakamasugid na rebolusyonaryong pwersa. Magpupunyagi ito hanggang mapawi ang pagsasamantala ng tao sa tao. Sa pagrerebolusyon, walang mawawala sa kanila kundi ang tanikala ng pagkaalipin.

b. Ang uring magsasaka

Sila ang nabubuhay sa pagbubungkal ng lupa. Sila ang kalakhang pwersa ng pambansang ekonomya. Pitumpu’t limang porsyento (75%) sila ng kabuuang populasyon ng Pilipinas.

Nahahati sila sa tatlong saray: mayamang magsasaka, panggitnang magsasaka at maralitang magsasaka.

i. Mayamang magsasaka

Sa kabuuan nagmamay-ari ng lupa ang mga mayamang magsasaka, pero marami rin sa kanila ang umuupa ng lupa. Mayroon silang sariling kagamitang pansaka at sobrang salapi na ginagamit sa sariling pagtatrabaho. Ang malaking parte ng kinikita nila ay mula sa sariling paggawa at pagbubungkal sa lupa. Ang ibang bahagi ng kanilang kita (mula 30%-50%) ay nagmumula naman sa pagsasamantala sa iba sa pamamagitan ng pag-upa ng mga manggagawang bukid, pagpapaarkila ng mga hayop at kagamitang pansaka, pang-uusura at pagpapaupa ng sobrang lupa. Halos limang porsyento ng populasyon ng kanayunan ang mayamang magsasaka.

Mapapasuporta sila sa pakikibakang anti-pasista at antiimperyalista. Pero sa antipyudal na pakikibaka, kailangan silang manyutralisa.

ii. Panggitnang magsasaka

Karamihan sa mga panggitnang magsasaka ang may sariling pag-aaring lupa at kagamitang pansaka na sapat para mabuhay mula sa sariling paggawa. Mayroon ding ilan na umuupa ng lupa. Sa kabuua’y hindi nila ibinebenta sa iba ang kanilang lakaspaggawa. Kung may dagdag man silang kita mula sa pagpapasahod o paggawa ng iba, maliit na bahagi lamang ito ng kanilang kabuuang kita. May 15%-20% sila ng populasyon sa kanayunan.

May tatlong antas ang gitnang magsasaka: nakatataas, gitna at nakabababa.

Ang mga nakatataas-na-panggitnang magsasaka ay bahagya o paminsan-minsang nagsasamantala. Pero ang kinikita nila sa pagsasamantala ay umaabot sa higit 15%-30% ng kanilang kabuuang kita.

Ang mga gitnang-panggitnang magsasaka, sa kabuuan, ay hindi tuwirang pinagsasamantalahan ng panginoong maylupa, at sila mismo ay hindi nagsasamantala. Gayunman, bahagya o paminsan-minsang nagsasamantala ang ilang gitnangpanggitnang magsasaka, at ang kinikita nila sa pagsasamantala ay umaabot sa 1%-15% ng kanilang kabuuang kita.

Ang mga nakabababang-panggitnang magsasaka ay bahagya o paminsan-minsang nagbebenta ng kanilang lakaspaggawa, kaya’t ang sahod ay sekundaryong parte ng kanilang kabuuang kita. Nasa bingit sila ng pagiging maralitang magsasaka at pinagsasamantalahan sa pamamagitan ng upa sa lupa at interes sa pautang. Pwedeng umabot sa (25%) ang kinikita nila sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa.

Mabuway ang kalagayan ng kabuhayan ng mga gitnang magsasaka lalo na ng nakabababang antas. Mapapalahok sila sa kilusang anti-imperyalista at anti-pyudal. Sila ay mapagkakatiwalaang alyado ng proletaryado at mahalagang pwersang pampakilos sa rebolusyon.

iii. Maralitang magsasaka

Karaniwan ay kasamá lamang ng panginoong maylupa ang maralitang magsasaka at walang sariling pag-aaring lupa. Kahit may maliit na parsela ng lupa ang ilan, pangunahin silang umaasa sa pakikikasamá. May ilan silang simpleng kagamitang pansaka pero karaniwang nanghihiram o umuupa sila ng hayop na pansaka. Pitumpu’t lima hanggang walumpung porsyento (75-80%) sila ng populasyon sa kanayunan.

Kadalasang obligado silang magbenta ng lakas-paggawa para madagdagan ang maliit na parte nila sa ani. Mula sa sahod ang 25% hanggang 50% ng kabuuang kita nila. Kaya marami sa kanila ay pana-panahong manggagawang-bukid din.

Bunga ng matinding pagsasamantala at pang-aapi, ang maralitang magsasaka, kasama ang nakabababang-panggitnang magsasaka, ay likas at pinakamapag-kakatiwalaang alyado ng proletaryado sa rebolusyon. Sila ang pangunahing pwersa ng rebolusyon. Ang pakikibaka nila para sa lupa ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan.

k. Ang petiburgesya

Sila ang pinakamababa at pinakamalaking saray ng local na burgesya. Ang katayuan nilasa ekonomya ay nasa pagitan ng masang anakpawis at ng mga mapagsamantala. Sapat sapat ang kabuhayan nila dahil sa kanilang angking kakayahan, kaunting puhunan o ilang kagamitan sa produksyon.

Kabilang sa petiburgesya ang mayorya ng mga guro, estudyante, propesyunal na maliit ang kita, empleyado at mabababang upisyal ng gubyerno at mga empresa, gitnang magsasaka, maliliit na negosyante at mangangalakal, ekspertong tagayaring-kamay, karpintero-kontratista, mangingisdang may sariling bangkang demotor at kagamitan at bihasang manggagawa na mataas-taas ang sahod. Pitong porsyento (7%) ng buong populasyon ang petiburgesyang lunsod.

Kasama ang proletaryado at uring magsasaka, ang petiburgesya ay batayang pwersa ng rebolusyon. Sila ay maaasahang alyado ng proletaryado. Mapagpasya ang kanilang suporta para maikiling ang balanse ng pwersa pabor sa rebolusyon. Ang intelihensya sa hanay ng petiburgesya (kabataang estudyante, titser, propesyunal at intelektwal na maliit ang kita) ay gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong propaganda.

d. Ang pambansang burgesya

Sila ang saray ng burgesya na nasa gitna ng malaking burgesyang kumprador at petiburgesya. Mga negosyante silang nagnanais ng makabansang industriyalisasyon. Saklaw ng interes nila ang maliit na pagawaan, pangingisda, maliitang pagmamanupaktura, katamtamang pangangalakal at negosyo sa transportasyon at intermedyang industriya. Isang porsyento (1%) sila ng populasyon.

Kabilang sa mga produkto nila ang alak, sapatos, tabako’t sigarilyo, simpleng kagamitan sa agrikultura, lambat, lubid, langis ng niyog, arina, tela at damit, simento, papel, tabla, produkto ng iskrap na metal, plastik at iba pang mga produktong pangkonsumo. Hindi sila nagtatrabaho, pero sila ang tuwirang nangangasiwa sa kanilang negosyo. Tumutubo sila mula sa paggawa ng manggagawa.

Mapapalahok ang pambansang burgesya sa rebolusyon sa ilang panahon at limitadong saklaw. Kaya, dapat maging mapanghimok sa kanila. Pero dahil mabuway ang kanilang paninindigan, kailangang maging maingat sa pakikitungo sa kanila.

Ang malaproletaryado

Sila ang kalipunan ng mga walang regular na pinagkakakitaan, wala o kulang ng hanapbuhay. Wala silang ari-arian, at kung mayroon man, mga simpleng kasangkapan lamang. Mayorya ng mala-proletaryado ay binubuo ng mga maralita at mababang-panggitnang magsasaka o pana-panahong mga manggagawang-bukid. Kabilang din ang maliliit na tagayaring-kamay, karpintero, maliliit na litratista, maralitang mangingisda, maliliit na tagalako at kargador sa palengke, tsuper ng dyip at traysikel, katulong sa bahay, katulong sa maliliit na tindahan at tagasilbi sa restawran.

Relatibong malaki ang bilang nila dahil sa pagkaatrasado ng kanayunan at pagkabansot ng industriya ng bayan. Sila ang itinuturing na reserbang hukbo ng paggawa. Isang pwersang pampakilos ng rebolusyon ang malaproletaryado.

Ang lumpen-proletaryado

Dahil maraming walang hanapbuhay, patuloy na lumalaki ang bilang ng mga lumpen-proletaryado. Sila ang mga magnanakaw, maton, pulubi, bugaw, puta, manggagantso, drug pusher, palaboy at iba pang nabubuhay sa gawaing antisosyal. Sila ang latak ng lipunan. Ang paglitaw nila ay resulta ng sapilitang kawalan ng trabaho.

Mabuway ang paninindigan ng mga lumpen. Madali silang mabili ng kaaway at pwedeng maging mapanira. Madalas silang gamiting eskirol, impormer, maton at mga upahang nanggugulo at nananalakay sa rebolusyonaryong kilusan. Hindi pwersang pampakilos ng rebolusyon ang saray na ito ng lipunan. Pero ang ilan sa kanila ay pwedeng magbago. Magagamit sa rebolusyonaryong pakikibaka ang kanilang pagkamuhi sa reaksyunaryong estado basta’t maingat silang magagabayan.

Ang mala-proletaryado at lumpen-proletaryado ay hindi mga saray o bahagi ng uring proletaryo. Sa kanila, ang katawagang “proletaryado” ay tumutukoy lamang sa kanilang kawalan ng mga kasangkapan sa produksyon.

3. Bakit mahalagang bigyang-pansin ang natatanging mga grupo sa lipunan?

Walang grupong panlipunan sa Pilipinas na maihihiwalay sa pagsusuri sa uri. Kapag binibigyan ng Partido ng espesyal na atensyon ang mga grupong panlipunan tulad ng mga mangingisda, pambansang minorya, setler, kababaihan at kabataan, hindi ito ginagawa para palabuin o pawalan ng halaga ang makauring nilalaman kundi para bigyan ng nararapat na atensyon ang partikular na kundisyong taglay o pangangailangan ng bawat grupong panlipunan.

a. Ang mga mangingisda

Dahil sa pagiging pulu-pulo ng Pilipinas, natatangi ang laki ng grupong panlipunan ng mga mangingisda. Bukod sa mangingisda sa dagat, mayroon ding mangingisda sa malalaking ilog at lawa.

Ang pangingisda ay hindi lamang dagdag na hanapbuhay ng uring magsasaka. Mayroong pangingisda lamang ang hanapbuhay at mahahati sila sa tatlong seksyon: mayaman, panggitna at maralita.

Ang mga mayamang mangingisda ay gumagamit ng sariling bangkang demotor, malalaking lambat at kagamitan sa pangingisda, bumibili ng lakas-paggawa ng mga maralitang mangingisda at kumikita ng higit sa sapat para sa pangangailangan ng pamilya.

Ang mga panggitnang mangingisda ay gumagamit ng sariling bangkang demotor, lambat na katamtaman ang laki at kagamitan na di kasing husay ng sa mayamang mangingisda, sa pangisdaang munisipal lamang nangingisda at kumikita ng sapat lamang para sa pamilya.

Ang mga maralitang mangingisda ay pwedeng may sariling bangka at kagamitan na mahina ang klase, sa may baybayin pangunahing nangingisda at hindi kumikita ng sapat para sa pamilya kaya kailangan pang humanap ng ibang hanapbuhay, kadalasa’y sa pagsasaka bilang pantulong na hanapbuhay; o pwedeng ibinebenta nila ang kanilang lakas-paggawa sa mga mayamang mangingisda at kapitalista sa pangingisda.

Ang mga mangingisda ay direktang pinagsasamantalahan ng mga kapitalistang US at Hapon na nangingisda sa dagat at gumagamit ng malalaking troler at mga plota (kabilang ang mga bapor na imbakan ng isda at bapor na pabrika ng de-latang isda) na sumisimot sa mga pangisdaan; ng mga panginoong maylupang nagbabakod at umaangkin sa pangingisda at nagdidikta ng presyo; at ng abusadong mga upisyal ng gubyerno na basta na lamang kumukuha ng buwis na pera o isda.

Pwedeng suportahan ng mga mangingisda, laluna ng maralita at panggitna, ang anti-imperyalista at antipyudal na pakikibaka. Importanteng-importante sila sa pagkakawing at pagdedepensa sa mga pulo at sa pagpapakain sa mamamayan. Pwede nilang payamanin ang teorya at praktika ng digmang bayan sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa pakikidigmang dagat at pakikidigmang inilulunsad sa mga ilog, lawa at wawa.

b. Ang pambansang minorya

Umaabot sa 14% ng populasyon ng Pilipinas ang mga pambansang minorya. Ang pinakamarami ay ang mga Moro (Maguindanao, Maranao, Tausug at iba pa), Lumad (mga katutubo sa Mindanao na hindi Moro gaya ng Manobo, B’laan, Bagobo, Higaonon, Subanen, at iba pa), at Igorot (Kalinga, Apayao, Bontoc, Ifugao, Isneg o Tingguian, Kankana-ey at Ibaloi), Ita at Mangyan.

Ang malawak na mayorya ng mga pambansang minorya ay naninirahan sa mga liblib na lugar at mga lugar na pinababayaan at inaabuso nang husto ng reaksyunaryong gubyerno.

Ang kanilang lupaing ninuno ay kinakamkam ng mga imperyalista, kumprador, panginoong maylupa at burukratang kapitalista sa pamamagitan ng pagmamanipula sa mga titulo ng lupa at ng mapanlinlang na mga programa ng gubyerno. Lubos na binabale-wala ang kanilang katutubong mga kostumbre at batas. Palagi na lamang silang napapalayas sa kanilang lupa sa pamamagitan ng armas.

Mas mabigat ang pasanin ng mga pambansang minorya sa Pilipinas kaysa iba pang mamamayang Pilipino. Matagal na silang biktima ng sobinismong Kristiyano at pang-aapi ng mga reaksyunaryo.

Kinikilala ng Partido ang karapatan nilang magpasya sa sarili. Mapapagkaisa lamang sila at ang iba pang mamamayang Pilipino batay sa pagkakapantay-pantay at respeto sa kanilang kultura o lahi.

Ang tamang patakaran sa lahat ng pambansang minorya ay panghawakan lagi ang proletaryong paninindigan at gumawa ng kailangang pagsusuri sa mga uri. Ito lamang ang paraan para puspusang makasanib sa kanila ang Partido. Sa pagpapalitaw ng mga kadre ng Partido at Pulang mandirigma sa mga pambansang minorya, hindi lamang ang buong papet na estado ang maibabagsak ng Partido kundi pati ang mga lokal na tirano sa mga teritoryo ng mga pambansang minorya.

Marami sa mga pambansang minorya ang naitaboy sa pinakaliblib na lugar, at ang mga lugar na ito ay pwedeng gawing makapangyarihang mga base para sa rebolusyonaryong pakikidigma.

k. Ang mga settler

Ang mga setler sa mga bulubundukin at kagubatan ng Pilipinas ay isang importanteng penomenon dahil sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Importante sila dahil sila’y inaapi, marami at nasa tereyn na paborable sa armadong pakikibaka. Sa ilang probinsya, ang mga setler ang mayorya ng lokal na populasyon.

Ang mga setler sa mga bulubundukin at kagubatan ay mga magsasakang nawalan ng lupa at walang makitang trabaho sa bukid o pabrika sa lugar na pinanggalingan nila. Kahit sa umpisa ay mayroon silang kapirasong lupang binubungkal at itinuturing na sa kanila, karaniwa’y nabubuhay sila bilang maralitang magsasaka o nakakababang-panggitnang magsasaka at hinahadlangan ng reaksyunaryong gubyerno at iba’t ibang lokal na mapagsamantala na magkaroon ng pormal na titulo sa kanilang lupa.

Kadalasa’y nagiging biktima sila ng pangangamkam ng lupa, kapabayaan ng gubyerno, pang-uusura, manipulasyon ng komersyante, “lagay” sa mga lokal na burukrata, maton at bandido. Para sa sariling pakinabang ng mga panginoong maylupa at upisyal ng reaksyunaryong gubyerno, madalas na inuudyukan ng mga ito na maghidwaan ang mga komunidad ng mga setler at ng mga katutubo.

d. Ang kababaihan

Isang malaking pwersa ang kababaihan sa lipunang Pilipino. Humigit-kumulang, kalahati ng 80 milyong Pilipino ay kababaihan. Nagmumula sila sa iba’t ibang uri pero ang higit na nakararami ay kabilang sa uring inaapi at pinagsasamantalahan. Mga manggagawa at magsasaka ang bumubuo sa 90% ng kababaihan sa buong bayan.

Bukod sa makauring pagsasamantala at pang-aapi, dumaranas ang masa ng kababaihang anakpawis ng dagdag na pang-aapi dahil sa mababang katayuan nila sa lipunan. Itinatakda ito ng sistemang malakolonyal at malapyudal at ng kaagapay na pyudal at burges na kulturang ipinapalaganap ng mga naghaharing uri. Ginagamit nila ang pyudal at burges na pananaw sa kababaihan para higit na pagsamantalahan at apihin ang kababaihang anakpawis at masigurong sila’y manahimik, maging sunud-sunuran at hindi lumalaban.

Dulot ng mababang katayuan sa lipunan, mas kaunti ang oportunidad ng mga babae na maempleyo kaysa mga lalaki. Higit na limitado ang karapatan ng kababaihang lumahok at magdesisyon sa mga usapin tungkol sa gubyerno at lipunan, at kahit sa loob ng pamilya. Mas limitado ang oportunidad nilang makapag-aral. Biktima rin sila ng karahasan at kapabayaan ng gubyerno. Obhetibong interes ng kababaihan mula sa mga pinagsasamantalahan at inaaping uri at sektor ang pagrerebolusyon.

Tanging sa rebolusyonaryong pagbabago ng mga panlipunang kundisyon mabubunot ang magaganit na pang-ekonomya, pampulitika, pang-ideolohiya at sosyo-kultural na ugat ng pangkasarian at makauring pang-aapi sa masang kababaihan.

Ngunit hindi ito mangyayari kung hindi kikilos mismo ang kababaihan. Higit sa lahat, ang pinakamalaking katiyakan na matutugunan ang partikular na interes ng kababaihan kapwa sa loob at labas ng rebolusyon ay ang mismong pagpapalakas sa rebolusyonaryong kilusan ng kababaihan. Ang kanilang papalaking papel sa loob ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ay nagsisilbing inspirasyon sa iba pang kababaihan, gayundin sa kalalakihan sa pangkalahatan.

Dapat patuloy na hikayatin ang mas marami pang kababaihan na yakapin ang rebolusyon at patuloy na itaas ang antas ng kanilang rebolusyonaryong pagkilos. Ang tagumpay sa ganitong larangan ay magkaugnay na tagumpay ng kilusan sa pagpapalaya ng kababaihan at ng sambayanan.

e. Ang kabataan

Isang malaking pwersa sa lipunang Pilipino ang kabataan na binubuo ng mga may edad 13 hanggang 35 taon. Noong 1990, mahigit na 22 milyon o 37% ng populasyon ng Pilipinas ang kabilang sa sektor ng kabataan.

Nakapaloob ang kabataang Pilipino sa iba’t ibang uri. Karamihan ay kabilang sa uring manggagawa at magsasaka. Marami-rami rin ang kabilang sa petiburgesya na kinabibilangan ng kabataanestudyante, mga empleyado at propesyunal na maliit ang kita, at iba pa.

Taglay ng kabataan ang kasiglahan ng pag-iisip at pangangatawan. Bukas ang isip nila sa pagbabago, sa pagrerebolusyon. Sila’y bagong pwersa na dumaranas ng pagsasamantala at pang-aapi, interesado at handang makibaka para wakasan ang naghaharing sistema at itayo ang mas maaliwalas na bukas. Sila ang tagapagmana at tagapagpatuloy ng rebolusyon.

Hirap at pinagsasamantalahan – ganito ang kalagayan sa kabuhayan ng mayorya ng kabataan. Tulad ng malawak na sambayanan, hindi sila nagtatamasa ng anumang makabuluhang demokratikong karapatan sa kasalukuyang lipunan. Ipinagkakait o sinusupil ng mga naghaharing uri ang kanilang karapatan sa ekonomya, pulitika at kultura.

Madilim ang kinabukasan ng kabataang Pilipino sa ilalim ng ganitong sistema. Habang nagpapatuloy ito, hindi lubos na mapapaunlad ang kanilang kakayahan. Hindi mabibigyang-laya ang angkin nilang lakas at talino para sa bayan. Sa halip pinipiga ito ng dayuhan at lokal na mapagsamantala para sa sariling kapakinabangan.

Kaya kailangang yakapin at isulong ng kabataang Pilipino ang demokratikong rebolusyong bayan. Malaking papel ang ginampanan nila sa pagpapanibagong-sigla ng rebolusyonaryong kilusan at paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon. Mula noon hanggang kasalukuyan, masiglang lumalahok ang kabataan sa demokratikong rebolusyong bayan. Kinikilala ng rebolusyonaryong kabataan na maipagtatagumpay lamang ang rebolusyon sa pagkilos at pakikibaka ng malawak na masa ng sambayanan, laluna ng masang manggagawa at magsasaka. Kaya ang pagkilos nila ay bahagi at nagsisilbi sa demokratikong rebolusyon ng bayan.

Kabilang sila sa binubuklod ng demokratikong rebolusyong bayan para lumahok sa pagbabagsak sa naghaharing sistema at sa pagsusulong sa interes ng mamamayan. Importanteng umasa sa kabataan sa matagalang rebolusyonaryong pakikibaka. Sa pagmomobilisa sa kabataan, natitiyak na walang tigil na lilitaw ang mga magpapatuloy sa rebolusyonaryong kilusan.

4. Bakit mahalaga ang pana-panahong pagsusuri sa mga uri sa proseso ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan?

Pwedeng mangyari na maikaklasipika ang isang tao sa dalawa o higit pang kategorya ng uri. Dahil sa malakolonyal at malapyudal na katangian ng ekonomya, ang isang kabilang sa uring panginoong maylupa ay pwedeng kabilang din sa malaking burgesya o sa panggitnang burgesya. Pwedeng tukuyin ang prinsipal na katangian ng uri ng taong ito batay sa kanyang prinsipal na pinagkakakitaan. Kapag isa ring pambansang burges ang isang panginoong maylupa, magkahiwalay at tamang hinaharap ang kanyang interes bilang panginoong maylupa at interes sa industriya o komersyo. Ang isang myembro ng intelihensya ay pwedeng magmula sa pamilyang panginoong maylupa, pambansang burges o mayamang magsasaka, pero naghahanapbuhay siya bilang petiburges ng lungsod. Sa esensya, kinikilala siyang myembro ng petiburgesya ng lungsod.

Gayunman, hindi lamang pamantayang pangkabuhayan ang dapat gamitin sa pagkaklasipika ng mga indibidwal. Nahuhubog ang rebolusyonaryo o kontra-rebolusyonaryong katangian ng isang indibidwal sa takbo ng pakikibaka, laluna pagdating sa usapin ng pagiging proletaryong rebolusyonaryo. Walang isinisilang na Pula kahit sa mga anakpawis. Sa mga inaapi’t pinagsasamantalahan, pwedeng magkaroon ng sandakot na eskirol na dahil sa kontra-rebolusyonaryong aktitud ay napupunta sa panig ng mga kaaway ng mamamayan. Sa mga myembro ng petiburgesya, may pwedeng maging abanteng elemento sa rebolusyonaryong pakikibaka. Kahit sa myembro ng mga mapagsamantalang uri may mga bukod-tanging kaso ng mga indibidwal na nagbabago at pumapanig sa rebolusyon. Kung gayon, dapat bigyan ng nararapat na importansya ang pamantayan ng paninindigang pampulitika at ang proseso ng pagbabago ng ideolohiya.

Batay sa mga uri at saray, kailangan din ang paulit-ulit na pagsusuri sa mga uri nang sa gayo’y magkaroon tayo ng tamang pagsapol sa mga pagbabago sa pampulitikang aktitud na ibinubunga ng bagong materyal na kundisyon, at gayundin sa mga pagbabago sa materyal na kundisyon dahil sa mga pagbabago sa pampulitikang aktitud.

K. Ang Tatlong Mahahalagang Sandatang kailangan para Magtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Bayan

Ang tatlong sandata ng rebolusyong Pilipino ay ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan at ang pambansang nagkakaisang prente. Sa madaling sabi, ang Partido Komunista ng Pilipinas, na kumakatawan sa proletaryado, ay gumagamit ng dalawang makapangyarihang sandata, ang armadong pakikibaka at ang nagkakaisang prente.

1. Bakit kailangan ang makauring liderato ng proletaryado at ng Partido nito, ang Partido Komunista ng Pilipinas?

Hindi magkakaroon ng matagumpay na rebolusyon kung wala ang tamang liderato ng isang tiyak na uri. Ang proletaryado ang namumunong uri sa rebolusyong Pilipino ngayon. Sila ang pinakaabanteng pwersa sa produksyon at pulitika sa Pilipinas at sa buong mundo. Sila ang nagdadala sa bandera ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, na kung wala ay hindi pwedeng lumitaw ang tunay na rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon.

Mula noong Unang Digmaang Pandaigdig at Rebolusyong Oktubre, nang pumihit ang takbo ng kasaysayan ng mundo sa landas ng sosyalismo mula sa landas ng kapitalismo, ang proletaryadong Pilipino lamang ang nagkaroon ng kakayahang unawain at yakapin nang husto ang mga mithiing makabayan at progresibo ng buong sambayanang Pilipino. Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ng pambansang paglaya ng sambayanang Tsino at iba pang mga sambayanan, at pagkatapos ng Dakilang Proletaryong Rebolusyon Pangkultura sa Tsina, lalo pang luminaw ang istorikong papel ng proletaryadong Pilipino bilang namumunong uri ng rebolusyong Pilipino.

Nitong nakaraang 74 taon, ang proletaryado ang uri sa lipunang Pilipino na nangahas sa landas ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka laban sa mga dayuhan at lokal na mangaapi’t mapagsamantala. Sila ang uring nakapagtamo ng pinakamalalim na karanasan at mga aral sa kongkretong praktika ng rebolusyong Pilipino.

Dahil sa kalikasan ng uring proletaryo, hindi lamang sa kagyat na hinaharap nila makakayang magbigay ng rebolusyonaryong liderato kundi pati sa malayong hinaharap hanggang maabot ang yugto ng komunismo. Pinamumunuan nila ang kasalukuyang yugto ng demokratikong rebolusyon ng bayan at pamumunuan din ang kasunod na yugto, ang rebolusyong sosyalista. Ang Partido Komunista ng Pilipinas ang pinakaabanteng kumakatawan at prinsipal na instrumento ng rebolusyonaryong liderato ng proletaryadong Pilipino sa pagtupad sa makasaysayan nilang tungkulin. Binubuo ang Partido ng pinakaabanteng mga elemento ng proletaryado at kung gayo’y konsentradong ekspresyon ito ng lakas sa ideolohiya, pulitika at organisasyon ng proletaryado bilang uring namumuno.

Kung wala ang rebolusyonaryong Partidong ito, hindi magkakaroon ng rebolusyonaryong kilusan. Responsable ang Partido sa tamang paggamit ng unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kongkretong kundisyon ng lipunang Pilipino. Ang praktikal na liderato at mga patakaran nito ang nagtatakda sa takbo ng rebolusyonaryong kilusan. Bilang pangkalahatang pamunuan ng rebolusyong Pilipino, tinitiyak ng Partido na maisusulong ng tamang estratehiya at mga taktika ang rebolusyon.

Kahit maliit ang proletaryado sa lipunang malakolonyal at malapyudal tulad ng sa Pilipinas, ang Partido Komunista ng Pilipinas bilang pinakaabanteng destakamento nila ay malalim na nag-uugat sa malawak na masa ng mamamayan at nagpapalakas para maging di magagaping pwersa sa bag-as ng buong rebolusyonaryong kilusang masa. Mahigpit na ikinakawing ng Partido ang proletaryado sa uring magsasaka at pati sa iba pang rebolusyonaryong uri at grupo sa Pilipinas. Sa pagbibigay ng Partido ng proletaryong liderato sa uring magsasaka, mahahawakan ang prinsipal nitong sandata, ang malakas na hukbong bayan, at mapapaunlad ang batayan para mahawakan ang isa pang makapangyarihang sandata, ang pambansang nagkakaisang prente ng lahat ng rebolusyonaryong uri at saray.

Sa masidhing pagmamatyag sa peligro ng modernong rebisyunismo at sa paglitaw ng bagong kontra-rebolusyonaryong linyang rebisyunista ng mga bagong Lava at Taruc, sa katauhan nina Felimon Lagman, Arturo Tabara, Ricardo Reyes, Romulo Kintanar at ahente ng CIA na si Joel Rocamora, ang Partido ay walang pagod na naglulunsad ng kilusang pagwawasto para maiwaksi ang mga pagkakamali noong nakaraan at pati sa kasalukuyan.

2. Bakit kailangan ang kilusang magsasaka at ang armadong pakikibaka?

Ang uring magsasaka ang kalakhang pwersa ng rebolusyong Pilipino. Sila ang pinakamalaking pwersang masa sa isang bayang malakolonyal at malapyudal. Kung wala ang makapangyarihang suporta nila, hinding-hindi magtatagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan. Ang problema nila ang pangunahing nilulutas ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa paglutas lamang sa problemang ito mapupukaw at mamomobilisa ng proletaryado at ng Partido nito ang masang magsasaka.

Walang solusyon sa problema ng magsasaka kundi ang maglunsad ng armadong pakikibaka, magsagawa ng rebolusyong agraryo at magtayo ng mga rebolusyonaryong base. Habang isinasagawa ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa lupa bilang paraan ng pagtupad sa pangunahing demokratikong nilalaman ng rebolusyong Pilipino, natutupad din ang sentral na tungkulin ng buong pambansang rebolusyonaryong kilusan na agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika. Mabubuo lamang ang mga pangunahing armadong pangkat ng rebolusyong Pilipino sa paglulunsad ng gerang magsasaka. Kung gayon, di maiiwasan na sa uring magsasaka lamang pwedeng magmula ang malawak na mayorya ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Magkakamali ang isang partido komunista sa malakolonyal at malapyudal na bayan kung sa kalunsuran imbes na sa kanayunan ibibigay ang prinsipal na diin ng gawaing masa nito. Kapag ganoon ang ginawa ay maliligaw ito at makakagawa ng “kaliwang” oportunistang pagkakamali na tangkaing agawin ang kapangyarihan batay, pangunahin, sa lakas ng masang proletaryado sa kalunsuran, nang walang sapat na suporta mula sa uring magsasaka, o makagagawa naman ng kanang oportunistang pagkakamali na umasa nang walang hanggan sa parlamentaryong pakikibaka at sa mga walang prinsipyong pakikipagkompromiso sa mga imperyalista’t mga naghaharing uri tulad ng tinangkang gawin ng mga lokal na rebisyunistang taksil.

Dahil isinasaalang-alang ang di pantay na pag-unlad ng lipunang Pilipino, ang dapat bigyan ng prinsipal na diin ay ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kanayunan at ang dapat bigyan ng segundaryong diin ay ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran. Sa lahat ng oras, dapat maging mahusay ang koordinasyon ng rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran at sa kanayunan. Pero hinding-hindi natin dapat kaligtaan ang sentral na katotohanan na nasa kanayunan ang pinakamahinang kawing ng kapangyarihang pampulitika ng kaaway at doon pinakamalawak ang lugar na mapapagmaniobrahan ng armadong pwersa ng bayan sa pira-pirasong pag-ubos at hakbang-hakbang na pagdurog sa kontrarebolusyonaryong armadong pwersa.

Dapat masigasig na ipatupad ang estratehikong linya ni Tagapangulong Mao na kubkubin ang kalunsuran mula sakanayunan. Sa kanayunan mapipilit ang kaaway na ikalat nang manipis ang kanilang pwersa at maaakit sila sa mga lugar na ang inisyatiba ay ating-atin. Kahit sa umpisa’y estratehikong nakukubkob tayo ng kaaway, isa laban sa sampu, sa taktika’y makukubkob naman natin sila, sampu laban sa isa. Sa katagalan, ang agos ng gera ay siguradong maipipihit laban sa kanila habang nababawasan ang aktwal nilang pwersa at sa mga dahilang pampulitika’y nahihirapan silang kumuha ng bago. Sa lahat ng oras, mapipilitan silang magtalaga ng napakalaking pwersang militar kahit man lamang sa istatikong pagdedepensa sa kanilang mga syudad, malalaking kampo at mga pangunahing linya ng komunikasyon at transportasyon. Sa katagalan ay masasangkot din nang husto ang kanilang parasitiko’t pasibong pwersang militar sa mga hidwaan ng mga paksyon ng mga reaksyunaryong uri.

Sa kanayunan, makakapagpaunlad tayo ng ilang larangan ng labanan na iba’t iba ang kalidad, mula mga sonang gerilya hanggang mga baseng purok. Sa gawaing ito, lagi tayong magtiwala at umasa sa masa dahil ang rebolusyon ay pagsisikap ng masa. Dapat lagi tayong pangunahing umasa sa mga maralitang magsasaka, nakabababangpanggitnang magsasaka at lahat ng seksyon ng proletaryado at malaproletaryado na nasa kanayunan. Isa pa, dapat nating kunin sa panig ng rebolusyon ang mga panggitnang magsasaka at nyutralisahin ang mga mayamang magsasaka para maihiwalay at madurog ang mga pangunahing haligi ng pyudalismo at lahat ng iba pang lokal na tirano.

Sa paglikha ng mga baseng purok, umaasa tayo sa matatag na organisasyon ng Partido, malakas-lakas na Pulang Hukbo, tereyn na paborable sa operasyong militar at sapat na mapagkukunan ng kabuhayan.

Ang pinakaatrasadong mga purok sa kanayunan ay magagawa nating pinakasulong na moog sa pulitika, militar, ekonomya at kultura ng rebolusyon. Malilikha na natin ang armadong independyenteng rehimen sa kanayunan kahit hindi pa natatalo ang kaaway sa kalunsuran. Makakasulong lamang ang rebolusyon batay sa mga solidong demokratikong tagumpay sa kanayunan. Dahil di pantay ang pag-unlad ng lipunang Pilipino, sa di pantay na paraan lamang pwedeng umunlad ang demokratikong rebolusyon ng bayan. Kung gayon, kailangan ang matagalang digmang bayan para puspusang maganap ang rebolusyon sa buong Pilipinas.

3. Bakit kailangang itayo ang saligang alyansa ng manggagawa at magsasaka bilang pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente?

Ang saligang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka ang nagsisilbing matibay na pundasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Sa pagbubuo lamang ng ganitong alyansa pwedeng maakit sa pambansang nagkakaisang prente ang mga panggitnang pwersang tulad ng petiburgesya at pambansang burgesya para maihiwalay ang mga pusakal na kaaway. Nagsisilbi ang pambansang nagkakaisang prente sa linyang pampulitika ng Partido na ang rebolusyong Pilipino sa saliga’y rebolusyon ng masang anakpawis laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo.

Sa pamamagitan ng pambansang nagkakaisang prente, malawak na napapalaganap ng Partido ang pampulitikang impluwensya nito at natatamo ang pinakamalawak na suporta ng masa at iba pang progresibong uri at saray. Nakabatay ang malawak na gawaing ito sa mga pagsisikap ng proletaryado na itayo ang nagsasariling lakas nila sa pamamagitan ng armadong pakikibaka na pangunahing sinusuportahan ng uring magsasaka. Ang tunay na nagkakaisang prente para sa demokratikong rebolusyon ng bayan ay para sa paglulunsad ng armadong pakikibaka.

Ikinalat ng mga kontra-rebolusyonaryong rebisyunista ang lumang nakakalasong ideya na ang nagkakaisang prente ay pangunahing para sa parlamentaryong pakikibaka. Ipinalaganap din nila ang kontra-rebolusyonaryong pananaw na hindi kailangan ang pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng partido nito, ang Partido Komunista, sa loob ng nagkakaisang prente, at sa gayon ay ipinailalim sa pamumuno ng burgesya ang nagkakaisang prente.

Kailangang imantini ng proletaryado at ng Partido ang kanilang liderato, kalayaan at inisyatiba sa loob ng nagkakaisang prente habang kinikilala ang kalayaan at inisyatiba ng kanilang mga alyado at binibigyan ng konsesyon ang mga ito, sa kundisyong may pagkakasundo sa pangkalahatang programang tumutugma sa pangkalahatang linya at programa ng demokratikong rebolusyon ng bayan, at sa kundisyong hindi makakasira ang ganoong mga konsesyon sa saligang interes ng masang anakpawis.

Kaugnay ng pambansang burgesya laluna, alam na alam ng Partido na kailangan ang pagkakaisa at tung galian sa nagkakaisang prente. May dalawang katangian ang uring ito: rebolusyonaryo ang isang aspeto at reaksyunaryo ang isa pang aspeto. “Kaliwang” oportunismo na itakwil ang uring ito bilang ganap na kontrarebolusyonaryo, at kanang oportunismo naman na yakapin sila bilang ganap na rebolusyonaryo. Ang tamang patakaran ay makipagkaisa sa kanila hanggang sa antas lamang na katumbas ng pagsuporta nila sa rebolusyon sa loob ng partikular na panahon at kasabay nito’y punahin sila sa pagdadalawang-loob o tendensya nilang magtraydor sa rebolusyon. Dahil sa patakarang ito, lagi tayong magiging mapagmatyag.

D. Ang Matagalang Digmang Bayan at ang Estratehikong Linya ng Pagkubkob sa Kalunsuran Mula sa Kanayunan

1. Ano ang matagalang digmang bayan?

Ang matagalang digmang bayan ay ang rebolusyonaryong digma na pangunahing inilulunsad sa kanayunan ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan at mamamayang Pilipino para kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Sa matagalang digmang bayan pangunahing diin ang pagsusulong ng rebolusyon sa kanayunan. Dito matatagpuan ang pinakamahinang kawing sa kapangyarihan ng kaaway, ang malawak na kalupaang paborable sa armadong pakikibaka, at ang masang magsasaka na pangunahing pwersa ng rebolusyon.

Dito pangunahing inilulunsad ang pakikibakang antipyudal para ibagsak ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at itayo ang demokratikong kapangyarihan ng bayan.

Sa kanayunan, nakakapag-ipon ang rebolusyonaryong mga pwersa ng lakas na pandurog sa kaaway. Hakbang-hakbang na pinapaunlad ang armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at mga baseng rebolusyonaryo hanggang sa mapantayan at sa kalauna’y malamangan at magapi ng hukbong bayan ang armadong pwersa ng kaaway.

Pinakamasahol na ang pang-aapi at pagsasamantalang pinaiiral ng mga reaksyunaryo sa masang magsasaka. Gayunman, napakalawak ng kanayunan kung kaya hindi maiwasan ng kaaway na kumalat nang manipis o pabayaan ang malawak na purok kapag nakatipon sa ilang lugar. Samakatwid, ang kanayunan ang matabang lupa sa pag-usbong at pagyabong ng Pulang kapangyarihang pampulitika – ang hukbong bayan, mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika, mga organisasyong masa at ang Partido.

Sa bayan natin ay nailulunsad ang matagalang digmang bayan dahil sa relatibong malawak ang di-maunlad na kanayunan na kinaroroonan ng kalakhan ng populasyon. Maraming lugar ang relatibong malayo sa mga sentro at pangunahing linya sa komunikasyon ng kaaway at pinamumuhayan ng mga mamamayang umaasa sa sari-sari nilang produktong bukid.

Sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan, sa mahabang panahon lamang natin pahakbang-hakbang na mapauunlad ang mga pwersa natin sa pautay-utay na paggapi sa mga pwersa ng kaaway. Wala tayo sa katayuang iharap ang maliliit at mahihina nating pwersa sa mga estratehikong mapagpasyang pakikipagsagupa sa mga pwersa ng kaaway na nakalalamang sa militar. Matatag na patakaran natin ang sumuong lamang sa labanang kaya nating ipagtagumpay. Kung hindi’y umiiwas tayo sa kaaway na hindi natin matatalo at humahanap ng pagkakataong dagukan ang isang pwersa ng kaaway na kaya nating gapiin.

Sa paglulunsad ng matagalang digmang bayan, ginagamit natin ang estratehikong linyang kubkubin ang mga lunsod mula sa kanayunan. Matatag nating pinauunlad ang mga base at sonang gerilya sa iba’t ibang estratehikong lugar sa bayan. Sa susunod na yugto, ang mga lugar na ito’y pag-uugnayin ng mga regular na pwersang makilos na nasa pusisyon nang magtanggol sa higit na malalaki at matatag na baseng rebolusyonaryo sa kanayunan.

Mula sa ganoong mga base ay maaagaw natin sa wakas ang mga lunsod at makasusulong tayo tungo sa tagumpay sa buong bayan.

2. Ano ang rebolusyonaryong kilusang inilulunsad sa kalunsuran?

Habang pangunahing tungkulin na isulong ang matagalang digma sa kanayunan, segundaryong tungkulin naman na paunlarin ang rebolusyonaryong kilusang lihim, at ang malawak na demokratikong kilusang masa sa kalunsuran. Ang pangunahing katangian ng rebolusyonaryong kilusang inilulunsad sa kalunsuran ay ang pagiging ligal at depensiba.

Sa kalunsuran pinupukaw, inoorganisa’t pinapakilos ang masa ng mga manggagawa at iba pang maralita, gayundin ang petiburgesya (laluna ang mga estudyante’t guro), at iba pang gitnang pwersa para sa mga pakikibakang anti-imperyalista at antipasista, at para suportahan ang rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.

Matagalang tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran ang paghahanda ng masang tagalunsod para sa panahong handa nang agawin ng hukbong bayan ang mga kalunsuran.

3. Paano ang ugnayan ng rebolusyonaryong kilusang inilulunsad sa kanayunan at kalunsuran?

Ang pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan ay nagbibigay-sigla sa rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran. Nakakapagpainam sa kalagayan para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran ang pagsulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan na nagpapahina sa kaaway.

Sa kabilang banda, ang rebolusyonaryong kilusan sa kalunsuran ay nagbibigay ng kinakailangang suportang pampulitika, tao at materyal sa rebolusyonaryong kilusan sa kanayunan.

Pinagsasanib natin ang mga rebolusyonaryong pakikibaka sa kalunsuran at sa kanayunan; sa mga bayan at sa mga baryo; sa mga Pulang purok, Puting purok at rosas na purok.

Nagpapakahusay tayo sa pagkukumbina ng mga aktibidad na ligal, iligal at malaligal sa pamamagitan ng laganap at matatag na kilusang lihim. Ang rebolusyonaryong kilusang lihim na umuunlad sa tabing ng mga aktibidad na demokratiko at ligal ay dapat magtaguyod sa komprehensibong pag-unlad ng mga pwersang rebolusyonaryo, mag-ugnay sa magkakahiwalay na bahagi ng Partido at hukbong bayan sa bawat antas.

E. Ang Programa Para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan

Isinasaad ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan ang mga saligang prinsipyo, layunin at tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan. Batay ito sa Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan na pinagtibay ng PKP noong 1968. Tinatanggap ito ngayon ng malawak na masa bilang gabay sa pagsusulong sa demokratikong rebolusyong bayan. Napatunayan nang wasto ang pangunahing mga nilalaman nito, sa rebolusyonaryong pakikibaka sa nakaraang mahigit tatlong dekada.

1. Ano ang sentral na tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan?

Sentral na tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan na ibagsak ang imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo at agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika.

Layunin nitong palayain ang sambayanang Pilipino sa dayuhan at pyudal na pagsasamantala at pang-aapi.

2. Ano ang tungkulin ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa larangan ng pulitika?

Dapat gawin ang lahat para kapwa makamit ang pambansang rebolusyon na pangunahing laban sa imperyalismong US at ang demokratikong rebolusyon laban sa pyudalismo at pasismo. Dapat ibagsak ang magkasanib na reaksyunaryong diktadura ng malaking burgesyang kumprador, uring panginoong maylupa at mga burukarata kapitalista, at palitan ng sistema ng demokratikong estadong bayan, ang diktadura ng nagkakaisang prente ng proletaryado, uring magsasaka, petiburgesya, pambansang burgesya at lahat ng iba pang makabayan.

Isang bagong demokratikong republika na pinamumunuan ng proletaryado at nagtutugma-tugma sa mga interes ng lahat ng rebolusyonaryong uri’t saray ang papalit sa kasalukuyang huwad na republika na walang iba kundi papet na likha ng imperyalismong US at mapamwersang instrumento ng mga mapagsamantalang uri. Ang republikang ito ay magkasanib na diktadura ng lahat ng rebolusyonaryong uri’t saray na pamumunuan ng proletaryado.

Magkakaroon ng mga kongreso o kumperensyang bayan mula pambansa hanggang pamprobinsya o pandistritong antas ng gubyerno. Sa mga nakabababang antas, magkakaroon din ng kinatawang mga organo ng pamamahala. Sa bawat antas, ihahalal ang mga kinatawan ng mamamayan ayon sa sistema ng panlahatan at pantay-pantay na pagboto. Ang prinsipyo ng demokratikong sentralismo ang magiging pangunahing prinsipyong pang-organisasyon ng Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas.

Ang Pambansang Kongresong Bayan ay bubuuin ng mga kinatawang hinirang ng gubyernong bayan sa mga probinsya. Magkakaroon ng iba pang mga kinatawan ng demokratikong mga uri, partido at grupo na sinang-ayunan ng mga kinatawan ng gubyernong bayan sa mga probinsya at rekomendado ng organisasyon ng pambansang nagkakaisang prente. Pupulungin ito matapos ang tagumpay sa buong bayan o pagkalaya ng malaking bahagi ng Pilipinas.
Kahit hindi pa lubusang naibabagsak sa buong bayan ang reaksyunaryong estado, itinatatag na ang demokratikong gubyernong bayan sa mga lugar na nagtagumpay na ang mamamayan. Itinatayo ang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo bilang binhi o aktwal na organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika.

3. Ano ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan sa larangang militar?

Sa baril nagmumula ang kapangyarihang pampulitika. Hangga’t hindi nadudurog ang kontra-rebolusyonaryong armadong pwersa, hindi maitatatag ang independyenteng rehimen sa kanayunan o ang sistemang demokratikong estadong bayan sa buong Pilipinas.

Ang Bagong Hukbong Bayan ang magiging sandigan ng demokratikong estadong bayan. Prinsipal na tungkulin nito ngayon na agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika. Dapat lagi nitong pagsilbihan ang sambayanan at idepensa sila sa kanilang mga kaaway.

Dapat magkaroon ng katangiang masa ang lahat ng armadong pwersa ng bayan at dapat pamunuan ang mga ito ng proletaryado at ng Partido nito. Sa proseso ng pagsulong ng armadong pakikibaka mapauunlad ang pangunahing mga anyo ng armadong pwersa ng bayan: ang regular na pwersang makilos, ang mga gerilyang bayan at ang milisyang bayan. Pangunahin silang nagmumula sa uring magsasaka.

Sa kanayunan muna dapat likhain ang mga rebolusyonaryong base at sonang gerilya. Doon kailangang talunin ang kaaway bago tuluyang agawin ang kapangyarihan sa kalunsuran. Ang Bagong Hukbong Bayan ay susulong nang paalun-alon sa loob ng mahabang panahon para durugin ang kaaway sa buong bayan.

4. Ano ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan sa larangan ng ekonomya?

Kukumpiskahin at isasabansa ang mga pag-aari ng mga imperyalista, malaking burgesyang kumprador, malaking burukraratang kapitalista at mga taksil. Kukumpiskahin ang lahat ng negosyong may katangiang monopolyo. Pangangasiwaan ng estado ang lahat ng mga kumpanyang isasabansa at mga pinagkukunan ng hilaw na materyales at enerhiya.

Magkakaroon ng katangiang sosyalista ang sektor pang-estado ng ekonomya at magiging namumunong salik sa pambansang ekonomya. Ipapatupad ang mga ito para sa pakinabang ng masang anakpawis. Kukumpiskahin at isasabansa ang lupa ng mga panginoong maylupa at ipamamahagi nang libre sa mga magsasakang wala o kulang ang lupa. Ipapatupad ang prinsipyo ng pantay-pantay na pag-aari ng lupa. Uumpisahan ang mga empresang kooperatiba sa mga may-aring nagbubungkal at iba pang maliliit na prodyuser bilang unang hakbang tungo sa sosyalismo.

Papayagan ang pambansang burgesya na pairalin ang kapitalistang produksyon pero hindi ito dapat makapangibabaw o makahadlang sa kabuhayan ng sambayanang Pilipino.

Kukumpiskahin at isasabansa ang lupa ng mga panginoong maylupa at ipamamahagi nang libre sa mga magsasakang wala o kulang ang lupa.

Sa makatwirang haba ng panahon, papayagan ang pagnenegosyo, pag-aari ng sobrang lupain at pag-arkila ng mayamang magsasaka sa paggawa ng iba. Bibigyan ng pagkakataong makapaghanapbuhay ang mga panginoong maylupa na walang krimen sa bayan, bagamat hindi sila ilalagay sa anumang pusisyong magpasya o umimpluwensya sa mga desisyon.

Ipapatupad ang prinsipyo ng pag-asa sa sarili sa mga usapin sa ekonomya habang itinatayo ang mga base at sonang gerilya sa kanayunan. Lalahok sa produksyon ang rebolusyonaryong mga pwersa at iiwasang lubos na umasa sa pondong mapapalitaw mula sa kontribusyon, kumpiskasyon o bonong pandigma. Istriktong ipapatupad ang estilo ng simpleng pamumuhay at masikhay na paggawa.

Bago ang pambansang tagumpay, ang mga namumunong organo ng Partido at ang gubyerno ng base ay gagawa ng angkop na mga patakarang pang-ekonomya para sa mga base at kalapit na mga sonang gerilya batay sa kongkretong sitwasyon. Titiyakin nila na bago magsagawa ng repormang pang-ekonomya sa isang lugar, may sapat nang mga kadre at rebolusyonaryong organisasyon na titiyak na magkakaroon ng tamang pagsasaayos ng interes ng mamamayan.

5. Ano ang mga katangian ng kulturang ipapalaganap ng demokratikong rebolusyong bayan?

Walang magagawang kahit anong pagsulong ang rebolusyong Pilipino kung hindi magkakaroon ng pangkalahatang pagkamulat ang malawak na masa ng mamamayan. Ang konsepto ng demokrasyang bayan o bagong tipo ng pambansang demokrasya, ang dapat maging buod ng pangkulturang aktibidad ng rebolusyonaryong kilusang masa. Dapat pangibabawin ang pambansa, syentipiko at pangmasang kultura at wakasan ang imperyalista, pyudal at antipopular na kulturang umiiral ngayon.

Ang sistema sa edukasyon, mula pinakamababa hanggang pinakamataas na antas, ay magiging demokratiko. Ipatutupad ang libreng edukasyon para sa mamamayan sa lahat ng antas. Dapat palaganapin ang isang rebolusyonaryong kulturang pambansa para labanan ang imperyalistang pang-aapi at maitaguyod ang dignidad at kasarinlan ng bansang Pilipino.

Dapat itakwil ng kulturang ito ang dekadenteng kultura ng kolonyalismo, imperyalismo at neo-kolonyalismo. May mga porma ng kulturang tradisyunal at moderno na dapat kunin at lag yan ng nilalamang magpapatingkad sa pambansademokratikong rebolusyon. Dapat umugnay ang rebolusyonaryong kulturang ito sa mga kulturang sosyalista at kultura ng bagong demokrasya ng ibang bansa. Dapat ipaloob at iangkop sa pambansang kundisyon ang anumang progresibo sa mga dayuhang kultura. Kasabay nito, dapat irespeto ang kultura at mga kaugalian ng mga pambansang minorya. Mabubuhay lamang sa Pilipinas ang unibersal na katotohanan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo kung isasanib ito sa lokal na kundisyon at magkakaroon ng tiyak na pambansang porma. Dapat itaguyod ang paggamit sa pambansang lenggwahe para mapabilis ang pagpapalaganap sa rebolusyonaryong kulturang pambansa. Kailangang palaganapin ang kulturang tunay na naglilingkod sa mamamayan lalo na sa masang anakpawis. Ito’y kulturang tunay na rebolusyonaryo’t demokratiko dahil nagbibigay anyo sa magigiting na pakikibaka’t mga mithiin ng masa.

Dapat palaganapin ang syentipikong kultura para labanan ang reaksyunaryong ideyalismong inilalako ng imperyalismo’t pyudalismo at pati ang mga pamahiing umiiral pa. Pwedeng bumuo ng nagkakaisang prente ng syentipikong kaisipan ng proletaryado at mga progresibong aspeto ng materyalismong burges at mga syensyang pangkalikasan. Pero ang dapat laging namumunong ubod ng syentipikong kulturang ito ay ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Ang kulturang ito ang dapat magsilbing gabay sa praktikal na kilusan ng rebolusyonaryong masa at pati sa pagbabago ng ideolohiya ng mga intelektwal. Sa larangan ng aksyong pampulitika, pwede tayong magkaroon ng anti-imperyalista at antipyudal na nagkakaisang prente kasama ang ilang ideyalista at kahit mga relihiyoso, pero hindi natin masasang-ayunan ang kanilang ideyalismo o doktrina sa relihiyon.

Igagalang ang kalayaan ng mga mamamayan sa paniniwala o di paniniwala sa mga relihiyon. Aktibong ipapalaganap ang syentipikong pananaw at mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang makapangyarihang sandata sa pagrerebolusyon at pagsulong ng lipunan. Hindi hahayaang maging balakid ang mga pagtatalo sa relihiyon sa pagsusulong ng rebolusyon.

6. Ano ang mga tungkulin ng demokratikong rebolusyong bayan sa larangan ng relasyong panlabas?

Pagkatatag sa Demokratikong Republikang Bayan ng Pilipinas, magbubukas ito’t magpapanatili ng relasyong diplomatiko at kalakalan sa lahat ng bayang rumerespeto sa soberanya at integridad ng teritoryo ng bansa. Titiyaking para sa kapakinabangan ng isa’t isa ang pakikipagrelasyon sa ibang bayan.

Susundin ang mga prinsipyo ng mapayapang pakikipamuhayan:

a. pagrespeto sa soberanya at integridad ng teritoryo ng isa’t isa;

b. di pagsasalakayan;

k. di pakikialam sa panloob na mga usapin ng bawat isa;

d. pagkakapantay at kapakinabangan ng isa’t isa;

e. mapayapang pakikipamuhayan sa ibang bayan anuman ang sistema ng lipunan.

Agad pawawalambisa ang lahat ng di pantay na tratado at kasunduan sa imperyalismong US at iba pang imperyalistang bayan.Itataguyod ang pinakamatalik at pinakamasiglang pakikipag-ugnayan sa mga kapatid na sosyalistang estado, partido at lahat ng rebolusyonaryong kilusang lumalaban sa imperyalismo, modernong rebisyunismo at lahat ng reaksyon.

Talasalitaan:

Abu Sayyaf: teroristang grupong nagmula sa isang tumiwalag na paksyon ng dating Moro National Liberation Front (MNLF), na ang karamihan sa nagpasimuno ay sinanay ng CIA sa Afghanistan noong 1984.

Access and Cross-Servicing Agreement (ACSA): masaklaw na kasunduang pinirmahan ng mga kagawaran sa depensa ng US at Pilipinas sa panahon ng rehimeng Ramos na nagbibigay-laya sa mga pwersang militar ng US na pumasok at gumamit ng anumang pasilidad saanmang dako sa bansa at kailanman nila naisin.

awtonomya: karapatan ng isang bansa o grupo ng mamamayan na pamahalaan ang sarili habang bahagi pa rin ng isang sentral na gubyerno.

BIAF (Bangsamoro Islamic Armed Forces): hukbo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

bauxite: mineral na pinagkukunan ng aluminyo (aluminum).

CAFA: Committe on Anti-Filipino Activities (Komite sa Mga Aktibidad na Anti-Pilipino): komite ng reaksyunaryong Kongreso ng Pilipinas noong dekada 1950 na nagsisiyasat sa mga aktibidad ng mga progresibo at militanteng Pilipino. Itinuring nitong “anti-Pilipino” ang pagtataguyod ng pambansang kalayaan at demokrasya; isang anti-komunistang panunugis.

Clark Air Base: dating pinakamalaking panghimpapawid na base militar ng US sa labas ng sarili nitong teritoryo, na gumanap ng mahalagang papel sa agresyon ng imperyalismong US sa Asya. Sumaklaw ito sa bahagi ng Pampanga, Tarlac at Zambales. Nilisan ng mga Amerikano noong 1991.

Colorum: kilusang magsasaka sa huling bahagi ng kolonyalismong Espanyol at simula ng kolonyalismong US, na may katangiang antipyudal at relihiyoso; nagsimula sa mga labi ng pag-aalsang pinamunuan ni Apolinario de la Cruz (Hermano Pule).

demokrasya: pangingibabaw ng kagustuhan at interes ng mayorya sa minorya; porma ng estado na kumikilala sa prinsipyong ito.

demokrasya sa ekonomya: kalagayan sa ekonomya kung saan may layang magpaunlad sa hanapbuhay at makinabang ang nakararami.

demokrasyang bayan: demokrasyang pinaghaharian ng sambayanan sa pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng partido nito (kaiba sa demokrasyang burges na pinaghaharian ng burgesya at mga pulitikong kinatawan nito).

demokratiko: para sa nakararami; laban sa pasismo at pyudalismo, nagtataguyod sa mga karapatan at interes ng sambayanan.

demokratikong republika: anyo ng gubyerno na ang upisyales ay tunay na kumakatawan sa mamamayan.

deregulasyon: patakaran ng pag-aalis ng mga restriksyon o proteksyon ng gubyerno sa anumang industriya upang hayaan ang “malayang kumpetisyon” at malayang pagkakamal ng supertubo ng mga kapitalista; halimbawa, ang deregulasyon sa industriya ng langis noong 1992 na ipinatupad ng rehimeng Ramos sa dikta ng IMF.
eksport: produkto o kalakal na ibinibenta sa ibang bayan; pagbenta ng mga produkto o kalakal sa ibang bayan.

enerhiya: lakas na nagpapagalaw o nagpapatakbo sa mga bagay; kadalasang tumutukoy sa lakas na nagpapatakbo sa mga makina; halimbawa, elektrisidad at langis na panggatong.

GATT (General Agreement on Tariffs and Trade): kasunduan ng mga bayan sa daigdig na may kinalaman sa kalakalan at pagbubuwis. Ginagamit ito ng mga imperyalistang bayan para matiyak ang pagpasok ng kanilang mga produkto at kapital sa mga bansa ng buong daigdig, at para ibayong makontrol ang kalakalang pandaigdig.

hilaw na materyales: mga sangkap na pinuproseso para maging yaring produkto; halimbawa, ang dahon ng tabako ay hilaw na materyal sa paggawa ng sigarilyo, ang bakal ay hilaw na materyal sa paggawa ng makina. homisted: piraso ng lupaing publiko na iginawad ng gubyerno sa magsasaka matapos niyang bungkalin at pagyamanin.

IMF (International Monetary Fund): isang internasyunal na ahensya sa pinansya na itinayo ng kapitalistang mga bayan sa pangunguna ng US noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagpapautang ito sa mga bayang may problema sa utang panlabas. Ginagamit ito ng imperyalismong US para magdikta at mangontrol sa ekonomya ng iba.

impeachment: paglilitis sa mataas na upisyal ng gubyerno sa pamamagitan ng Kongreso dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan, katiwalian at iba pang malalang paglabag sa saligang batas. import: mga kalakal na binibili mula sa ibang bayan; mga produktong ipinapasok o inaangkat; pagbili ng mga produkto mula sa ibang bayan.

Indotsina: subrehiyon ng Timog-Silangang Asya; binubuo ng Kampuchea, Laos at Byetnam.

industriya: (bilang paraan ng produksyon) malakihan at modernong produksyon na gumagamit ng makinarya para maramihang lumikha ng mga produkto; (bilang partikular na bahagi ng ekonomya) paglikha, pagproseso at pagbebenta ng isang uri ng produkto, halimbawa, industriya ng langis, industriya ng asukal. industriyalisasyon: pagpaparami at pagpapaunlad ng mga industriya sa isang ekonomya o industriya bilang pangunahing salik ng ekonomya.

JUSMAG (Joint US Military Advisory Group): ahensyang militar ng US para kontrolin at diktahan ang pagbabalak, pagsasanay, paniktik, mga kagamitan at ang kabuuan ng reaksyunaryong AFP.

kabesa de barangay (o cabeza de barangay): katutubong pinuno ng barangay sa ilalim ng kolonyal na pamahalaang Espanyol at kadalasa’y dating datu; kubrador ng buwis at tagakalap ng tao para sa pwersahang paggawa.

kalakalang panlabas: pakikipagpalitan ng produkto o kalakal sa ibang bansa; pakikipagkalakalan sa mga dayuhan; eksort at import.

kalakalang panloob: palitan ng produkto sa loob ng isang bayan; halimbawa, pagbebentahan ng produkto sa loob ng isang probinsya o sa pagitan ng Luzon, Visayas at Mindanao.

kapangyarihang pampulitika: poder o kontrol ng estado sa paggawa at pagpapatupad ng mga batas.

kapitalismo: sistema ng ekonomya at lipunan na nakabatay sa modernong industriya at pinaghaharian ng uring kapitalista. Pangunahing katangian nito ang pagsasamantala at pang-aapi ng mga kapitalista sa mga manggagawa. Kontrolado ng mga kapitalista ang kapital (makinarya, hilaw na materyales, perang kapital) na ginagamit para bilhin ang lakas paggawa ng mga manggagawa, maramihang likhain ang mga produktong ibinebenta, at kumita ng tubo.

kapitalista: (bilang pangngalan) isang taong may kapital na pinalalago sa produksyon; (bilang pang-uri) tumutukoy sa kapitalismo o nagdadala ng mga katangian ng kapitalismo.

kasangkapan sa produksyon: mga materyal na kailangan sa paglikha ng mga produktong ginagamit sa lipunan; halimbawa sa industriya, hilaw na materyales, makinarya, gusali at lupang tinitirikan ng pabrika; sa agrikultura— lupa, araro’t suyod, kalabaw, makinang pansaka at patubig.

kontra-insurhensya: organisado at armadong panunupil ng estado laban sa mamamayang nag-aalsa o nagrerebolusyon; ginagawa ito nang hindi sinusunod ang internasyunal at makataong mga batas sa digmaan.

krisis: matinding problemang nagsasapanganib na magbagsak nang ganap sa nagtataglay nito; halimbawa, ang krisis sa labis na produksyon ng kapitalismo ay nagbubunga ng mga salik na mismong magpapabagsak sakapitalismo.

kurikulum: mga paksang nilalaman ng isang kurso ng pag-aaral.

lakas paggawa: kakayahan ng mga manggagawa na magtrabaho, binibili ng kapitalista bilang kalakal.

liberalisasyon: patakaran ng pagbibigay ng mas malaking kapangyarihan sa mga kapitalista na magmay-ari ng mga industriya, korporasyon at empresa na dating kontrolado ng gubyerno, o nasa pampublikong pagaari.

