Gabay sa Ugnayang Internasyunal ng Partido Komunista ng Pilipinas

Communist Party of the Philippines
Resize text: A+ A- Reset

1. Isinasagawa ng Partido Komunista ng Pilipinas ang kanyang ugnayang internasyunal alinsunod sa mga saligang prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at sa mga patakaran at desisyon nito tungkol sa mga rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado at mamamayan sa Pilipinas at sa daigdig.

2. Ang mga prinsipyo, patakaran at desisyon ay mahusay na nabigyang-diin sa kasalukuyang kilusang pagwawasto na sinimulan noong 1992 sa paraang komprehensibo at malaliman. Ang sampung puntong gumagabay sa kilusang pagwawasto ay makabuluhan sa ugnayang internasyunal ng PKP.

3. Ang sumusunod na mga prinsipyo ay gumagabay sa PKP sa pagtatatag, pagmamantini at pagpapaunlad ng pakikipag-ugnayan sa alinmang dayuhang partido o mga partido:

a. Itinataguyod ng PKP ang prinsipyo ng kasarinlan, pagkakapantay-pantay at di panghihimasok.

b. Hinahangad ng PKP na maisakatuparan ang mga prinsipyo ng pagsusuportahan, kooperasyon at mutwal o komun na pakinabang ng isa’t isa.

Hinahangad ng PKP na makapagpaunlad ng dalawang posibleng klase ng pakikipag-ugnayan sa ibang partido:

a. Ang isa’y batay sa unawaang pang-ideolohiya at pampulitika ayon sa Marxismo-Leninismo-Kaisipang Mao Zedong at proletaryong internasyunalismo.

b. Ang isa pa’y batay sa anti-imperyalistang pakikipagkaisang pampulitika sa isa o higit pang mga isyu sa isang takdang panahon.

4. Pumapabor ang PKP sa pakikipag-ugnayang bilateral sa mga dayuhang partido bilang prinsipal na porma ng ugnayang internasyunal nito.

Ang ugnayang bilateral ay lohikal at marapat na kasunod ng prinsipyo at realidad ng integridad at kasarinlan ng PKP gayundin ng pagkakapantay nito sa bawat dayuhang partidong kaugnayan nito. Mas mahusay na napanghahawakan ng PKP ang ugnayang bilateral kaysa ugnayang multilateral sa usaping pang-ideolohiya at pampulitika at sa pinakakongkretong mga porma ng kooperasyon.

Sa ugnayang bilateral, pinahahalagahan ng PKP ang mga talakayang pang-ideolohiya at pampulitika o di kaya’y pangunahin o simpleng pampulitika lamang bilang paraan ng pagtataas ng antas ng pag-unawang komun at praktikal na kooperasyon. Hindi ito umaasang lubos na magtutugma ang mga pananaw nito sa mga pananaw ng mga partidong nakakaugnayan nito sa lahat ng mga isyu, laluna sa mga isyung labas sa kani-kanilang pambansang kakayahan.

Ang aktitud ng PKP sa ugnayang bilateral ay mag-ipon ng mga punto ng pagkakasundo sa kaugnay na partido at makipagtulungan dito habang isinasantabi ang mga puntong di napagkasunduan para mapag-aralan.

Hindi pumapayag ang PKP na manghimasok sa usaping panloob nito ang alinmang dayuhang partido na may pakikipag-ugnayang bilateral dito, gayundin sa pakikipag-ugnayan nito sa ibang partido, bilateral man o multilateral ang mga pakikipag-ugnayang ito.

5. Maaaring pumasok ang PKP sa ugnayang multilateral sa pamamagitan ng pagdalo sa mga kumperensya, seminar, porum at iba pang tulad nito para sa sumusunod na mga layunin:

a. Ipahayag ang sarili nitong pananaw sa mga isyu;

b. Ibahagi sa ibang partido ang mga karanasan at pananaw nito; at

c. Itaguyod ang pagkakaunawaan at kooperasyon sa balangkas ng mga usaping pang-ideolohiya-pampulitika o sa balangkas ng pagkakaisang anti-imperyalista.

Sa tingin ng PKP, ang lahat ng partidong nagsasabing Marxista-Leninista sila ay nasa panahon pang naglilinaw ng kanilang pusisyong Marxista-Leninista at anti-imperyalista at nagpapaunlad ng naturang pusisyon sa pamamagitan ng rebolusyonaryong pag-aaral at praktika. Kaugnay nito, pinapahalagahan at kinikilala ng PKP na positibong pag-unlad ang anumang pagsulong ng isang partido o grupo ng mga partido mula sa dating pang-ideolohiyang pusisyon.

6. Sa ugnayang multilateral, ang PKP ay matatag na ginagabayan ng prinsipyo ng kasarinlan, pagkakapantay-pantay at di panghihimasok.

a. Dinedesisyunan ng PKP ang katangian ng paglahok nito o di paglahok sa alinmang panahon.

b. a pagpirma sa isang deklarasyon, resolusyon o anumang instrumento ng multilateral na unawaan o kasunduan, sumusunod ang PKP sa sariling husga at sa prinsipyo at paraan ng konsensus at ganap na pagkakasundo.

c. Ang alinmang delegasyon ng PKP o alinmang komitment ng PKP sa anumang klase ng multilateral na pulong o okasyon ay nakapailalim sa desisyon ng sentral na pamunuan ng PKP.

Itinatakwil ng PKP ang anumang pahiwatig na ito’y maaaring diktahan o manipulahin ng anumang tipo ng sentro sa sariling turing, ng isang mayorya ng boto ng mga partido sa loob ng anumang paggugrupo, ng anumang konsepto ng ibang partido tungkol sa pagkakaisa o di kaya’y tungkol sa antagonistikong hanayan laban sa ibang partido, ng pambabata-bata, o anumang klase ng salik o konsiderasyon na labag sa alinmang prinsipyong gumagabay sa PKP sa ugnayang internasyunal.

7. Sa tingin namin, walang isang partido o grupo ng mga partido sa mundo ngayon na makapagpapalagay na ang sarili ang internasyunal na sentro ng rebolusyong proletaryo o makakapagdesisyon kung ano ang kahulugan ng pagkakaisa ng internasyunal na kilusang komunista bukod sa komun na pagtalima ng lahat ng mga partido sa Marxismo-Leninismo.

Naiintindihan namin kung bakit wala sa nalalabing mga naghaharing partido komunista o partido ng mga manggagawa ang nagpiprisinta na siya ang sentro ng pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Naririyan ang makatwirang pagtutol ng mga partidong may sariling pagpapasya na magpailalim sa isa pang partido o isang grupo ng ibang mga partido, na nasa ibabaw ng mga usapin ng obhetibong kalagayan, suhetibong mga salik at bigat ng responsibilidad.

Kinikilala namin ang pagkakaroon ng iba’t ibang kapulungan ng mga partido na nakakapagtipon para sa pag-aaral at palitan ng karanasan at pananaw batay sa pagkakalapit sa ideolohiya, pulitika, o heyograpiya. Itinuturing namin na ideyalista, walang-silbi at kontra-produktibo ang anumang pagpipilit na ipataw sa iba’t ibang pulong na ito o ikontrapwesto sa mga ito ang ideya ng “sentrong internasyunal” o “pagkakaisa ng internasyunal na kilusang komunista” mula sa pananaw ng alinmang iisang partido o alinmang grupo ng mga partido.

Nasisiyahan ang PKP na ang ilan sa mga pulong na ito ng mga partido, na dati’y antagonistiko sa isa’t isa at mapanlait o kumbinyenteng nagbabansag sa isa’t isa na tagasunod ng ganito o ganoong bayan, ay nagpapakita ng wala pang katulad na antas ng kahandaang pag-aralan ang buong saklaw ng mga saligang prinsipyo nina Marx, Engels, Lenin, Stalin at Mao.

8. Ang NDF, sa pamamagitan ng pangalawang tagapangulo ng NDF para sa ugnayang internasyunal at internasyunal na network ng mga kinatawan nito, ay awtorisadong magpaunlad ng ugnayang protodiplomatiko at diplomatiko at lahat ng iba pang ugnayang makakatulong sa pagtupad ng mga diplomatikong tungkulin nito.

Ang NDF ay pinagkakatiwalaan din ng tungkuling katawanin ang mga rebolusyonaryong pwersang Pilipino at ang gubyernong bayan sa usapin ng pakikipagnegosasyon sa reaksyunaryong gubyernong Pilipino at gayundin, ng tungkuling makakuha ng diplomatikong pagkilala sa katayuang nakikidigma, at sa kalaunan ay pagkilala sa gubyernong bayan.

9. Ang PKP ay may sariling mga tauhan at organisasyon sa ibang bansa at namamahala sa gawain ng sarili nitong mga tauhan sa pagbubuo ng mga organisasyong pampartido at organisasyong masa sa hanay ng mga Pilipinong nasa ibang bayan. May natatanging pangangailangan at kaangkupan ito, laluna dahil may dating mga kahinaan kaugnay nito.

Gayundin, sumasang-ayon ang PKP na ang Partido sa bayang kinaroroonan nito at ang mga organisasyong masa nito, ay magrekrut sa sariling pagsisikap ng mga myembro sa hanay ng mga Pilipinong nasa ibang bayan at makipagkonsultahan sa PKP kaugnay ng bakgrawnd, kasalukuyang gawain at perspektiba ng mga Pilipinong iyon na nasa ibang bayan. Isa pa, sumasang-ayon ang PKP na payagan ang ilang myembro nito na maging myembro din ng partido sa bayang kinaroroonan nila pagkatapos magkonsultahan.

Sumasang-ayon ang PKP sa dalawang batayan:

a. Ang pagiging myembro ng isang partido o organisasyong masa ay usapin ng indibidwal na kwalipikasyon at kagustuhan ng myembro.

b. Alinsunod sa prinsipyo ng proletaryong internasyunalismo, pinapayagan ang PKP na magpaunlad ng sarili nitong tauhan at gawain sa ibang bayan at gayundin, pinapayagan ang partido sa bayang kinaroroonan nila na palahukin ang mga Pilipinong nasa ibang bayan sa rebolusyonaryong pakikibaka ng bayang kanilang tinitirhan.

10. Ang pinakamahusay na tipo ng kontribusyon na maibibigay ng PKP sa pandaigdigang proletaryong rebolusyon ay ang sumulong at kung kakayanin na ay kamtin ang ganap na tagumpay sa rebolusyong Pilipino. Gayundin, ang pinakamahusay na suportang maibibigay ng ibang partido sa PKP at rebolusyong Pilipino ay ang sumulong at magtamo ng mga tagumpay sa kani-kanilang rebolusyonaryong pakikibaka.

Ang PKP at ang rebolusyong Pilipino ay makakasulong at makapagtatamo ng mga tagumpay sa pamamagitan lamang ng pagtalima at pagtupad sa prinsipyo ng pag-asa sa sarili. Dapat makakilos at makapagpalakas ang PKP sa pamamagitan ng pagsalig sa butaw ng kasapian at kontribusyon ng mga myembro nito. Makakasulong lamang ang rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng pagsalig sa pampulitikang mobilisasyon ng sambayanang Pilipino at ambag na butil at iba pang kontribusyon ng mga anakpawis na nakikinabang sa mga rebolusyonaryong kampanya, mula sa produksyon ng mga rebolusyonaryong pwersa, mula sa buwis sa ilang tiyak na seksyon ng mamamayan at mula sa kumpiskasyon sa kaaway.

Nagpapasalamat ang PKP at ibang rebolusyonaryong pwersang Pilipino sa anumang kinakailangan at angkop na tulong mula sa labas ng bansa pero hindi umaasa dito. Dapat din silang maging mapagmatyag sa mga negatibong epekto nito. Ipinapakita ng nakaraang karanasan na nagkaroon ng ilang negatibong epekto, bukod sa positibong epekto, ang tulong panlabas mula sa pinakamahuhusay na posibleng mapagkukunan sa ibayong dagat patungo sa mga rebolusyonaryong pwersa, gayundin iyong mula sa Kanluraning mga ahensyang nagpopondo (funding agencies) patungo sa diumano’y mga NGOs.