Araling Aktibista

Communist Party of the Philippines
Resize text: A+ A- Reset

Ikalawang Edisyon
1999

Mga Paunang Salita

Ang mga saligang rebolusyonaryong aktitud at ang Limang Gintong Silahis

Rebolusyonaryong Pag-aaral at Wastong Paraan ng Pagsusuri

Linyang Masa

Ang Demokratikong Sentralismo at Sistemang Komite

Paunang Salita

Ito ang ikalawang edisyon ng Araling Aktibista. Sa edisyong ito, may ginawang pagsasaayos sa dating balangkas ng mga aralin, at ilang pagdaragdag sa dati. Ang kalipunan ng mga aralin ay dapat pag-aralan ayon sa pagkakasunud-sunod at bilang isang kurso. Gayunman, makakatayo pa rin nang mag-isa ang bawat aralin para sa pagbabalik-aral sa anumang aralin.

Ang bagong balangkas ay binubuo ng sumusunod:

Aralin I: Ang mga saligang rebolusyonaryong aktitud at ang Limang Gintong Silahis

Aralin II: Rebolusyonaryong Pag-aaral at Wastong Paraan ng Pagsusuri

Aralin III: Linyang Masa

Aralin IV: Ang Demokratikong Sentralismo at Sistemang Komite.

Ginawang pangunahing nilalaman ng Aralin I ang Limang Gintong Silahis upang maging pamilyar at mapahalagahan bilang saligang mga babasahin ang mga klasikong artikulo ni Mao Zedong tungkol sa mga saligang rebolusyonaryong aktitud. Ang dating Aralin I ay mananatili bilang pantulong at gabay sa pag-aaral sa mga artikulo sa Limang Gintong Silahis. May ginawa ring amyenda sa dating Aralin I para lumapat sa pag-aaral sa Limang Gintong Silahis.

Pinagsama sa iisang aralin ang dating Aralin II (Rebolusyonaryong Pag-aaral) at Aralin III (Wastong Paraan ng Pagsusuri at Pag-iisip), dahil mahigpit silang magkaugnay. Gayundin ang Aralin V(Demokratikong Sentralismo) at Aralin VI (Sistemang Komite). Idinagdag sa Aralin IV ang Paraan ng Paggawa ng Isang Komite.

Pinanatili ang dating Aralin IV (Linyang Masa) bilang Aralin III sa kursong ito.

Ang Araling Aktibista ay para sa lahat ng organisadong masang nakapag-aral na ng Pangkalahatang Kursong Masa. Pero prayoridad at kailangan itong ibigay sa mga aktibistang nasa antas ng KP at GP at may karanasan na sa pagkilos sa rebolusyonaryong kilusan, sa kanayunan man o sa kalunsuran. Mahalaga ito sa pagbubuo ng matatag na gulugod at ubod ng pamumuno sa mga rebolusyonaryong samahan at kilusang masa.

Maaaring idagdag o isunod ang pag-aaral sa iba pang mga araling tulad ng panlipunang pagsisiyasat at gawaing masa at iba pang nasa kurikulum ng PADEPA.

Pambansang Kagawaran sa Edukasyon-
Pangkalahatang Kalihiman
Enero 1999

Aralin I: ANG LIMANG GINTONG SILAHIS AT ANG MGA SALIGANG REBOLUSYONARYONG AKTITUD

Ang Limang Gintong Silahis

Ang Limang Gintong Silahis ay binubuo ng sumusunod na maigsing artikulo:

  • Paglingkuran ang Sambayanan
  • Paggunita kay Norman Bethune
  • Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng Bundok
  • Bakahin ang Liberalismo
  • Tungkol sa mga Maling Kaisipan sa Loob ng Partido

Isinulat ang mga ito ni Kasamang Mao Zedong sa panahong inilulunsad ng mamamayang Tsino, sa pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina, ang kanilang pambansa-demokratikong rebolusyon.

Sa maiikling akdang ito, malinaw na nailarawan ni Kasamang Mao ang paninindigan, pananaw at mga pamamaraan ng pag-iisip at paggawa na dapat taglayin ng bawat rebolusyonaryo para mahusay na matupad ang kanyang mga tungkulin. Kaalinsabay, tinukoy ang pangunahing mga di rebolusyonaryong kaisipan at gawi, at ang mga paraan ng pagbaka at pagwawasto sa mga ito.

Bagamat isinulat ang mga ito sa iba’t ibang pagkakataon mula 1929 hanggang 1945, sa ibang bayan, at para sa mga rebolusyonaryong Tsino na naglulunsad ng kanilang pambansa-demokratikong rebolusyon, ang mga aral na mahahango rito ay tulad ng gintong di kumukupas at di nawawalan ng halaga sa pagdaan ng panahon, saanmang lugar dalhin.

Sa buong panahon ng pakikibaka ng api at pinagsasamantalahang mamamayan ng daigdig laban sa imperyalismo, pyudalismo at lahat ng reaksyon, nagsisilbing makapangyarihang tanglaw ang Limang Gintong Silahis kaninumang nais magpanibagong-hubog, mapahusay ang pagtupad ng tungkulin, mapalakas ang organisasyon, at maisulong ang rebolusyon.

Sa ganitong diwa at layunin, pinag-aaralan nating mga rebolusyonaryong Pilipino ang mga artikulong ito. Dapat paulit-ulit na basahin at pag-aralan ng mga indibidwal at kolektibo ang Limang Gintong Silahis. Sa pag-aaral dito, dapat pagsikapang maging buhay ang pag-aaral sa pamamagitan ng mahigpit na pag-uugnay dito sa sariling mga karanasan.

Ang dating Aralin I ay inilakip sa hulihan ng Limang Gintong Silahis. Inamyendahan ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga paliwanag sa ilang nakahanay na tanong at nagdagdag din ng ilang mga tanong para maidiin pa ang ilang punto at usapin kaugnay ng mga rebolusyonaryong aktitud. Magagamit itong pantulong sa pag-aaral sa mga artikulo ni Mao sa Limang Gintong Silahis.

Paglingkuran ang Sambayanan
Setyembre 8, 1944

(Ang talumpating ito ay binigkas ni Kasamang Mao Zedong sa isang pulong ng paggunita kay Kasamang Chang Szu-teh na idinaos ng mga kagawarang tuwirang nasa ilalim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina.)

Ang ating Partido Komunista at ang Hukbo ng Ikawalong Ruta at Bagong Ikaapat na Hukbo na kapwa pinamumunuan ng ating Partido ay mga batalyon ng rebolusyon. Ang mga batalyon nating ito ay ganap na nakalaan sa pagpapalaya ng sambayanan at lubusang naglilingkod sa kapakanan ng sambayanan. Si Kasamang Chang Szu-teh1 ay dating nasa hanay ng mga batalyong ito.

Ang lahat ng tao ay tiyak na mamamatay, ngunit ang kamatayan ay maaaring mag-iba ng kabuluhan. Ayon sa sinaunang manunulat na Tsinong si Szuma Chien, “Bagamat ang kamatayan ay sumasapit sa lahat ng tao, ito ay maaaring higit na mabigat kaysa Bundok Tay o higit na magaan kaysa balahibo.”2 Ang mamatay alang-alang sa sambayanan ay higit na mabigat kaysa Bundok Tay, subalit ang maglingkod sa mga pasista at ang mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay higit na magaan kaysa balahibo. Si Kasamang Chang Szu-teh ay namatay alang-alang sa sambayanan at ang kanyang kamatayan ay higit na mabigat nga kaysa Bundok Tay.

Kung may mga pagkukulang man tayo, hindi natin ikinatatakot na matukoy at mapuna ang mga ito sapagkat naglilingkod tayo sa sambayanan. Ang bawat isa, sinuman siya, ay maaaring pumansin sa ating mga pagkukulang. Kung tama siya’y iwawasto natin ang mga ito. Kung makabubuti sa sambayanan ang kanyang mungkahi, ito’y ating ipatutupad. Ang ideya ng “mas mahusay na hukbo at mas simpleng pangangasiwa” ay iniharap ni G. Li Ting-ming,3 isang di Komunista. Nagharap siya ng mainam na mungkahing nakabubuti sa mga mamamayan, kaya sinunod natin ito. Kung sa kapakanan ng sambayanan ay ipagpapatuloy natin ang paggawa ng tama at pagwawasto ng mali, tiyak na uunlad ang ating hanay.

Tayo’y nagmula sa iba’t ibang sulok ng bayan at nagbuklud-buklod para sa iisang rebolusyonaryong layunin. Kailangang makasama natin ang malawak na nakararami sa mga mamamayan sa landas patungo sa layuning ito. Ngayo’y pinamumunuan na natin ang mga baseng may kabuuang 91 milyong mamamayan,4 ngunit hindi ito sapat; mas marami pa ang kailangan natin upang mapalaya ang buong bansa. Sa panahon ng kahirapan, huwag nating kaligtaan ang ating mga tagumpay, tanawin natin ang maaliwalas na kinabukasan at pag-ibayuhin ang ating katapangan. Ang sambayanang Tsino ay naghihirap; tungkulin nating iligtas sila at dapat tayong magpunyagi sa pakikibaka. Saanman may pakikibaka ay may pagsasakripisyo at ang kamatayan ay isang karaniwang pangyayari. Nguni’t taus-puso nating isinasaalang-alang ang kapakanan ng sambayanan at ang paghihirap ng lubos na nakararami, at kung tayo’y mamatay alang-alang sa sambayanan, iyon ay marangal na kamatayan. Gayunman, dapat nating gawin ang lahat ng makakaya natin upang maiwasan ang mga di kinakailangang pagsasakripisyo. Ang ating mga kadre ay dapat magmalasakit sa bawat kasama at ang lahat ng mamamayan sa hanay ng rebolusyon ay dapat magmalasakit sa isa’t isa, magmahalan at magtulungan.

Magmula ngayon, kung sa ating hanay ay may mamatay na isang nakagawa ng kapaki-pakinabang na bagay, maging kawal man siya o kusinero, dapat natin siyang bigyan ng parangal sa pamamagitan ng isang akmang seremonya sa paglilibing at pulong ng paggunita. Ito ay nararapat na maging alituntunin. At ito’y dapat ding ipagawa sa mga mamamayan. Kung may mamatay sa nayon, ipadaos ang isang pulong ng paggunita. Sa ganitong paraan, maipadarama natin ang pagluluksa para sa yumao at mapagbubuklod ang buong sambayanan.

Mga Paliwanag:

1. Si Kasamang Chang Szu-teh ay naging kawal sa Rehimyento ng mga Taliba ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina. Siya’y kasapi ng Partido Komunista na buong tapat na naglingkod sa kapakanan ng sambayanan, umanib sa rebolusyon noong 1933, lumahok sa Mahabang Martsa at nasugatan habang naglilingkod. Noong ika-5 ng Setyembre 1944, habang gumagawa ng uling sa mga bundok ng bayang Ansai sa hilagang Shensi, siya ay nasawi nang biglang gumuho ang isang hurno.

2. Si Szuma Chien, tanyag na mananalaysay na Tsino noong ikalawang siglo bago sumilang si Kristo, ay may-akda ng Mga Talang Pangkasaysayan. Ang siniping pangungusap na ito ay nagmula sa kanyang “Sagot sa Liham ni Jen Shao-ching”.

3. Si Li Ting-ming, isang mulat na panginoong maylupa na taga-hilagang Shensi, ay minsang nahalal na Pangalawang Tagapangulo ng Gubyerno ng Hanggahang Purok ng Shensi-Kansu-Ningsia.