MLSA (Mutual Logistics Support Agreement ng 2002): kasunduang militar ng US at rehimeng Macapagal Arroyo na nagpapahintulot sa US na gamitin ang lahat ng daungan at mga pasilidad militar sa buong bansa, para sa lahat ng uri ng hayag at lihim na mga aktibidad gaya ng mga pagsasanay at ehersisyong militar, mga operasyon at deployment ng tropa.

MILF (Moro Islamic Liberation Front): rebolusyonaryong organisasyon sa pakikibaka ng mamamayang Moro para sa pagpapasyasa-sarili.

“mapagpalang asimilasyon” (benevolent assimilation): patakarang ipinatupad ng kolonyalistang US sa marahas na pagsakop sa Pilipinas noong 1898; tinawag itong “mapagpala” para linlangin ang mga Pilipino at ang mamamayang Amerikano.

Marxismo-Leninismo-Maoismo: sistema ng mga ideya at prinsipyo na naglilinaw sa mga batas ng pag-unlad ng lipunan at mga tungkulin sa pagpapalaya ng uring manggagawa at sangkatauhan mula sa pagsasamantala’t pang-aapi; mula sa pag-aaral sa kasaysayan ng lipunan at paglahok sa rebolusyon, binuo ito ni Marx (sa tulong ni Engels) at pinaunlad ng sumunod na mga dakilang lider tulad nina Lenin, Stalin at Mao; proletaryong ideolohiya.

merkantilismo: ang patakaran ng kolonyalistang mga bayan noong 1600-1800 sa pagdambong sa mga kolonya; kaugnay ito ng akumulasyon ng ginto at pilak na naging sukatan ng yaman at kapangyarihan.

militarisasyon: ibayong pagpapatampok sa papel ng reaksyunaryong armadong pwersa para supilin ang mamamayan at ipagtanggol ang estado. Mga palatandaan nito ang pagsuspindi sa writ of habeas corpus, batas militar, mga palisiyang LIC, total war, “gera laban sa terorismo,” at ang pagpupwesto ng mga upisyal militar sa burukrasya.

monopolyo: ganap o mapagpasyang kontrol ng isa o iilang tao sa yaman at kapangyarihan; halimbawa, monopolyo sa lupa ng mga panginoong maylupa.

nasyunalisasyon sa lupa: pagsasabansa (paglalagay sa kontrol ng estado) ng mga lupaing kinumpiska sa mga panginoong maylupa, malaking burgesyang kumprador at dayuhang monopolyo kapitalista para libreng ipamahagi sa mga magsasakang wala o kulang ang lupa sa pagtatagumpay ng DRB.

pagsasamantala: paggamit sa paggawa ng iba nang walang bayad o kapalit; pag-angkin na walang bayad sa bunga ng paggawa ng iba.

pananim na komersyal: pananim na pangunahing pambenta at hindi tuwirang pangkonsumo ng mga magsasaka, halimbawa, tubo, niyog, tabako at abaka.

pang-aapi: panunupil, panggigipit at pang-aabuso sa mga karapatan ng iba para mapagsamantalahan at sapilitang mapasunod sila.

pasismo: porma ng paghahari na nakasalig sa lantarang marahas na pagsupil sa mamamayan para ipagtanggol ang kapangyarihan at interes ng iilang nagsasamantala at nang-aapi; ideolohiya o mga ideyang nagtataguyod ng ganitong tipo ng paghahari.

plebisito: pagboto ng mamamayan para pagpasyahan ang isa o higit pang mahalagang usapin. pribatisasyon: patakaran ng pagsasapribado ng mga korporasyon at institusyong pag-aari at kontrolado ng gubyerno.

Pulahanes: kilusang magsasaka na lumaganap sa Samar, Leyte, Cebu at iba pang bahagi ng Visayas. Pagkatapos talunin ng mga mananakop na Amerikano, paulit-ulit na naglunsad ng mga pag-aalsa hanggang noong panahon ng pananakop ng Japan. Karaniwang nakapulang damit o tali sa ulo kapag lumalaban, at naniniwala sa anting-anting.

pulitika: larangan ng tunggalian para sa kapangyarihan at kontrol sa estado.

RAM (Reform the AFP Movement: isang samahan ng mga upisyal at kawal ng AFP na sumuporta sa tangkang kudeta nina Enrile at Ramos noong Pebrero 1986 laban sa gubyernong Marcos. Naglunsad ng ilang bigong kudeta laban sa rehimeng Aquino. Tinatawag ngayong Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa. reaksyunaryo: humahadlang sa tunay na pagbabago ng lipunan; sumasalungat sa rebolusyon.

relasyon sa produksyon: relasyon ng mga uri, grupo at tao kaugnay sa pag-aari ng mga kasangkapan sa produksyon, partisipasyon sa produksyon at paraan ng hatian sa produkto ng lipunan.

reperendum: pormal na pagkonsulta ng gubyerno sa mamamayan kaugnay ng mahalagang katanungan o patakaran; nahahawig sa plebisito pero hindi kasimbigat nito ang epekto. republika: porma ng gubyernong pinamumunuan ng halal na mga kinatawan ng mamamayan.

SEATO (Southeast Asia Treaty Organization): dating isang antikomunistang alyansa militar na pinamunuan ng US, Pransya at Britanya. Itinatag sa Maynila noong 1954; at binuo ng Pilipinas, Pakistan, Australia, New Zealand, Thailand at Malaysia.

sistema ng produksyon: sistema ng ekonomya; paraan ng paglikha, palitan at distribusyon ng materyal na mga pangangailangan ng lipunan. Nakabatay ito sa katangian ng mga kagamitan sa produksyon, antas ng kakayahan ng mga nagtatrabaho at sa mga relasyon sa produksyon.

sistema ng lipunan: kaayusan ng pamumuhay at ugnayan ng mga tao na nakabatay sa katangian ng ekonomya, pulitika at kultura.

soberanya: kapangyarihan ng isang bansa na magsarili at magdesisyon nang malaya sa kontrol at panghihimasok ng iba.

Subic Naval Base: dating malaki at mahalagang baseng nabal ng US at punong himpilan ng Seventh Fleet ng U.S. Navy sa Olongapo, Zambales; ginamit bilang malaking daungan, kumpunihan at gasolinahan ng malalaking barkong pandigma ng US.

suwail na estado (rogue state): bansag ng imperyalismong US sa mga bayang naggigiit ng pakikibakang anti-imperyalista at pambansang paglaya, hal. North Korea, Cuba, Afghanistan, Iraq, Iran, Syria.

syensya: agham; sistema ng kaalaman na nakabatay sa sistematikong pagsisiyasat at pagsusuri sa mga bagay at pangyayari.

taripa: buwis na ipinapataw ng gubyerno sa mga import at sa ilang eksport.

teknolohiya: sistema ng kaalaman, kasanayan at paraan sa produksyon; aplikasyon ng syensya.

terorismo: sistematikong karahasan at pang-aatake ng isang maliit at elitistang grupo para sa sariling interes, hindi umaasa sa pagpapalawak o suporta ng kilusang masa at gumagamit ng dahas para sa kanilang makitid na pampulitikang layunin, halimbawa ang ginagawang pangingidnap ng Abu Sayyaf.

terorismo ng estado: sistematikong karahasan at pang-aatake ng estado laban sa mamamayan upang itaguyod at ipagtanggol ang interes ng naghaharing uri, halimbawa ang gera ng US sa Iraq (2003) na inilunsad upang panatilihin ang kontrol ng imperyalismong US sa langis.

uranyum: mineral na pinanggagalingan ng enerhiyang atomiko at sangkap sa paggawa ng bombang nukleyar.

USAFFE (United States Armed Forces in the Far East): armadong pwersa ng imperyalismong US sa Silangang Asya noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

VAT (value added tax): isang di-tuwirang paraan ng pagbubuwis sa mamamayan sa pamamagitan ng pagpatong ng 10% sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.

World Bank: pandaigdigang bangko na kontrolado ng imperyalismong US; nagpapautang sa iba’t ibang bayan para sa mga proyektong tulad ng paggawa ng mga daungan, paliparan at kalsada, kaugnay ng pagpapahusay ng kalagayan sa pamumuhunan ng mga imperyalista at pagpapasigla ng kolonyal na kalakalan; mahigpit na katuwang ng IMF.

writ of habeas corpus: pormal, nakasulat na utos ng hukuman na iharap dito ang isang detenido (isang taong hinuli at bininbin); garantiya ito laban sa detensyon na walang sapat at ligal na dahilan.