Espesyal na Kurso sa Kilusang Magsasaka sa Kanayunan

Communist Party of the Philippines
Resize text: A+ A- Reset

Ikatlong Edisyon
2006

Mga Paunang Salita

Matinding paghihirap ang dinaranas ng mga magsasaka dahil sa problema sa lupa

Lumaganap at lumubha ang problema sa lupa sa Pilipinas dahil sa pangangamkam at panlilinlang ng mga dayuhang mananakop at lokal na panginoong maylupa

Demokratikong Rebolusyonaryong Bayan ang makalulutas sa problema sa lupa at kaakibat na pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa masang magsasaka

Ang Rebolusyonaryong Programa sa Reporma sa Lupa

Ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM) ang rebolusyonaryong organisasyong masa ng magsasaka at manggagawang bukid sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo at demokratikong rebolusyong bayan

Paunang Salita sa Ikatlong Edisyon

Bahagi ng ating Pagsisikap na higit pang pahusayin at pasiglahin ang Pambansa-Demokratikong Paaralan (PADEPA), inilalathala natin ang ikatlong edisyon ng Espesyal na Kurso sa Kilusang Magsasaka (Eskum-Magsasaka). Tulad ng mga naunang edisyon, tinatalakay rito ang katangian, kasaysayan at rebolusyonaryong solusyon sa problema sa lupa.

Sa ikatlong edisyon, ipinasok ang ilang mahalagang pagbabago tulad ng mga sumusunod:

Pag-update sa kabuuang kalagayan ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas;

Paglala ng rekonsentrasyon ng mga lupain sa kamay ng malalaking panginoong maylupa-burgesyang kumprador;

Bagong mga anyo ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal;

Matitinding epekto sa magsasaka at mamamayan ng pagpiga ng imperyalismo sa agrikultura, partikular ng GATT-WTO;

Mga kontra-magsasakang programa at krimen ng rehimeng US-Arroyo;

Matitingkad na tagumpay at pagsulong ng kilusang magsasaka; at

Ang paglilinaw sa patakaran ng rebolusyonaryong kilusan hinggil sa nasyunalisasyon ng lupa at kaakibat na amyenda sa RGRL.

Mapapansin na maraming datos ang inilagay sa endnotes at mga apendiks upang mapalamnan pa ang talakayan hinggil sa kabuuang kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang bukid.

Matapos pag-aralan ang Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP) na siyang naglalatag ng pangkalahatang balangkas ng lipunan at rebolusyong Pilipino, dapat kagyat na isunod ang pag-aaral sa Eskum-Magsasaka upang mas mailugar ang pag-aaral sa kilusang magsasaka.

Kailangang talakayin ang Eskum-Magsasaka ng mga kasapi hindi lamang ng samahang magsasaka, kundi ng samahang kababaihan at kabataan bilang integral na bahagi ng kilusang magsasaka at bago pag-aralan ang Eskum-Kababaihan at Eskum-Kabataan. Sa gayon, bukod sa pangkalahatang pag-unawa sa lipunan at rebolusyong Pilipino, wastong mailulugar ang kanilang partikular na sektor sa kinapapalooban nitong kilusang magsasaka. Kaugnay nito, may binalangkas tayong gabay para matalakay ang tatlong Eskum sa isang tuluy-tuloy na pag-aaral sa loob ng anim hanggang pitong oras.

Mahalaga ring pag-aralan ang Eskum-Magsasaka ng mga manggagawa at iba pang sektor sa kalunsuran upang maunawaan ang katangian at nilalaman ng kilusang magsasaka at ang mahigpit na ugnayan ng kilusang magsasaka at demokratikong kilusan sa kalunsuran.

Paaralang Primarya ng Partido
Pambansang Kagawaran sa Edukasyon
sa pakikipagtulungan sa
Komisyon para sa Kilusang Magsasaka
Pebrero 2006

Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon

Ito ang ikalawang edisyon ng Espesyal na kurso sa Kilusang Magsasaka o Eskum- Magsasaka. Tulad ng Unang Edisyon, tinatalakay dito pangunahin ang katangian, kasaysayan at rebolusyonaryong solusyon sa problema sa lupa.

Dapat pag-aralan ang espesyal na kursong ito ng mga kasapi ng mga samahang magsasaka matapos talakayin ang Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP). Uunahin ang MKLRP na siyang naglalatag ng pangkalahatang balangkas ng lipunan at rebolusyong Pilipino upang mahusay na mailugar ang pag-aaral sa kilusang magsasaka.

Ang kursong ito ay dapat ding pag-aralan ng kabataan at kababaihan sa kanayunan matapos ang MKLRP at bago pag-aralan ang espesyal na kurso ng partikular na sektor. Sa gayon, bukod sa pangkalahatang pag-unawa sa lipunan at rebolusyong Pilipino, wastong mailulugar ang kanilang sektor sa kinapapalooban nitong kilusang magsasaka.

Mahalagang pag-aralan ang kursong ito ng mga manggagawa at iba pang sektor sa kalunsuran upang maunawaan ang katangian at nilalaman ng kilusang magsasaka at ang mahigpit na ugnayan ng kilusang magsasaka at demokratikong kilusan sa kalunsuran.

Sa pagtalakay sa kursong ito, gawing kongkreto sa sariling karanasan ng mag-aaral ang mga punto sa pamamagitan ng mga halimbawa mula sa kanilang lugar laluna ang usapin ng laki ng problema sa lupa at mga partikular na porma ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala.

Ilan sa mga pagbabago sa kurso ang mga sumusunod:

a) ang pag-update sa datos at paglalahad hinggil sa mga kontra-magsasakang hakbang ng rehimeng US-Aquino at US-Ramos

b) ang malinaw na paglulugar ng rebolusyong agraryo sa demokratikong rebolusyong bayan

k) at ang pagbibigay ng pangkalahatang tanaw hinggil sa rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa

Ang seksyon sa rebolusyonaryong reporma sa lupa ay nagsisilbing panimulang sistematikong paglalahad sa paksa. Matapos ang pag-aaral sa espesyal na kurso, pinakamainam kung magdaos ng hiwalay na pag-aaral sa Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa (RGRL) na inilakip bilang apendiks ng kursong ito.

Mainam kung kagyat na isunod ang pag-aaral sa Gabay sa Pagtatayo sa Demokratikong Gubyernong Bayan na inilakip din bilang apendiks ng kursong ito. Higit na malilinaw dito ang katangian ng kapangyarihang pampulitika at gubyernong bayan na hakbang-hakbang na itinatayo sa kanayunan.

Upang higit na mapaunlad ang espesyal na kursong ito, malugod naming tatanggapin ang lahat ng puna at mungkahi.

Pambansang Kagawaran sa Edukasyon
Pangkalahatang Kalihiman
Abril 1996

Paunang Salita sa Unang Edisyon

Ang Maikling Kurso tungkol sa Kilusang Magsasaka ang espesyal na kursong masa ukol sa problema sa lupa. Tinatalakay dito ang katangian, kasaysayan at ang rebolusyonaryong solusyon sa problema sa lupa.

Ito ang unang kurso sa pag-aaral ng mga kasapi ng mga organisasyong masa ng magsasaka. Ibinibigay rin ang kurso sa mga organisasyong masa ng kababaihan at kabataan sa kanayunan dahil ang mga sektor na ito ay integral na bahagi ng kilusang magsasaka.

Pagkatapos ng espesyal na kurso, mahalagang maisunod kaagad ang pag-aaral sa Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino. Kailangan ito para mahigpit na maiugnay ng mga mag-aaral ang partikular na problema ng magsasaka sa kabuuang problema ng sambayanan at sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Sa pangkalahatang kursong masa rin nadidetalye ang magiting na papel ng uring magsasaka sa pakikibaka sa mga dayuhan at katutubong kaaway.

Mapapansin na ang espesyal na kurso ay nakatutok sa pangkalahatang kalagayan ng uring magsasaka. Ang mga kinauukulang organo o yunit ang nasa pusisyon para palamnan at isapartikular ang kurso batay sa kanilang kalagayan. Mahalagang mabigyan ng partikular na datos at halimbawa laluna ang katanungan tungkol sa laki ng problema sa lupa.

Iminumungkahi ring magdagdag ng mga talakayan sa mga pinakahuling pakana ng diktadurang US-Marcos laban sa masang magsasaka.

Pagtulungan nating pahusayin ang kursong ito. Ang mga puna at mungkahi hinggil sa kurso ay malugod naming tatanggapin.

Pambansang Kawanihan sa Instruksyon
Setyembre 1981


I. MATINDING PAGHIHIRAP ANG DINARANAS NG MGA MAGSASAKA DAHIL SA PROBLEMA SA LUPA

Mayaman ang Pilipinas. Malawak ang kalupaan at pangisdaan nito na pinagkukunan ng pagkain at ikinabubuhay ng mamamayang Pilipino. Makabuluhang bahagi ng lupaing agrikultural ang pinagkukunan din ng mga produktong ibinibenta sa ibang bayan tulad ng kopra, asukal, tabako, mga gulay at prutas, kape, goma, abaka, bulaklak, at marami pang iba.

Mayaman ang mga dagat, lawa at ilog ng bansa. Dito nagmumula ang tone-toneladang isda at iba pang yamang-dagat sa araw-araw. Sa buong mundo, ikalabing-isa ang Pilipinas sa pinagkukunan ng isda.

Ang masang magsasaka, manggagawang bukid at mangingisda ang nagbabanat ng buto upang malikha ang lahat ng ito. Pero ang malalaking panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalistang korporasyon ang pangunahing nakikinabang sa yaman. Kaya nasasadlak sa matinding kahirapan at paghihikahos ang uring magsasaka. Patuloy silang dumaranas ng sumasahol na pang-aapi at pagsasamantala dahil sa masugid na pagpapatupad ng mga kontra-magsasakang programa at patakaran ng mga nagdaan at kasalukuyang papet na rehimen.

Subalit patuloy ring lumalakas at lumalawak ang paglaban ng masang magsasaka, kasama ang iba pang api at pinagsasamantalahan sa lipunan.

A. Ano ang problema sa lupa?

Ang problema sa lupa ang pinakamabigat na problemang nagpapahirap sa pinakamaraming mamamayan sa Pilipinas, ang masang magsasaka. Bunga ito ng pagpapanatili ng pyudalismo kung saan patuloy na pinag-aarian o kinukontrol ng iilang panginoong maylupa, malaking burgesyang kumprador at imperyalistang agrikorporasyon ang malawak na lupaing agrikultural habang wala o kulang sa lupa ang malaking mayorya ng masang magsasaka.

Ang monopolyo sa lupa ay umiiral hindi lamang sa mga sakahang binubungkal at pinagyayaman ng masang magsasaka at manggagawang bukid. Ang mga kagubatan, minahan, pastulan, lawa, ilog, tabing-dagat at lupang ninuno ng mga pambansang minorya, maging ang mga forest park o pinipreserbang kagubatan na ipinagbabawal sa mamamayan, ay kinakamkam at monopolisado rin ng malalaking panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalistang korporasyon. Walang pakundangan nilang sinasaid ang likas na yamang nakukuha dito nang walang kapalit na pagpapaunlad ni pangangalaga para sa kinabukasan.

Isang bayang agrikultural ang Pilipinas. Mahigit sangkatlo ng 30 milyong ektaryang lupain nito ang binubungkal ng mga magsasaka at manggagawang bukid na silang lumilikha ng pagkain ng bansa at mga produktong komersyal at pang-eksport tulad ng kopra, asukal, saging, pinya, tabako, high value crops (mamahaling mga bulaklak, gulay at prutas na pangunahing ibinibenta sa ibang bayan) at marami pang iba.

Mga magsasaka ang nagbubungkal at nagpapakahirap para maging produktibo ang lupain subalit karamihan sa kanila ay wala o kulang ang sariling lupa. Ang mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalista nama’y hindi lumalahok sa pagsasaka pero dahil sila ang nagmamay-ari at kumukontrol sa malalawak na lupaing agrikultural, sila ang nakikinabang at nagpapasasa sa produkto ng masang magsasaka.

B. Gaano kalubha ang problema sa lupa?

1. Pag-aari o kontrolado ng iilang panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalistang agri-korporasyon ang malawak at matabang lupain ng Pilipinas.

Iniulat ng Bureau of Agricultural Statistics noong 1991 na 9,500 panginoong maylupa lamang ang nagmamay-ari sa halos 21 porsyento ng kabuuang lupaing agrikultural ng Pilipinas. Samantala, mahigit dalawang milyong magsasaka, na nagmamay-ari lamang ng kulang sa tatlong ektarya bawat isa, ang nagsisiksikan at naghahati-hati sa 18.5 porsyento ng lupaing agrikultural.

Matingkad ang monopolyo sa lupa sa ilang pananim at lugar. Halimbawa, sa niyugan, 80 porsyento nito ay pag-aari ng iilang panginoong maylupa habang 3.4 milyong magsasaka at manggagawang bukid ang nagmamay-ari sa natitirang 20 porsyento.

Ang umiiral na monopolyo sa lupa ay madaling makita sa lawak ng malalaking asyenda sa bayan. Sa kabila ng ipinangangalandakang reporma sa lupa ng mga nagdaan at kasalukuyang papet na rehimen, nanatili, kundi man lumawak pa ang lupaing kontrolado ng malalaking panginoong maylupa, burgesyang kumprador at dayuhang agrikorporasyon. Halimbawa, si Danding Cojuangco, kilalang kroni ng diktadurang Marcos, ay tinatayang nagmamay-ari ngayon ng mahigit sa 30,000 ektaryang lupaing agrikultural. Lumalawak pa ang monopolyo ni Cojuangco dahil sa walang habas na pangangamkam niya ng mga lupain sa Hilagang Luzon para sa plantasyon ng cassava (kamoteng kahoy) na sasaklaw sa sangkatlo ng probinsya ng Isabela at ilang bayan ng Cagayan, Nueva Vizcaya at Quirino.

Maliban sa mga nabanggit sa itaas, ang ilan pang malalaking panginoong maylupa ay ang sumusunod:

Sa Luzon, sina Angara (Aurora), Marcos (Ilocos Norte) at Singson (Ilocos Sur); Agbayani (Pangasinan), Fidel Ramos (Pangasinan) at Madrigal (Quezon at Visayas); Villafuerte (Camarines Norte), Imperial (Albay) at Santos (Camarines Sur); Fuentebella (Camarines Sur), Escudero (Sorsogon) at Espinosa (Masbate); Araneta, Puyat, Bernardino at San Victor (Gitnang Luzon). Ang tatlong huli ay may malalaking konsesyon din sa pagtotroso sa Mindanao.

Sa Visayas, sina Lopez (Iloilo), Araneta (Negros Occidental), Manuel Roxas (Capiz)at Larrazabal (Leyte); Romualdez (Leyte), Roño (Samar), Franco (Cebu) at Montano (Negros Oriental).

Sa Mindanao, sina Lobregat (Zamboanga), Jesus Ayala (Davao at Compostela Valley) at Alcantara (Davao City, Davao del Norte at Cotabato); Lorenzo (Davao), Roberto Sebastian (Compostela Valley) at Zubiri (Bukidnon); Fortich (Bukidnon), Soriano (Davao del Sur at Cotabato) at Plaza (Agusan); Rabat (Davao Oriental), Almario (Davao Oriental) at Barbers (Surigao del Norte); at sina Dizon (Compostela Valley), Roa (Misamis Oriental), Tan (Misamis Occidental) at Dominguez (Davao).

Sa Timog Katagalugan, 835 panginoong maylupa lamang ang kumukontrol sa 70 porsyento ng kabuuang lupaing agrikultural ng rehiyon. Sa Cebu, 155 panginoong maylupa ang nagmamay-ari sa kabuuang niyugan at maisan. Sa probinsya ng Cagayan, 437 pamilya lamang ang may hawak ng halos kabuuang lupaing agrikultural. Sa Batangas, 16 pamilya ang nagmamay-ari sa mahigit 26,000 ektaryang tubuhan. At sa Negros Oriental, naiipon lamang sa kamay ng sampung pamilya ang pagmamay-ari ng kalakhan ng mga lupain.

Sa Mindanao, iilang dambuhalang korporasyong multinasyunal ang kumukontrol sa mahigit 207,000 ektaryang plantasyon ng saging, pinya, palm oil at high value export crops. Ang mga plantasyong ito, na patuloy pang lumalawak at dumarami, ay matatagpuan sa mayayamang lambak ng isla. Bagama’t walang hawak na titulo ng pagmamay-ari ang mga dayuhan, nagiging mas mahigpit ang kanilang monopolyo sa pamamagitan ng mga iskemang grower, joint venture, cooperative, leasehold at lease back arrangement kung saan pinarerenta ng mga “benepisyaryo” ng “reporma sa lupa” ang kanilang lupa sa korporasyon habang nagbabayad ng amortisasyon sa Land Bank.

Ang monopolyo ng mga panginoong maylupa-malaking burgesyang kumprador at mga dayuhang korporasyon ay hindi lamang sa lupaing agrikultural kundi pati sa natitirang kagubatan, mga minahan at palaisdaan. Noong 2000, sa kabila ng mabilis na pagkakalbo ng ating kagubatan, umabot pa sa kalahating milyong ektarya ang sinaklaw ng Timber License Agreements (TLA) na iginawad sa malalaking logger. Sa Caraga, sumasaklaw sa 236,288 ektarya ang TLA ng tatlong pinakamalaking kumpanya — ang Sudecor ng pamilyang Puyat, ang Artimco ng pamilyang San Victor at ang Picop Resources Inc. ng pamilyang Bernardino. Sa ilalim din ng programang stewardship at “reforestation” ng reaksyunaryong gubyerno, naaagaw ng malalaking konsesyunaryo at burukratang kapitalista ang kagubatan, mga lupang ninuno ng mga pambansang minorya at eryang kinaingin ng mga magsasaka at setler.

Sa pagmimina, mga burgesyang kumprador at dayuhang korporasyon ang kumukontrol ng malalawak na kagubatan at kabundukang pinagmiminahan. Ilan dito ang Philex Mines at Lepanto Consolidated Mining Corp. sa Cordillera, Maricalum Mining Corp. sa Negros, Western Mining Corp. sa Mindanao, Atlas Mines sa Cebu, Marcopper Mining Co. sa Marinduque, Placer Dome, Lafayette Mining sa Rapu-rapu Island sa Bikol, at marami pang iba. Pito sa pinakamalalaking kumpanya ng pagmimina sa mundo ang nag-oopereyt sa Pilipinas. Noong 2004, ayon sa DENR, mahigit sa 421,723 ektaryang lupang mineral ang nasasakop ng mga pribado at dayuhang korporasyon. Bukod pa rito, ang nakabimbing aplikasyon sa pagmimina ay sumasakop sa halos dalawang milyong ektarya ng kalupaan ng Pilipinas noong 2003.

Umaabot naman sa 70 porsyento ng kabuuang produksyon sa pangisdaan ay monopolyo ng mga negosyante sa komersyal na pangingisda. Ang malalawak na palaisdaan ay pinaghaharian ng mga panginoong maylupa-burgesyang kumprador.

Ang monopolyo sa lupa ang saligang ugat ng pagsasamantala at iba pang suliranin na dinaranas ng uring magsasaka gaya ng mataas na upa sa lupa, mataas na interes sa pautang o usura, labis na pagpepresyo ng mga gamit sa produksyon, pambabarat sa presyo ng produkto, mababang sahod at kahabag-habag na kalagayan ng magsasaka at manggagawang bukid sa kanayunan.

2. Laganap ang malubhang kawalan at kakulangan ng lupa ng masang magsasaka. Laganap ang pakikisamá.

Sa buong bansa, pito sa bawat sampung magsasaka ang walang sariling lupa. Ang apat sa pito ay nakikisamá. Kung ibibilang pa ang mga magsasakang nawalan ng lupa at napilitang lumikas at ang mga manggagawang bukid na nagnanais magbungkal ng lupa, mahigit pa sa 85 porsyento ng kabuang pwersang paggawa sa agrikultura ang walang sariling lupa. Sa Timog Katagalugan at Negros Occidental, siyam sa bawat sampung magsasaka ang walang sariling lupa.

Mas lumaganap ang pakikisamá dahil sa pandarambong ng mga lokal na naghaharing uri, mga burukrata at imperyalistang korporasyon, at sa pagkabangkarote ng kabuhayan ng mga magsasaka. Noong 1980, mga apat na milyon ang kasamá, o 50 porsyento ng mahigit sa walong milyong magsasaka sa Pilipinas. Pagdating ng 1985, umabot sa 75 porsyento ng kabuuang bilang ng magsasaka ang nakikisamá at namumuwisan. Ayon naman sa pag-aaral ng isang NGO noong 1990, hindi pa rin bababa sa 75 porsyento ang nakikisamá batay sa 4,000 magsasakang ininterbyu.

Sa mga lupang natatamnan ng palay at mais, mas marami ang bilang ng mga panginoong maylupang nagmamay-ari ng mababa sa 50 ektarya bawat isa. Pero malawak-lawak ang kabuuang eryang saklaw ng mga ito. Karaniwan, hinahati-hati ang kanilang lupa sa maliliit na parsela at ipinapaupa sa mga magsasaka. Dito, umaabot ng mula 60 hanggang 75 porsyento ng mga magsasaka ang nakikisamá.

Dagdag pa, di kukulangin sa sampung porsyento ng mga magsasaka ay mga setler sa mga prontera o interyor na bahagi ng kanayunan. Ang mga setler ay mga magsasakang itinaboy sa kanilang lupa at nakarating sa mga bundok at gubat sa paghahanap ng lupang mabubungkal. Kahit may nahawan silang kapirasong lupa, hindi sila binibigyan ng pormal na titulo para rito. Hindi kinikilala ang kanilang karapatan sa lupa at ang bunga ng ilampung taong pagbubungkal sa dating tiwangwang at masukal na prontera. Kadalasan ay biktima sila ng pangangamkam ng lupa, mga kontra-mamamayang proyekto ng gubyerno at huwad na reporma sa lupa.

Sa mga maralita at mababang panggitnang magsasaka, mula kalahati hanggang isa’t kalahating ektarya lamang ang karaniwang sukat ng lupang sinasaka. Hindi ito sapat kung ibabatay sa itinakda mismo ng gubyerno na dapat sakahin ng isang magbubukid para sapat na matugunan ang panganga-ilangan ng kanyang pamilya – tatlong ektaryang may patubig, o limang ektarya kung walang patubig.

Sa kabila ng mga “repormang agraryo” ng mga papet na rehimen, lalo pang nawalan ng lupa at kabuhayan ang napakalaking bilang ng masang magsasaka. Isang palatandaan ang pagdami ng mga manggagawang bukid na noong 2005 ay umaabot na sa 13 milyon. Kabilang dito ang mga maralita at mababang panggitnang magsasaka na nagsasaka ng maliliit na parsela subalit napipilitang magbenta ng kanilang lakas-paggawa; ang mga magsasakang lubusan o pangunahing umaasa sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa; at ang mga magsasakang nasa bingit na ng kawalan ng kabuhayan at pinakamasahol na pagkabusabos. Marami sa kanila ang lumuluwas patungong kalunsuran para sa samu’t saring trabaho at nagiging bahagi ng lumalaking bilang ng malaproletaryado sa Pilipinas.

3. Sumasahol ang pangangamkam at rekonsentrasyon ng lupa sa kamay ng malalaking panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalistang korporasyon.

Mula noong huling bahagi ng dekada 1960 nasaid na ang mga lupaing publiko na pwedeng buksan ng mga magsasakang walang lupa o kapos sa lupa. Bumilis at higit pang sumidhi ang suliranin sa lupa. Maraming magsasaka ang binawian ng lupa habang patuloy na tumindi ang muling pag-angkin o rekonsentrasyon ng mga lupain sa malalaking panginoong maylupa-burgesyang kumprador at imperyalistang mga korporasyon.

Naabot na ng bansa ang hangganan ng lupang masasaka nito. Mula 1970 hanggang 1980, lumaki ang lupang masasaka nang 44 porsyento. Pero mula 1980 hanggang 1990, tumaas lamang ito ng 1.4 porsyento. Nakaapekto nang malaki sa kapasidad ng pagsasaka ang pagpapalit-gamit ng lupa (land use conversion), pagpapalit-tanim (crop conversion), pagkasira ng kapaligiran, at mabilis na pagkakalbo ng ating kagubatan.9 Maging ang mga kabundukan at lupain para sa paghahayupan (livestock farm) na dating tiwangwang ay ginagamit na rin para sa agrikultura. Inamin mismo ng Department of Agrarian Reform (DAR) na noon pang 1998 umaabot na sa 800,000 ektaryang lupaing agrikultural ang naikumbert tungo sa ibang paggagamitan.

Sa kabila ng tuluy-tuloy na pagkaubos ng mga prontera, naging agresibo ang pangangamkam sa mga lupaing publiko na pinusisyunan ng mga magsasakang naghahangad ng sariling lupang mabubungkal. Pinapatituluhan ng mga panginoong maylupa ang malalawak na lupaing publiko, nililinlang ang mga setler na hawanin at bungkalin iyon, saka pinalalayas ang mga ito. Umuupa sila sa reaksyunaryong gubyerno ng malalawak na lupaing publiko at pinalalabas nilang pastulan o rantso ang mga ito. Sa pakikipagsabwatan sa mga burukrata, ibinibigay sa kanila ang malalawak na logging concession at pagkatapos ay inaangkin na nila ang lupang pinagputulan ng troso.

Sa pamamagitan ng iba’t ibang batas, programa, panlilinlang at tahasang pandarahas ng estado, nakuha ng mga imperyalistang korporasyong agribisnes at malalaking burgesyang kumprador ang malalawak na lupaing publiko at resetelment sa Davao del Norte, Cotabato, Lanao at Bukidnon. Tinatayang mas malaki pa sa naiulat noong 1988 na 2.4 milyong ektarya o sangkapat ng kabuuang lupain ng Mindanao (kasama na ang mga lupaing agrikultural, minahan, konsesyon sa logging at palaisdaan) ang nasa kontrol ng mga burgesyang kumprador at mga imperyalista.

Sa crop conversion o pagpapalit-tanim (imbes na palay o mais ang itanim, mga halamang pang-eksport ang itinatanim na pangunahing nakatuon sa pangangailangan ng mga kapitalistang bayan), narerekonsentra ang malaking tipak ng mayamang lupaing agrikultural sa mga kumprador-asendero at mga multinasyunal na agribisnes. Halimbawa, ang erya na tinatamnan ng mangga ay umaabot na ng 113,000 ektarya; ang asparagus 1,400 ektarya; ang saging 370,000 ektarya; at ang pinya 41,000 ektarya. Maramihang kaso ng pang-aagaw ng lupa ang nagiging resulta ng crop conversion, laluna sa mga eryang wala pang sapat na lakas na lumaban ang mga magsasaka. Lubhang inilalagay sa panganib ng crop conversion ang seguridad sa pagkain ng bansa.

Sa gitna nito, ang huwad na reporma sa lupa ng reaksyunaryong gubyerno ang mismong ligal na paraan ng mga panginoong maylupa-burgesyang kumprador upang panatilihin ang kanilang monopolyo sa lupa. Maraming “benepisyaryo” ng “reporma sa lupa” ng kasalukuyan at nagdaang mga rehimen ang binawian na ng karapatan sa lupa. Ayon mismo sa ulat ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong 2000, umabot na sa 375,000 ektaryang binungkal at pinagyaman ng masang magsasaka ang muling kinamkam ng mga panginoong maylupa.

Habang sadlak sa matinding paghihikahos at kawalan ang mga magsasakang “benepisyaryo” ng huwad at mapanlinlang na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), patuloy namang kumikita ang mga panginoong maylupa sa ilalim ng pakanang voluntary offer to sell (VOS). Sa pamamagitan ng Land Bank, binibili ng estado sa pinalobong halaga ang hindi produktibong mga lupain ng mga panginoong maylupa. Sa mga lupang sinasaklaw ng VOS, ang Land Bank siya nang tumatayong bagong panginoong maylupa na regular na naniningil ng amortisasyon sa mga magsasakang “nabiyayaan” ng CARP.

Sa ilalim naman ng stock distribution option (SDO), stocks o mga sapi sa korporasyon ng asyenda ang “ipinamamahagi” sa mga manggagawang agrikultural. Ang SDO ang siyang ginamit ng pamilya Cojuangco-Aquino upang hindi maipasailalim sa CARP ang Hacienda Luisita. Hindi na raw mga kasamá ang mga magsasakang naroon kundi mga may-ari na rin ng asyenda. Ngunit sa dami ng kinakaltas ng kumpanya sa kanilang sahod, umabot na lang sa P9.50 ang arawang kita ng mga magsasaka sa asyenda noong 2004. Naging mala-pulubi ang kanilang katayuan lalu pa’t nabawasan din ang bilang ng araw ng kanilang pagtatrabaho sa asyenda.

Ang mga dambuhalang proyekto ng reaksyunaryong gubyerno ay malawakan ding nang-aagaw ng lupain at sapilitang nagpapalayas sa mga magsasaka at mga pambansang minorya. Ilan sa mga ito ay ang San Roque Multi-purpose Mega Dam Project sa Benguet at Pangasinan, at Casecnan River Dam Project sa Nueva Vizcaya at Quirino.

Kinakamkam maging ang mga ilog, lawa at baybay-dagat; binabakuran ang mga ito para tayuan ng pribadong mga palaisdaan. Pwersahang pinalilikas ang mga mangingisda sa kanilang pook-pangisdaan at pamayanan. Noong 2003, may naitalang mahigit 50 kaso ng kumbersyon ng mga pangisdaan na nakaapekto sa 180,000 mangingisda. Noong taong 2000, umabot na sa halos isang milyong ektarya ang pribadong aquafarms ng malalaking panginoong maylupa, burgesyang kumprador at dayuhang korporasyon sa bisa ng Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA) na sinimulan ng rehimeng Ramos.

Sa mga lugar na nawala o humina ang pampulitikang lakas ng rebolusyonaryong kilusan at kakayahan ng mga organisasyon ng mga magbubukid, ang mga panginoong maylupa-burgesyang kumprador at kasabwat nilang imperyalista ay gumagawa ng iba’t ibang pakana upang bawiin ang mga tagumpay ng mga magsasaka sa pakikibakang agraryo.

Subalit mas masahol at todong kabangisan ng reaksyunaryong gubyerno ang pinalalasap sa mga magsasaka at mamamayang saklaw ng mga organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika sa malawak na bahagi ng kanayunan sa buong bayan. Sa pamamagitan ng mga operasyong militar ng AFP, PNP, CAFGU at bayarang armadong goons ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalistang korporasyon, parang hayop na itinataboy mula sa kanilang lupain ang mga magsasaka, setler at pambansang minorya. Ang lahat ng papet na rehimen ay batbat ng mga kaso ng masaker, pambobomba ng mga komunidad, pambubuldoser at panununog sa mga tahanan, pananim at iba pang ari-arian ng mga magsasaka, tortyur at pananalbeyds sa mga lider-magbubukid.

Ang mga dam, minahan, trosohan, plantasyon at asukarera; industrial park o special economic zone, forest park at iba pang reserbasyong inilaan para sa ekoturismo; golf course at iba pang eksklusibong resort para sa mayayaman; subdibisyon, mall at kondominyum ay pawang naglilibing sa kabuhayan at kinabukasan ng milyun-milyong magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda, setler at pambansang minorya.

K. Paano pinagsasamantalahan ang masang magsasaka at manggagawang bukid bunga ng problema sa lupa?

Dahil sa kawalan o kakulangan ng sariling lupang mabubungkal, ang higit sa nakararaming magsasaka at manggagawang bukid ay nadidiktahan ng mga panginoong maylupa at komersyante-usurero ng mapag-samantalang mga kundisyon sa pagsasaka at paggawa.

1. Kinikikilan ang masang magsasaka ng upa sa lupa sa anyo ng hatian o buwisan.

Mula 50 hanggang 80 porsyento ng ani ang napupunta sa mga panginoong maylupa. Katiting na bahagi lamang ng ani ang natitira sa mga magsasaka. Sa maraming lugar, ipinagyayabang ng mga panginoong maylupa na 50-50 ang hatian sa ani. Pero ang totoo’y ipinakakarga nila sa mga kasamá ang lahat ng gastos sa pagsasaka. Kaya lalabas na 80-20 hanggang 60-40 pabor sa panginoong maylupa ang totoong hatian.

Sa sistemang buwisan, nagbabayad naman ang mga magsasaka ng 12 hanggang 20 kabang palay bawat ektarya, bawat anihan. Kahit na sinalanta ng bagyo, baha, tagtuyot o peste ang pananim ng magsasaka at halos wala nang inani, obligado pa rin siyang magbayad ng takdang buwis sa panginoong maylupa. Kung hindi siya makabayad sa isang anihan, ito ay magsisilbing utang na kailangan bayaran sa susunod na anihan. Dito ay binabalikat ng magsasaka ang lahat ng gastusin mula sa binhi, pataba, pestisidyo, pagpapatanim, paggapas, atbp. Naghihintay lamang ang panginoong maylupa ng kanyang buwis.

Sa isang pag-aaral noong 2000, ang magsasakang umaani ng 80 kaban sa isang ektaryang palayan ay gumagastos ng P17,016 kaya’t nakakuha lamang siya ng P8,744 o mahigit sa P90 bawat araw sa tatlong buwan niyang pagtatrabaho. Ang natatanggap naman ng panginoong maylupa ay netong 12 kaban o P3,764.

Sa pitong ektaryang niyugang 70-30 ang hatian, ang isang magsasaka ay napapartehan lamang ng P10,000 habang P20,000 ang napupunta sa panginoong maylupa. Kung ibabawas ang ibinayad sa dalawang manggagawang bukid na tumulong sa pagkopra, aabot lamang sa P29 arawang kita ang napupunta sa magsasaka.

Kung labis na mapagsamantala ang sistemang hatian at buwisan na dinaranas ng magsasakang kasamá, mas masahol ang sistemang “agsa” (katawagan sa Samar; “mintiner” sa Davao Oriental; “kasugpon” sa Isabela). Dito, walang kasiguruhan sa trabaho ang agsa, mintiner o kasugpon; anumang oras, maaari siyang palitan o palayasin batay sa pasya ng panginoong maylupa. Ginagamit ng panginoong maylupa ang kaayusang ito upang tuluyan nang alisan ang kasamá ng anumang katiting na karapatang tinatamasa nito sa ilalim ng reaksyunaryong batas at sistema. Maihahalintulad sa mala-alipin ang katayuan sa kabuhayan ng mga agsa, mintiner o kasugpon at ng kanilang pamilya.

2. Dahil hindi sapat ang parteng nakukuha nila sa ani, ang mga magsasaka ay napipilitang mangutang sa napakataas na interes sa mga usurero na karaniwang mga panginoong maylupa rin.

Sandaang porsyento o higit pa ang kalimitang interesp sa pautang sa bawat anihan. Katumbas ito ng 300 porsyentong taunang interes. Itinatakda pa ng usurero kung pera o produkto ang ibabayad ng magsasaka, alinman dito ang mas bentahe sa usurero.

Mayroon ding komersyanteng pang-uusura. Pinakalaganap na anyo nito ang pagpapautang ng mga input sa pagsasaka tulad ng pestisidyo, abono at binhi at upa sa makinaryang pansaka. Isa pang anyo ang pagpapautang ng mga pang-araw-araw na konsumo ng mga pinagtatrabaho at ang kabayaran ay ang kanilang produkto tulad ng kahoy, yantok, isda, atbp. Kinukwenta sa mataas na presyo ang ipinapautang na mga pangkonsumo habang binabarat nang husto ang produkto ng magsasaka. Kundisyon din sa pagpapautang ang pagbebenta ng ani o produkto ng magsasaka sa tagapagpautang na siya ring nagtatakda sa presyo ng produkto.

Sa malapyudal na sistemang aryenda, ang aryendero ay direktang nakikipag-usap sa panginoong maylupa at siyang nagbabayad ng upa sa lupa sa panginoong maylupa. Ang kasamá sa lupang inaryenda ay maaaring manatili at tumayong pangunahing tagapangasiwa sa lupang inaryenda. Maaari ding direktang pamahalaan ng aryendero ang lupa at pangunahing umasa siya sa pag-upa sa mga manggagawang bukid para mabungkal ang lupang inuupahan. Ang aryendero ay karaniwang nagpapatupad ng iba pang anyo ng pagsasamantalang usura at komersyante. Lalong kapakipakinabang ang pag-aaryenda sa mga lugar na malaki na ang ibinaba ng upa sa lupa dahil sa rebolusyonaryong kilusan. Halimbawa sa Gitnang Luzon, mula sa dating 12-24 kaban na upa sa lupa bawat ektarya bawat anihan ay naging 5-7 kaban na lamang bawat ektarya bawat anihan. Mapag-iiba-iba rin ang uri ng mga aryendero depende sa laki ng kanilang lupang inaaryenda at bahagi ng kanilang kabuuang kita mula sa pag-aaryenda.

3. Para madagdagan ang maliit nilang parte sa ani, napipilitang magtrabaho ang mga magsasaka bilang pana-panahon o permanenteng manggagawang bukid. Tumatanggap sila ng napakababang sahod na di man lamang maipantawid-gutom. Dumaranas din sila ng napakahirap na kundisyon sa trabaho.

Sanhi ng malaking suliranin sa kawalan ng lupang masasaka at kaakibat na kawalan ng ikabubuhay, maraming magsasaka ang pumapasok bilang manggagawang bukid sa mga asyenda o taniman ng palay, tubo, niyog, tabako o sa malalaking plantasyon ng mga imperyalistang agribisnes. Marami rin ang nagpapaupa ng kanilang paggawa sa mga mayamang magsasaka at maging sa mga panggitnang magsasaka.

Bunga ng pagliit ng oportunidad sa trabaho sa kanayunan, napipilitan silang pumasok sa mapagsamantalang kundisyon ng pagbebenta ng lakas-paggawa nang walang kaukulang kabayaran. Halimbawa, matapos makapagtanim, kinokontrata ng mga panginoong maylupa ang manggagawang bukid na magdamo, magtabas at gumampan ng iba pang trabaho sa bukid kapalit ng katiyakan na sila ang gagapas sa darating na anihan. Ang di binabayarang trabahong ito ay isang anyo ng dagdag na pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa mga magbubukid.

Sa mga asyenda at plantasyon ng komersyal at pang-eksport na mga pananim, ang mas kaunting regular na manggagawa sa agrikultura at di hamak na nakararaming di regular na manggagawang bukid ay nagtitiis sa di makataong pamamalakad at kalagayan para kumita at mabuhay. Pinagtatrabaho sila nang mas matagal at mabigat kapalit ng napakababang sahod.

Habang ang arawang pamantayan upang mabuhay ang isang anim-kataong pamilya ay P508 noong 2005, karaniwang tumatanggap lamang ng P100 bawat araw ang mga manggagawang bukid. Sa Cagayan Valley, umaabot lamang ito ng P69 kada araw; sa Occidental Mindoro at Timog Katagalugan, P70 hanggang P80 kada araw; sa malaking bahagi ng Samar, P50 kada araw. Sa Bohol, kumikita lamang ng P50 kada araw ang isang manggagawang bukid sa trabaho sa pagdadamo; pero kung may utang sa panginoong maylupa, pinapasahod lamang siya ng P100 para sa tatlong araw na pagtatrabaho (ang tawag dito sa Bohol ay “tulo-piso”. Sa mga interyor na bahagi ng Cebu, kung ang buong pamilya ang magdadamo, ang mga batang wala pang sampung taong gulang ay binibigyan lamang ng P5 para sa maghapong pagtatrabaho, ang mahigit sampung taong gulang ay P10, at ang mga 15 taong gulang at mas matanda ay binabayaran ng P25.

Lubhang napakalaking kakulangan ito sa pang-araw-araw na gastusin at pangangailangan ng pamilya. Pinakamasahol sa Hacienda Luisita, kung saan ang mga manggagawang bukid ay sumasahod lamang ng P291.75 bawat buwan, o abereyds ng wala pang sampung piso bawat araw. Wala rin silang kinikita tuwing tag-ulan.

Ang mga manggagawa sa agrikultura ay nalalantad hindi lang sa init at ulan, kundi maging sa mga mapanganib na kemikal dahil walang sapat na proteksyon. Marami ang nababaog at nagkakasakit sa baga at balat bunga ng nakalalasong mga pamatay-peste na ginagamit sa mga plantasyon. Matindi ang epekto nito sa kababaihang nagbubuntis. Nalalaglag o namamatay ang kanilang ipinagbubuntis o nagkakaroon ng sakit at kapansanan ang isinisilang nilang sanggol. Sa dikta ng mga imperyalistang agrikorporasyon, sinasagad ang paggamit ng mga kemikal (na sila rin ang gumagawa) upang maabot ang “istandard” o “kalidad” na kanilang itinatakda. Marami nang manggagawang bukid ang namatay sanhi ng paggamit ng nakalalason at mapaminsalang mga kemikal na ito.

Karaniwan nang walang tinatanggap na benepisyo ang mga manggagawa sa agrikultura, tulad ng libreng pabahay, serbisyong medikal at pangkalusugan. Maliban dito, madalas din nilang kinakaharap ang iba’t ibang tuso at garapalang pamamaraang pinaiiral ng mga kontratista, kabesilya at rekruter na labis na nagsasamantala sa kanilang murang lakas-paggawa.

Ang mga mangingisdang nagtatrabaho sa komersyal na mga barkong pangisda ay kumikita lamang ng mula P50 hanggang P120 bawat araw. Ang 50 hanggang 75 porsyento ng netong kita ng mga barkong pangisda ay napupunta sa opereytor o may-ari nito. Samantala, kumikita lamang ng mula P75 hanggang P100 kada araw ang manggagawa sa palaisdaan; 75 hangang 90 porsyento ng netong kita ng palaisdaan ay napupunta sa mga opereytor at panginoong maylupang nagmamay-ari nito. Sa ibang lugar, para palakihin pa ang kita ng mga may-ari at opereytor ng palaisdaan, ipinapakontrata ang pagtatrabaho sa isang pirming halaga sa halip na arawan.

4. Hinuhuthot ng pagsasamantalang komersyante ang napakaliit na kita ng mga magsasaka at manggagawang bukid.

Patung-patong na pahirap ang pinapasan ng mga magbubukid sa anyo ng mapang-usurang interes sa pautang, monopolyong pagpepresyo sa mga input sa pagsasaka at kontrol sa presyo ng produkto ng mga magsasaka.

Sa sistemang pasuplay, na tinatawag ding pangangapital sa pagsasaka, malalaking komersyante o kumpanya ang nangungontrata sa mga magsasaka. Ang nakikikasamáng magsasaka ay nagbabayad ng upa sa lupa sa panginoong maylupa, ngunit ang binhi, mga input at panggastos sa produksyon ay nanggagaling sa kakontratang komersyante o kumpanya sa pamamagitan ng mga galamay nila sa baryo, sa kundisyong sa kanila lamang ibibenta ang produkto ng magsasaka. Maaari ring sariling lupa ng magsasaka ang ipinapasok sa kontrata bilang kolateral. Walang saligang binabago sa sistema ng produksyon ang komersyante na nangangapital. Napagsasamantalahan niya ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa pamamagitan ng mapang-usurang interes sa pautang at monopolyong pagpepresyo sa produkto ng mga magsasaka.

Ang malalaking komersyante at may-ari ng malalaking kumpanya ay kabilang sa uring malaking burgesyang kumprador na nagpapatupad din ng pagsasamantalang malapyudal sa mga magsasaka. Dahil kontrolado nila ang kalakalan ng mga input sa pagsasaka (binhi, abono, pestisidyo), at iba pang gamit sa produksyon tulad ng traktora (kuliglig), patubig at treser, nagagawa nilang palakihin ang presyo o upa rito na siyang nagiging malaking pasanin ng mga magsasaka.

Kontrolado rin ng mga kumprador-usurero ang mga kiskisan, bodega at trucking na lubhang mahalaga upang maproseso at makarating sa pamilihan ang produkto ng magbubukid.

Sa pagkokopra, hinuhuthutan ng mga komersyante ang mga magsasaka ng 15 hanggang 22 kilo ng kopra (resiko) kada 100 kilo ng kanilang produkto. Bukod dito, pinagsasamantalahan din ng mga kumprada ang mga magkokopra sa pamamagitan ng pambabarat sa presyo, pandaraya sa timbangan at kwentahan ng halaga ng produkto, arbitraryong pagtatakda ng kalidad ng pagkaluto ng kopra, paglalagay ng iba pang bayarin ng magsasaka tulad ng pasahe at baggage fee na inaawas sa kabuuang kwenta ng halaga ng produkto.

Napipilitang magbenta ang mga magbubukid ng kanilang produkto sa mababang presyo dahil sa kagyat na pangangailangan sa pambayad-utang, pambili ng mga input at iba pang gamit pamproduksyon at batayang mga pangangailangan ng pamilya.

Mistulang ligal ang kartel na operasyon ng malalaking komersyante sa pagtatayo nila ng prenteng mga asosasyon na sa katunaya’y kumukontrol sa pagpepresyo ng mga produkto. Nariyan halimbawa ang PHILCONGRAINS na siyang nagdidikta sa presyo ng bigas at mais. Ang kartel na operasyon sa bigas ng Big Seven ay isang halimbawa kung paano mahigpit at sistematikong nagkakaisa ang malalaking panginoong maylupa-burgesyang kumprador laban sa mga magbubukid.

5. Inaalila o pinagtatrabaho nang walang bayad ng mga panginoong maylupa ang mga magsasaka.

Ang mga kasamá at ang kanilang pamilya ay pwedeng ipatawag anumang oras para gawin ang anumang iutos ng mga panginoong maylupa. Pwersado silang magbigay ng patikim o regalong produkto tulad ng gulay at prutas o alagang manok. Obligadong gawin ito ng mga magsasaka para hindi sila mapatalsik bilang kasamá sa lupang sinasaka.

Sa patuloy na pagdausdos ng kabuhayan sa kanayunan, sumulpot ang maraming sistema ng libreng paggawa na pinapasan ng mga magsasaka para lamang sila at ang kanilang pamilya ay mabuhay. Isa sa mga mapagsamantala at mapang-api ay ang sistemang barok. Ang barok ay minamantini ng mga panginoong maylupa bilang manggagawang bukid at utusan din para sa gawain sa kanilang bahay. Sa Davao Oriental ang tawag sa kanila ay “anlang” na itinuturing na mala-alipin.

D. Paano dagdag na pinahihirapan ang mga magsasaka bunga ng atrasadong paraan ng pagsasaka?

Ang patuloy na pagmomonopolyo sa lupa ng iilang panginoong maylupa ay nagpapanatili sa atrasadong sistema ng pagsasaka.

1. Maliitan at hiwa-hiwalay na pagsasaka

Laganap ang maliitang pagsasaka ng indibidwal na magsasaka sa hiwa-hiwalay na parsela ng lupa. Magmula sa kalahati hanggang 2.5 ektarya ang karaniwang sukat ng mga sakahan sa Pilipinas.

Sa kabuuang 13 milyong ektaryang lupaing agrikultural, ang mahigit 90 porsyento nito na tinatamnan ng palay, mais, at niyog ay ginagamitan pa rin ng lakas-tao, kagamitang demano, araro at mga hayop pansaka. Ang ani ay karaniwang napakaliit at nakadepende nang malaki sa kalikasan. Ang paggamit ng lakas-tao sa pagbubungkal ng lupa (paulit-ulit na pagtapak ng mga tao sa lupang inihahanda para tamnan) kapalit ng kalabaw at araro ay makikita di lamang sa lugar ng mga pambansang minorya kundi sa ilang interyor na mga bahagi ng bayan.

2. Atrasadong paraan ng pagsasaka

Kahit sa tubuhan, pinyahan at lupaing tinatamnan ng pananim na pang-eksport, na hindi hihigit sa pitong porsyento ng kabuuang lupaing agrikultural, at relatibong mas matingkad ang paggamit sa mga traktora’t kemikal, malaganap pa rin ang pag-asa sa purong lakas-tao at tradisyunal na mga kagamitang pansaka. Wala pang apat na porsyentong lupaing agrikultural ang ginagamitan ng mga traktora, kemikal at modernong teknolohiya ng pagsasaka. Kalakhan ng mga sakahan ay walang sistema ng patubig at nakadepende lang sa sahod-ulan. Ayon sa reaksyunaryong gubyerno, 800,000 ektarya lamang ang may irigasyon.

Ang mga panginoong maylupa ay kuntento na hangga’t nakakakuha sila ng parte mula sa mga magsasaka. Dahil malawak ang kanilang lupain, di nila pinuproblema kung simpleng araro’t kalabaw ang gamit ng mga kasamá, o kung walang patubig, abono at pestisidyo. Hindi sila interesado na gawing moderno ang pagsasaka dahil mas malaki ang pakinabang nila sa umiiral na kaayusan.

3. Lubhang bulnerable sa mga kalamidad

Kinikikilan na ng mataas na upa sa lupa, napakabul-nerable pa ng masang magsasaka sa mga kalamidad tulad ng bagyo, baha, tagtuyot, peste o polusyon. Kung may matira man sa kanyang ani, pambuwis na lang ito sa panginoong maylupa. Ngunit tulad ng mas madalas mangyari matapos salantain ng kalamidad, nababaon sa utang ang mga magsasaka at nasasadlak sa kahirapan dahil obligado silang magbayad ng upa sa lupa at utang sa usurero kahit walang inani matapos ang kalamidad.

Wala naman silang nakukuhang tulong mula sa reaksyunaryong gubyerno; kung meron man, napupunta lamang ang malaking bahagi nito sa bulsa ng mga pulitiko.

Sa panahong gipit ang magsasaka dahil may nagkasakit sa pamilya, mahina o walang inani dulot ng kalamidad, o kaya’y nangailangan ng pera dahil napilitang makipagsapalaran sa pag-aaplay bilang overseas contract worker (OCW), napupwersa siyang ibenta ang kalabaw o isanla ang lupang sinasaka. Karaniwan ay naeembargo ang lupa.

4. Kawalan ng suportang serbisyo at kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno.

Lalo namang napagsasamantalahan ang mga magbubukid bunga ng kapabayaan ng reaksyunaryong gubyerno at kawalan ng suportang serbisyo tulad ng pautang, patubig, imprastruktura, mga gamit at iba pang pasilidad sa produksyon at subsidyo sa agrikultura. Ang mga bangko rural (na kadalasa’y pag-aari rin ng mga panginoong maylupa) ay karaniwang nagtitiyak ng kolateral na lupa at iba pang mabigat na kundisyon sa pagpapautang. Maging ang mga bangko ng reaksyunaryong gubyerno tulad ng Land Bank o Development Bank of the Philippines (DBP) ay mistulang middlemen o kapatas ng mga panginoong maylupa tungo sa mga kooperatiba. Sa bandang huli, ang mga bangko ring ito ang nagsisilbing taga-ilit ng lupang sinasaka ng karaniwang magbubukid na nababaon sa utang.

Magmula nang ipatupad ang GATT-WTO (General Agreement on Tariffs and Trade-World Trade Organization), tuluyan nang inalis ng reaksyunaryong gubyerno ang anupamang pabalat-bungang subsidyo sa sektor ng agrikultura at ang taripa sa mga iniimport na sibuyas, patatas, bawang, repolyo, kape, atbp. Nagbunga ito ng grabeng pagkalugi at pagkabangkarote ng libu-libong magsasakang di kayang makipag-kumpitensya sa mga imported na produktong agrikultural na ibinibenta sa mas murang halaga.

5. Pagsaid sa likas na yaman at malawakang pagwasak sa kapaligiran.

Ang napakatagal nang nananatiling atrasado at malapyudal na agrikultura at pambansang ekonomya ay sumasaid sa likas na yaman ng Pilipinas at malawakang pumipinsala sa kapaligiran. Hinuhuthot ng mga parasitikong naghaharing uring dayuhan at lokal ang likas na yaman ng Pilipinas at lakas-paggawa ng mamamayang Pilipino nang walang kapalit na pagpapaunlad ni pangangalaga para sa kinabukasan. Halimbawa, napakalaki ng pinsalang idinulot ng walang patumanggang pagmimina ng Marcopper Mining Corp. sa Marinduque; Benguet, Lepanto at Philex Mining sa Cordillera; Maricalum Mining sa Negros; Atlas Mining sa Cebu; North Davao Mining at Apex Mining sa Davao del Norte; at mga minahan ng ginto sa Mt. Diwalwal sa Compostela Valley.

Mabilis ding nakalbo at nawasak ang mga kagubatan bunga ng tuluy-tuloy at walang-habas na pagtotroso ng malalaking konsesyunaryo tulad nina Henry Sy ng SM (Agusan Wood Industries), Enrile, Alcantara, Angara, Faustino Dy, PICOP. Maraming lupaing agrikultural (kalimitan ay mga sagingan sa Davao del Norte at mga pinyahan sa Bukidnon) ang hindi na mapakinabangan sa ngayon dahil sa walang tigil na paggamit ng mapamuksa at nakalalasong kemikal at iba pang input sa pagsasaka.

E. Anu-ano ang mga kasangkapan ng panginoong maylupa para mapanatili at mapalawak pa ang monopolyo nila sa lupa?

Bunga ng katayuan sa ekonomya ng uring panginoong maylupa, mahigpit din ang hawak nila sa kapangyarihang pampulitika. Ginagamit nila ang kapangyarihang ito para buong bangis na supilin ang magsasaka at upang mapanatili, mapatindi at mapalawak pa ang kanilang pagsasamantala.

1. Ang reaksyunaryong AFP at PNP ay masusugid na tagapagtaguyod ng interes ng uring panginoong maylupa.

Bilang haligi ng reaksyunaryong paghahari sa Pilipinas, pinangangalagaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang estratehiko at makauring interes ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalista. Ang mga ito ang pangunahing instrumento ng reaksyunaryo at papet na estado upang supilin ang anumang paglaban ng mamamayan.

Ang matataas na upisyal ng AFP at PNP ay mga panginoong maylupa mismo o malalapit na tagasunod at kumpare ng mga panginoong maylupa. O kaya, sila mismo ay nagiging panginoong maylupa dahil nakakapangamkam ng lupa sa pamamagitan ng kanilang pusisyon sa militar.

Bukod sa AFP at PNP, nariyan din ang paramilitar na Citizens’ Armed Forces Geographical Unit o CAFGU. May sariling armadong pangkat o bayarang goons, death squads, vigilantes, blue guards, panatikong grupo, “lost command” at “special infantry battalion” na itinayo at minamantini ang mga panginoong maylupa, kumprador burges at mga dayuhang agrikorporasyon.

Ginagawa ring instrumento ng mga panginoong maylupa at ng buong naghaharing uri ang mga kontra-rebolusyonaryong taksil tulad ng RHB (Rebolu-syonaryong Hukbong Bayan), RPA-ABB (Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade) at CPLA (Cordillera Peoples Liberation Army) laban sa mga magsasaka at mamamayan.

Ginagamit ng mga panginoong maylupa ang mga kontra-rebolusyonaryong pwersang ito para mang-agaw ng lupa, takutin at pilit na pasunurin ang mga magsasaka sa kanilang idinidiktang mapagsamantalang mga kundisyon. Ginagamit din ang mga pwersang ito para salakayin, paslangin at supilin ang magsasakang lumalaban para sa kanilang karapatan sa lupang binubungkal.

2. Kontrolado ng uring panginoong maylupa at iba pang naghaharing uri ang reaksyunaryong gubyerno.

Ang pangunahing mga upisyal mula sa antas munisipalidad pataas ay karaniwang mga panginoong maylupa o mga bataan nila. Kaya di nakapagtataka na ang mga batas ng reaksyunaryong gubyerno ay sadyang nakadisenyo at ginagamit upang maging ligal at mapagtakpan ang pangangamkam ng lupa, patindihin pa ang pagsasamantala at pang-aapi sa mga magsasaka at manggagawang bukid at linlangin sila at ibulid sa repormismo at pakikipagkompromiso ang kanilang paglaban tuwing lumalakas ang rebolusyonaryong kilusan para bigyan ng tunay na solusyon ang problema sa lupa. Matingkad na halimbawa ang pagbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan na aprubahan ang kumbersyon sa paggamit ng lupa upang pawalang-saysay ang mga CLOA (Certificate of Land Ownership Award) at EP (Emancipation Patent ) na hawak ng mga magsasaka.

Isa pang halimbawa ang naganap sa Hacienda Luisita noong Nobyembre, 2004. Ginamit ng pamilya Cojuangco-Aquino ang Department of Labor and Employment (DOLE) nang mabigo ang kumpanya na igiit sa mga manggagawa ang kagustuhan ng maneydsment at pamilya Cojuangco-Aquino. Sa basbas ng Malacañang, agad iniutos ng Kalihim ng DOLE na buwagin ang piketlayn at bumalik sa trabaho ang mga nagwewelgang manggagawa. Sa esensya, ang naging papel ng DOLE, tulad ng sa iba pang mga kaso, ay pagwasak sa unyon at paglumpo sa welga. Kaya nang ibasura ng mga welgista ang utos ng DOLE, sinalakay ng mga tropa ng AFP at PNP at iskirol ng asyenda ang piketlayn at walang-awang pinagbabaril ang mga manggagawa at tagasuporta ng welga.

Sa kabila ng karahasang dinanas ng mga manggagawa, sila pa ang sinisi ng gubyerno habang wala kahit isang kasangkot na sundalo at myembro ng pamilya Cojuangco-Aquino ang pinanagot at pinatawan ng parusa. Makaraan ang ilang linggo, sinimulan ng militar ang sistematiko at koordinadong pananalbeyds, pagtortyur at pagdukot sa mga lider, aktibista at tagasuporta ng mga manggagawa at magsasaka.

3. Ang mga reaksyunaryong korte ay palaging handang magtanggol sa interes ng mga panginoong maylupa sa mga kaso sa lupa.

Ang mga huwes ay kabilang sa uring panginoong maylupa o mga kinatawan nito. Sa haba ng panahon at laki ng gastos sa paglilitis ng isang kaso, nakalalamang na kaagad ang mga panginoong maylupa sa labanan sa korte. Pabor pa sa kanila ang batas dahil likha ito ng kongresong dominado nila.

Ang bilangguan ay kasangkapan din ng mga panginoong maylupa laban sa mga magsasaka. Napakadali para sa panginoong maylupa na kasuhan o ipakulong ang isang magsasakang inagawan ng lupa o tumututol sa mga kagustuhan niya.

Maraming magsasaka ang nagiging biktima ng kriminalisasyon ng mga kaso sa lupa para mapanatili ang kontrol ng panginoong maylupa sa lupa at tuwirang mapaalis ang mga magsasaka sa lupang matagal na nilang sinasaka. Layon din nitong sindakin, pinsalain at wasakin ang kilusang magsasaka at ang lakas ng mga magsasakang ipagtanggol ang kanilang karapatan laban sa mga mapang-abuso at mapang-aping panginoong maylupa.

4. Ang simbahang Katoliko at iba pang institusyon sa relihiyon ay maaasahang tagapagtaguyod ng interes ng mga panginoong maylupa.

Isang malaking panginoong maylupa ang simbahang Katoliko mula pa noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Ginagamit ng simbahang ito at iba pang institusyon sa relihiyon ang lahat ng klase ng panlilinlang para itaguyod ang anila’y banal na karapatan ng mga panginoong maylupa sa propyedad.

Aktibong itinataguyod at ipinapalaganap ng simbahang Katoliko ang kulturang pyudal upang mapanatili at mapatindi pa ang kontrol ng uring panginoong maylupa sa mga magsasaka. Halimbawa, pilit na idinidikdik sa isipan ng mamamayan na tanggapin at ipaubaya na lang sa diyos ang kahirapan at kapalaran. Ginagamit nila ang relihiyon upang ipaghele ang kaisipan ng mamamayan, paasahin sa kawanggawa, at buhusan ng malamig na tubig ang paglaban ng mga magsasaka para baguhin ang kanilang abang kalagayan sa pamamagitan ng pagrerebolusyon. Nagbubuo rin ang simbahan ng mga organisasyong sibiko at pangkawanggawa para pagtakpan ang tunay na kabuktutan at kasakiman ng mga panginoong maylupa, at sa halip ay ipangalandakan ang diumano’y likas nilang kabaitan.

5. May mga asosasyon ng mga prodyuser, trader, miller at negosyante na direktang nagagamit ng uring panginoong maylupa para lalong patindihin ang pagsasamantala at pang-aapi sa mga magsasaka.

Ang malalaking panginoong maylupa ay nakikipagsabwatan o kabilang mismo sa pagtatayo ng mga asosasyon ng malalaking prodyuser, trader o negosyante sa agrikultura. Ilan dito ang Philcongrains sa bigas at mais; Federation of Sugar Planters and Sugar Millers sa industriya ng asukal; Cocofed, Copra Traders Association, Coconut Planters Association sa niyugan at pagkokopra. Sa pamamagitan ng operasyong kartel ng mga samahang ito, higit na namamanipula ng mga panginoong maylupa-burgesyang kumprador ang suplay at presyo ng mga input sa produksyon, ang pagpepresyo sa produkto ng mga magsasaka, ang buong kalakalan at pamilihan para sa mga produktong agrikultural, at maging ang mga programa at patakaran ng reaksyunaryong gubyerno hinggil sa agrikultura at kanayunan.

6. Sinusuportahan ng reaksyunaryong gubyerno ang repormistang mga organisasyong inisponsor ng CIA ng US, mga huwad na NGO, mga nagpapanggap na progresibo at maka-magsasakang institusyon, at mga kontra-rebolusyonaryong taksil na nagtutulak ng repormista at kontra-rebolusyonaryong mga programa sa hanay ng mga magsasaka at manggagawang bukid at naghahasik ng anti-komunismo.

Ang dating nalantad nang mga organisasyong kinasangkapan ng CIA (Central Intelligence Agency) ng imperyalistang US sa kanilang kontra-rebolusyon-aryong digma sa Pilipinas noon pang dekadang 1950, tulad ng Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) at Cooperative Foundation of the Philippines (CFP), ang kapanalig ngayon ng bagong kontra-rebolusyonaryo at antikomunistang mga organisasyon. Ilan sa mga pinakaaktibo sa kasalukuyan ang sumusunod: Ugnayan ng mga Nagkakaisang Organisasyon sa Kanayunan (UNORKA/Ric Reyes), Pambansang Katipunan ng Makabayang Magbubukid (PKMM), PARAGOS (dating DKMP), Lakas ng Kilusang Mangingisda ng Pilipinas, (PANGISDA/KPD, de la Cruz-Magpantay), Philippine Peasant Institute (Romeo Royandoyan), PEACE, Integrated Rural Development Foundation (IRDF/Frank Pascual), Partnership in Rural Reconstruction and Development (PARRDS), at TAMBUYOG. Ang mga ito ay inilantad at itinakwil na ng rebolusyonaryong kilusan.

Kabilang din sa mga masugid na nananabotahe at namiminsala sa kilusan ng mga magsasaka ay ang mga “sosyal demokrata” (socdem) na sa katunaya’y mga repormistang makakanan at antikomunista tulad ng Pambansang Kaisahan ng Samahan ng Maliliit na Magniniyog sa Pilipinas (PKSMMN/Efren Villaseñor, tuta ni Norberto Gonzales ng Partido Demokratikong Sosyalista ng Pilipinas).

Nagpapanggap ang mga ito na para sa reporma sa lupa pero sinasabotahe, ipinagkakanulo, kinokondena at itinatakwil naman ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mga magsasaka. Pumapasok ang mga ito sa mga base at sonang gerilya o saanman nakatindig na ang mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika para guluhin at iligaw ang rebolusyonaryong mamamayan at kilusang magsasaka.

Nakikipagsabwatan ang mga ito sa mga burukratang kapitalistang anila’y nagtataguyod ng maka-magsasakang programa. Ikinakampanya nila ang pagpapatupad ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL). Itinataguyod nila ang mga mapanlinlang na programa para sa “kaunlaran” ng mga papet na rehimen at mga kontra-magsasakang proyektong nakapaloob doon. Nagiging ahente sila ng mga imperyalista sa mga proyekto nitong nagkukunwang pangmagsasaka upang siraan at atakehin ang kilusang magsasaka at rebolusyonaryong kilusan sa loob at labas ng bansa.

7. Maliban sa kontrol at impluwensya ng mga panginoong maylupa sa ekonomya at pulitika, ginagamit din nila ang kulturang pyudal upang mapanatili at mapalakas pa ang kanilang paghahari.

Sa pamamagitan ng simbahan, masmidya at paaralan, patuloy na itinatanim sa isipan ang pagiging sunud-sunuran at pangangayupapa sa mga naghahari, paniniwala sa mga pamahiin, pagpapaubaya sa tadhana o kapalaran, pagsasawalang kibo at pagtitimpi sa kabila ng mga pang-aapi, sistemang patron, mababang pagtingin sa kababaihan at iba pang pyudal na asal at kaisipan.

G. Paano higit na pinagsasamantalahan at pinipiga ng imperyalismo at malaking burgesyang kumprador ang uring magsasaka sa kasalukuyan?

Habang dinisenyo ng imperyalismong US ang ekonomya ng bayan para tuluy-tuloy na pagsilbihan ang kanilang pangangailangan sa hilaw na materyal, paglalagakan ng kanilang labis na kalakal at kapital at pagkukunan ng murang lakas paggawa, higit na pinasisidhi nito ang kontrol sa agrikultura sa pamamagitan ng mga batas at programa ng GATT-WTO.

Ang GATT ay serye ng mga kasunduan sa kalakalan na sumasaklaw sa mahigit sandaang bayan, o 90 porsyento ng kalakalan sa daigdig. WTO ang itinayong organisasyon ng mga bayang sumasailalim sa GATT. Mekanismo ito ng imperyalismo para maipataw sa maliliit at mahihinang bayan ang imperyalistang kaayusan sa kalakalan.

Itinulak ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan ang “malayang pamilihang” globalisasyon na diumano ay makakabuti sa lahat. Sa katunayan, inoobliga nito ang atrasadong mga bayan tulad ng Pilipinas na baklasin ang anumang natitira nilang proteksyon laban sa pagpasok ng dayuhang mga produkto, lalu na sa agrikultura. Halimbawa ng mga proteksyong ito ang mga taripa sa import, subsidyo sa agrikultura at iba pang produktong eksport, at ang kontrol ng gubyerno sa iba’t ibang aspeto ng ekonomya tulad ng pinansya, pasahod at mga serbisyong panlipunan.

Malinaw na layunin ng GATT-WTO na panatilihing atrasado at di-industriyalisado ang Pilipinas, itali ang ekonomya sa kolonyal na kalakalan at ibaon sa utang upang hindi makaahon ang mamamayan sa kumunoy ng kahirapang dulot ng pagsasamantala at pang-aapi ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri.

Parang delubyong winawasak ng GATT-WTO ang agrikultura at kabuhayan ng masang magsasaka at mamamayan. Ibayong kagutuman, kahirapan, kawalang hanapbuhay at mas abang kalagayan ang idinudulot nito sa masang magsasaka at mamamayan, sa kanayunan at kalunsuran.

Matinding pinahihirapan ang masang magsasaka ng mga kasunduan sa GATT-WTO tulad ng sumusunod:

1. Ganap na liberalisasyon ng importasyon o pag-alis ng nalalabing mga restriksyon sa pagpasok ng mga imported na produktong agrikultural.

Dumadagsa ang imported na mga produkto na hindi kayang kumpitensyahin ng lokal na mga produkto. Halimbawa, pinapatay ng imported na karneng baboy, manok at baka ang lokal na industriya ng paghahayupan. Gayundin ang pag-iimport ng iba’t ibang klase ng prutas at gulay na pumapatay sa kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka.

Sa bigas, magmula 1995 hanggang 2002 ay umaangkat ang Pilipinas ng abereyds na 860,000 metriko tonelada ng bigas, bagama’t ang lokal na produksyon ng bigas na pangunahing pagkain ng mamamayan ay masasabing sapat-sapat. Lalong lalala ito sa napipintong planong pribatisasyon ng National Food Authority (NFA) na pursigidong itinutulak ng rehimeng Arroyo. Sa likod ng tabing na pag-aalis sa monopolyo ng NFA sa importasyon ng bigas, hahayaan ang malalaking burgesyang kumprador at kartel na mag-angkat ng bigas. Ibubunga nito ang lalong pagtaas ng presyo ng bigas at pagkawasak sa kabuhayan ng milyun-milyong magsasaka sa palayan.

Sa pagpasok sa WTO, patuloy ding lumaki ang importasyon ng isda kahit na pangatlo ang Pilipinas sa buong Asya at panlabing-isa sa buong mundo na pinagkukunan ng isda. Ang masaklap nito, ito rin ang mga isda na iniluluwas ng bansa tulad ng bangus, tuna at makerel na binibili sa napakababang halaga.

2. Pagtalikod ng gubyerno sa responsibilidad na magbigay ng suporta sa agrikultura.

Tinanggal ng gubyerno ang subsidyo sa palay at mais, mga serbisyo sa patubig at pautang, at pagkontrol sa presyo ng mga input tulad ng abono at pestisidyo.

Bahagi ito ng mga patakarang deregulasyon at pribatisasyon na ipinapataw ng GATT-WTO. Sa gayon, mas malalim na naisusubo ang mga magsasaka sa pagsasamantala at panggigipit ng mga panginoong maylupa at malaking burgesyang kumprador.

3. Pagpapalawak ng saklaw ng Mga Karapatan sa Pag-aaring Intelektwal (Intellectual Property Rights o IPR) sa anyo ng patent, copyright at trademark.

Ang IPR ay ang karapatan sa eksklusibong produksyon, pagkopya, pagbenta, paggamit at pagpapaunlad ng rehistradong mga bagay at proseso. Saklaw nito maging ang bagong tuklas o “napaunlad” na mga binhi, halaman, hayop at iba pa na karaniwang rehistradong pag-aari ng mga korporasyong multinasyunal. Bunga nito, kailangan munang bilhin sa kanila ang bagong binhi ng halaman o ang breeder ng bagong hayop bago magtanim o magpalahi. Dahil monopolyo ng malalaking kumpanyang multinasyunal ang teknolohiyang ipinapataw sa agrikultura, nakakapagdikta sila di lamang sa presyo, kundi maging sa distribusyon ng mga nakasisirang genetically modified organism o GMO tulad ng BT corn.

Ang mga imperyalistang korporasyong agri-kemikal tulad ng Monsanto, Dupont, Bayer, Cargill, atbp. na kumukontrol sa halos 85 porsyento ng distribusyon at pandaigdigang pamilihan ng mga binhi, abono at pestisidyo ang siya ring pangunahing nagtutulak ng mga GMO sa bayan. Bagama’t napatunayang may napakasamang epekto sa kalusugan at kapaligiran, at tinututulan ang paggamit nito ng maraming magsasaka di lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, iginigiit ng mga korporasyong agrikemikal ang paggamit ng mga nabanggit na mapanirang farm input.

4. Pag-aalis ng nalalabing mga restriksyon sa pamumuhunan sa akwakultura

Ineengganyo ang pagpasok ng mga korporasyong multinasyunal at malalaking panginoong maylupa sa produksyon para sa eksport ng hipon, sugpo, tuna, perlas at gulaman. Itinataboy ang maliliit na mangingisda sa kanilang palakaya at inaalisan ng karapatang makinabang sa yamang dagat. Sa tala mismo ng reaksyunaryong gubyerno ay umabot na sa 182,000 katao ang nabawas sa bilang ng mga mangingisda sa taong 2000. Bunga ng kontrol at monopolyo ng mga panginoong maylupa-burgesyang kumprador sa pangisdaan ay lumiit ng 70 hanggang 80 porsyento ang huli ng mga maralitang mangingisda. Mula sa dating abereyds na 10 kilo araw-araw ay bumaba na ito sa dalawa hanggang tatlong kilo kada araw. Marami ring pangisdaan ang nasira gawa ng paghuli ng napakaliliit na isda, paggamit ng dinamita, lason at iba pang mapanirang paraan ng pangingisda.

Makalipas ang mahigit sampung taon ng pagpasok ng Pilipinas sa GATT-WTO, lalong lumala ang krisis sa ekonomya ng bayan, lalong humigpit ang kontrol ng imperyalismo sa buong ekonomya, at mabilis na nawasak ang agrikultura at pangisdaan. Sa loob lamang ng unang walong taon sa ilalim ng WTO, umabot sa $5.2 bilyon ang depisit sa agrikultura at patuloy pa itong lumalaki dahil sa walang tigil na pagtatambak ng mga sobrang produktong agrikultural ng mga imperyalista sa bayan.

Maliban sa GATT-WTO, sinisiguro rin ng imperyalismo ang kontrol nila sa agrikultura sa pamamagitan ng US Public Law 480 para sa tuluy-tuloy na pagtatambak ng mga produktong sarplas ng US gaya ng asukal, bigas, mais, trigo at soybean. Utang ito na binabayaran ng Pilipinas taun-taon, sa tabing ng food aid. Sa taong 2005, nagbayad ang Pilipinas ng P1 bilyon. Mas malaki pa ito kaysa inilaan ng reaksyunaryong gubyerno para sa pamimili ng palay ng NFA.

II. LUMAGANAP AT LUMUBHA ANG PROBLEMA SA LUPA SA PILIPINAS DAHIL SA PANGANGAMKAM AT PANLILINLANG NG DAYUHANG MGA MANANAKOP AT LOKAL NA PANGINOONG MAYLUPA

A. Paano lumaganap ang problema sa lupa nang sakupin ng mga kolonyalistang Espanyol ang Pilipinas?

Bago pa man dumating ang mga kolonyalistang Espanyol, mayroon nang mga katutubong panginoong maylupa sa Pilipinas laluna sa Mindanao. Pero naging malawak ang problema sa lupa nang sakupin ng kolonyalismong Espanyol ang Pilipinas. Pinalaganap at pinatatag ng kolonyalismong Espanyol ang pyudalismo sa loob ng mahigit 300 taong paghahari nito sa bayan.

Pangunahin sa pamamagitan ng dahas, kinamkam ng simbahang Katoliko at mga upisyal at sundalong Espanyol ang lupain ng mga Pilipino. Pinayagan nilang magmay-ari ng lupa ang iilang katutubong naghahari na nakipagsabwatan sa kanila.

Idineklarang pag-aari ng hari ng Espanya ang mga kagubatan at lugar na di sinasaka. Ang masang magsasaka ay pwersahang pinatrabaho para buksan at hawanin ang malalawak na lupain para sa panginoong maylupa. O di kaya, sapilitang inangkin ng mga dayuhan at katutubong panginoong maylupa ang mga lupaing boluntaryong hinawan ng mga magsasaka. Pwersahang pinalikha ng sarplas na ani ang mga magsasaka para suportahan at pakainin ang mga opisyal, pari at sundalo at mga katutubong naghahari. Naningil ng tributo para sa mga naghaharing dayuhan. Sapilitang pinagtrabaho ang mamamayan para mapalawak ang mga sakahan, maitayo ang mga gusali ng gubyerno at simbahan, mapahusay ang komunikasyon sa pagitan ng mga baryo at ng kabayanang tinitirhan ng mga kolonyalista.

Lalong lumubha ang problema sa lupa nang ipatupad ng kolonyalismomg Espanyol ang sistemang asyenda noong ika-18 siglo. Malalawak na lupain ang pwersahang pinatamnan ng produktong pang-eksport tulad ng tabako, abaka at tubo. Pinilit ang masang magsasaka na umani ng sobrang produkto para sustentuhan ang dayuhan at katutubong panginoong maylupa. Piniga rin sila upang makaani ng parami nang paraming hilaw na materyales na iniluluwas sa ibang bayan.

Kasabay ng pagtatayo ng sistemang asyenda, lalong lumubha ang pangangamkam ng lupa at lalong pinataas ang upa sa lupa at mga buwis. Lumaki ang pangangailangan para sa mga kalsada, tulay at daungan para sa paghahakot ng hilaw na materyales. Mahigpit na ipinatupad ang sapilitang paggawa. Piniga rin sila upang makaani ng parami nang paraming hilaw na materyales na iniluluwas sa ibang bayan.

B. Paano higit na pinalawak at pinasidhi ng imperyalismong US ang pyudalismo nang sakupin nito ang Pilipinas?

Nang marahas na sakupin ng imperyalismong US ang Pilipinas noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, tiniyak nitong mapapanatili at maipagtatanggol ang paghahari ng uring panginoong maylupa. Kinilala ng Tratado ng Paris noong 1898 ang lupang pag-aari ng mga panginoong maylupang Espanyol, kabilang na ang simbahang Katoliko, at ibinalik sa kanila ang lupang nakumpiska noong Rebolusyon ng 1896.

Ginawa ito ng imperyalismong US para makuha ang suporta ng mga panginoong maylupa at mga traydor sa kanyang pananakop, at matiyak na mananatiling agrikultural ang Pilipinas. Sa gayon, sinigurado nito ang pagkukunan ng hilaw na materyales at murang lakas-paggawa para sa mga industriya ng US at tambakan ng kanilang mga produkto.

Nagpalabas ang imperyalismong US ng iba’t ibang batas hinggil sa lupa para lokohin ang masang magsasaka at mapadali ang pang-aagaw ng mga upisyal ng gubyernong kolonyal, korporasyong Amerikano at mga katutubong naghahari sa lupa ng mga nagsasariling magsasaka.

Ilan sa mapanlinlang na mga batas na ipinalabas noong panahon ng direktang paghahari sa Pilipinas ng imperyalismong US ang mga sumusunod:

- Batas sa Rehistrasyon ng Lupa ng 1902. Kinikilala nito ang tatlong titulo sa ari-arian na mairerehistro; ang Informacion Posesoria, rehistrasyon sa ilalim ng Batas ng Espanya sa Pagsasanla at depektibong titulo o posesyon mula noong 1894.

- Ginamit ng mga naghaharing uri ang batas na ito para agawin ang mga lupa ng mga magsasaka at pambansang minorya na hindi tinuruan kung paano magparehistro ng lupa noong naghahari ang Espanya at maging noong naghahari ang imperyalismong US.

- Batas sa Kadastre noong 1907. Kunwang layon ng batas na ito na ituwid ang dating mali sa pagtititulo ng lupa. Ang totoo’y ginamit at ginagamit pa rin ang pagsusukat sa kadastre bilang isang pangunahing paraan ng pang-aagaw ng lupa.

- Sunud-sunod na mga batas sa lupang publiko noong 1903, 1919 at 1929. Nanawagan sa mga magsasaka na maghomisted pero panakip lamang ito sa malawakang pagkuha ng mga mamamayang Amerikano, korporasyong agrikultural ng US at mga Pilipinong panginoong maylupa at opisyal ng gubyerno sa mga lupaing publiko.

Sa panahon ng Komonwelt, itinayo ang National Land Settlement Administration. Ipinatupad ng papet na presidenteng si Manuel Quezon ang programang resetelment sa Koronadal Valley sa Mindanao sa pagsisikap na pakalmahin ang mga pag-aalsang magsasaka na sumiklab sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan katulad ng Colorum at Sakdal, at pagkilos ng mga magsasaka lalo na sa Gitnang Luzon.

Ang Share Tenancy Act (1933) na ginawa diumano para ibaba ang upa sa lupa ng mga magsasaka (50-50 sa hatian ng gastos sa produksyon at 10 porsyentong maksimum na interes sa utang) ay di rin napakinabangan ng mga magbubukid dahil sa probisyon na ipapatupad lamang ito sa pamamagitan ng petisyon ng nakararaming konsehong munisipal sa isang probinsya, na karaniwan ay mga panginoong maylupa din. Ang masahol pa, nagamit ang batas na ito ng mga panginoong maylupa para madali nilang mapatalsik ang kanilang mga kasamá.

Sa pamamagitan ng kolonyal na patakaran, at ng mga batas at di-pantay na tratado at kasunduan, hinubog ng imperyalismong US ang ekonomya ng bayan alinsunod sa kanyang pangangailangan para sa hilaw na materyales, paglalagakan ng kanilang labis na kapital at pagkukunan ng murang lakas paggawa.

Tatlong paraan ang ginamit ng imperyalismong US sa pagpasok at unti-unti nitong pangingibabaw sa agrikultura ng kanayunan – kolonyal na kalakalan, tuwirang pamumuhunan at pagpapautang. Mabilis na pinalawak ang mga sakahang natatamnan ng mga produktong pang-eksport tulad ng tubo, niyog, at abaka. Inengganyong makapasok ang dayuhang agribisnes. Maraming magsasaka ang sapilitang pinaalis mula sa kanilang sinasaka at karamihan ay naging mga manggagawang agrikultural na lamang ng mga plantasyong ito.

Nilikha ng mga multinasyunal na korporasyong US ang isang malakihang pamilihan para sa kanilang mga produkto tulad ng makinarya, pestisidyo, abono at binhi sa pamamagitan ng mga programang diumano’y para sa kapakanan ng magsasaka. Dahil monopolisado ang industriya ng mga gamit pansakahan, nakapagtakda ang mga imperyalistang korporasyon ng presyong ibayong mas mataas kaysa sa presyo ng pandaigdigang pamilihan. Mula sa nasabing pagpepresyo, nagkamal ang imperyalismong US ng sobra-sobrang tubo.

Bilyun-bilyong labis na kapital din ang ipinautang ng imperyalismong US sa Pilipinas upang tumubo. Patuloy na umaani ang imperyalismo ng pakinabang sa mga pautang na ito habang kinakarga naman ng mga magbubukid ang pasanin sa anyo ng papalaking singil sa irigasyon, papataas na presyo ng abono’t pestisidyo at papalaking interes sa pautang.

K. Anong mga kontra-magsasaka at kontra-mamamayang programa at patakaran ang ipinatupad ng mga papet na rehimen?

Higit na lumubha ang problema sa lupa pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinatindi ang kontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga galamay nito. Sunud-sunod na paksyon ng naghaharing uri ang nagpatakbo sa papet na gubyerno para sa interes ng dayuhan at lokal na naghaharing uri.

Walang saligang pagkakaiba sa kolonyal na paraan ng mga imperyalista ang ginamit ng papet na mga presidente mula kay Roxas hanggang sa kasalukuyan upang itaguyod at ipagtanggol ang interes ng panginoong maylupa. Marahas na sinupil ng reaksyunaryong armadong pwersa ang mga kilusan ng magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Kasabay nito, nagpakulo ang gubyerno ng mga programa para linlangin ang masang magsasaka at ilihis sila sa tunay na rebolusyonaryong solusyon sa kanilang problema. Tampok dito ang mga huwad na reporma sa lupa na sa halip na lumutas ay ibayong nagpalubha sa problema ng masang magsasaka.

1. Masugid na nagpatupad ng mga kontra-magsasakang patakaran at programa ang mga papet na rehimen bago ipataw ang batas militar.

Tiniyak ng rehimeng Roxas ang Susog Pariti sa Konstitusyon. Pinanatili ang kolonyal na pribilehiyo ng US na mag-ari at makinabang sa likas na yaman ng Pilipinas kabilang na ang lupa. Ibinalik ang mga lupaing kinumpiska sa panginoong maylupa sa mga lugar na napalaya ng HUKBALAHAP (Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon) sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP). Siningil sa mga magsasaka ang upa sa lupa na di nabayaran sa panahon ng digmaan. Tumindi ang pangangamkam ng lupa. Pinalakas ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa sa kanayunan.

Mabangis na sinalakay ng mga rehimeng Roxas at Quirino ang mga magsasakang lumaban sa matinding pagsasamantala at pang-aapi. Kinumpleto ng rehimeng Magsaysay ang pagdurog sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB) at lumang PKP, ang pinakaorganisadong pwersang lumaban para sa interes ng magsasaka at buong mamamayan.

Nagkaroon ng huwad na mga programa sa resetelment sa ilalim nina Quirino at Magsaysay. Pinag-ibayo ang pagpapadayo ng mga magsasaka sa mga prontera para pakalmahin ang pag-aalsa nila at pagtakpan ang malawakang pangangamkam ng lupa.

Noong 1955, pinagtibay ni Magsaysay ang Batas sa Reporma sa Lupa. Ayon dito, ipapamahagi ang mga lupaing mahigit sa 300 ektarya, kung pag-aari ng mga indibidwal, at 600 ektarya mahigit, kung pag-aari ng mga korporasyon. Walang kinahinatnan ang batas na ito.

Pinagtibay ng rehimeng Garcia noong 1958 ang Batas Anti-Subersyon para hadlangan ang muling pagbangon ng kilusang magsasaka at ng rebolusyon.

Ipinagyabang naman noong 1963 ng papet na presidenteng si Macapagal ang Kodigo sa Reporma sa Lupang Agrikultural. Itinakda nito na 75 ektarya ang maksimum na lawak ng lupang mananatiling pag-aari ng isang panginoong maylupa. Subalit maraming ipinwera ang batas na ito. Itinakda rin nito ang napakataas na bayad sa lupa. Ipinagbawal ng batas ang sistemang kasamá pero ipinalit dito ang sistemang leasehold o nakapirming upa sa lupa na 25 porsyento ng karaniwang taunang ani. Wala ring nagawa ang batas na ito para bigyan ng solusyon ang problema ng mga magsasaka.

Dagdag pa, ipinataw ng rehimeng Macapagal ang patakarang dekontrol na nagpabagsak sa presyo ng produkto ng magsasaka. Pinalawak din ang mga taniman para sa eksport.

2. Pinag-ibayo ng pasistang diktadurang US-Marcos ang mga kontra-magsasakang patakaran at programa.

Ipinataw ang paghaharing militar para sugpuin ang mabilis na paglakas ng rebolusyonaryong kilusan at ipagtanggol ang interes ng imperyalismong US, malaking burgesyang kumprador at panginoong maylupa. Naghasik ng lagim ang pasistang armadong pwersa ng diktadura at buong lupit na nanupil sa karapatan ng mamamayan para iligtas ang naghaharing sistema.

Kasabay ng deklarasyon ng Batas Militar noong Setyembre 1972, iprinoklama ni Marcos ang PD 2 at 27 na naglaman ng huwad na reporma sa lupa. Palayan at maisan lamang ang saklaw at ipinwera ang mga apat na milyong ektaryang taniman ng niyog, tubo, tabako at iba pang asyenda.

Iilang magsasaka lamang ang nabigyan ng Certificate of Land Transfer (CLT). Hindi ito titulo sa lupa kundi walang kabuluhang papel na nagsasabing pwedeng bilhin ng mga magsasaka ang lupa ng mga panginoong maylupa sa paraang itinakda ng gubyerno. Maraming rekisito para mapailalim sa programa. Obligado ang magsasaka na sumapi sa Samahang Nayon na isang huwad na kooperatiba, magtanim ng certified seeds at gumamit ng abono’t pestisidyong kemikal para makapangutang sa Masagana 99. Napakaraming bayarin sa Samahang Nayon at mapang-usura ang interes sa utang. Sa huli, ang mga panginoong maylupa at korporasyong agribisnes ang nakinabang sa mga programang ito.

Itinayo ng pasistang rehimen ang mga monopolyo sa industriya ng niyog, asukal at tabako. Nagpataw ng bagong mga buwis at kinontrol ang eksport-import at ang pagproseso sa mga ito. Ginamit ang pondo ng magsasaka bilang puhunan ng malalaking bangkong kontrolado ng rehimen, tulad ng United Coconut Planters Bank (UCPB).

Sa utos ng imperyalismong US, aktibong itinulak ng diktadura ang Green Revolution para pahigpitin ang kontrol nito sa agrikultura. Itinaguyod nito ang paggamit ng mga binhing high yielding varieties o HYV na matakaw sa abono at pestisidyo at iba pang produkto at teknolohiya na kontrolado ng mga imperyalista.

Maraming magsasaka, maralitang setler at pambansang minorya ang inagawan ng lupa sa iba’t ibang paraan. Pinalawak ang mga plantasyong tinatamnan ng mga pananim para sa eksport. Ginamit ang mga operasyong militar at proyektong imprastruktura (gaya ng dam, tulay at kalsada) sa walang-pakundangang pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka, maralitang setler at pambansang minorya. Pinayagan ang malalaking korporasyon sa industriya na pumasok sa produksyon ng palay at mais.

Bumulusok ang ekonomya nang walang kaparis sa nakaraan at nasalanta ang kabuhayan ng masang magsasaka at buong mamamayan.

3. Pinalala ng rehimeng US-Aquino ang mga kontra-magsasakang patakaran at programa ng diktadurang US-Marcos.

a) Ang CARP ay isang engrandeng panlilinlang na naglalayong pahinain ang kilusang magsasaka at ang pambansa-demokratikong rebolusyon.

Ang huwad na reporma sa lupa ng rehimeng Aquino ay iprinoklama noong Hulyo 1987 sa layuning “alisin ang malaking agwat sa pagitan ng mga mayaman at mahirap at bunutin ang ugat ng dalawampung taon ng komunistang insurhensya.”

Pinagtibay ang CARP ng Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL). Ayon dito, limang ektarya ang matitira sa mga panginoong maylupa at ibang may-ari. Tigtatlong ektarya ang mapupunta sa tuwirang mga tagapagmanang may edad 15 pataas at magbubungkal ng lupa. Sa kabilang banda, sa mga lupaing may sukat na mula 24 hanggang 50 ektarya, 24 ektarya ang matitira sa panginoong maylupa o may-ari ng lupa.

Nakabatay sa deklarasyon ng panginoong maylupa kung magkano ang kanyang lupa. Babayaran ng gubyerno ang mapapagkasunduan nilang presyo at ito ang magbebenta sa benepisyaryo. Sa loob ng 30 taon, magbabayad ang benepisyaryo ng pantay na amortisasyon. May anim na porsyentong patong sa halaga ng lupa taun-taon. Tiniyak sa probisyong ito na hindi makakayanan ng karaniwang magsasaka ang napakataas na presyo ng lupa. Maraming lupang naipwera sa simpleng dahilang hindi magkasundo ang gubyerno at panginoong maylupa sa presyo. Naging raket lamang ng mga panginoong maylupa at mga kasabwat nila sa Department of Agrarian Reform (DAR) ang boluntaryong pagbebenta ng lupa. Ibinenta sa mataas na presyo ang masamang klaseng lupang gustong idispatsa ng mga panginoong maylupa.

Pinalusot ng CARL ang libu-libong malaking plantasyon at asyenda tulad ng Hacienda Luisita, mga korporadong sakahang tinatamnan ng export crops at mga manukan, rantso, at palaisdaan.

Sa anim na taong panunungkulan ng rehimeng Aquino, ipinagyabang nito ang pamamahagi ng 293,427 ektarya – higit lamang ito ng kaunti sa dalawang porsyento ng kabuuang pribadong lupang agrikultural. Pero pinasisinungalingan ito ng kongkretong pagsisiyasat. Lumilitaw na kagubatan, lupang mineral na kwari at minahan, at may mga ilog pa, sementeryo at dalisdis ng bundok, ang ilang libong ektaryang nasaklaw diumano sa Hilagang Mindanao.

b) Ang total war ng rehimeng Aquino ay isang malaking krimen laban sa rebolusyonaryong kilusan at masang magsasaka.

Kasabay ng panlilinlang, inilunsad ang mararahas na kampanyang militar o total war laban sa mamamayan. Nanalasa ang mga pasistang tropa sa kanayunan at kalunsuran. Libu-libong magsasaka ang dinakip, tinortyur at pinatay. Umabot naman sa isang milyon ang sapilitang lumikas dahil sa mga pambobomba, panununog, pandarambong at iba pang pang-aabuso ng mga pasistang tropa ng rehimen. Todong dislokasyon sa kabuhayan, gutom at sakit ang idinulot ng mga kampanyang militar. Ginamit ng mga panginoong maylupa ang mga operasyon at tropang militar para mangamkam ng lupa at ipagtanggol ang kanilang kapangyarihan.

Maging ang ligal na kilusang magsasaka ay marahas na sinupil. Naganap ang Masaker sa Mendiola noong Enero 22, 1987 na kumitil ng buhay ng 13 magsasaka nang pagbabarilin sila ng mga pulis at sundalo ng rehimen habang sila’y mapayapang nagpoprotesta. Nasugatan din ang mahigit sa sandaang magsasaka.

4. Itinaguyod at pinasahol pa ng rehimeng US-Ramos ang mga kontra-magsasakang patakaran at programa.

Garapalang kontra-magsasaka ang mga hakbang na ipinatupad ng rehimeng Ramos. Kahit bilang pakitang-tao lamang ay wala sa prayoridad nito ang reporma sa lupa. Bukod pa, ipinagyabang nitong nalutas na ang problema sa lupa dahil sa pagpapatupad ng CARL. Sa ilalim ng programang Philippines 2000 at sa pagpasok sa GATT-WTO, nasadlak sa mas matinding kahirapan at kawalan ang masang magsasaka.

Ang programang Philippines 2000 ay higit na nagpayaman sa imperyalista, mga panginoong maylupa at malaking burgesyang kumprador at nagpatibay sa kanilang kapangyarihan.

a) Sa Investors’ Lease Act, binigyan ng karapatan ang mga dayuhan na makaupa at gumamit ng lupang agrikultural nang hanggang 75 taon. Sa tagal ng taong inilaan ng gubyerno sa mga dayuhang korporasyon, hindi lamang pag-upa kundi ilang henerasyon na ng pagmamay-ari ang katumbas nito para sa masang magbubukid.

b) Sa High Value Crops Production Act, ibinaling sa pagtatanim ng mga pang-eksport na pananim na may mataas na halaga tulad ng goma, bulaklak, asparagus at bulak ang mahigit tatlong milyong ektaryang palayan at maisan. Kagyat na naipwera ang mga ito sa saklaw ng CARL at nawalan ng sakahan ang ilang milyong magsasaka.

k) Lubos ding ipinwera sa saklaw ng CARL ang 2.8 milyon ektaryang mga asyenda at korporadong sakahan para sa eksport na pananim, palaisdaan, sugpuan, manukan, babuyan, mga rantso at iba pa. Maging ang malalawak na lupain ng simbahang Katoliko ay naipwera sa saklaw ng programa.

d) Isinapribado ang malawak na mga lupaing publiko. Pinagtibay ng rehimen ang mga batas at programang sadyang nagdulot ng matinding kahirapan sa masang magsasaka gaya ng:

- Agriculture and Fisheries Modernization Act (AFMA). Mag-aangkat ng mga makinaryang pansakahan para sa malalawak na corporative farms na tulad ng kay Danding Cojuangco, biotechnology na kunwa’y magpapataas ng produktibidad pero nakadisenyo upang lubusang umasa ang pagsasaka sa mga farm input na gawa ng imperyalistang mga kumpanya.

- Fishpond Lease Agreement (FLA). Maaaring upahan ng pribadong mga korporasyon (lokal at dayuhan) ang mga baybaying dagat at latian para gawing palaisdaan. Bunga nito, nawalan ng tradisyunal lugar pangisdaan ang mga maralitang mangingisda.

- Integrated Forest Management Agreement (IFMA). Pagbibigay karapatan sa pribadong mga korporasyon (lokal at dayuhan) na gawing plantasyon ng punongkahoy para sa tabla ang mga erya sa reforestation.

- Indigenous People’s Rights Act (IPRA). Diumano’y paggalang sa karapatan ng pambansang minorya sa kanilang lupain pero sa katunayan ito’y malawakang pangangamkam ng mga lupang ninuno, panlilinlang at panunuhol sa mga pinuno upang hindi lumaban ang tribu sa mga programa ng gubyerno tulad ng pagmimina at pagtotroso.

- Mining Act. Nagbibigay ng pahintulot at insentibo para ariin ng mga dayuhan ang lupang saklaw ng kanilang minahan.

- Agricultural Tariffication Act. Tinanggal ang taripa at iba pang buwis na ipinapataw sa mga imported na bawang, sibuyas, kape, repolyo, patatas, mais, poultry at livestock.

- Fisheries Code of 1998. Pinaluwag ang pagpasok ng mga komersyal na pangisda sa munisipal na mga pangisdaan; mula sa dating 15 kilometro, ibinaba sa 10 kilometro ang distansya mula sa aplaya na maaaring pangisdaan ng mga komersyal na pangisdang ito. Pinahintulutan din ang pangingisda sa mga lugar na may 7 metro ang lalim, kahit di pa umaabot ng 10 kilometro. Pinalawak at pinatindi rin ang pagmamay-ari ng mga panginoong maylupa-kumprador burges sa mga pangisdaan sa loob ng 50 hanggang 75 taon.

e) Maraming magsasaka ang nawalan ng lupang sinasaka bunga ng programang land use conversion. Itinatransporma sa gamit industriyal, komersyal, residensyal at ekoturismo ang mga sakahan. Sa dislokasyong pangkabuhayan na ibinunga nito, ibayong hirap ang dinaranas ng mga apektadong magbubukid dahil wala namang industriyang magbibigay sa kanila ng alternatibong trabaho. Pinatalsik din sa trabaho ang maraming manggagawang bukid sa tubuhan.

Binigyang-daan ng rehimeng Ramos ang walang-habas na pangangamkam ng lupa mula sa masang magsasaka at ang mabilis na rekonsentrasyon nito sa kamay ng iilang panginoong maylupa, malaking burgesyang kumprador at imperyalista. Noong 1994, umabot na sa 22,000 magsasaka ang binawian ng CLOA at CLT ng reaksyunaryong gubyerno. Umaabot naman sa 118,000 ektarya ang ipinailalim sa reklasipikasyon ng mga pamahalaang lokal. Sa halip na iangat ang kabuhayan ng magsasaka at ng buong mamamayan, pinatindi nito ang pagsasamantala at pang-aapi sa kanila.

Bilang pakunswelo, itinakdang Agrarian Reform Communities (ARC) ang tig-dalawang baryo bawat distritong kongresyunal. Subalit hindi pa rin maaaring ariin ng mga magsasaka ang mga lupaing saklaw ng ARC. Ipinapatupad dito ang sistemang buwisan at pagtatanim ng mga pananim na pang-eksport. Ang ipinangangalandakan namang suportang serbisyo sa mga ARC ay suporta para sa mga lokal na pulitiko na mga panginoong maylupa rin.

5. Lubusang itinakwil ng rehimeng US-Estrada ang kapakanan ng mga magsasaka.

Walang sariling programa para sa mga magsasaka ang rehimeng US-Estrada, bagkus pinasahol lamang nito ang mga patakaran, programa at krimeng kontra-magsasaka ng dating rehimeng Ramos. Ipinagtanggol ni Estrada ang malawakang panga-ngamkam sa lupa ng magsasaka. Sinuportahan nito ang iskemang corporative farming ni Danding Cojuangco at pinuri pa ito bilang “patron ng reporma sa lupa.” Hindi ibinalik ni Danding sa mga magsasaka ang dinambong niyang pondo sa coconut levy (ang buwis na hinuthot ng rehimeng Marcos mula sa mga magkokopra) na nasa United Coconut Planters Bank at ipinangsosyo niya sa malalaking korporasyon tulad ng San Miguel Corporation. Sa maraming pagkakataon, natalo ang mga kasong inihain ng magsasaka laban sa Land Use Conversion at kanselasyon ng mga ipinamahaging CLT.

Para higit na makapagsilbi sa mga imperyalista, ipinataw ni Estrada ang Administrative Order No. 9 para sa sektor ng agrikultura. Dala-dala ang islogang globalisasyon, pinakitid ng rehimen ang usapin ng kawalan ng tunay na repormang agraryo sa kakulangan ng makinarya, pautang at iba pang serbisyong pansakahan upang maabot ang tinatawag na “produktibidad” ng mga magsasaka.

Bumagsak ang iba’t ibang sangay ng agrikultura sa malawakang importasyon ng halos lahat ng produktong agrikultural sa ilalim ng GATT-WTO. Kasabay ng pag-alis ng lahat ng subsidyo at tulong sa magsasaka ay binabaha naman ang pamilihan ng mga inimport na produkto tulad ng bigas, mais, sibuyas, bawang, lahat halos ng uri ng beans, lahat ng klase ng karne, gatas at mga produktong yari dito, iba’t ibang uri ng isda, gulay, prutas at marami pang iba. Kaya sa malaking bahagi ng bansa, ang matinding paghihirap ng mamamayan ay tumutungo na sa pamumulubi.

Dinambong din ng rehimen ang parte ng mga magtatabako sa pamamagitan ng Tobacco Excise Tax.

Bukod pa, nagdeklara ng lahatang-panig na digma ang rehimeng Estrada laluna sa mamamayang Moro na ang karaniwang biktima ay ang mamamayan sa kanayunan. Hindi pa man nakakabalik ang daang libong nagsilikas na mamamayang Moro noong panahon ng diktadurang Marcos ay nadagdagan pa ito ng libu-libong biktima ng karahasan ng rehimeng Estrada.

6. Ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Arroyo ang mga kontra-magsasakang patakaran, programa at krimen para sa higit na pakinabang ng mga imperyalista, malalaking panginoong maylupa at burgesyang kumprador.

Higit na masahol, papet, pasista at korap ang rehimeng US-Arroyo kung ihahambing sa naunang papet na mga rehimen. Pilit niyang pinapatupad ang napatunayan nang mga batas at programang anti-magsasaka, anti-mamamayan, at maka-imperyalista na lalong naglubog sa krisis sa ekonomya at sumisira sa kabuhayan ng mamamayan.

a) Sagadsarin ang pagkapapet ng rehimeng Arroyo sa imperyalismong US.

Sa agrikultura, ang patuloy at tumitinding kontrol at pangingibabaw ng imperyalismong US sa bayan ay lalo pang nagpapalala sa malapyudal na sistema sa ekonomya at nagdudulot ng ibayong pagsasamantala at pang-aapi sa masang magsasaka.

Sa ilalim ng GATT-WTO (inisponsor ni Arroyo noong siya’y senador pa) patuloy na bumulusok ang pambansang kita sa agrikultura. Nitong 2005 umabot sa $5.2 bilyon ang depisit sa kalakalan sa agrikultura; ibig sabihin, sa bawat $1 na kinikita sa export, $6 naman ang ginagastos sa import. Milyun-milyong magsasaka ang nawalan ng kabuhayan dulot ng pagdagsa ng importasyon ng mga produkto mula sa mga kapitalistang bayan. Ang masaklap, ang iniimport ay mga produktong nililikha mismo sa bayan, halimbawa bigas, gulay, asukal at isda.

Ibayong tumaas ang presyo ng mga input sa sakahan (na kontrolado ng mga imperyalistang agribisnes) at maraming magsasaka ang napilitang isangla o di kaya’y ibenta ang kanilang lupa para lamang sila at ang kanilang pamilya ay mabuhay. Lalong tumindi ang pyudal at malapyudal na pagsasamantala. Dumadagsa sa kabayanan ang malaking bilang ng mga manggagawang bukid na naghahanap ng trabaho at sila’y nasasadlak sa mas matinding kahirapan. Marami ang naoobligang mangibang-bayan bilang mga domestic helper o DH, manggagawa sa konstruksyon o maliliit na pabrika. Subalit napakarami rin ang nabibiktima bilang mga “japayuki,” GRO, mail-order bride at iba pang katulad. Milyun-milyong Pilipino ang nakikipagsapalaran sa ibang bayan para pasukin ang pinakamahihirap at pinakamapanganib na trabaho para lamang mabuhay ang naiwang pamilya.

Inilalako ng rehimen ang charter change (chacha) o pag-amyenda sa reaksyunaryong saligang batas upang alisin ang anumang nalalabing proteksyon sa mga lupain at likas-yaman ng Pilipinas. Layunin ng chacha na lubusang ipagkaloob sa mga imperyalista ang pagmamay-ari ng mga lupain at alisin ang anumang hadlang sa globalisasyong “malayang pamilihan” na ipinapataw ng mga imperyalistang kapangyarihan.

b) Patuloy na narerekonsentra ang mga lupain sa kamay ng malalaking panginoong maylupa, burgesyang kumprador at mga imperyalistang agri-korporasyon.

Mismong ang huwad at kontra-magsasakang CARP ang kinakasangkapan ng rehimen upang manatili o di kaya’y lumawak pa ang lupaing kontrolado ng mga naghaharing uri.

Agresibong pinapatupad ang mga iskemang nagbabalatkayong pang-magsasaka at nagbibigay ng ilusyon na nagkakaisa ang mga panginoong maylupa at magsasaka. Halimbawa nito ang pakanang joint venture (ang magsasaka at panginoong maylupa ay parehong nagmamay-ari) upang ang mga lupaing ipinamamahagi sa mga magsasaka ay maaangkin pa rin at patuloy na makukontrol ng mga panginoong maylupa-kumprador. Kapalit nito ang kakaunting sapi sa mga korporasyon o bogus na kooperatiba na nasa absolutong kontrol din ng mga panginoong maylupa-kumprador tulad ng cooperative scheme ni Danding sa Isabela, at corporative scheme sa Negros; ang stock distribution option ng Hacienda Luisita at ang voluntary land transfer/direct payment scheme na ginagamit para ipamana ang mga lupain sa mga kamag-anak ng panginoong maylupa at napagkakwartahan nila dahil kahit hindi produktibo ang lupa, naibebenta nila ito sa gubyerno sa lubhang pinalobong halaga.

Patuloy na kinakansela ang mga CLOA, EP at CLT na ipinamahagi sa mga “benepisyaryo” ng reaksyunaryong reporma sa lupa. Hindi raw nakabayad ng amortisasyon ang mga magsasaka, o kaya’y hindi produktibo ang lupa, o hindi saklaw ng reporma sa lupa. At kahit na nakabayad na ng amortisasyon ang magsasaka, basta gustuhin ng panginoong maylupa, kinakansela pa rin ang CLOA.

Higit pang tumitindi ang suliranin sa lupa sanhi ng maramihang pangangamkam ng mga lupain at pagpapatalsik sa mga magsasaka bunga ng land use conversion sa mga lupaing agrikultural tungo sa pagiging mga lugar industriya, komersyal, subdibisyon at pangturismo.

Sa mga lugar ng Bangsa Moro, malimit na binobomba at minimilitarisa ang mga bayan sa paligid ng Liguasan Marsh na tinatarget na plantasyon ng mga imperyalistang agrikorporasyon at pagkukunan ng mahahalagang likas na yaman tulad ng langis at mga mineral.

Sa Capiz, isla ng Panay, naglulunsad ng mararahas na operasyong militar ang reaksyunaryong AFP at pinapatalsik ang mga katutubo sa 33,000 ektaryang lupain na itinakdang military reservation.

k) Patuloy na pinipiga at binibiktima ang mga magsasaka at mamamayan ng garapalang pangungurakot at pandarambong ng rehimen.

Hindi lamang sa pandaraya sa eleksyon, marami ring anomalya ang kinasangkutan ni Arroyo tulad ng Ginintuang Masaganang Ani Fertilizer Fund. Sa halip na ibili ng abono ang P2.8 bilyon para sa mga magsasaka, ginamit niya ito sa eleksyon noong 2004. Ginamit din ni Arroyo ang P35 bilyon mula sa nabawing nakaw ni Marcos na nakalaan sana para sa mga “benepisyaryo” ng CARP at biktima ng paglabag sa karapatang-tao noong panahon ng diktadurang Marcos.

d) Pinatindi ng rehimeng Arroyo ang pasismo sa kanayunan at buong bayan upang sindakin at supilin ang masang magsasaka at mamamayan.

Duguan ang kamay ni Arroyo sa sunud-sunod na masaker na naganap sa ilalim ng kanyang panunungkulan: Kananga 9 sa Leyte noong 2003, Hacienda Luisita noong Nobyembre 2004; Palo 9 sa Leyte noong 2005, at sa San Ildefonso, Bulacan noong 2006.

Walang-awang pinapaslang ang mga lider at tagasuporta ng kilusang magsasaka. Sa ilalim ng Oplan Bantay Laya, sinasalbeyds ang mga myembro, lider at simpatisador ng hayag na mga organisasyong masa, alyansa ng mga magsasaka at progresibong partido pulitikal. Pinapatay rin maging ang mga pari, taga-midya, abugado, duktor, estudyante, guro at mga nakikibaka para sa karapatang-tao. Matapos bansagang mga terorista, dinudukot, tinotortyur, kinukulong, at pinapatay ang sinumang kumokontra sa rehimen. Sa loob lamang ng tatlong taong panunungkulan ni Arroyo, may naitala nang 4,207 kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Karamihan sa mga biktima ay magsasaka.

Niyuyurakan ang mga kalayaang sibil at demokratikong mga proseso gaya ng pagbabawal sa mga rali at demonstrasyon laluna nang ipatupad ng rehimen ang Calibrated Preemptive Response (CPR). Minamadali ang pagpapatibay ng Anti-Terrorism Bill at National ID System upang lubusang kontrolin at supilin ng estado ang mga karapatan ng mamamayan.

Mabilis na tumatahak ang rehimen tungo sa lantarang pasistang paghahari.

Sa desperasyong patuloy na makuha ang suporta ng US at manatili sa kapangyarihan, itinaguyod at naging pangunahing programa ng rehimeng Arroyo ang pakikidigma laban sa “terorismo.” Sunud-sunod ang isinasagawang magkasanib na pagsasanay-militar ng mga tropang US at AFP sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan na naghahasik ng lagim at kapinsalaan sa masang magsasaka at mamamayan sa kanayunan.

Tuluyan nang tinalikuran at isinara ng rehimen ang usapang pangkapayaan sa pagitan ng GRP (Government of the Republic of the Philippines) at NDFP (National Democratic Front of the Philippines). Patuloy na sinusuportahan nito ang US sa pagbansag na terorista ang CPP (Communist Party of the Philippines), NPA (New People’s Army) at ang punong pampulitikang konsultant ng NDFP.

III. DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN ANG MAKAKALUTAS SA PROBLEMA SA LUPA AT KAAKIBAT NA PYUDAL AT MALAPYUDAL NA PAGSASAMANTALA SA MASANG MAGSASAKA

A. Bakit demokratikong rebolusyong bayan ang solusyon sa problema sa lupa ng masang magsasaka?

Demokratikong rebolusyong bayan lamang ang tanging solusyon sa problema sa lupa ng masang magsasaka. Nangangahulugan ito ng paglulunsad ng armadong pakikibaka, rebolusyong agraryo at pagtatayo ng mga rebolusyonaryong base.

Habang isinasagawa ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa lupa bilang paraan ng pagtupad sa pangunahing demokratikong nilalaman ng rebolusyong Pilipino, natutupad din ang sentral na tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan na agawin at konsolidahin ang kapangyarihang pampulitika.

Sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan lamang maibabagsak at mawawakasan ang kontrol at dominasyon sa Pilipinas ng imperyalismong US, malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado sa pamamagitan ng Partido Komunista ng Pilipinas, matitiyak ang pagtataguyod sa pakikibaka para sa lupa ng masang magsasaka.

Sa pagkawagi ng demokratikong rebolusyong bayan, agad sisimulan ang sosyalistang transpormasyon sa kanayunan. Lilikhain ang mga kundisyon para hindi na muling makapanumbalik ang monopolyo sa lupa. Sa gayon, ganap na lalaya ang masang magsasaka at manggagawang bukid mula sa pagsasamantala, atrasadong kalagayan, at paghihikahos.

B. Bakit kailangang itayo ang demokratikong kapangyarihang pampulitika sa kanayunan?

Kailangang hakbang-hakbang na itayo ang demokratikong kapangyarihang pampulitika sa kanayunan upang pahinain hanggang maibagsak ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalistang US at maisulong ang kalutasan sa problema sa lupa ng masang magsasaka. Nangangahulugan ito ng pagbubuo ng lakas ng maralitang magsasaka, manggagawang bukid at panggitnang magsasaka; pagtatayo ng hukbong bayan at pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan mula sa antas baryo pataas.

K. Bakit rekisito ang rebolusyong agraryo sa pagtatayo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika at pagsusulong ng armadong pakikibaka?

Layunin ng rebolusyong agraryo ang pagwasak sa kapangyarihan ng panginoong maylupa sa kanayunan, pagkumpiska at pagsasabansa sa lupa nila, at ang libreng pamamahagi nito sa masang magsasaka. Layunin din nito ang pagpapaunlad ng kooperasyon at produksyon sa kanayunan at ang pagpapahusay sa kundisyon sa paggawa at pamumuhay ng manggagawang bukid.

Sa pamamagitan lamang ng rebolusyong agraryo maaaring mamobilisa ang higanteng lakas ng masang magsasaka upang maagaw nila ang kapangyarihan sa ekonomya at pulitika mula sa panginoong maylupa. Sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo mabibigkis ang saligang alyansa ng proletaryado at uring magsasaka.

Rebolusyonaryong dahas ang tugon sa kontra-rebolusyonaryong dahas na ginagamit ng uring panginoong maylupa upang panatilihin ang kanilang paghahari sa masang magsasaka. Kailangang maglunsad ng armadong pakikibaka para durugin ang reaksyunaryong armadong pwersa na nangangalaga sa interes ng mga panginoong maylupa.

Mabubuo lamang ang mga pangunahing armadong pangkat ng rebolusyong Pilipino sa paglulunsad ng gerang magsasaka. Kung gayon, sa uring magsasaka nagmumula ang malawak na mayorya ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Sa pagkakaroon ng hukbong bayan at paglulunsad ng armadong pakikibaka, hakbang-hakbang na nakakapag-ipon ng lakas hanggang sa ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan at rebolusyong agraryo.

D. Paano mabibigkis ang pagkakaisa ng uring magsasaka laban sa uring panginoong maylupa?

Para maihiwalay ang uring panginoong maylupa at maibagsak ang kapangyarihan nila, pangunahing umaasa sa maralitang magsasaka, mababang panggitnang magsasaka, at manggagawang bukid. Hini-himok naman ang gitnang magsasaka at ninunyutralisa ang mayamang magsasaka para sa antipyudal na pakikibaka. Sinasamantala ang mga hidwaan sa pagitan ng naliliwanagan at despotikong panginoong maylupa.

Magkakaiba ang katayuan sa buhay ng iba’t ibang saray ng uring magsasaka. Dahil dito, magkakaiba rin ang interes at determinasyon ng iba’t ibang saray na ito kaugnay ng pagsusulong ng rebolusyong agraryo.

Pangunahing apektado ng problema sa lupa ang mga maralita at mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid. Kaya sila ang pinakamaaasahang mga pwersa sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Padausdos naman ang kabuhayan ng mga panggitnang magsasaka kaya aktibo silang mapapalahok sa rebolusyong agraryo.

Ang mayamang magsasaka naman ay mayroong mula 30-50 porsyento na kita mula sa pagsasamantala sa masang magsasaka at manggagawang bukid at hindi maaasahan sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo. Gayunman sila ay dumaranas din ng panggigipit at pang-aapi mula sa malalaking panginoong maylupa, komersyante-usurero, kumprador burges at mga imperyalista. Maaari silang nyutralisahin sa pagsusulong ng pakikibakang antipyudal at maging pwersang pampakilos sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

Upang magkaroon ng kongkretong anyo ang pagbubuo ng rebolusyonaryong lakas ng masang magsasaka, kailangang itayo ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid o ang PKM bilang rebolusyonaryong organisasyon masa ng mga magsasaka.

E. Ano ang mga batayang paraan ng pakikibaka at pagkilos at mga porma ng organisasyon ng mga magsasaka para isulong ang rebolusyong agraryo?

Ang armadong pakikibaka ang pangunahing paraan sa pagsusulong ng kilusang magsasaka. Segundaryo ngunit mahalaga ang mga hayag at ligal na porma ng pagkilos at pakikibaka.

Sa pamamagitan lamang ng armadong pakikibaka at iba pang iligal na porma ng pagkilos at pakikibaka matitiyak ang matatag na pagsulong ng rebolusyong agraryo. Pero kailangang maglunsad din ng mga hayag at ligal na mga porma ng pagkilos tulad ng petisyon, kumprontasyon at demonstrasyon bilang suporta sa iligal na mga pagkilos. Binibigyan nito ang masang magsasaka ng napakahalagang karanasan at kasanayan sa pagharap sa kaaway, paggigiit ng kanilang mga karapatan, at paglalantad sa mga kaaway at pag-aanunsyo sa buong bayan ng kanilang mga mithiin.

Kailangang mahusay na magamit ang mga ligal at iligal na mga porma ng organisasyon ng mga magsasaka.

Lubhang mapanupil ang pasistang kaaway sa mga samahang magsasaka. Kaya kailangan ang mga organisasyon ng magsasaka na lihim sa mata ng kaaway at mga elementong di-mapagkakatiwalaan, at kapapalooban ng mga pinakamaaasahan sa hanay ng magsasaka. Nagsisilbing bag-as ng rebolusyonaryong kilusang magsasaka ang lihim na mga organisasyong magsasaka. Kailangang magkaroon ng tiyak na mga patakaran at pamamaraan para pangalagaan ang pagiging sikreto ng organisasyon.

Bukod sa mga lihim na organisasyon, kailangan din ang mga hayag at ligal na organisasyon ng mga magsasaka para magsilbing daluyan ng ligal na mga pagkilos, kublihan ng mga organisasyong lihim at tulay para maabot at maugnayan ang ibang mamamayan.

G. Paano matatag na sumusulong ang rebolusyonaryong kilusang magsasaka sa balangkas ng matagalang digmang bayan?

Ang pang-aapi at pagsasamantalang dinaranas ng mga magsasaka sa napakahabang panahon at ang tuluy-tuloy nilang paglaban ay nagbunsod para higit silang mamulat at magkaisa. Makikita ito sa mahigit sandaang larangang gerilyang nakakalat sa buong kapuluan, ang paglawak at pagdami ng mga samahang magsasaka, ang paglaki ng BHB, ang pag-iral at pagtatag ng mga organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika, at ang pagsigla ng mga kilusang antipyudal sa iba’t ibang porma at saklaw.

Isinusulong ang pakikibakang agraryo sa iba’t ibang saklaw. Matagumpay na naibaba ang upa sa lupa, naibaba ang interes sa usura, napataas ang sahod ng mga manggagawang bukid, naitaas ang presyo ng produkto ng magsasaka, naibaba ang resiko sa kopra at presyo sa ilang bilihin at naigiit ang karapatang manatili sa lupang sinasaka. Nawala ang mga mangangalabaw at mga magnanakaw sa baryo. Naparusahan ang ilang despotiko at marami ang nanyutralisa para maisulong ang rebolusyong agraryo. Magiting na nilabanan ng mga magsasaka ang pwersahang pagpapalayas sa kanila ng rehimen para sa mga kontra-magsasakang proyekto nito.

Sa mga lugar na may nakatayo nang organo ng demokratikong kapangyarihang pampulitika, nawawalan na ng saysay ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa, at lokal na burukrasya. Gumagana ang mga hukumang bayan na nagpapairal ng tunay na hustisya na di kailanman nakamit ng mamamayan sa mga korte ng reaksyunaryong estado. Umiiral ang sistema ng depensa at pagpapanatili sa seguridad at kaayusan ng lugar na tinitiyak ng BHB, milisyang bayan, at mga yunit pananggol baryo.

Sa mga bayan at lunsod naging aktibo ang kilusang magsasaka hindi lang sa mga isyung antipyudal kundi maging sa antipasista at anti-imperyalistang mga isyu. Dito nagiging mas malawak at mas mahigpit ang pakikipag-alyansa ng mga magsasaka sa iba’t ibang demokratikong uri at sektor ng lipunan.

IV. ANG REBOLUSYONARYONG PROGRAMA SA REPORMA SA LUPA

A. Ano ang rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa?

Ito ang pagwasak sa monopolyo sa lupa ng uring panginoong maylupa, burgesyang kumprador at mga imperyalista, at ang pagpawi sa lahat ng porma ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Sa programang ito kukumpiskahin at inanasyunalisa ang lupain ng uring panginoong maylupa, burgesyang kumprador at mga imperyalista, at ipapamahagi nang libre sa masang magsasakang wala o kulang ng lupa. Ang libreng pamamahagi ng lupa ay nakabatay sa karapatang magbungkal at hindi malayang maibebenta o mabibili ang lupa. Ibinubunsod din ng programang ito ang kooperasyon sa produksyon ng masang magsasaka.

Ang rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa ay mayroong minimum at maksimum na layunin. Minimum na layunin nito na ibaba ang upa sa lupa at pawiin ang usura, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, bakahin ang pagsasamantalang komersyante-usurero, at itaas ang produksyon. Maksimum na layunin naman nito na wakasan ang monopolyo sa lupa sa pamamagitan ng kumpiskasyon, nasyunalisasyon at pamamahagi nang libre sa mga nagbubungkal na walang lupa o kulang sa lupa. Palagiang layunin na mapahusay ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay ng mga manggagawang agrikultural sa mga asyendang pinapatakbo sa batayang kapitalista

B. Ano ang mga kundisyon sa pagpapatupad ng reporma sa lupa?

Hakbang-hakbang na ipapatupad ang rebolusyonaryong reporma sa lupa batay sa kakayahan at lakas ng rebolusyonaryong kilusan. Habang nag-iipon pa ng lakas ang kilusang magsasaka at armadong pakikibaka sa buong bayan, makikibaka para mapababa ang upa sa lupa, mapawi ang usura at mapataas ang sahod ng mga manggagawang bukid,. Makikibaka rin para pataasin ang presyo ng produkto ng magsasaka. Pauunlarin ang produksyon at magtatayo ng karagdagang mga mapagkakakitaan ang masang magsasaka.

Pagkatapos makamit ang pambansang tagumpay ng demokra-tikong rebolusyon ng bayan, kukumpiskahin at inanasyunalisa ang mga lupain ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at imperyalista at ipapamahagi ito nang libre sa mga nagbubungkal na walang lupa o walang sapat na lupa.

K. Ano ang nasyunalisasyon ng lupa at bakit kailangan ito sa ganap na pagpapatupad ng rebolusyonaryong reporma sa lupa?

Ang nasyunalisasyon ng lupa ay ang pagsasabansa ng mga lupain ng mga panginoong maylupa, burgesyang kumprador at mga imperyalista. Ipapatupad ito sa ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa pambansang saklaw. Ang mga lupaing ito ay magiging pag-aari ng estado o ng buong mamamayan.

Ipagbabawal ang pagbenta at/o pagbili ng mga lupaing nabanggit upang matiyak na hindi na muling makukonsentra ang lupa sa kamay ng iilan. Ito ang pursigidong paraan para lubusang wakasan ang monopolyo sa lupa at kapangyarihang pampulitika ng mga panginoong maylupa.

Titiyakin din ang mainam na kalagayan para malansag ang pribadong pagmamay-ari at magbibigay-daan para sa kooperatibisasyon ng indibidwal na pagsasaka. Isa itong paraan upang mapokus ang atensyon ng masang magsasaka sa pagpapaunlad ng agrikultura sa pamamagitan ng kolektibong paggawa at mekanisasyon.

D. Ano ang partikular na mga gabay sa pagpapatupad ng minimum na programa sa reporma sa lupa?

1. Kaugnay ng upa sa lupa

Ibababa ang upa sa lupa hanggang sampung porsyento (10%) ng bawat netong ani, o mas mababa pa. Bilang unang hakbang, maaaring ibaba ang upa ng kalahati (50%) man lamang ng umiiral. Halimbawa, kung 50-50 ang umiiral na partihan, ibababa ito sa 25-75 pabor sa kasamá. Pwedeng gawin ang hakbang na ito sa partihan o sa buwisan.

Nakukuha ang netong ani sa pagbawas ng lahat ng gastos sa pagsasaka sa kabuuang ani. Itatakda ng samahan ng magsasaka ang pagpepresyo ng gastos na ayon din sa kasalukuyang mga presyo.

Ibibigay sa demokratikong gubyernong bayan ang bahagi ng nabawas sa upa sa lupa. Sa pamamagitan ito ng mga samahan ng magsasaka o ng Bagong Hukbong Bayan.

Sabay-sabay na ititigil ng mga kasamá ang pagbabayad ng upa sa lupa kapag malapit nang kumpiskahin ang mga ari-arian ng panginoong maylupa.

2. Kaugnay ng usura – lubusang papawiin ang usura sa apat na paraan:

a) Hihimuking mag-impok ang mga magsasaka.

b) Pakikilusin ang samahan ng magsasaka bilang kooperatiba.

k) Ibababa ang interes sa pautang ng 50 porsyento mula sa dinatnan bilang panimulang hakbang. Patuloy itong pabababain hanggang sa antas na mataas lamang nang kaunti sa pinaiiral sa mga bangko.

d) Buburahin ang lahat ng di-makatwirang pautang at muling kukwentahin ang lumang mga utang hanggang sa limang taong nagdaan alinsunod sa interes na itinakda (mas mataas nang kaunti sa interes sa mga bangko) at base sa pangkalahatang pulong ng samahang magsasaka.

Sa pagbababa ng interes, dapat itakda ito sa porsyentong papayag pang magpahiram ang nagpapautang at nakikinabang naman ang mga nangungutang.

3. Kaugnay ng gastos sa pagsasaka:

Babayaran nang walang interes, at babawasin sa kabuuang ani, ang anumang gastos sa pagsasaka, laluna sa binhi, na pwedeng sagutin ng panginoong maylupa. Uusisain ng samahan ang bawat kasunduan ng panginoong maylupa at kasamá sa pautang. Hindi hahayaan ang sinumang panginoong maylupa na obligahin ang kasamá na umutang sa kanya o sa sinumang usurero.

4. Kaugnay ng pagpapababa ng paarkila sa hayop at kagamitang pansaka:

Ibababa ang paarkila sa hayop at kagamitang pansaka na parehong pag-aari ng panginoong maylupa. Ibabatay ito sa desisyon ng samahan ng magsasaka. Hihikayatin ang mga mayamang magsasaka at mataas na panggitnang magsasaka na ibaba rin ang paarkila nila.

5. Kaugnay ng anumang klase ng tributo:

Hindi hahayaang humingi ng anumang klase ng tributo sa pamilya ng mga kasamá ang sinumang panginoong maylupa, administrador o katiwala. Sa porma man ito ng pagtatrabaho, pagpapaalila, pera o anumang produkto mula sa pangunahin o dagdag na hanapbuhay ng mga kasamá.

6. Kaugnay ng sahod:

Hihikayatin ang mga mayamang magsasaka at mataas na panggitnang magsasaka na itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid o ibaba ang upa ng mga kasamá sa lupa, ayon sa mga istandard na itinakda ng samahan ng magsasaka. Hindi magiging dahilan ang mga istandard na ito para mawala ang katayuan nila bilang mayaman at mataas na panggitnang magsasaka.

7. Kaugnay ng mga kalamidad:

Kapag 20 porsyento ng ani o higit pa ang nasira ng baha, tagtuyot, peste, sunog, aksyon ng kaaway, o anumang kalamidad, hindi magbabayad ang kasamá ng anumang upa sa lupa sa panginoong maylupa. Kapag 50 porsyento o higit pa ang nasira sa ani, hindi magbabayad ang kasamá ng anumang upa sa lupa para sa kasalukuyang ani at pati sa susunod. Makatarungang didesisyunan ng samahan ng magsasaka ang bayad sa naging mga utang dahil sa pagkasira ng ani. Pwedeng burahin ng samahan ng magsasaka iyong hanggang sa halaga ng nasira.

8. Kaugnay ng karapatan sa pagbubungkal:

Kung binitiwan ng kasamá sa anumang dahilan ang karapatang magbungkal ng lupa, responsibilidad ng samahan na pagpasyahan kung kanino dapat mapunta ang karapatang bungkalin ang pwesto. Ibibigay ito sa malapit na kamag-anak ng dating kasamá, o sa sinumang manggagawang bukid o maralitang magsasaka

E. Paano pakikitunguhan ang mga kaaway at kaibigan ng rebolusyon sa kanayunan sa pagpapatupad ng maksimum na programa sa reporma sa lupa?

1. Kapitalistang dayuhan at lokal

Mahigpit na ipagbabawal ang pagmamay-ari o pagkontrol ng malalaking kapitalistang dayuhan sa kahit kapirasong lupang agrikultural. May karampatang aksyon sa kanila at sa kanilang mga tuta sa anumang paglabag dito.

Matapos ang pambansang tagumpay, kukumpiskahin at inanasyunalisa ng demokratikong gubyernong bayan ang mga lupaing agrikultural na pinatatakbo sa batayang kapitalista.

Depende sa kongkretong mga kalagayan, maaaring lubos na kontrolin ng demokratikong gubyernong bayan ang mga asyendang pinatatakbo sa batayang kapitalista, o kaya’y hayaan ang mga may-ari (pamban-sang burgesya, mayamang magsasaka) na patuloy na ariin at pamahalaan ang mga asyenda, alinsunod sa mahigpit na mga kundisyon, tulad ng pagpapahusay sa kalagayan sa pagtatrabaho at pamumuhay ng mga manggagawa, at pagbabayad ng buwis (na ang malaking bahagi ay pera) sa demokratikong gubyernong bayan.

Taun-taong magbabayad ng bai-baitang na buwis sa kita (income tax) ang mga korporasyon o indibidwal na kapitalistang namumuhunan sa agrikultura. Mula sampu hanggang 50 porsyento ito ng netong kita.

2. Panginoong maylupa

Kukumpiskahin at inanasyunalisa ang lupain ng mga panginoong maylupa at ipapamahagi nang libre batay sa karapatang magbungkal sa mga pamilya ng mga maralitang magsasaka at mababang panggitnang magsasaka.

Pero sa bawat panahon at lugar, pangunahing target ang mga panginoong maylupa na may malawak na pag-aari, nangamkam ng lupa, nasa poder, at despotiko. Sila ang nangunguna sa pagsupil sa rebolusyonaryong kilusan at kadalasang may utang na dugo.

Sila at ang mga tuta nila na marahas na lumalaban sa reporma sa lupa ay aarestuhin ng milisya, mga lokal na gerilya, o mga regular na yunit ng Hukbong Bayan para litisin ng hukumang bayan.

Ituturing na naliliwanagan ang mga panginoong maylupa na sumusunod sa rebolusyonaryong mga patakaran sa reporma sa lupa at sumusuporta sa armadong pakikibaka. Papayagan silang magmay-ari ng sariling bahay, personal na pasilidad at negosyo sa industriya o komersyo, o kapirasong lupang halos kasinlaki ng lupang pag-aari ng isang mayamang magsasaka, kung sila mismo ang magbubungkal ng lupa.

Iyong mga panginoong maylupang hindi gumawa ng malubhang krimen laban sa mamamayan ay papartihan ng lupa na kapareho ang laki at kalidad sa ibibigay sa maralita at mababang panggitnang magsasaka. Ito ay sa kundisyong handa silang magbungkal ng lupa at magbago ng pananaw sa pamamagitan ng sariling paggawa.

Parurusahan, ayon sa bigat ng krimen, ang sinumang panginoong maylupa na gumagamit ng dahas o anumang kontra-rebolusyonaryong hakbang laban sa reporma sa lupa. Pero bibigyan ng pagkakataong magkaroon ng ikabubuhay ang ibang myembro ng pamilya nito, kabilang ang karapatang magmay-ari at magbungkal ng isang parsela ng lupa, kung susunod sila sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan.

3. Komersyante

Makatarungang pakikitunguhan ang mga komersyante.

Lalabanan ang pagsasamantalang ginagawa nila pero papayagan silang kumita ng makatwirang ganansya.

Pagbabawalan ang mga ito na lumabag sa mga kontrata, mang-usura, kumaltas ng sahod ng mga manggagawa, mandaya sa kwenta, at gumawa ng iba pang porma ng pagsasamantala. May karampatang aksyon ang anumang paglabag dito.

4. Mayaman at mataas na panggitnang magsasaka

Hindi kukumpiskahin ang sobrang lupa at iba pang kasangkapan sa produksyon ng mayaman at mataas na panggitnang magsasaka. Gayunman, hihikayatin sila na itaas pa ang sahod ng mga manggagawang bukid na inuupahan nila, o ibaba ang upang ibinabayad sa kanila ng mga kasamá, ayon sa mga istandard na itinakda ng samahan ng magsasaka.

Ituturing na pag-aari ng panginoong maylupa, at kukumpiskahin, ang lupa na inuupahan ng mayaman at mataas na gitnang magsasaka. Sa ganitong kaso, tatanggap sila ng sapat na parte sa libreng pamamahagi ng lupa. Magbabayad sila ng sampung porsyento ng netong ani bilang buwis agrikultural.

5. Gitnang-panggitnang magsasaka

Papartihan ang mga gitnang-panggitnang magsasaka ng lupang ipapamahagi nang libre para mapataas ang antas ng kanilang pamumuhay. Ito ay sa kundisyon na hindi sila magiging mataas na panggitnang magsasaka o mayamang magsasaka dahil sa makukuha nilang parte.

Pagbabayarin sila ng limang porsyento ng netong ani nila bilang buwis sa agrikultura.

6. Maralita at mababang panggitnang magsasaka

Ipapamahagi ang lupa ayon sa prinsipyo ng pagpapantay-pantay ng ari-ariang lupa at pagtulong sa maralita at mababang panggitnang magsasaka na maging gitnang-panggitnang magsasaka. Konsiderasyon ang kabuuang laki ng lupang ipapamahagi sa lugar, ang laki at lakas-paggawa ng bawat pamilya, at ang kalidad, lokasyon at sukat ng lupa.

Dalawang porsyento ng netong ani ang buwis agrikultural nila.

7. Manggagawang bukid

Sa mga sakahang kapitalista, lubos na susuportahan ang pag-uunyon ng mga manggagawa at ang pagtamasa ng mga manggagawang bukid at iba pang manggagawa sa demokratikong mga karapatan nila. Lubos na susuportahan din ang paggigiit ng mga unyon na pahusayin ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay at makuha ang iba pang benepisyo.

Hangga’t maaari, papartihan sila ng loteng magagamit sa paghahanapbuhay na mapagkukunan ng dagdag na pagkain at kita.

Buwanang pagbabayarin sila ng buwis na lima hanggang sampung porsyento (5-10%) ng dagdag na sahod na nakuha sa tulong ng demokratikong gubyernong bayan o ng hukbo nito. Bukod ito sa butaw sa unyon.

8. Maralitang setler at pambansang minorya

Sa mga trosohan, kaingin, pastulan, at eryang reklamasyon, titiyakin sa mga setler at pambansang minorya na sila ang magmamay-ari ng homisted o lupang binubungkal nila. Hihikayatin sila na lalo pa itong paunlarin. Itataguyod ang pagkakaisa ng mga setler at ng dati nang mga nakatira sa prontera.

Ililipat sa mga prontera ang mga magsasakang walang lupa para malutas ang kakulangan ng lupa sa ilang lugar. Gayunman, hindi papayagan ang anumang paglabag sa karapatan ng mga pambansang minorya at mga dati nang nakatira sa prontera.

9. Iba pa

Papartihan din ng lupa ang mga manggagawa, tagayaring-kamay, maglalako at iba pang maralitang di magsasaka pero handang magbungkal ng lupa. Kung patuloy silang maghahanapbuhay bukod sa pagbubungkal ng lupa, gagawa ng angkop na pag-aayos sa kanilang parte.

Ang mga dependyente ng mga rebolusyonaryong martir, kadre’t Pulang mandirigma ay may prayoridad sa partihan ng lupang ipinapamahagi nang libre. Kung wala silang sapat na lakas-paggawa, titiyakin ng demokratikong gubyernong bayan na ibibigay sa kanila ng lokal na samahan ng magsasaka ang lahat ng tulong na kailangan para mabungkal ang kanilang lupa.

G. Paano itataguyod ang mahusay na kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay ng manggagawang agrikultural sa mga sakahang kapitalista?

Lubos na susuportahan ang pag-uunyon ng mga manggagawa sa mga sakahang kapitalista para mapahusay ang kundisyon sa pagtrabaho at pamumuhay nila, at makuha ang iba pang benepisyo. May karapatan ang unyon na alamin ang tunay na kwenta ng kumpanya para magkaroon sila ng matibay na batayan sa paggigiit sa mga ito.

1. Pakikibaka para sa mahusay na kundisyon sa pagtrabaho at pamumuhay

Tinutukoy ang seguridad sa trabaho, makatwirang sahod, mahusay na pasilidad, pabahay, pribilehiyo sa bakasyon, mga plano sa pensyon, mga tindahang kooperatiba na may batayang mga kalakal sa mababang presyo, libreng mga serbisyo sosyal, kompensasyon sa namatay o naaksidente at iba pa.

2. Ang patakaran sa pagrerekrut ng manggagawang bukid sa hanay ng masang magsasaka

Susuriin at gagawan ng kaukulang aksyon ng samahang magsasaka ang anumang kontrata o plano na ginagamit ng panginoong maylupa, administrador, katiwala, o kontratista sa paggawa para magrekrut ng mga manggagawang bukid sa hanay ng masang magsasaka sa lokalidad. Pangangalagaan ang mga karapatan nila sa pulitika at ekonomya. Maaari rin silang sumapi sa unyon sa pinagtatrabahuhan nila.

Ipagbabawal ang di-makatwirang kontrata, usura, pagkaltas ng sahod ng mga manggagawa, pandaraya sa kwenta, at iba pang porma ng pagsasamantala.

H. Paano pangangasiwaan ng demokratikong gubyernong bayan ang gawain sa reporma sa lupa?

Magtatatag ang demokratikong gubyernong bayan ng mga komite sa reporma sa lupa sa bawat antas. Bibigyan ang mga komite ng awtoridad na magdesisyon sa mga problemang hinggil sa reporma sa lupa. Tutulungan sila ng mga yunit ng BHB.

1. Momobilisahin ang masang magsasaka ng samahan ng mga magsasaka at mga namumunong organo nito kaugnay ng:

a) pagsusuri kung saang uri kabilang ang mga pamilya sa mga lokalidad;

b) pag-alam kung ilan ang pwedeng magtrabaho at ilan ang dependyente sa bawat pamilya o bubong;

k) pagguhit ng tamang mapa na nagpapakita ng mga lupaing kukumpiskahin at mga lupaing katabi nito, at tutukuyin ang kalidad at sukat ng mga parsela bago ipamahagi nang libre ang lupa at pagkaraang ipamahagi ito.

2. Isang daluyan ang mga pulong masa para mapatibay ang determinasyon ng masang magsasaka na isulong at ipagtagumpay ang pakikibaka para magkaroon ng lupa.

Sa mga ito naililinaw ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan. Gayundin ang umiiral na linya tungkol sa reporma sa lupa sa bawat lugar. Dito, bibigyan ng buong laya ang pagbubuhos ng hinaing laban sa pang-aapi ng mga imperyalista, panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Natutukoy din ang solusyon sa umiiral na mga problema at napapasigla ang diwa ng kooperasyon sa produksyon.

3. Susi ang tagumpay ng reporma sa lupa para makaasa sa sarili ang demokratikong gubyernong bayan.

Sisingil ito ng buwis sa masang magsasaka. Bubuwisan ang bawat pamilya o bubong sa porma ng produkto o pera.

Pwede lamang itaas ang buwis agrikultural kung may mga tiyak na dahilan, tulad ng pagtindi ng gera at pagsuporta sa mga nasalanta. Ang dagdag na buwis ay hindi dapat sumobra sa doble ng karaniwang buwis.

V. ANG PAMBANSANG KATIPUNAN NG MGA MAGBUBUKID (PKM) ANG REBOLUSYONARYONG ORGANISASYONG MASA NG MAGSASAKA AT MANGGAGAWANG BUKID SA PAGSUSULONG NG REBOLUSYONG AGRARYO AT DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN

A. Ano ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)?

Ito ay isang rebolusyonaryong organisasyong masa na binubuo ng mga magsasakang boluntaryong sumapi dito. Hakbang-hakbang itong itinatayo sa mga baryo, munisipalidad at probinsya.

Layon ng organisasyon na bigkisin ang masang magsasaka para isulong ang rebolusyong agraryo at demokratikong rebolusyong bayan.

B. Sino ang maaaring sumapi sa PKM?

Maaaring maging kasapi ng PKM ang mga maralitang magsasaka, manggagawang bukid, gitnang magsasaka at iba pang mahirap na mamamayang naninirahan sa kanayunan. Boluntaryo ang pagsapi sa samahan. Aaprubahan ito ng namumunong komite ng balangay ng samahan sa baryo.

Pagkakumpleto sa libreng pamamahagi ng lupang kinumpiska sa mga panginoong maylupa, ibubukas ang pagsapi sa mayayamang magsasaka. Kailangang aprubahan ito ng isang pangkalahatang pulong ng balangay sa baryo o ng kumperensya sa mas mataas na antas. Pero hindi sila pwedeng mahalal sa namumunong mga komite ng PKM.

K. Ano ang mga karapatan at tungkulin ng mga kasapi?

1. Mga karapatan ng kasapi ng samahan ang sumusunod:

a) Magsalita, bumoto, maghalal at mahalal sa samahan, at magmungkahing alisin o palitan ang sinumang kagawad ng samahan.

b) Makinabang sa mga karapatan at proteksyong ibinibigay ng samahan.

k) Magkaroon ng prayoridad sa paggamit ng mga pasilidad ng samahan sa ekonomya at kultura.

2. Tungkulin naman ang sumusunod:

a) Sumunod sa mga alituntunin ng samahan.

b) Sumunod at tumupad sa mga desisyon nito.

k) Magbayad ng butaw.

D. Paano ang sistema ng organisasyon at pagpopondo?

Nakabatay ang lakas ng PKM sa mahigpit na pagkakaisa ng buong organisasyon, at ng namumuno at pinamumunuan.

Kailangang sundin ng indibidwal ang mga alituntunin at desisyon ng organisasyon. Gayundin, kailangang sundin ng minorya ang kaisahan ng mayorya. Garantiya ito na mangingibabaw ang interes ng samahan at nakararami sa makitid na interes ng iisa o iilang kasapi.

Tungkulin ng pamunuan ng samahan na alamin ang mga problema, kalagayan at palagay ng mga kasapi, upang makabuo ng wastong mga desisyon.

Tungkulin ng mga kasapi na ipaabot sa mga namumuno ang nakikitang mga problema, palagay at mungkahi nila, upang maagap na maaksyunan ang mga ito.

Sa mahigpit na pagtutulungan ng pamunuan at mga kasapi, matitiyak ang matatag na pagharap ng samahan sa mga kaaway at maisusulong ang rebolusyonaryong mga gawain.

Ang balangay sa baryo ang batayang yunit ng organisasyon. Nakakataas dito ang mga organisasyon sa munisipalidad, distrito at probinsya. Ihahalal ang mga namumunong komite sa bawat antas. Titiyakin ng mga komite na kolektibo ang kanilang pamumuno.

Ang pondo ng samahan ay magmumula sa butaw ng mga kasapi. Bawat kasapi na maralitang magsasaka o manggagawang bukid ay magbabayad ng taunang butaw na anim na piso (P6) o katumbas nito sa butil. Ang bawat kasapi na gitnang magsasaka ay magbabayad naman ng taunang butaw na labindalawang piso (P12) o katumbas nito sa butil. Ibibigay ang butaw sa balangay sa baryo pagkatapos ng anihan.

E. Ano ang mga tungkulin ng PKM?

1. Sa larangan ng pulitika:

a) Pagbuklurin ang maralita at gitnang mga magsasaka at manggagawang bukid at lahat na mapapakilos laban sa paghahari ng uring panginoong maylupa at para sa demokratikong rebolusyong bayan.

b) Hakbang-hakbang na ipatupad ang reporma sa lupa hanggang sa maksimum na layunin mula sa minimum. Ang Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa na naglalaman ng programa at mga hakbang sa rebolusyong agraryo ang patnubay ng PKM sa pagpapatupad nito.

k) Maglunsad ng mga pag-aaral at pagkilos para maitaas ang pag-unawa ng masang magsasaka sa mga prinsipyo ng demokratikong rebolusyong bayan.

d) Suportahan ang mga patakaran ng demokratikong gubyernong bayan at ipagtanggol ang mga tagumpay na nakamit ng sambayanan sa pakikibaka sa imperyalismo at pyudalismo.

e) Makipagtulungan sa ibang organisasyon ng magsasaka, ng kabataan at ng kababaihan.

2. Sa larangan ng ekonomya:

a) Magsilbing kooperatiba pangunahin ng maralitang mga magsasaka at manggagawang bukid.

b) Laging pauunlarin ng PKM ang iba’t ibang porma ng kooperasyon tulad ng bayanihan at palusong.

k) Tulungan ang pamilya ng mga mandirigma ng BHB at rebolusyonaryong martir at tiyakin na nakikinabang sila sa reporma sa lupa sa baryo.

d) Maglunsad ng mga kampanya para mapaunlad ang produksyon at madagdagan ang kita ng mga manggagawang bukid at maralitang magsasaka.

e) Sa produksyon, tumulong sa sektor ng kabataan, kababaihan, atbp.

3. Sa larangan ng militar:

a) Palagiang magrekluta ng mga Pulang mandirigma mula sa uring magsasaka.

b) Magbigay ng suportang materyal sa Bagong Hukbong Bayan.

k) Kasama ng milisya, manguna sa pagtatanggol ng baryo. Kumilos sa gawaing komunikasyon, paniktik at iba pang gawain ng hukbong bayan.

d) Umalalay sa pamilya ng mga mandirigma ng BHB at buong panahong aktibista.

4. Sa larangan ng kultura:

a) Magdaos ng mga pag-aaral para mapataas ang kakayahan ng masang magsasaka at iba pang mamamayan sa pagbasa, pagsusulat, at pagkwenta. Pauunlarin din ang kaalaman at kakayahan sa produksyon, administrasyon, at iba pang kakayahang teknikal.

b) Makipagtulungan sa kabataan, kababaihan at iba pang sektor sa pagpapalaganap ng makamasa, makabayan at syentipikong kultura. Maglunsad ng mga kampanya para sa tuluy-tuloy na edukasyong pampulitika at pang-ideolohiya at pagbaka sa mga pamahiin at mga pyudal at burges na kaisipan.

k) Maglunsad ng mga kampanya para mapabuti ang kalagayan ng kalusugan.

d) Manguna sa pagpapahusay ng relasyon sa hanay ng mamamayan.

G. Paano magsisilbing kooperatiba ang PKM?

Magsisilbing kooperatiba pangunahin ng mga maralita at panggitnang magsasaka at manggagawang bukid ang samahan ng magsasaka sa antas ng baryo pataas. Ipapatupad ang iba’t ibang porma ng kooperasyon sa hanay ng mga kasapi para maitaguyod ang kapakanan ng lahat, mapataas ang produksyon, mabawasan ang gastos sa produksyon, at mapawi ang pangungutang sa mga usurero. Popondohan ang kooperatiba mula sa kontribusyon o sapi ng mga kasapi. Gagamitin ito sa sumusunod:

· pamamakyaw ng mga batayang kalakal na ititingi sa presyong mas mababa sa umiiral;

· pagpapautang sa mga kasapi;

· pagtugon sa iba’t ibang pangangailangan tulad ng dagdag na hanapbuhay, medikal, pang-edukasyon at transportasyon.

Magiging basehan ang mga lupa ng kooperatiba para sumulong sa mas matataas na antas ng kooperasyon.