4. Ito ang kabuuang populasyon noon ng Hanggahang Purok ng Shensi-Kansu-Ningsia at lahat ng iba pang Pinalayang Purok sa hilaga, gitna at timog Tsina.

Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng Mga Bundok
Hunyo 11, 1945

(Ito ang pangwakas na talumpati ni Kasamang Mao Zedong sa Ikapitong Pambansang Kongreso ng Partido Komunista ng Tsina.)

Matagumpay ang ating idinaos na kongreso. Tatlong bagay ang ating nagawa. Una, pinagpasyahan natin ang linyang ito ng Partido: walang takot na pakilusin ang masa at palakihin ang armadong lakas ng mamamayan upang sa pamumuno ng ating Partido ay magapi nila ang mga mananalakay na Hapones, mapalaya ang buong sambayanan at itayo ang isang bagong demokratikong Tsina. Pangalawa, pinagtibay natin ang bagong Saligang Batas ng Partido. Pangatlo, inihalal natin ang namumunong organo ng Partido – ang Komite Sentral. Simula ngayon, ang tungkulin natin ay pamunuan ang lahat ng kasapi sa pagpapatupad ng linya ng Partido. Ang isinagawa natin ay isang kongreso ng tagumpay, isang kongreso ng pagkakaisa. Napakahusay ng mga puna ng mga kinatawan tungkol sa tatlong ulat. Maraming kasama ang pumuna sa sarili; pagkakaisa ang kanilang layunin at natamo ang pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpuna-sa-sarili. Ang kongresong ito ay huwaran ng pagkakaisa, ng pagpuna-sa-sarili at ng demokrasya sa loob ng Partido.

Pagkatapos ng kongreso, marami sa mga kasama ang tutungo sa kani-kanilang takdang tungkulin at sa iba’t ibang larangan sa digmaan. Mga kasama, saanman kayo magtungo, dapat ninyong ipalaganap ang linya ng kongreso at ipaliwanag ito sa malawak na masa sa pamamagitan ng mga kasapi ng Partido.

Ang ating layunin sa pagpapalaganap ng linya ng Partido ay buuin ang tiwala ng buong Partido at ng buong sambayanan sa tiyak na tagumpay ng rebolusyon. Nararapat muna nating itaas ang kamulatang pampulitika ng mga nasa taliba nang sa gayon, manaig sila sa lahat ng hirap para matamo ang tagumpay dahil sila’y matatag at di takot sa sakripisyo. Ngunit ito ay hindi sapat; nararapat ding itaas ang kamulatang pampulitika ng buong sambayanan upang maluwag sa kalooban at buong lugod na sumama sila sa atin sa pakikipaglaban para sa tagumpay. Dapat nating papag-alabin ang buong sambayanan sa paninindigang ang Tsina ay hindi sa mga reaksyunaryo kundi sa sambayanang Tsino. May isang matandang pabulang Tsino na pinamagatang “Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng mga Bundok”. Isinasalaysay nito ang tungkol sa isang matandang naninirahan sa hilagang Tsina noong unang panahon, na nakilala sa taguring Matandang Hangal ng Hilagang Bundok. Ang kanyang bahay ay nakaharap sa timog at sa harapan ng kanyang pintuan ay nakatayo ang dalawang malalaking bundok, ang Taihang at Wangwu, na nakaharang sa landas. Puno ng determinasyon at hawak ang asarol, pinangunahan niya ang kanyang mga anak na lalaki sa paghukay sa mga bundok na iyon. Isa pang matandang kilala sa taguring Matandang Pantas ang nakakita sa kanila at pakutyang nagsabi, “Kahangalan ang ginagawa ninyong ito. Imposibleng iilan lamang kayo’y mahukay ninyo itong dalawang malalaking bundok!” Ang Matandang Hangal ay sumagot, “Pagpanaw ko ay magpapatuloy ang aking mga anak; pagpanaw nila’y naririyan ang aking mga apo, at pagkatapos ay ang kanilang mga anak at mga apo, at ito’y magpapatuloy nang walang katapusan. Mataas man itong mga bundok, ang mga ito ay hindi na tataas pa; at sa bawat kaunting hukay namin ay gayundin ang ibababa ng mga ito. Bakit hindi namin maaalis ang mga ito?” Matapos pabulaanan ang maling palagay ng Matandang Pantas, siya ay nagpatuloy sa paghukay araw-araw at hindi matinag sa kanyang paniniwala. Dahil dito’y naantig ang Diyos at sinugo niya sa lupa ang dalawang anghel na siyang pumasan at nag-alis sa dalawang bundok. Sa kasalukuyan, dalawang malalaking bundok ang buong bigat na dumadagan sa sambayanang Tsino. Ang isa ay ang imperyalismo at ang isa naman ay ang pyudalismo. Ang Partido Komunista ay matagal nang nakapagpasyang hukayin ang mga ito. Dapat tayong magpunyagi at walang humpay na kumilos, at tayo man ay aantig sa puso ng Diyos. Ang ating Diyos ay walang iba kundi ang masa ng sambayanang Tsino. Kapag sila’y tumindig at maghukay kasama natin, bakit hindi natin maaalis ang dalawang bundok na ito?

Kahapon, sa pakikipag-usap ko sa dalawang Amerikanong paalis patungong United States, sinabi kong pilit tayong winawasak ng gubyerno ng United States at ito’y hindi natin mapahihintulutan. Tinututulan natin ang patakaran ng gubyerno ng United States na magbigay ng tulong kay Chiang Kai-shek laban sa mga Komunista. Ngunit dapat nating pag-ibahin, una, ang mamamayan ng United States at ang kanilanggubyerno, at pangalawa, ang mga tagabalangkas ng patakaran sa loob ng gubyerno ng United States at ang kanilang mga tauhan. Sinabi ko sa dalawang Amerikanong iyon, “Sabihin ninyo sa mga tagabalangkas ng patakaran sa inyong gubyerno na pinagbabawalan namin kayong mga Amerikanong pumasok sa mga Pinalayang Purok sapagkat ang patakaran ninyo’y tulungan si Chiang Kai-shek laban sa mga Komunista, kaya dapat kaming mag-ingat. Makapupunta kayo sa mga Pinalayang Purok kung ang layunin ninyo ay labanan ang Hapon, ngunit dapat may kasunduan muna. Hindi namin kayo mapahihintulutang makialam kung saan-saan. Ngayong lantarang ipinahayag ni Patrick J. Hurley1 ang pagtutol sa pakikipagtulungan sa Partido Komunista ng Tsina, bakit nais pa ninyong pumarito at maglibot sa aming mga Pinalayang Purok?”

Ang patakaran ng pamahalaan ng United States na tumulong kay Chiang Kai-shek laban sa mga Komunista ay nagpapamalas ng kawalang-hiyaan ng mga reaksyunaryo sa United States. Ngunit ang lahat ng pakana ng mga reaksyunaryo, Tsino man o dayuhan, na naglalayong pigilin ang mga mamamayang Tsino sa pagkakamit ng tagumpay ay tiyak na mabibigo. Ang mga pwersang demokratiko ay siya ngayong pangunahing agos sa daigdig, samantalang ang reaksyon ay isa lamang pasalungat na agos. Tinatangkang daigin ng reaksyunaryong pasalungat na agos ang pangunahing agos ng pambansang kasarinlan at demokrasyang bayan, ngunit kailanma’y hindi ito magiging pangunahing agos. Ngayon ay may tatlo pang malalaking kontradiksyon sa lumang daigdig na malaon nang tinukoy ni Stalin: una, ang kontradiksyon sa pagitan ng proletaryado at burgesya sa mga bayang imperyalista; pangalawa, ang kontradiksyon sa pagitan ng iba’t ibang bayang imperyalista; at pangatlo, ang kontradiksyon sa pagitan ng mga bayang kolonyal at malakolonyal sa isang panig at mga metropolitanong bayang imperyalista sa kabilang panig.2 Ang tatlong kontradiksyong ito ay hindi lamang patuloy na umiiral kundi lalo pang umiigting at lumalaganap. Dahil sa pag-iral at paglaki ng mga ito, darating ang panahon na tiyak na mapapalis ang reaksyunaryo, anti-Sobyet, anti-Komunista at anti-demokratikong pasalungat na agos na umiiral pa ngayon.

Sa mga sandaling ito ay dalawang kongreso ang idinaraos sa Tsina, ang Ikaanim na Pambansang Kongreso ng Kuomintang at ang Ikapitong Pambansang Kongreso ng Partido Komunista. Ganap na magkaiba ang layunin ng dalawa: ang layunin ng isa ay lipulin ang Partido Komunista at lahat ng demokratikong puwersa sa Tsina at ibulid ang Tsina sa karimlan; ang layunin naman ng isa ay ibagsak ang imperyalismong Hapones at ang mga alipuris nitong pyudal na mga pwersa ng Tsina, at itayo ang isang bagong demokratikong Tsina at sa gayo’y ihatid ang Tsina tungo sa liwanag. Ang dalawang linyang ito ay magkasalungat. Matatag tayong naniniwala na sa pamumuno ng Partido Komunista ng Tsina at sa patnubay ng linya ng Ikapitong Kongreso, makakamit ng sambayanang Tsino ang ganap na tagumpay, samantalang ang kontra-rebolusyonaryong linya ng Kuomintang ay tiyak na mabibigo.

Mga Paliwanag:

1 Si Patrick J. Hurley, isang reaksyunaryong pulitiko ng Partido Republikano, ay nahirang na embahador ng United States sa Tsina sa mga huling araw ng 1944. Noong Nobyembre 1945, napilitan siyang magbitiw sa tungkulin dahil ang pagkatig niya sa anti-Komunistang patakaran ng Kuomintang ay mahigpit na tinutulan ng sambayanang Tsino. Ang hayag na paglaban ni Hurley sa pakikipagtulungan sa Partido Komunista ng Tsina ay ipinahayag noong Abril 2, 1945 sa isang kumperensyang pampahayagan na isinagawa ng Kagawarang Pang-estado ng United States sa Washington. Ang dagdag pang impormasyon ay makukuha sa “Bigo ang Duwetong Hurley-Chiang”.

2 J.V. Stalin, Ang mga Pundasyon ng Leninismo.

Paggunita Kay Norman Bethune
Disyembre 21, 1939

Si Kasamang Bethune,1 isang kasapi ng Partido Komunista ng Canada, ay humigit-kumulang limampung taong gulang nang siya’y ipadala sa Tsina ng Partido Komunista ng Canada at ng Partido Komunista ng United States; hindi niya inalintana ang maglakbay ng libu-libong milya upang tulungan tayo sa Digmang Pagtatanggol Laban sa Hapon. Dumating siya sa Yenan sa tagsibol ng nakaraang taon, kumilos sa Bulubunduking Wutai, at namatay na isang martir habang tumutupad ng tungkulin, bagay na labis nating ipinagdalamhati. Anong diwa itong nag-udyok sa isang dayuhan upang walang pag-iimbot niyang ituring na sarili niyang layunin ang pagpapalaya ng sambayanang Tsino? Ito ay ang diwa ng Internasyunalismo, ang diwa ng Komunismo na dapat matutunan ng bawat Komunistang Tsino. Itinuturo ng Leninismo na ang pandaigdigang rebolusyon ay magtatagumpay lamang kung susuportahan ng proletaryado ng mga bayang kapitalista ang pakikibaka para sa pagpapalaya ng mga mamamayan sa mga kolonya at malakolonya at kung susuportahan ng proletaryado ng mga kolonya at malakolonya ang pakikibaka ng proletaryado sa mga bayang kapitalista. 2 Isinabuhay ni Kasamang Bethune ang ganitong linyang Leninista. Tayong mga Komunistang Tsino ay dapat sumunod sa linyang ito sa ating paggawa. Dapat tayong makiisa sa proletaryado ng lahat ng bayang kapitalista, sa proletaryado ngJapan, Britain, United States, Germany, Italy at lahat ng bayang kapitalista, sapagkat sa ganitong paraan lamang maibabagsak ang imperyalismo, mapalalaya ang ating bansa at ang mga mamamayan, at mapalalaya ang mga bansa at mga mamamayan ng daigdig. Ito ang ating internasyunalismo, ang internasyunalismong ipinansasalungat natin kapwa sa makitid na nasyunalismo at makitid na patriyotismo.

Ang diwa ni Kasamang Bethune, ang kanyang taus-pusong pagmamahal sa kapwa nang walang pagsasaalang-alang sa sarili, ay ipinamalas sa kanyang walang hanggang pagpapahalaga sa kanyang gawain at sa kanyang malaking pagmamalasakit sa lahat ng mga kasama at sa mamamayan. Dapat matuto sa kanya ang bawat Komunista. Hindi iilang tao ang iresponsable sa kanilang gawain, higit na nagnanais ng magaan at umiiwas sa mabigat, ipinapasa sa iba ang mabibigat na gawain at pinipili ang madadaling gawain para sa sarili. Sa bawat pagkakataon ay iniisip muna nila ang sarili bago ang iba. Kapag nakagawa ng kaunting tulong ay lumalaki ang kanilang ulo at ipinagyayabang ang nagawa sa takot na baka hindi malaman ng iba. Wala silang malasakit sa mga kasama at sa mga mamamayan, bagkus ay malamig, mapagwalambahala at walang sigla. Sa katunayan, ang mga taong ito ay hindi mga Komunista, o kaya’y hindi maituturing na tunay na mga Komunista. Sinumang magbalik mula sa larangan ay nagpapahayag ng paghanga kay Bethune tuwing mababanggit ang kanyang ngalan, at walang hindi naaantig ng kanyang diwa. Sa hanggahang purok ng Shansi-Chahar-Hopei, sa mga kawal na ginamot ni Dr. Bethune o nakakita kung paano siya kumilos ay walang hindi naantig. Dapat matutuhan ng bawat Komunista ang tunay na diwang komunista ni Kasamang Bethune.

Si Kasamang Bethune ay isang doktor, ang sining ng panggagamot ang kanyang propesyon at patuloy niyang pinagbubuti ang kanyang kakayahan na naging bukambibig sa serbisyo medikal ng Hukbo ng Ikawalong Ruta. Ang kanyang halimbawa ay isang mabuting aral sa mga taong nais na magpalit ng kanilang gawain tuwing may nakikita silang bagay na naiiba at sa mga taong naiinis sa gawaing teknikal na ipinapalagay nilang walang kabuluhan o walang magandang hinaharap.

Minsan lamang kami nagtagpo ni Kasamang Bethune. Pagkaraan niyon, madalas siyang sumulat sa akin. Ngunit abalang-abala ako noon at minsan ko lamang siyang sinulatan at ni hindi ko alam kung natanggap niya ang sulat ko. Labis akong nalulungkot sa kanyang pagkamatay. Ngayo’y pinararangalan natin siya, bagay na nagpapakita kung gaano kalalim ang inspirasyong dulot ng kanyang diwa. Dapat matutuhan nating lahat mula sa kanya ang diwa ng ganap na di pagkamakasarili. Sa pamamagitan ng diwang ito, ang bawat isa ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa mamamayan. Malaki man o maliit ang kakayahan ng isang tao, kung taglay niya ang diwang ito, isa na siyang taong marangal at wagas ang loob, isang taong may integridad at nakapangingibabaw sa bulgar na mga interes, isang taong may halaga sa sambayanan.

Mga Paliwanag:

1 Ang tanyag na siruhanong si Norman Bethune ay kasapi ng Partido Komunista ng Canada. Noong 1936, nang salakayin ng mga bandidong pasistang Aleman at Italyano ang Espanya, nagtungo siya sa larangan at naglingkod sa mamamayang Espanyol na laban sa pasismo. Upang matulungan ang sambayanang Tsino sa kanilang Digmang Pagtatanggol Laban sa Hapon, pinamunuan niya ang isang pangkat ng manggagamot at nagtungo sa Tsina. Dumating siya sa Yenan nang tagsibol ng 1938. Hindi nagtagal ay nagtungo siya sa hanggahang purok ng Shansi-Chahar-Hopei. Taglay ang maalab na diwa ng internasyunalismo at ang dakilang diwa ng komunismo, pinaglingkuran niya ang hukbo at mamamayan ng mga Pinalayang Purok nang halos dalawang taon. Nalason ang kanyang dugo habang nag-oopera siya ng sugatang mga kawal at bunga nito’y namatay siya sa Tangshien, Hopei noong ika-12 ng Nobyembre 1939.

2 J.V. Stalin, Ang mga Pundasyon ng Leninismo.

Bakahin ang Liberalismo
Setyembre 7, 1937

Naninindigan tayo sa masiglang tunggaliang pang-ideolohiya sapagkat ito ang sandatang tumitiyak sa pagkakaisa sa loob ng Partido at sa mga rebolusyonaryong organisasyon para sa kapakanan ng ating pakikipaglaban. Dapat gamitin ng bawat Komunista at rebolusyonaryo ang sandatang ito.

Ngunit tinatangihan ng liberalismo ang tunggaliang pang-ideolohiya at pinaninindigan nito ang di makaprinsipyong kapayapaan, kung kaya ito’y nagbubunga ng pag-iisip na bulok at pilisteyo at nagiging dahilan ng pag-urong sa pulitika sa ilang yunit at tao sa loob ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyon.

Ang liberalismo ay nakikita sa iba’t ibang paraan.

1. Palampasin ang mga bagay-bagay alang-alang sa kapayapaan at pagkakaibigan kapag ang isang tao ay maliwanag na nagkamali at umiwas sa makaprinsipyong pangangatwiran sapagkat siya ay isang matagal nang kakilala, isang kababayan, isang kamag-aral, isang matalik na kaibigan, isang minamahal, isang malaon nang kasamahan o isang malaon nang tauhan. O kaya’y banggitin ang usapin nang pahapyaw sa halip na talakayin ito nang lubusan upang mapanatili ang mabuting pagsasamahan. Dahil dito, ang organisasyon at ang indibidwal ay kapwa napipinsala. Ito ay isang tipo ng liberalismo.

2. M agpakalulong sa mga iresponsableng pamumuna nang sarilinan sa halip na masiglang magharap ng mga mungkahi sa organisasyon. Tumahimik sa harap ng tao subalit magtsismis sa kanilang likuran, o tumahimik sa harap ng isang pulong at magdadaldal pagkatapos. Ang hindi igalang ang mga prinsipyo ng kolektibong pamumuhay at sa halip ay sumunod sa sariling hilig. Ito ay ikalawang tipo.

3. alampasin ang mga bagay-bagay kung hindi sangkot ang sarili; magsalita nang babahagya hanggat maaari gayong alam na alam kung ano ang pagkakamali, magpakatuso at maniguro at umiwas lamang na mabagsakan ng sisi. Ito ay ikatlong tipo.

4. Sumuway sa mga kautusan at sa halip ay ipagmalaki ang sariling palagay. Humingi ng natatanging konsiderasyon mula sa organisasyon ngunit tumanggi sa disiplina nito. Ito ay ikaapat na tipo.

5. Magpakasasa sa atakeng personal, maghanap ng away, magbulalas ng personal na galit o maghiganti sa halip na makipangatwiran at makitunggali laban sa maling mga palagay alang-alang sa pagkakaisa o kaunlaran o maayos na pagsasakatuparan ng gawain. Ito ay ikalimang tipo.

6. Makarinig ng maling palagay nang hindi sinasagot ang mga ito at makarinig pa ng kontra-rebolusyonaryong mga pahayag nang hindi iniuulat ang mga ito, at sa halip ay pakinggan ang mga ito nang buong kapanatagan na parang walang anumang nangyari. Ito ay ikaanim na tipo.

7. Maparoon sa masa at kaligtaang magsagawa ng propaganda at ahitasyon o kaya’y magsalita sa mga pulong o gumawa ng pagsisiyasat at pagtatanong sa kanila, at sa halip ay ipagwalambahala sila at magpakitang walang pagmamalasakit sa kanilang kapakanan, at makalimot na ang sarili ay isang Komunista at kumilos na parang karaniwang di-Komunista. Ito ay ikapitong tipo.

8. Makitang ipinapanganib ng isang tao ang kapakanan ng masa ngunit hindi makaramdam ng pagngingitngit, o kaya’y pagpayuhan o pigilin siya o makipagpaliwanagan sa kanya, at sa halip ay pabayaan siyang magpatuloy. Ito ay ikawalong tipo.

9. Kumilos nang walang sigla at walang tiyak na balak, o patutunguhan; kumilos nang pawalambahala at magpabasta-basta—"Hanggat mongha ka’y patugtog ka na lamang nang patugtog ng kampana." Ito ay ikasiyam na tipo.

10. Palagay na ang sarili’y nakapaglingkod na nang malaki sa rebolusyon, magmalaki sa pagiging isang beterano, mamuhi sa maliliit na gawain samantalang hindi naman kaya ang malalaking tungkulin, at maging padaskul-daskol sa gawain at tamad sa pag-aaral. Ito ay ikasampung tipo.

11. Mabatid ang sariling mga kamalian ngunit hindi gumawa ng anumang hakbang para iwasto ang mga iyon at maging liberal sa sarili. Ito ay ikalabing-isang tipo.

Marami pa tayong mababanggit na tipo. Ngunit ang labing-isang ito ang pangunahing mga tipo. Ang lahat ng ito ay pagpapakita ng liberalismo.

Ang liberalismo ay lubhang nakapipinsala sa rebolusyonaryong kolektiba. Ito ay kalawang na kumakain sa pagkakaisa, nagpapahina sa pagkakabuklod, nagdudulot ng pagwawalambahala at lumilikha ng kaguluhan. Dahil dito’y nawawala sa rebolusyonaryong hanay ang matibay na pagkakabigkis at mahigpit na disiplina, hindi naisasakatuparan ang mga patakaran at nahihiwalay ang mga organisasyon ng Partido sa masang pinamumunuan ng Partido. Ito ay isang napakasamang tendensya.

Ang liberalismo ay bunga ng petiburges na pagkamakasarili, inuuna nito ang sariling kapakanan at ipinapangalawa lamang ang kapakanan ng rebolusyon, at ito’y nagbibigay-daan sa liberalismo sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Itinuturing ng mga taong liberal na abstraktong dogma ang mga prinsipyo ng Marxismo. Sinasang-ayunan nila ang Marxismo, ngunit hindi naman handang isabuhay ito o isabuhay ito nang lubos; hindi sila handang ipalit ang Marxismo sa kanilang liberalismo. Taglay ng mga taong ito ang kanilang Marxismo, ngunit taglay pa rin nila ang kanilang liberalismo – sinasambit nila ang Marxismo ngunit isinasabuhay ang liberalismo; inilalapat nila ang Marxismo sa iba ngunit liberalismo naman sa sarili. Itinatago nila ang dalawang uri ng kagamitang ito at nakakakita ng akmang paggagamitan ng bawat isa. Ganito ang takbo ng isip ng ilang tao.

Ang liberalismo ay pagpapakita ng oportunismo at pundamental na salungat sa Marxismo. Ito ay negatibo, at obhetibong nakakatulong sa kaaway; kung kaya’t ikinatutuwa ng kaaway ang pananatili nito sa ating hanay. Sapagkat ganyan ang katangian nito, hindi ito dapat magkaroon ng puwang sa hanay ng rebolusyon.

Dapat nating gamitin ang Marxismo, na may positibong diwa, upang mapangibabawan natin ang liberalismo na mayroon namang negatibong diwa. Ang isang Komunista ay dapat magtaglay ng malawak na pag-iisip, dapat siyang maging matatag at masigasig; dapat niyang ituring na pinakabuhay niya ang kapakanan ng rebolusyon at ipailalim ang personal na kapakanan sa kapakanan ng rebolusyon; kailanman at saanman ay dapat siyang manindigan sa prinsipyo at magbunsod ng walang-pagod na pakikitunggali sa lahat ng maling kaisipan at kilos, upang ikonsolida ang kolektibong pamumuhay ng Partido at palakasin ang pagkakabuklod ng Partido at ng masa; dapat niyang pagmalasakitan ang Partido at ang masa nang higit kaninuman; at pagmalasakitan ang iba nang higit sa sarili. Sa gayon lamang siya maituturing na Komunista.

Ang lahat ng tapat, tunay, masigasig at matuwid na Komunista ay dapat magkaisa upang labanan ang tendensyang maging liberal na ipinakikita ng ilang taong kasama natin, at akayin sila sa tamang landas. Isa ito sa mga tungkulin sa ating larangang pang-ideolohiya.

Tungkol sa Pagwawasto sa Mga Maling Kaisipan sa Loob ng Partido
Disyembre 1929

(Ang artikulong ito ay isang resolusyong sinulat ni Kasamang Mao Zedong para sa Ikasiyam na Kongreso ng Partido ng Ikaapat na Hukbo na Pulang Hukbo. Ang pagbubuo ng armadong lakas ng mga mamamayan ng Tsina ay napakahirap. Ang Pulang Hukbo ng Tsina (na naging Hukbo ng Ikawalong Ruta at Bagong Ikaapat na Hukbo noong Digmang Pagtatanggol Laban sa Hapon at ngayo’y Hukbong Mapagpalaya ng Bayan) ay nilikha noong Agosto 1, 1927, noong Pag-aalsa ng Nanchang. Nang sumapit ang Disyembre 1929, mahigit na itong dalawang taon. Sa panahong iyon, malaki ang natutuhan at napakayamang karanasan ang nakuha ng organisasyon ng Partido Komunista sa Pulang Hukbo sa pakikibaka nito laban sa iba’t ibang maling kaisipan. Ang karanasang iyon ay nilagom ng resolusyong ito. Dahil dito’y nabuo ang Pulang Hukbo sa tanging batayan ng Marxismo-Leninismo at napawi ang lahat ng hibo ng lumang tipong mga hukbo. Bukod sa Ikaapat na Hukbo ay ganito rin ang sunud-sunod na isinagawa ng iba pang yunit ng Pulang Hukbo; dahil dito’y naging isang tunay na hukbo ng mamamayan ang buong Pulang Hukbo ng Tsina sa lahat ng bagay. Sa nakaraang mahigit na 30 taon, ang armadong lakas ng mamamayan ng Tsina ay nakatamo ng napakalalaking pagsulong at pagbabago sa mga pagkilos at gawaing pampulitika pampartido, na ngayo’y ibang-iba na kung mamalasin, bagamat ang saligang linya ay katulad pa rin ng linyang nakalatag sa resolusyong ito.)

Sa organisasyon ng Partido Komunista sa Ikaapat na Pulang Hukbo ay umiiral ang iba’t ibang di proletaryong kaisipan na lubusang nakasasagabal sa pagsasabuhay ng wastong linya ng Partido. Kung hindi puspusang iwawasto ang mga kaisipang ito, hindi maisasabalikat ng Ikaapat na Hukbo ang mga tungkuling iniatas dito sa dakilang rebolusyonaryong pakikibaka ng Tsina. Mangyari pa, kaya nagkaroon ng ganitong mga maling kaisipan sa organisasyong ito ng Partido ay sapagkat ang karamihan ng mga kasapi ng mga saligang yunit nito ay mga magsasaka at iba pang elementong galing sa petiburgesya; gayunman, umiral at lumaki na rin ang mga iyon sapagkat hindi naglunsad ang mga namumunong organo ng Partido ng magkakaugnay at puspusang pakikibaka laban sa maling mga kaisipang iyon at hindi nito itinuro sa mga kasapi ang wastong linya ng Partido. Alinsunod sa diwa ng liham ng Komite Sentral noong Setyembre, inilalahad na ngayon nitong kongreso ang mga manipestasyon ng iba’t ibang kaisipang di proletaryo sa organisasyon ng Partido sa Ikaapat na Hukbo, gayundin ang pinagmumulan at mga paraan ng pagwawasto sa mga ito. Tinatawagan ang mga kasama na lubusang pawiin ang mga ito.

Tungkol sa Lantay na Pananaw Militar

Malubhang-malubha na ang lantay na pananaw militar sa ilang kasama sa Pulang Hukbo. Nakikita ito sa mga sumusunod:

1. Itinuturing ng mga kasamang ito na magkasalungat ang usaping militar at ang pulitika, at ayaw nilang tanggapin na ang usaping militar ay isa lamang paraan upang matupad ang mga tungkuling pampulitika. Sinabi pa ng ilan, “Kung mahusay ka sa militar, natural na mahusay ka sa pulitika; kung hindi ka mahusay sa militar, hindi ka magiging mahusay sa pulitika” – ang ganito’y higit na malubhang palagay at pagbibigay pa nga ng mas mahalagang papel sa usaping militar kaysa pulitika.

2. Sa akala nila, ang tungkulin ng Pulang Hukbo, tulad ng Puting hukbo, ay lumaban lamang. Hindi nila nauunawaang ang Pulang Hukbo ng Tsina ay isang armadong pangkat para sa pagpapatupad ng mga tungkulin ng rebolusyon. Lalung-lalo na sa kasalukuyan, ang Pulang Hukbo ay talagang hindi dapat magkasya sa paglaban lamang; bukod sa paglaban upang puksain ang lakas militar ng kaaway, dapat nitong isabalikat ang mahahalagang tungkulin na gaya ng pagpopropaganda sa masa, pag-oorganisa sa masa, pagsasandata sa kanila, pagtulong sa kanila sa pagtatatag ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika at pagtatayo ng mga organisasyon ng Partido. Ang Pulang Hukbo ay lumalaban hindi upang lumaban lamang kundi upang magsagawa ng propaganda sa masa, organisahin sila, sandatahan sila, at tulungan silang makapagtatag ng rebolusyonaryong kapangyarihang pampulitika. Kung wala ang mga layuning ito, mawawalan ng kahulugan ang pakikilaban at mawawala ang dahilan para manatili pa ang Pulang Hukbo.

3. Kaya naman, sa larangan ng organisasyon ay ipinaiilalim ng mga kasamang ito ang mga kagawaran ng Pulang Hukbo na tumutupad ng gawaing pampulitika sa mga kagawarang tumutupad ng gawaing militar, at inihaharap ang islogang “Hayaang ang Punong Himpilan ng Hukbo ang humawak sa mga usaping panlabas”. Kung pababayaang lumubha, ang kaisipang ito ay hahantong sa panganib na mawalay sa masa, makontrol ng hukbo ang gubyerno at malayo sa proletaryong pamumuno – ang ganito’y pagtahak sa landas ng pamamanginoong-militar, tulad ng ginawa ng hukbong Kuomintang.

4. Kaalinsabay nito, sa gawaing propaganda ay kinaligtaan nila ang kahalagahan ng mga pangkat pampropaganda. Sa usapin ng organisasyong masa, kinaligtaan nila ang pag-oorganisa ng mga komite ng mga kawal sa hukbo at ang pag-oorganisa sa mga manggagawa at magsasaka sa lokalidad. Bunga nito’y napapabayaan ang gawaing propaganda at gawaing pang-organisasyon.

5. Lumalaki ang kanilang ulo kapag nananalo sa labanan, nawawalan naman ng loob kapag natatalo.

6. Makasariling departmentalismo – iniisip lamang nila ang Ikaapat na Hukbo at hindi nila nababatid na ang isang mahalagang tungkulin ng Pulang Hukbo ay sandatahan ang masa sa pook. Ang ganito’y pinalaking anyo ng pagpapangkat-pangkat.

7. Palibhasa’y nakapako ang pananaw sa makitid nilang kapaligiran sa Ikaapat na Hukbo, naniniwala ang ilang kasama na wala nang ibang rebolusyonaryong pwersa. Ito ang dahilan ng kanilang labis na pagkahaling sa kaisipang pangangalaga ng pwersa at pag-iwas sa labanan. Ito ay labi ng oportunismo.

8. Ang ilang kasama, na hindi nagsasaalang-alang sa mga kalagayang suhetibo at obhetibo, ay may sakit na rebolusyonaryong kapusukan; ayaw nilang magtiyaga sa masusi at masinsing gawain sa piling ng masa, bagkus ay nais lamang gumawa ng malalaking bagay, palibhasa’y puno ng maling haka-haka. Ito ay labi ng putsismo.1

Ang sumusunod ang mga pinanggagalingan ng lantay na pananaw-militar:

1. Mababang kamulatang pampulitika. Dito nagmumula ang hindi pagkilala sa ginagampanang papel ng pamumunong pampulitika sa hukbo at ang hindi pagkilala sa pundamental na kaibhan ng Pulang Hukbo at Puting hukbo.

2. Ang mentalidad ng mga mersenaryo. Marami sa mga nabihag sa nakaraang mga labanan ang sumapi sa Pulang Hukbo, at dala ng ganitong mga elemento ang kapansin-pansing mersenaryong pananaw, kaya nagkakaroon ng batayan ang lantay na pananaw-militar sa mabababang baitang.

3. Mula sa dalawang naunang dahilan ay sumusulpot ang ikatlo, ang labis na pagtitiwala sa lakas militar at kawalan ng pagtitiwala sa lakas ng masa ng sambayanan.

4. Ang hindi puspusang pag-asikaso at pagtalakay ng Partido sa gawaing militar ay isa ring dahilan ng paglitaw ng lantay na pananaw militar sa hanay ng ilang kasama.

Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang sumusunod:

1. Itaas ang kamulatang pampulitika sa Partido sa pamamagitan ng edukasyon, kitlin ang ugat sa teorya ng lantay na pananaw militar at linawin ang pundamental na kaibhan ng Pulang Hukbo sa Puting hukbo. Kaalinsabay nito’y pawiin ang mga labi ng oportunismo at putsismo at lansagin ang makasariling departmentalismo sa Ikaapat na Hukbo.

2. Pag-ibayuhin ang pagsasanay sa pulitika ng mga pinuno at kawal, lalung-lalo na ang edukasyon ng mga dating bihag. Kaalinsabay nito, hanggat maaari ay hayaang pumili ang mga lokal na gubyerno ng mga manggagawa at magsasakang may karanasan sa pakikibaka na isasapi sa Pulang Hukbo, upang mapahina o kaya’y mapuksa ang lantay na pananaw-militar sa larangan ng organisasyon.

3. Pakilusin ang mga lokal na organisasyon ng Partido upang punahin ang mga organisasyon ng Partido sa Pulang Hukbo at pakilusin din ang mga organo ng kapangyarihang pampulitika ng masa upang punahin ang Pulang Hukbo mismo, nang sa gayo’y maimpluwensyahan ang mga organisasyon ng Partido at mga pinuno at kawal ng Pulang Hukbo.

4. Dapat na aktibong asikasuhin at talakayin ng Partido ang gawaing militar. Ang lahat ng gawain ay dapat munang talakayin at pagpasyahan ng Partido bago ipatupad ng karaniwang mga kasapi.

5. Gumawa ng mga alituntunin para sa Pulang Hukbo na malinaw na nagtatakda sa mga tungkulin nito, sa kaugnayan ng aparatong militar sa aparatong pampulitika, sa kaugnayan ng Pulang Hukbo sa masa ng sambayanan, at sa mga kapangyarihan at tungkulin ng mga komite ng kawal, at sa kaugnayan ng mga ito sa mga organisasyong militar at pampulitika.

Tungkol sa Ultrademokrasya

Sapul nang tanggapin ng Ikaapat na Hukbo ng Pulang Hukbo ang mga direktiba ng Komite Sentral, nabawasan nang malaki ang mga manipestasyon ng ultrademokrasya. Halimbawa, mahusay-husay na ngayong isinasagawa ang mga kapasyahan ng Partido; at wala na ngayong naghaharap ng maling mga kahilingan, tulad ng kahilingang dapat isagawa ng Pulang Hukbo “ang demokratikong sentralismo mula sa ibaba pataas” o kaya’y dapat nitong “ipatalakay muna ng mga nasa mababang antas ang lahat ng usapin bago pagpasyahan ng mga nasa mataas na antas”. Ngunit sa katunayan, ang pagkabawas na ito ay pansamantala at mababaw lamang at hindi nangangahulugang napawi na ang mga ideyang ultrademokratiko. Sa madaling sabi, malalim pa ang pagkakaugat ng ultrademokrasya sa isipan ng maraming kasama. Masdan ang iba’t ibang ekspresyon ng bantulot na pagtupad sa mga kapasyahan ng Partido.

Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang sumusunod:

1. Sa larangan ng teorya, kitlin ang ugat ng ultrademokrasya. Una, dapat ipakita na ang ultrademokrasya ay mapanganib sapagkat pinipinsala o ganap na winawasak pa nito ang organisasyon ng Partido at pinahihina o ganap na sinisira pa nito ang kakayahan ng Partido sa pakikibaka, kung kaya hindi makayang gampanan ng Partido ang mga tungkulin nito sa pakikibaka, bagay na nagiging dahilan ng pagkatalo ng rebolusyon. Pangalawa, dapat ipakita na ang pinagmumulan ng labis na demokrasya ay ang indibidwalistang pagkamuhi ng petiburgesya sa disiplina. Kapag dinala ang ganitong ugali sa Partido, ito ay nagiging ultrademokratikong mga ideya sa larangan ng pulitika at organisasyon. Ang mga ideyang ito ay hinding-hindi naaangkop sa mga tungkulin sa pakikibaka ng proletaryado.

2. Sa larangan ng organisasyon, tiyaking may demokrasya sa ilalim ng sentralisadong pamumuno. Dapat itong gawin sa sumusunod na paraan:

a. dapat magbigay ang mga namumunong organo ng Partido ng wastong linya ng pamamatnubay at humanap ng kalutasan kung may limitaw na suliranin upang itakda ang batayan ng wastong pamamatnubay.

b. Dapat na malamang mabuti ng mga nakatataas na organo ang pamumuhay ng masa at ang kalagayan sa mga nakabababang organo upang magkaroon ng obhetibong batayan para sa wastong wastong pamamatnubay.

k. Walang organisasyon ng Partido sa anumang antas ang dapat gumawa nang ganoon na lamang ng mga kapasyahan sa paglutas ng mga suliranin. Kapag napagkasunduan na ang isang kapasyahan, dapat itong mahigpit na ipatupad.

d. Ang lahat ng kapasyahan, anuman ang kahalagahan nito, ng mga nakatataas na organo ng Partido ay dapat na ipabatid agad sa mga nakabababang organo at sa karaniwang mga kasapi ng Partido. Ito’y magagawa sa pamamagitan ng pagtawag ng mga pulong ng mga aktibista o ng mga pangkalahatang pulong ng mga kasapi ng mga sangay ng Partido at maging ng mga kolum2 (kung ipinahihintulot ng kalagayan) at sa pamamagitan ng pagtatakda kung sino ang mag-ulat sa mga pulong.

e. Dapat masusing talakayin ng mga nakabababang organo ng Partido at ng karaniwang mga kasapi ng Partido ang mga direktiba ng mga nakatataas na organo upang maunawaan nang lubusan ang kahulugan ng mga ito at mapagpasyahan kung paano ipatutupad ang mga ito.

Tungkol sa Pagsuway sa Disiplinang Pang-organisasyon

Ang pagsuway sa disiplinang pang-organisasyon sa organisasyon ng Partido sa Ikaapat na Hukbo ay nakikita sa mga sumusunod na paraan.

1. Ang hindi pagsunod ng minorya sa mayorya. Halimbawa, kapag ang mungkahi ng minorya ay natalo sa botohan, hindi nito ipinatutupad nang tapat ang mga kapasyahan ng Partido.

Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang mga sumusunod:

a. Sa mga pulong, ang lahat ng kalahok ay dapat pahintulutang magpahayag nang lubusan, hanggat maaari, ng kanilang mga palagay. Ang tama at mali sa anumang pinagtatalunan ay dapat linawin nang hindi nakikipagkompromiso o nagbibigay ng pahapyaw na paliwanag. Upang makarating sa malinaw na kapasyahan, ang anumang hindi malutas sa isang pulong ay dapat talakayin sa isa pang pulong, kung hindi makaaabala sa gawain.

b. Ang isang kailangan sa disiplina ng Partido ay ang pagsunod ng minorya sa mayorya. Kung ang palagay ng minorya ay tinanggihan, dapat nitong suportahan ang kapasyahang pinagtibay ng mayorya. Kung kinakailangan, maaari nitong iharap sa susunod na pulong ang usapin para sa rekonsiderasyon; subalit bukod dito, hindi dapat kumilos ito nang labag sa kapasyahan sa anumang paraan.

2. Pamumuna nang hindi isinasaalang-alang ang disiplina ng organisasyon:

a. Ang punahan sa loob ng Partido ay isang sandata para mapalakas ang organisasyon ng Partido at mapag-ibayo ang kakayahan nitong makibaka. Gayunman, sa organisasyon ng Pulang Hukbo, hindi laging ganito ang katangian ng pamumuna, at kung minsan pa’y nagiging pag-atakeng personal. Bunga nito, napipinsala ang organisasyon ng Partido at gayundin ang mga kasapi. Isa itong manipestasyon ng indibidwalismong petiburges. Maiwawasto ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga kasapi ng Partido upang maunawaan nila na ang layunin ng pamumuna ay ang pag-ibayuhin ang kakayahan ng Partido sa pakikibaka tungo sa ikapagtatamo ng tagumpay sa tunggalian ng mga uri; hindi ito dapat gamitin para sa pag-atakeng personal.

b. Maraming kasapi ng Partido ang pumupuna hindi sa loob kundi sa labas ng Partido. Ito’y sapagkat hindi pa nauunawaan ng mga karaniwang kasapi ang kahalagahan ng organisasyon ng Partido (ang mga pulong nito at iba pa), at hindi nila nakikita ang kaibhan ng pagpuna sa loob at pagpuna sa labas ng organisasyon. Ang paraan ng pagwawasto ay ang edukasyon sa mga kasapi ng Partido upang maunawaan nila ang kahalagahan ng organisasyon ng Partido at upang punahin nila ang mga Komite ng Partido o ang mga kasama sa mga pulong ng Partido.

Tungkol sa Kaisipang Absolutong Pagkakapantay-pantay

Ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay ay naging napakalubha sa Pulang Hukbo. Narito ang ilang halimbawa. Kaugnay ng alawans sa sugatang mga kawal, may mga tumututol sa pag-iiba-iba sa malulubhang kaso at sa di naman gaanong malulubha at humiling na pagpantayin ang alawans para sa lahat. Kapag sakay ng kabayo ang mga pinuno, ang tingin dito’y hindi bilang bagay na kailangan sa pagtupad sa tungkulin kundi bilang tanda ng di pagkakapantay-pantay. May humiling na pagpantay-pantayin ang pamamahagi ng panustos, at may tumutol sa pagbibigay ng malaki-laking parte para sa espesyal na mga kaso. Sa paghahakot ng bigas, may humiling na ang dapat pasanin ng lahat, anuman ang edad o kakayahan ng katawan, ay pare-parehong bigat. May humiling ng pagkakapantay-pantay sa pamamahagi ng matitirhan, at binabatikos ang Punong Himpilan sapagkat mas malalaking silid ang ginagamit nito. May humiling na pagpantay-pantayin ang pagtatakda ng mabibigat na tungkulin, at mayroon pang ayaw gumawa nang hihigit nang kaunti kaysa ibang tao. Humantong pa ito sa pagkakataon na kapag may dalawang sugatang kawal at iisa lamang ang istretser, walang mabubuhat sapagkat ayaw magbigayan ang dalawa. Tulad ng ipinakikita ng mga halimbawang ito, ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay ay napakalubha pa sa hanay ng mga pinuno at mga kawal ng Pulang Hukbo.

Ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay, tulad ng ultrademokrasya sa mga suliraning pampulitika, ay bunga ng isang ekonomyang yaring-kamay at maliit na magsasaka – ang kaibhan lamang ay nakikita ang isa (absolutong pagkakapantay-pantay) sa mga usaping materyal samantalang ang isa naman (ultrademokrasya) ay nakikita sa mga usaping pampulitika.

Ang paraan ng pagwawasto: Dapat nating ipakita na bago mapawi ang kapitalismo, ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay ay isa lamang maling haka-haka ng mga magsasaka at maliliit na nagmamay-ari, at maging sa sosyalismo ay hindi maaaring magkaroon ng absolutong pagkakapantay-pantay, sapagkat ang mga bagay ay ipamamahagi alinsunod sa prinsipyong “mula sa bawat isa ayon sa kanyang kakayahan, para sa bawat isa ayon sa kanyang nagawa” at alinsunod din sa pagtugon sa mga hinihingi ng gawain. Ang pamamahagi ng mga materyal na pangangailangan sa Pulang Hukbo, humigit-kumulang, ay dapat maging pantay, tulad ng pantay na sahod sa mga pinuno at kawal, sapagkat ito ay hinihingi ng kasalukuyang kalagayan ng pakikibaka. Ngunit ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay na hindi makatwiran ay dapat tutulan sapagkat ito ay hindi hinihingi ng pakikipaglaban, bagkus ay nagiging sagabal pa sa pakikipaglaban.

Tungkol sa Suhetibismo

Sa hanay ng ilang kasapi ng Partido ay umiiral din nang may kalubhaan ang suhetibismo. Malaking pinsala ang ginagawa nito sa pagsusuri ng kalagayang pampulitika at sa pagpatnubay sa gawain. Ito’y sapagkat ang suhetibong pagsusuri sa isang kalagayang pampulitika at ang suhetibong pagpatnubay sa gawain ay tiyak na hahantong sa oportunismo o sa putsismo. Kaugnay ng suhetibong pamumuna, walang pakundangan at walang batayang usapan o paghihinala, ang mga gawaing ito sa loob ng Partido ay madalas pagmulan ng di makaprinsipyong alitan at nakapagpapahina sa organisasyon ng Partido.

Isa pang puntong dapat banggitin kaugnay ng pamumuna sa loob ng Partido ay ito: kinaliligtaan ng ilang kasama ang mahahalagang isyu at itinutuon ang pansin sa maliliit na bagay kapag sila’y pumupuna. Hindi nila nauunawaan na ang pangunahing tungkulin ng pamumuna ay ilantad ang mga kamalian sa pulitika at organisasyon. Kaugnay ng personal na mga pagkukulang, kung ang mga ito ay hindi kaugnay ng mga pagkakamali sa pulitika at organisasyon, hindi na kailangang magpakalabis sa pagpuna o manghiya ng mga kasamang kinauukulan. Bukod dito, kapag lumala ang ganitong pamumuna, may panganib na itutuon ng mga kasapi ng Partido ang kanilang pansin sa maliliit na kamalian lamang, at magiging kimi at labis na maingat ang lahat at makalilimot sa mga tungkuling pampulitika ng Partido.

Ang pangunahing paraan ng pagwawasto ay turuan ang mga kasapi ng Partido upang mamayani sa kanilang isipan at buhay-pampartido ang diwang pampulitika at syentipiko. Upang matamo ito, dapat nating:

1. ituro sa mga kasapi ng Partido ang paggamit ng Marxista-Leninistang paraan ng pagsusuri ng kalagayang pampulitika at pagtatasa sa mga pwersang makauri sa halip na gumawa ng suhetibong pagsusuri at pagtatasa;

2. ituon ang pansin ng mga kasapi ng Partido sa pagsisiyasat at pag-aaral ng lipunan at ekonomya upang malaman ang mga taktika sa pakikibaka at paraan ng paggawa at upang matulungan ang mga kasama na maunawaan na kung walang pagsisiyasat sa mga tunay na kalagayan ay mahuhulog sila sa hukay ng haka-haka at putsismo; at

3. sa pagpuna sa loob ng Partido, magbantay laban sa pagiging suhetibo, pagiging di makatwiran at bulgarisasyon ng pamumuna; dapat ibatay ang mga inilalahad sa katotohanan at dapat ituon ang pamumuna sa pulitika.

Tungkol sa Indibidwalismo

Ang tendensya sa indibidwalismo sa organisasyon ng Pulang Hukbo ay makikita sa mga sumusunod na paraan:

1. Pagganti. Pagkaraang mapuna ng isang kasamang kawal sa loob ng Partido, ang ilang kasama ay naghahanap ng pagkakataong makaganti sa labas ng Partido at isang paraan ang pambubugbog o pag-alimura sa kasamang nabanggit. Hinangad din nilang gumanti sa loob ng Partido. “Pinuna mo ako sa pulong na ito, kaya sa susunod na pulong hahanap ako ng paraan upang makaganti sa iyo.” Sa ganitong pagganti ay personal lamang ang mga dahilan, bagay na nagbubunga ng pagkaligta sa kapakanan ng uri at ng Partido sa kabuuan. Ang target ng pagganting ito ay hindi ang kaaway na uri, kundi ang mga tao sa sarili nating hanay. Ito ay kalawang na sumisira sa organisasyon at nagpapahina sa kakayahan nitong makibaka.

2. Mentalidad ng “maliit na grupo”. Pinagmamalasakitan ng ilang kasama ang kapakanan ng sarili nilang maliit na grupo lamang at kinaliligtaan ang pangkalahatang kapakanan. Bagamat kung mamasdan ay waring hindi ito paghahabol sa personal na kapakanan, sa katotohanan ay halimbawa ito ng pinakamakitid na indibidwalismo at nagiging sanhi ng pagkasira at pagkawatak-watak ng organisasyon. Minsa’y naging laganap ang kaisipang “maliit na grupo”, at kahit may kaunti nang pagbabago bunga ng pamumuna, mayroon pa ring mga labi at kailangan pa ang ibayong pagsisikap upang ito’y mapawi.

3. Ang mentalidad na “empleyado”. Hindi nauunawaan ng ilang kasama na ang Partido at ang Pulang Hukbo na kinasasaniban nila ay kapwa kasangkapan sa pagtupad ng mga tungkulin ng rebolusyon. Hindi nila nababatid na sila mismo ang tagapaglikha ng rebolusyon, at inaakalang ang pananagutan nila’y sa mga taong nakatataas lamang sa kanila at hindi sa rebolusyon. Ang pasibong kaisipang ito ng pagiging “empleyado” ng rebolusyon ay nagpapakita rin ng indibidwalismo. Ipinapaliwanag nito kung bakit kakaunti ang mga aktibistang naglilingkod nang walang pasubali sa rebolusyon. Kung ito’y hindi papawiin, hindi dadami ang mga aktibista at ang bigat ng rebolusyon ay mananatiling pasan-pasan ng iilan lamang, bagay na makapipinsala sa pakikibaka.

4. Ang paghahanap ng aliw. Sa Pulang Hukbo ay marami-rami rin ang kinakikitaan ng indibidwalismo sa paghahanap ng aliw. Lagi nilang iniisip na sana’y pumasok ang kanilang yunit sa malalaking lunsod. Gusto nilang pumunta roon hindi upang kumilos kundi upang magpasarap. Ayaw na ayaw nilang kumilos sa mga Pulang Purok sapagkat doo’y mahirap ang buhay.

5. Pasibidad. May ilang kasama na nawawalan ng sigasig at tumitigil sa pagkilos tuwing hindi nangyayari ang kanilang gusto. Ang pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan ng edukasyon, bagamat kung minsan naman, dahil ito sa hindi maayos na pamamalakad, pagtatakda ng gawain o pagpapatupad ng disiplina ng pamunuan.

6. Ang pagnanais na umalis sa hukbo. Dumarami ang mga taong humihinging malipat mula sa Pulang Hukbo tungo sa gawaing lokal. Ang dahilan nito ay hindi nakasalalay lamang sa mga taong ito kundi gayundin sa:

a. kahirapang materyal ng pamumuhay sa Pulang Hukbo,

b. matinding pagod pagkaraan ng matagal na pakikilaban, at

k. hindi maayos na pamamalakad ng pamunuan, sa pagtatakda ng gawain o sa pagpapatupad ng disiplina.

Ang paraan ng pagwawasto sa pangunahin ay pag-ibayuhin ang edukasyon upang maiwasto ang indibidwalismo sa larangan ng ideolohiya. Ang pangalawa’y ang pamamalakad, pagtatakda ng mga gawain at pagpapatupad ng disiplina sa maayos na paraan. Bukod dito’y dapat ding humanap ng paraan ng pagpapabuti sa materyal na pamumuhay ng Pulang Hukbo, at bawat pagkakataon na maaari ay dapat gamitin sa pagpapahinga at pagpapanag-uli ng lakas at kalusugan upang mapabuti ang materyal na kalagayan. Sa ating mga gawaing pang-edukasyon, dapat nating ipaliwanag na ang indibidwalismo, sa pinagmulan nito sa lipunan, ay repleksyon sa loob ng Partido ng mga kaisipang petiburges at burges.

Tungkol sa Ideolohiya ng mga Pangkat ng Rebeldeng Lagalag

Ang ideolohiyang pampulitika ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag ay lumitaw sa Pulang Hukbo sapagkat maraming bagamundo sa Pulang Hukbo at sapagkat malaki ang masa ng mga bagamundo sa Tsina, lalung-lalo na sa mga lalawigan sa katimugan. Ang ideolohiyang ito ay nakikita sa mga sumusunod na paraan:

1. Nais ng ilan na palawakin ang ating impluwensyang pampulitika sa pamamagitan ng mga aksyong gerilyang lagalag, subalit ayaw naman nilang palakasin ang impluwensyang ito sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga baseng purok at pagtatatag ng kapangyarihang pampulitika ng mga mamamayan, sapagkat ang ganito’y mahirap gawin.

2. Sa pagpapalawak ng Pulang Hukbo, ang ilan ay tumatahak sa linyang “umupa ng tao at bumili ng kabayo” at “paanibin ang mga takas na kawal at tanggapin ang mga nagsiaklas” 3 sa halip na sa linya ng pagpapalawak ng lokal na Pulang Taliba at mga lokal na tropa nang sa gayo’y mapaunlad ang pangunahing mga pwersa ng Pulang Hukbo.

3. Ang ilan ay walang tiyagang ipagpatuloy ang mahirap na pakikibaka na kasama ang masa, at nais lamang na magtungo sa malalaking lunsod upang magpakasasa sa pagkain at alak. Ang lahat ng manipestasyong ito ng ideolohiya ng mga rebeldeng lagalag ay malaking sagabal sa pagtupad ng Pulang Hukbo sa kaukulang mga tungkulin nito; kaya ang pagpawi nito ay isang napakahalagang layunin sa tunggaliang pang-ideolohiya sa loob ng organisasyon ng Partido sa Pulang Hukbo. Dapat unawain na ang mga gawi ng mga rebeldeng lagalag na katipo nina Huang Chao4 o Li Cuang5 ay hindi mapahihintulutan sa kasalukuyang kalagayan.

Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang mga sumusunod:

1. Pag-ibayuhin ang pag-aaral, punahin ang maling mga kaisipan, at pawiin ang ideolohiya ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag.

2. Pag-ibayuhin ang pag-aaral ng mga batayang seksyon ng Pulang Hukbo at sa hanay ng bagong mga anib na bihag upang bakahin ang pananaw bagamundo.

3. Pasampahin sa hanay ng Pulang Hukbo ang aktibong mga manggagawa at magsasakang may karanasan na sa pakikibaka upang mabago ang kabuuan nito.

4. Lumikha ng bagong mga yunit ng Pulang Hukbo mula sa masa ng militanteng mga manggagawa at magsasaka.

Tungkol sa Labi ng Putsismo

Ang organisasyon ng Partido sa Pulang Hukbo ay naglulunsad na ng pakikibaka laban sa putsismo, bagamat iyo’y hindi pa sapat. Kaya naman, umiiral pa ang labi ng ideolohiyang ito sa Pulang Hukbo. Nakikita ito sa mga sumusunod: (1) bulag na pagkilos na hindi isinasaalang-alang ang mga kalagayang suhetibo at obhetibo; (2) di sapat at di matatag na paglalapat ng mga patakaran ng Partido para sa mga lunsod; (3) maluwag na disiplinang militar, lalung-lalo na kapag natatalo; (4) panununog ng ilang yunit sa mga bahay; at (5) pagbaril sa mga takas mula sa hukbo at pagpaparusang pangkatawan, na kapwa nagpapakita ng putsismo. Sa pinagmulan nito sa lipunan, ang putsismo ay pinagsanib na ideolohiyang lumpenproletaryo at petiburges.

Ang mga paraan ng pagwawasto ay ang mga sumusunod:

1. Pawiin ang putsismo sa ideolohiya.

2. Iwasto ang putsistang mga asal sa pamamagitan ng mga alituntunin at patakaran.

Mga Paliwanag:

1 Sa maikling panahon pagkaraang matalo ang rebolusyon noong 1927, lumitaw sa Partido Komunista ang isang tunguhing kaliwang putsismo. Ipinalagay ng mga kasamang putsista na ang rebolusyong Tsino ay “palagiang rebolusyon” at ang rebolusyonaryong kalagayan ay “palagiang sigwa”, kaya’t ayaw nilang umurong nang maayos; ginamit nila ang mga paraan ng komandismo at umasa sa kakaunting kasapi ng Partido at sa maliit na bahagi ng masa, saka maling tinangkang magbunsod ng sunud-sunod na pag-aalsa sa iba’t ibang pook sa buong bayan, na wala namang pag-asang magtagumpay. Naging laganap ang ganitong mga putsistang pagkilos sa huling dako ng 1927 ngunit unti-unting humupa sa simula ng 1928, bagamat nanatili pa sa ilang kasama ang damdaming maka-putsismo.

2 Sa sistemang gerilya ng organisasyon, ang isang kolum ay katumbas ng isang dibisyon sa hukbong regular; ito’y may pantulong na pwersang mas pleksible at kadalasa’y mas maliit kaysa pantulong na pwersa ng regular na dibisyon.

3 Ang tinutukoy ng dalawang kasabihang Tsinong ito ay ang paraang ginamit ng ilang rebelde sa kasaysayan ng Tsina upang mapalaki ang kanilang pwersa. Sa paggamit ng mga paraang ito ay higit nilang binibigyang-pansin ang bilang kaysa katangian, at lahat ng klase ng tao ay walang pamimiling kinuha nila upang mapalawak ang kanilang hanay.

4 Si Huang Chao ang pinuno ng mga pag-aalsa ng mga magsasaka sa huling dako ng Dinastiyang Tang. Noong 875 AD, mula sa kanyang tinubuang bayang Tsaochow (ngayo’y bayang Hotse sa lalawigang Shantung), pinamunuan ni Huang ang mga magsasaka sa mga matagumpay na pakikipaglaban sa pwersa ng emperyo at tinagurian niya ang sariling “Heneral na Lumulusob sa Langit”. Sa loob ng sampung taon ay pinasok niya ang karamihan sa mga lalawigan sa lambak ng mga Ilog Yellow, Yangtse, Huai at Pearl hanggang sa Kwangsi. Sa wakas ay lumusot siya sa pasong Tungkuan at kinuha ang Changan, kabisera ng emperyo (ngayo’y Sian sa lalawigan ng Shensi), at naging Emperador ng Chi. Dahil sa mga alitang panloob at dahil din sa pananalakay ng mga tribong hindi kabilang sa liping Han at kaalyado ng Dinastiyang Tang, si Huang ay napilitang lumisan sa Changan at umurong sa kanyang bayang tinubuan at doo’y nagpatiwakal siya. Ang sampung taong digmaan na kanyang pinamunuan ay isa sa pinakabantog na digmang magsasaka sa kasaysayan ng Tsina. Ayon sa rekord ng mga historyan ng mga dinastiya, “ang lahat ng taong pinahihirapan ng mataas na buwis at imposisyon ay sumama sa kanya”. Subalit dahil sa pakikidigmang lagalag lamang ang kanyang isinagawa at hindi siya nagtatag ng mga matibay-tibay na baseng purok, ang kanyang mga pwersa ay binansagang “pangkat ng mga rebeldeng lagalag”.

5 Si Li Chuang, palayaw ni Li Tzu-cheng ang Haring Chuang (Ang Haring Humamon sa Lahat), tubo sa Michih ng hilagang Shensi, ay pinuno ng isang himagsikan ng mga magsasaka na nagpabagsak sa Dinastiyang Ming. Nagsimula ang himagsikan sa hilagang Shensi noong 1628. Sumanib si Li sa pwersang pinamumunuan ni Kao Ying-hsiang at kumilos sa Honan at Anhwei, at saka nagbalik sa Shensi. Pagkamatay ni Kao noong 1636, si Li ang humalili sa kanya at naging Haring Chuang. Kumilos si Li sa loob at labas ng mga lalawigang Shensi, Szechuan, Honan at Hupeh. Sa wakas ay nakuha niya ang Beijing na kabisera ng emperyo noong 1644, at kapagkuwa’y nagpakamatay ang kahuli-hulihang emperador ng Dinastiyang Ming. Ang pangunahing islogang pinalaganap niya sa masa ay “Suportahan ang Haring Chuang at huwag nang magbayad ng buwis na ani”. Ayon naman sa isa pang islogang ginamit niya upang ipatupad ang disiplina sa kanyang mga tauhan: “Anumang pamamaslang ay pagpatay sa aking ama at anumang panggagahasa ay paghalay sa aking ina”. Sa gayo’y kinatigan niya ang masa at ang kanyang kilusan ay naging pangunahing agos ng mga pagbabangon ng mga magsasaka na nagliyab sa buong bayan. Palibhasa’y naglagalag din siya at hindi man lamang nagtayo ng mga matibay-tibay na base, siya ay tuluyang natalo ni Wu San-kuei, isang taksil na heneral ng Dinastiyang Ming na nakipagsabwatan sa mga tropa ng Dinastiyang Ching upang sama-samang salakayin si Li.

Ang Mga Saligang Rebolusyonaryong Aktitud*

1. Bakit pinakamahalaga at susing usapin para sa bawat rebolusyonaryo ang tanong na “Para kanino”?

Nagmula tayo sa iba’t ibang sulok ng bayan at nagbuklud-buklod para sa iisang layuning rebolusyonaryo. Ano ang layuning ito? Walang iba kundi ang palayain ang sambayanan mula sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Mulat ang bawat isa sa atin sa tunay na kalagayan ng sambayanang Pilipino. Sumapi tayo sa rebolusyonaryong organisasyon at lumalahok sa rebolusyonaryong kilusan para mag-ambag sa pagkakamit ng sambayanan ng tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Ang tanong na “Para kanino?” ay usapin ng saligang rebolusyonaryong paninindigan. Tayo ba ay para sa malawak na masa, ang mahigit pitumpung milyong Pilipino na naghihirap at inaapi? O para sa iilang dayuhang imperyalista, lokal na komprador burges at panginoong maylupang nagsasamantala at nang-aapi? Kapag malinaw nang nasagot ang katanungan na “Para kanino”, ang lahat ng mga pagsisikap, pag-iisip at paggawa ay maitutuon na para sa paglilingkod sa sambayanan at sa kabuuang pagsisikap para mapahina at maibagsak ang mga kaaway.

Bilang mga rebolusyonaryo, ang ating isip, damdamin at gawa ay lubos nating inuukol sa pagkakamit ng tunay na kalayaan ng bayan at demokrasya para sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino. Sa bawat pagkakataon, sa bawat kilos, ang tugon ng rebolusyonaryo sa tanong na “Para kanino?” ay iisa lamang: para sa masang api at pinagsasamantalahan. Ito ang pinakaubod ng rebolusyonaryong paninindigan.

2. Bakit ang palaging pagsasaalang-alang sa interes at kapakanan ng sambayanan ay buong-pusong paglilingkod sa kanila?

Buong-puso nating mapaglilingkuran ang sambayanan kapag lagi nating isinasaalang-alang ang kapakanan ng sambayanan at ang paghihirap ng lubos na nakararami at itinatanim sa dibdib ang malalim na pagkamuhi sa mga kaaway. Dapat pagsikapan na ang paninindigan sa mga saligang usapin at mga pagkilos ay laging nagsusulong sa interes ng mamamayan at nagpapahina sa kaaway sa lahat ng panahon. Dapat maging masigasig sa pag-alam sa mga suliranin at kalagayan ng masa at mahigpit na makisalamuha at makipagkaisa sa kanila para maitaas ang kanilang kamulatan at maisulong ang pagbubuo ng kanilang lakas at organisasyon at maipagtagumpay ang kanilang mga pakikibaka.

Ang buong-pusong paglilingkod sa sambayanan ay nangangahulugan din ng pagwawaksi ng pagkamakasarili, ng pagwawaksi sa pagpapangibabaw ng makitid na pansariling interes sa halip na pangkalahatang interes o interes ng nakararami. Kapag nangingibabaw ang pagkamakasarili, inuuna ng isang tao ang pakinabang, kagustuhan at interes ng sarili o maliit na grupo at isinasantabi o ipinapailalim dito ang interes ng nakararami. Kaya kung tutuusin, nagsisilbi ang pagkamakasarili hindi lamang sa sariling makitid na interes kundi sa interes ng mga reaksyunaryong nagpapanatili at nagpapasasa sa mapagsamantala at mapang-aping sistema.

3. Bakit dapat linangin ng bawat rebolusyonaryo ang aktitud ng walang humpay at ubos-kayang pagpupunyagi sa wastong linya ng demokratikong rebolusyong bayan?

Mga bundok na pinapasan ng masa ang imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Ginagamit ng mga naghaharing uri ang buong kapangyarihan nila para manatili sa poder at lalong mapatindi ang pagsasamantala at pang-aapi nila sa mamamayan. Tanging sa isang rebolusyon mapapalaya ng malawak na masa ng mamamayan ang sarili nila sa tatlong salot ng lipunan.

Ipinapakita ng kasaysayan na ang masa ang tunay na bayani. Ang rebolusyon ay dili iba’t isang marahas na dambuhalang pagkilos ng masa kung saan nag-aalsa sila para ibagsak ang paghahari ng mga uring mapagsamantala at mapang-api, at para itatag ang kanilang kapangyarihan. Wala pang nagaganap na rebolusyon sa lipunang hindi ang masa ang pangunahing pwersang kumikilos para ibagsak ang mga naghaharing uri. At sa kanilang lakas at talino naitatayo ang bagong lipunan. Sila ang tunay na tagapaglikha ng kasaysayan.

Kailangang pukawin ang masa at itaas ang kanilang kamulatang pampulitika. Kailangang maipaunawa sa masa na ang tatlong salot ang tunay na ugat ng kanilang paghihirap, at nasa nagkakaisang pagkilos nila ang kanilang paglaya. Kailangang matiyagang maipaliwanag sa kanila ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan at organisahin ang kanilang hanay. Kung hindi mapupukaw ang masa na kumilos para sa rebolusyon, wala itong mapagkukunan ng lakas, madali itong madudurog at magagapi ng reaksyon.

Sa pamamagitan ng pagpapalaganap at pagpupunyagi sa linyang ito, nabubuo ang kumpyansa ng mamamayan sa katumpakan at sa tiyak na tagumpay ng rebolusyon. Sa gayon mapupukaw silang lumahok at makiisa rito, at ibigay ang lahat ng kanilang makakaya para umambag sa pagpapalaya ng sambayanan mula sa tatlong salot.

Gaano man kalaki at kalakas ang mga kalaban sa ngayon ay tiyak na magagapi ng higit na makapangyarihang nagkakaisang mamamayan. Dapat walang tigil na magpunyagi ang mga rebolusyonaryo sa demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay. Ito ang susing mensahe sa artikulong “Ang Matandang Hangal na Nagpatag ng mga Bundok”.

4. Bakit kailangan nating magpanibagong-hubog bilang mga rebolusyonaryo?

Bilang mga rebolusyonaryo, tungkulin nating iayon ang ating isip, damdamin at gawa sa tunay na saligang interes ng sambayanang Pilipino. Pero taglay pa ng bawat isa sa atin ang mga kaisipan, ugali at gawi na laganap sa kasalukuyang bulok na lipunan. Lumaki tayo sa lipunang ito na pinaghaharian ng mga uring mapang-api’t mapagsamantala. Hanggang ngayon, patuloy tayong naiimpluwensyahan ng bulok na mga kaisipan ng kasalukuyang lipunan. Kaya importanteng tungkulin ng bawat rebolusyonaryo ang pagpapanibagong-hubog sa sarili.

Binabago natin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng aktibong rebolusyonaryong pagkilos at mulat na pagbaka sa maling mga kaisipan, ugali at gawi. Kung patuloy tayong gumagampan ng mga gawain sa rebolusyon at mapagbantay sa mga kahinaan at kamalian, napapanday natin ang sarili sa gitna ng unos ng pakikibaka laban sa mga kaaway ng sambayanang Pilipino. Higit tayong tatatag at huhusay sa pagrerebolusyon.

Ang pagbabago natin ng sarili ay hindi matatapos sa loob lamang ng ilang oras o ilang araw. Ito’y mahaba at masalimuot na pakikibaka. Kaya kailangan ang patuloy na pagbaka at pagwaksi sa mga nalalabing impluwensya ng bulok na lipunan. Sa gayon, napahuhusay ang rebolusyonaryong paggawa at napatatatag ang ating determinasyong magpursigi sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay.

Binabago natin ang ating mga sarili para malinang ang mga saligang rebolusyonaryong aktitud upang mahusay na makapaglingkod sa masa at mabungang makapag-ambag nang ubos-kaya sa rebolusyon. Ang bawat rebolusyonaryo ay dapat maging

a. buong-pusong tagapaglingkod ng masa at laging malapit sa masa

b. laging handa at walang-takot sa mga sakripisyo’t kamatayan

k. seryoso, masinop at masigasig sa pag-aaral at pagtupad ng mga tungkulin

d. mapagkaisa at mainit sa pakikitungo sa kapwa rebolusyonaryo

e. bukas sa pagtanggap ng mga puna at handang magwasto ng mga kahinaa’t pagkakamali

g. internasyunalista.

5. Paano pinahahalagahan ng rebolusyonaryo ang mga gawain at tungkulin sa rebolusyon?

Lubos na pinahahalagahan ng rebolusyonaryo ang kanyang mga gawain at tungkulin sa rebolusyon. Alam niyang ang mga rebolusyonaryong gawain at tungkulin ay bahagi ng dakilang misyon para mapalaya ang sambayanan mula sa mga kuko ng pagsasamantala at pang-aapi. Ang lubos na pagpapahalaga sa mga gawain at tungkulin ay pagtataguyod ng rebolusyonaryo sa interes ng sambayanang Pilipino.

Ano ang palatandaan ng lubos na pagpapahalaga ng rebolusyonaryo sa kanyang mga gawain at tungkulin? Siya ay seryoso at masinop sa pag-aatupag ng kanyang mga gawain. Taglay niya ang ibayong sigla at sigasig sa pagkilos. Lagi siyang handang tumanggap ng anumang gawaing kailangan para isulong ang rebolusyon.

Ang rebolusyonaryo ay seryoso sa kanyang gawain. Para sa kanya, laging nasa unahan at pangunahin ang pag-atupag ng mga rebolusyonaryong gawain at tungkulin. Ang habol niya ay masinop at maayos na trabaho, hindi iyong pabaya at padaskul-daskol na pagkilos. Lagi siyang nag-aaral at naghahanap ng paraan para lutasin ang mga problema at tupdin ang kanyang mga gawain sa pinakamahusay na paraan.

Ang rebolusyonaryo ay masigla at masigasig kung kumilos. Palaging pasulong ang isip at kilos ng rebolusyonaryo dahil ang bawat kilos at hakbang ay ambag sa ating maaliwalas na bukas. Hindi siya nananamlay, nanlulumo o nasisiraan ng loob sa harap ng mga problema at kahirapan sa pagkilos. Laging mataas ang diwang militante at palaban, sinusunggaban niya ang lahat ng panahon at pagkakataon sa pagkilos. Kaya naman ang inisyatiba ay tatak ng rebolusyonaryo. May sarili siyang pagkukusa, hindi lamang sa pagtupad ng kanyang mga gawain at tungkulin, kundi maging sa iba pang gawaing nakikita niyang kailangang kagyat na balikatin.

Ang rebolusyonaryo ay laging handang gumampan ng mga gawain at tungkulin. Tinatanggap niya ang bawat gawaing iniaatas sa kanya nang di kinukwenta ang halaga at bigat nito, o ang hirap at sakripisyong kailangan sa paggampan sa mga ito. Hindi siya namimili ng gawain dahil hindi naman niya hanap ang katanyagan o kaluwagan para sa sarili.

6. Ano ang wastong pagtingin sa kahirapan, sakripisyo at kamatayan?

Kinikilala ng rebolusyonaryo na ang kahirapan, sakripisyo at kamatayan ay di maiiwasang bahagi ng pagpapalaya ng sambayanan. Natural ito sa marahas na labanan ng mga mamamayan at mga naghaharing uri. Natural ito sa isang rebolusyon para ibagsak ang kapangyarihan ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. At di lamang natural, ang mga ito’y kailangan para ipaglaban at pangalagaan ang interes ng sambayanan at ng rebolusyon. Puhunan itong kailangan para pawiin ang pang-aapi at pagsasamantala, at itayo ang lipunang tunay na demokratiko at malaya.

Ang rebolusyonaryo ay handa sa kahirapan, mga sakripisyo at maging kamatayan alang-alang sa pakikibaka. Makabuluhan ang pagsasakripisyo ng rebolusyonaryo dahil ito’y para sa tagumpay ng rebolusyon. Alam niyang sa kalauna’y mababanaag din ang kalayaang malaon na nating minimithi. Sa harap ng panganib at kagipitan, ang kahandaan sa sakripisyo’t kamatayan ay nagbibigay ng tatag at tapang sa rebolusyonaryo na pangalagaan at ipaglaban ang interes ng sambayanan at ng rebolusyon.

Sa panahon ng mga kahirapan at kagipitan hindi kinakalimutan ng mga rebolusyonaryo ang maaliwalas na kinabukasang pinag-uukulan ng mga kahirapan at sakripisyo. Hindi dapat magpadilim sa pananaw at magpahina ng loob ang mga kagipitan at kahirapan sapagkat ang mga ito ay hagdan patungo sa tunay na kalayaan at demokrasya para sa sambayanan.

Mulat ang katapangan ng rebolusyonaryo. Iniiwasan niya ang di kinakailangang sakripisyo at kamatayan. Hindi siya basta na lamang sumusuong sa panganib sa simpleng dahilang handa naman siyang mamamatay. Pinag-iingatan niya ang buhay at kaligtasan ng masa, ng kapwa rebolusyonaryo at ng sarili.

7. Bakit ang mamatay na naglilingkod sa sambayanan ay mas mabigat pa sa isang bundok at ang mamatay na naglilingkod sa mga kaaway ay mas magaan pa sa isang balahibo?

Ang kamatayan ng isang rebolusyonaryo ay isang marangal na kamatayan. Maaaring mamatay ang isang rebolusyonaryo sa iba’t ibang paraan—sa labanan, sa sakit, sa aksidente, sa katandaan. Subalit hindi ang paraan ng kamatayan ang mapagpasya sa katangian ng kanyang kamatayan. Higit sa anupaman, ang bigat ng kanyang kamatayan ay sinusukat ng kanyang buong-pusong pag-aalay ng sarili para sa sambayanan, ng kanyang walang kapagurang paglilingkod sa masa at pagsusulong sa rebolusyon.

Sa kabilang banda, ang kamatayan ng isang naglilingkod sa mga kaaway ay walang karangalan. Ito ay mas magaan pa sa isang balahibo. Sapagkat ang kanyang buhay ay inialay para sa mga nagsasamantala at nang-aapi ay pinatay na rin niya ang kanyang pagkatao at itinapon ang dangal. Para sa masang pinagsasamantalahan at inaapi ang ganitong klaseng kamatayan ay ikinatutuwa at inaalipusta.

8. Ano ang wastong aktitud sa harap ng mga tagumpay?

Sa harap ng mga tagumpay, dapat matyagan ang kayabangan at arogansya. Dapat maging mapagkumbaba at huwag magpakalasing sa tagumpay. Dapat laging alalahanin ang mahabang landas na lalakbayin at iwasan ang pagkakampante, pagmamadali o pagluluwag.

9. Ano ang wastong pagtingin sa masa?

Ang masa ang sandigan para makamit ang anumang layuning rebolusyonaryo. Sa kanilang angking talino at lakas sumusulong at umuunlad ang lipunan. Ang masa ay balon ng kapangyarihang di magagapi ng anumang pwersang sumasagka sa pagbabago. Para makamit ang kalayaan, demokrasya at kaunlaran, kailangang sumalig at magtiwala sa masa.

Ang rebolusyonaryo ay kumikilala at bumabalikat ng malaking pananagutan sa masa. Tungkulin niyang itaguyod ang interes ng masa, buuin ang mahigpit na pagkakaisa sa masa at himukin sila sa landas ng rebolusyon para mapamalas ang kanilang talino, lakas at kapangyarihan sa rebolusyonaryong pagbabago ng bayan.

Ang pagtataguyod ng rebolusyonaryo sa pambansa-demokratikong interes ng masa ay nakikita sa kanyang masigasig at responsableng pagkilos sa hanay ng masa. Matiyaga siya sa pagpapaliwanag at pagmumulat sa masa. Walang pagod siya sa pagtulong sa masa na mag-organisa at kumilos para lutasin ang kanilang mga problema at labanan ang kanilang mga kaaway. Ang rebolusyonaryo’y kilalang tunay na lingkod at kaisa ng masa. Maging ang maliliit na pang-araw-araw na pangangailangan at problema ng masa ay pinahahalagahan din niya.

Ang pagtataguyod ng rebolusyonaryo sa pambansa-demokratikong interes ng masa ay matatag na batayan para mabuo ang mahigpit na pagkakaisa ng rebolusyonaryong naglilingkod at ng masang pinaglilingkuran. Pinahahalagahan at itinatangi ng rebolusyonaryo ang pagkakaisang ito. Mapagkaisa at malapit siya sa masa. Ginagamit niya ang lahat ng pagkakataon para tumungo sa hanay ng masa, kumilos at matuto mula sa kanila. Mahigpit niyang iniiwasan ang anumang bagay na labag sa interes ng masa o ang anumang pag-aabuso sa kanilang kabutihan. Nakasisira ito sa pagkakaisa at naghihiwalay ng rebolusyon sa masa.

10. Paano itinuturing ng rebolusyonaryo ang kapwa rebolusyonaryo?

Ang rebolusyonaryo ay mapagkaisa sa kanyang kapwa rebolusyonaryo. Mapagmahal at maaalalahanin siya sa mga kasama. Ang mapagkaisa at mapagmahal na pagtuturingan ng mga rebolusyonaryo ay mahalaga sa pagbubuo at pagpapatatag ng pagkakaisa at lakas ng rebolusyonaryong hanay.

Katangi-tangi ang mapagkaisang pagtuturingan ng mga rebolusyonaryo. Mapagkaisa ang rebolusyonaryo sa kanyang mga kasama, maging iyong hindi pa niya masyadong kilala, iyong hindi pa niya kapalagay o kaopinyon, o iyong nakagawa ng pagkakamali at gusto namang magbago. