Espesyal na Kurso sa Kilusang Kabataan sa Kanayunan

Communist Party of the Philippines
Resize text: A+ A- Reset

Ikatlong Edisyon
2006

Mga Paunang Salita

Pinagsasamantalahan, Api at Walang Kinabukasan ang Kabataang Pilipino sa Kasalukuyang Lipunan

Kailangang Yakapin at Isulong ng Kabataang Pilipino ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan

Ang Kabataang Makabayan (KM) ang Batayang Organisasyong Masa ng kabataan sa Kanayunan

Paunang Salita sa Ikatlong Edisyon

Ito ang ikatlong edisyon ng Espesyal na Kurso para sa Kabataang Pilipino (Eskum-Kabataan). Walang saligang pagkakaiba ang edisyong ito sa naunang dalawang edisyon. Idinagdag lamang ang mga update sa ilang datos para sa mas kongkreto at napapanahong pagsasalarawan sa kasalukuyang kalagayan ng kabataang Pilipino at ng bansa.

Isang batayang aralin sa Pambansa-Demokratikong Paaralan (PADEPA) ang Eskum-Kabataan. Nasa ilalim ito ng ikalawang kategorya sa kurikulum ng PADEPA o ang kategoryang “Hinggil sa mga Patakaran at Paninindigan ng Rebolusyonaryong Kilusan.” Pagkatapos ng Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP) at Espesyal na Kurso sa Kilusang Magsasaka (Eskum-Magsasaka), dapat itong pag-aralan ng lahat ng organisado at hindi organisadong magsasaka at iba pang mga uri at sektor na saklaw ng mga baseng masa sa kanayunan. Batayang pampulitikang pag-aaral din ito sa hanay ng mga pambansa-demokratikong organisasyong masa sa kalunsuran.

Inaasahang sa paggamit ng angkop at mapanlikhang mga pamamaraan, epektibong maituturo ang kursong ito sa loob ng apat hanggang anim na oras. Kaugnay nito, kasalukuyang ipinalalaganap ng PADEPA ang gabay para sa integrado o isahang pagtalakay sa lahat ng tatlong batayang Eskum (Eskum-Magsasaka, Eskum-Kababaihan at Eskum-Kabataan) sa loob ng anim hanggang pitong oras.

Paaralang Primarya ng Partido-
Pambansang Kagawaran sa Edukasyon
Nobyembre, 2005

Paunang Salita sa Ikalawang Edisyon

Inilalathala ang ikalawang edisyon ng Espesyal na Kurso para sa Kabataan (EKKbt) para sa rebolusyon-aryong samahan ng kabataan sa kanayunan bilang bahagi ng sistematisasyon at pagpapaunlad ng mga kursong masa.

Tulad ng unang edisyon, inilalahad dito ang kasalukuyang kalagayan at katangian ng kabataang Pilipino at mga tungkulin nila sa rebolusyon. Ipinapakilala din nito ang Kabataang Makabayan. Pangunahing pagbabago sa ikalawang edisyon ang pag-update sa mga datos para ilarawan ang kasalukuyang kalagayan ng mga kabataang Pilipino.

Dapat pag-aralan ang kursong ito pagkatapos ng Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino (MKLRP) at Espesyal na Kurso sa Kilusang Magsasaka (EKKM). Sa gayon mas madaling mailalarawan at mauunawaan ang kalagayan ng kabataang Pilipino sa konteksto ng kalagayan ng masang magsasaka at ng mamamayang Pilipino at ng buong lipunan. Gayundin, mas madaling matatalakay at mauunawaan ang papel at tungkulin ng rebolusyonaryong kabataan sa kilusang magsasaka at sa demokratikong rebolusyong bayan. Tulad sa nakaraan, ibibigay ang EKKbt pangunahin sa mga grupo, komite at samahan ng kabataan sa kanayunan.

Bukod dito, dapat din itong pag-aralan ng organisadong kabataan sa kalunsuran, gayundin ng ibang organisadong masa sa ibang sektor at uri sa kanayunan at kalunsuran tulad ng mga manggagawa, kababaihan, at mga gitnang pwersa. Makakatulong ito para mapalawak ang pag-unawa nila sa rebolusyonaryong kilusang masa, at partikular sa ugnayan ng kilusang masa sa kalunsuran at sa kanayunan.

Hinihiling ang mga puna at mungkahi para sa ibayong pagpapaunlad ng kurso.

Pambansang Kagawaran sa Edukasyon-
Pangkalahatang Kalihiman
Enero, 1996

Paunang Salita sa Unang Edisyon

Ito ang ispesyal na kurso para sa mga grupo, komite at samahan ng kabataan sa kanayunan. Inilalahad sa kurso ang kasalukuyang kalagayan ng kabataang Pilipino at ang katangian at mga tungkulin ng kanilang kilusan.

Maaaring ibigay ang kurso bago o pagkatapos ng mga pag-aaral sa kilusang magsasaka at pangkalahatang kursong masa. Mahalagang maunawaan ng mga myembro ng mga samahan ng kabataan na ang kanilang kalagayan ay hindi maihihiwalay sa kabuuang kalagayan ng bayan at ang kilusan ng kabataan ay nagsisilbi sa rebolusyong Pilipino.

Inaasahang mapapalamnan pa sa mga idaraos sa pag-aaral ang nilalaman ng maikling kursong ito.

Pambansang Kawanihan Sa Instruksyon
Komisyon Sa Edukasyon At Propaganda
Enero 1982


I. PINAGSASAMANTALAHAN, API AT WALANG KINABUKASAN ANG KABATAAN PILIPINO SA KASALUKUYANG LIPUNAN

A . Ano ang mga katangian ng kabataang Pilipino?

Isang malaking pwersa sa lipunang Pilipino ang kabataang binubuo ng may edad na 13 hanggang 35 taon. Noong 1990, mahigit na 22 milyon o mahigit na 37 porsyento ng populasyon ng Pilipinas ang kabilang sa sektor ng kabataan. Nasa kanayunan ang malaking bulto nito.

Nakapaloob ang kabataang Pilipino sa iba’t ibang uri. Kabilang ang karamihan ng kabataan sa uring manggagawa at uring magsasaka. Marami-rami ring kabataan ang kabilang sa petiburgesya, na kinabibilangan ng kabataan-estudyante, mga empleyado at propesyunal na maliit ang kita, at iba pa.

Taglay ng mga kabataang ito ang kasiglahan ng pag-iisip at pangangatawan. Bukas ang isip nila sa pagbabago, sa pagrerebolusyon. Sila’y bagong pwersa na dumaranas ng pagsasamantala at pang-aapi, interesado at handang makibaka para wakasan ang naghaharing sistema at itayo ang mas maaliwalas na bukas. Ang kabataan ang tagapagmana at tagapagpatuloy ng rebolusyon.

B. Ano ang kalagayan sa kabuhayan ng kabataang Pilipino?

Hirap at pinagsasamantalahan – ganito ang kalagayan sa kabuhayan ng mayorya ng kabataan sa ilalim ng sistemang pinaghaharian ng imperyalismong US, malaking burgesyang kumprador at uring panginoong maylupa. Nagsisimulang magtrabaho ang marami sa kabataan bago pa sila umabot sa gulang na 15 taon. Noong 1990, humigit-kumulang 12 milyong kabataang Pilipino ang nagtatrabaho sa kalunsuran at kanayunan.

Anong klaseng buhay ang dinaranas ng kabataang anakpawis?

Pinagsasamantalahan ang kabataang manggagawa ng mga may-ari ng pabrika na karaniwa’y imperyalista at burgesyang kumprador. Maliit ang sahod ng mga kabataang manggagawa. Ang sahod ng mga manggagawa ay kulang pa sa kalahati ng minimum na kailangan para disenteng mabuhay. Mas maliit pa ang tinatanggap ng mga kabataang manggagawa (edad 17 o mas bata pa) na karaniwang namamasukan bilang aprentis, kaswal, kontraktwal at iba pa. Dagdag pa, kailangang sumunod sila sa mahihigpit na patakaran ng kumpanya para di masisante.

Karaniwang pinagsasamantalahan ng uring panginoong maylupa ang mga kabataan sa kanayunan. Malaking problema nila ang kawalan o kakulangan ng lupang sakahan. Bilang kasamá, biktima sila ng mataas na upa sa lupa, usura at libreng serbisyo para sa panginoong maylupa. Bilang pana-panahon o buong-panahong manggagawang bukid, tumatanggap sila ng maliit na halaga o parte ng ani kapalit ng pagtatrabaho. Pwersado silang magtrabaho sa ilalim ng mahihirap na kundisyon. Hindi nagkakasya ang maliit na parteng tinatanggap ng mga kasamá at manggagawang bukid para tustusan ang araw-araw na pangangailangan nila at ng kanilang pamilya. Kaya, karaniwang baon sa utang ang masang magsasaka at manggagawang bukid.

Naghihirap kahit ang kabataang petiburges. Hindi makaya ng maliit na sweldo ng kabataang empleyado at propesyunal ang mataas na presyo ng mga bilihin at ang palaki nang palaking binabayarang buwis. Palagi namang namumroblema ang mga kabataang estudyante kung paano babayaran ang mataas na matrikula sa eskwelahan at paano tutugunan ang gastos sa ibang pangangailangan.

Kulang ang oportunidad ng kabataan sa lunsod at nayon para magkaroon ng disenteng hanapbuhay. Sinasamantala ng reaksyunaryong gubyerno ang ganitong kalagayan para akitin ang kabataan na umanib sa AFP, CAFGU, at iba pang pasistang armadong pwersa at organisasyong paramilitar. Nagpapakulo rin ang reaksyunaryong gubyerno ng sari-saring programa para ang lakas ng kabataan ay higit na pakinabangan ng mga imperyalista at lokal na mga naghaharing uri. Nariyan, halimbawa ang mga programang vocational at technological na magbibigay daw sa kabataan ng kasanayan para madali silang maempleyo. Ang totoo, layon ng mga programang ito na ihanda ang mga kabataan bilang murang trabahador sa mga industriya ng mga imperyalista at burgesyang kumprador.

K. Natatamasa ba ng kabataan ang karapatan nila sa maka-buluhang edukasyon?

Hindi natatamasa ng kabataan ang karapatan nila sa makabuluhang edukasyon. Limitado ang kanilang oportunidad na makapag-aral, laluna ang mga kabilang sa uring manggagawa at magsasaka. Komersyalisado ang edukasyon. Pagiging sunud-sunuran sa iilang naghaharing uri sa halip na pagsisilbi sa kapakanan ng bayan ang natututunan ng karamihan sa nakapagtapos ng pag-aaral. Sa ilalim ng kasalukuyang sistema, walang oportunidad na magkaroon ng sapat na edukasyon ang maraming kabataan. Maraming baryo ang wala o kulang ng paaralan at guro. Hungkag ang pangako ng gubyerno na libreng edukasyon sa elementarya at hayskul. Papaliit ang bahagi ng edukasyon sa badyet ng gubyerno.

Kahit sa mga lugar na may mga paaralang elementarya, di lubusang nagagamit ng mga anak ng magsasaka at manggagawa ang oportunidad na makapag-aral. Dala ng kahirapan, kailangang tumulong sa pagsasaka o sa paghahanapbuhay maging ang mga bata. Dagdag pa, habang tumataas ang antas ng pag-aaral, palaki nang palaki ang gastos sa eskwelahan.

Kaya iilan lang sa kabataan ang nakakatuntong sa hayskul at higit na kakaunti ang nakakapasok sa kolehiyo. Kahit ibatay pa sa datos ng reaksyunaryong gubyerno wala pa sa kalahati ng kabataan ang nakakapagtapos ng elementarya, at wala pang 40 porsyento ang nakakapagtapos ng hayskul.Tiyak na mas maliit pa ang totoong bilang.

Matindi ang komersyalisasyon ng edukasyon. Itinatayo at pinapatakbo ang mga eskwelahan bilang mga negosyong kailangang magluwal ng ganansya. Kaya palagian ang pagtataas ng matrikula habang nananatiling mababa ang kalidad ng pagtuturo at luma, kulang o di kaya’y walang mga kagamitan sa eskwelahan.

Kontrolado ng mga naghaharing uri ang buong sistema ng edukasyon. Kaya natitiyak nilang nagsisilbi ito sa interes nila at hindi sa kapakanan ng sambayanan.

Halimbawa, itinutulak ng gubyerno ang kurikulum na madiin sa mga kasanayang teknikal. Pero pakana lamang ito para matiyak na mapunuan ang pangangailangan sa mga may-kasanayang manggagawa ng mga empresang imperyalista at burgesyang kumprador.

Masahol pa, pangunahing nilalaman ng edukasyong ibinibigay sa mga estudyante ang mga ideya at kaisipang nagsisilbi sa mga imperyalista at lokal na naghaharing uri. Binaluktot ang kasaysayan at kasalukuyang kalagayan ng bayan para palabasing bayani ang mga taksil at ituring na masasama ang tunay na nakikibaka para sa kalayaan at demokrasya.

Hinuhubog ng ganitong tipo ng edukasyon ang mga kabataang Pilipino para maging makasarili, bulag sa kahirapan ng mamamayan at hiwalay sa kanila, mapamahiin, maamo at sunud-sunuran sa mga naghaharing uri, at makadayuhan.

D. Nagtatamasa ba ng demokratikong mga karapatan ang kabataang Pilipino?

Tulad ng malawak na sambayanan, hindi nagtatamasa ang kabataang Pilipino ng anumang makabuluhang demokratikong karapatan sa kasalukuyang lipunan. Ipinagkakait o sinusupil ng mga naghaharing uri ang karapatan ng kabataan na mag-organisa o mamahayag. Sa lunsod man o nayon, laging target ng pananakot, panggigipit, at atake ng pasistang gubyerno ang makabayang mga organisasyon ng kabataan na nagbabandila ng pangangailangan sa pagbabago. Tinatatakang subersibo at terorista ang mga organisasyong ito para ihiwalay sa mamamayan ang kabataang makabayan. Di na mabilang ang kabataang naging biktima ng pagdakip, pagbilanggo, tortyur, at pagpaslang ng pasistang estado.

Sinusupil ang mga pagtatangka ng mamamayan, kabilang ang kabataan, na ilantad ang mga katiwalian sa lipunan at ipahayag ang kagustuhan nila ng pagbabago. Ipinagbabawal o marahas na winawasak ang mga pulong at demonstrasyon. Tinataguriang krimen ang anumang pambabatikos sa gubyerno at sa mga upisyal nito.

Ginugulo ng pasistang gubyerno kahit iyong mga organisasyong nagsusulong sa interes ng kabataang manggagawa, magsasaka, o estudyante. Ang kalayaan sa pagtatayo ng mga unyon ng mga manggagawa ay hanggang papel lamang at ang welga bilang epektibong sandata ng mga manggagawa laban sa mga kapitalista ay sinisikil. Tinitiyak ng mga batas na kontra-manggagawa ang epektibong pagsupil sa mga karapatan sa pag-uunyon at pagwewelga at ang mga kundisyong pabor sa mga kapitalista.

Sa kanayunan, marahas na sinusupil at pinararatangang may kuneksyon sa rebolusyonaryong kilusan (o prente ng CPP-NPA) ang ang mga samahan ng kabataan na nagtataguyod sa kagalingan ng kabataan at komunidad. Ginagamit ng mga nasa kapangyarihan ang lahat ng paraan para wasakin ang mga samahang ito.

Sa mga eskwelahan, ipinagbabawal o hinihigpitan ang mga samahan at pahayagan ng mga mag-aaral. Sa kabilang banda, ipinaggigiitan ng pasistang gubyerno sa kabataan ang reaksyunaryong mga organisasyon. Nirerekrut sa reaksyunaryong hukbo ang kalalakihang may edad na 18 taon. Pinupwersa o nililinlang ang mga binata at dalaga sa mga baryo at syudad na sumali sa Sangguniang Kabataan, isang organisasyon para ilihis ang pag-iisip ng mga kabataan mula sa makabuluhan at makabayang pagkilos. Sa mga eskwelahan, pilit na sinasanay ang kabataan sa buhay militar sa pamamagitan ng Citizens’ Army Training (CAT), Citizens’ Military Training (CMT-ROTC), at National Service Training Program (NSTP), para ihanda silang lumahok sa armadong panunupil sa mamamayan.

E. Anong klaseng kultura ang pangunahing nakakaimpluwensya sa kaisipan, gawi at pag-uugali ng kabataang Pilipino?

Sadyang ipinapalaganap ang dekadenteng kultura ng mga imperyalista at naghaharing uri para impluwensyahan ang kabataang Pilipino. Araw-araw, naiimpluwensyahan ang kabataang Pilipino ng bulok na kulturang ipinapalaganap sa radyo, telebisyon, komiks, sine, dyaryo, internet at iba pang daluyan ng kultura sa lipunan. Sa kalakhan, hinuhubog ng eskwelahan at simbahan ang kaisipan ng kabataan na maging makasarili, mapamahiin, makadayuhan at sunud-sunuran sa mga naghaharing uri.

Ipinatatanggap ng kulturang pasista na “normal” at kanais-nais ang walang pakundangang pagyurak sa mga karapatan ng mamamayan at ang pagturing sa pasistang gubyerno at sa armadong mga pwersa nito bilang mga tagapagligtas daw ng bayan. Karaniwan na sa lipunan ang mga krimen, pagsusugal, paglalasing, pagdodroga, panghahalay at panloloko sa mga kababaihan at iba’t ibang kalaswaan at pagsasayang ng pera at panahon. Ang mga ito ay pinangungunahan at pinagkakakwartahan ng matataas na upisyal ng burukrasya at militar.

Hindi wastong nahuhubog ang pag-iisip at pag-uugali ng kabataan. Idinidikdik sa kanila ang baluktot na pagpapahalaga sa mga bagay, ang pagbibigay ng pansin sa pansariling kasiyahan at kaluwagan, at ang pagsamba sa mga dayuhan at lokal na naghaharing uri. Inilalayo ng bulok na kultura ang kabataan sa landas ng pagrerebolusyon.

G. Ano ang ugat ng mga problema ng kabataang Pilipino?

Ang paghahari ng imperyalismong US, pyudalismo at burukrata kapitalismo sa malakolonyal at malapyudal na lipunan ang ugat ng mga problema ng mamamayang Pilipino, kabilang ang kabataan.

Matinding pinagsasamantalahan ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo ang mamamayan at inaangkin ang yaman ng bayan. Mga instrumento nila ang reaksyunaryong militar at burukrasya para supilin at linlangin ang mamamayan at panatilihin ang paghahari nila. Pinapalaganap nila ang kolonyal, pyudal at kontra-mamamayang kultura.

Madilim ang kinabukasan ng kabataang Pilipino sa ilalim ng ganitong sistema. Habang nagpapatuloy ito, hindi lubos na mapapaunlad ang kanilang kakayahan. Hindi mabibigyang-laya ang angkin nilang lakas at talino para sa bayan. Sa halip, pinipiga ito ng dayuhan at lokal na mapagsamantala para sa sariling kapakinabangan.

II. KAILANGANG YAKAPIN AT ISULONG NG KABATAANG PILIPINO ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN

A. Paano mababago ang kasalukuyang kalagayan ng kabataang Pilipino?

Para mabago ang kasalukuyang kalagayan ng kabataang Pilipino, kailangang ibagsak ang naghaharing sistema sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan at itayo ang isang lipunang tunay na malaya at demokratiko. Sa ganitong lipunan matatamasa ng kabataang Pilipino ang kaunlaran sa ekonomya, pulitika at kultura, at maiaambag nila nang lubusan ang kanilang kakayahan at kasigasigan para sa bayan.

Sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, ipinagpapatuloy ng kabataang Pilipino ang makasaysayang pakikipag-isa nila sa mga rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan.

Nagsisilbing inspirasyon sa kasalukuyang pakikibaka ang makabayang kabataang lumahok sa Rebolusyong 1896, sa Digmaang Pilipino-Amerikano, sa pakikibaka laban sa kolonyal na paghahari ng imperyalismong US, sa pakikibaka laban sa imperyalismong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at sa pakikibaka sa panahon ng papet na republika. Noong dekada 1960, malaking papel ang ginampanan ng kabataan sa pagpapanibagong-sigla ng rebolusyonaryong kilusan at paglulunsad ng bagong demokratikong rebolusyon. Mula noon hanggang kasalukuyan, masiglang lumalahok ang kabataan sa demokratikong rebolusyong bayan.

B. Ano ang mga pangunahing tungkulin ng rebolusyonaryong kabataan sa kanayunan?

Ang pagkilos ng rebolusyonaryong kabataan sa kanayunan ay bahagi ng kilusang magsasakang nagsisilbi sa demokratikong rebolusyon ng bayan. Kabilang ang kabataan sa binubuklod ng kilusang ito para lumahok sa pagpapabagsak sa naghaharing sistema at sa pagsusulong sa interes ng mamamayan.

Kinikilala ng rebolusyonaryong kabataan sa kanayunan na maipagtatagumpay lamang ang rebolusyon sa pagkilos at pakikibaka ng malawak na masa ng sambayanan, laluna ng masang manggagawa at magsasaka.

Sa kanayunan, may tatlong pangunahing tungkulin ang rebolusyonaryong kabataan:

Una, ang pagsusulong ng kilusang magsasakang nagsisilbi sa demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng pagsanib at pagkilos sa Kabataang Makabayan. Pangunahing pwersa ng demokratikong rebolusyong bayan ang masang magsasaka sa kanayunan. Pinakamabigat na problemang nilulutas nito ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka. Sa paglahok ng kabataan sa rebolusyong agraryo at iba pang pakikibaka ng uring magsasaka, napapakilos ang malaking pwersa para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.

Ikalawa, ang pagganap sa gawaing propaganda para ipalaganap ang pambansa-demokratikong mithiin ng mamamayan at ang pangangailangan sa armadong pakikibaka para makamtan ito. Nasa mahusay na pusisyon ang kabataan sa kanayunan para harapin ang gawaing propaganda. Bukod sa kasiglahan, relatibong mas magaan ang responsibilidad nila sa pamilya at mas maluwag silang nakakakilos para ipalaganap ang mga simulain ng rebolusyon.

Ikatlo, ang masiglang paglahok, pagsuporta at pagsusulong sa armadong pakikibaka. Ang rebolusyon-aryong kabataan sa kanayunan ang pinakamalalim na balong pinanggagalingan ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Nauunawaan nila na karangalan at responsibilidad ng makabayang kabataan na ialay ang kanilang lakas, tapang at talino sa pagsusulong ng armadong pakikibaka para sa tagumpay ng bagong demokratikong rebolusyon.

III. ANG KABATAAN MAKABAYAN (KM) ANG BATAYANG ORGANISASYONG MASA NG KABATAAN SA KANAUNAN

Ang Kabataang Makabayan (KM) ang organi-sasyong daluyan ng pagkakaisa at pagkilos ng rebolusyonaryong kabataan sa kanayunan para isulong ang kilusang magsasaka at demokratikong rebolusyon ng bayan. Bahagi ito ng pagsisinsin ng solidong pag-oorganisa ng kilusang magsasaka. Hakbang-hakbang na itinatayo ang samahang ito sa mga baryo.

Maaaring maging myembro ng samahan ang mga kabataang magsasaka at manggagawang bukid at ang iba pang kabataan sa baryo. Pero, kailangang kabilang sa maralitang magsasaka, mababang panggitnang magsasaka at manggagawang bukid ang mga pinuno. Boluntaryo ang pagsapi sa samahan. Kailangang aprubahan ito ng balangay sa baryo.

Aktibong lalahok ang samahan sa hakbang-hakbang na pagpapatupad sa rebolusyonaryong reporma sa lupa. Minimum na layunin ang pagpapababa ng upa sa lupa, pagpapataas sa sahod ng mga manggagawang bukid at pagpawi sa usura. Maksimum na layunin ang nasyunalisasyon at libreng pamamahagi ng lupa sa pagtatagumpay ng rebolusyon.

Para magampanan ang papel sa kilusang magsasaka para sa demokratikong rebolusyong bayan, ang mga tungkulin ng KM ay ang sumusunod:

1. Sa larangan ng pulitika:

a) Organisahin ang kabataan sa kanayunan para sa rebolusyon.

b) Itaas ang pag-unawa nila sa rebolusyon sa pamamagitan ng mga pag-aaral.

k) Palahukin sila sa mga pakikibakang masa.

d) Masiglang ipalaganap ang kahalagahan at mga layunin ng demokratikong rebolusyong bayan.

e) Suportahan ang rebolusyonaryong gubyernong bayan.

g) Makipagtulungan sa samahang magsasaka at iba pang samahan sa baryo.

2. Sa larangan ng militar:

a) Himukin ang kabataan na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan.

b) Tumulong sa komunikasyon, paniniktik, at iba pang gawaing militar ng hukbong bayan.

k) Lumahok sa pagdedepensa ng baryo.

d) Tumulong sa pangangalaga sa maysakit na Pulang mandirigma at tumugon sa iba pang pangangailangan ng hukbong bayan.

e) Alalayan ang pamilya ng mga Pulang mandirigma at buong-panahong aktibista.

3. Sa larangan ng ekonomya:

a) Tumulong sa pagpapaunlad ng mga porma ng kooperasyon para maitaguyod ang kapakanan ng mamamayan at maitaas ang produksyon, halimbawa, bayanihan at palitan ng paggawa.

b) Lumahok sa gawaing produksyon para suportahan ang BHB at ang rebolusyonaryong gubyernong bayan.

k) Maglunsad ng mga proyekto na makakatulong sa paglutas sa mga problema sa kabuhayan ng mamamayan gaya ng kooperatiba, irigasyon at iba pa.

4. Sa larangan ng kultura:

a) Manguna sa pagpapalaganap ng makabayan, syentipiko at makamasang kultura.

b) Manguna sa paglikha at pagpapalaganap ng rebolusyonaryong kultura sa pamamagitan ng mga pagtatanghal, sine, awit, sayaw, tula, kwento, paglililok, pagguhit, at iba pa.

k) Aktibong lumahok sa mga kampanya para mapabuti ang kalusugan ng mamamayan at kalinisan ng baryo.

d) Tumulong sa pagtuturo ng pagbasa, pagsulat at pagkwenta sa mga di nakapag-aral.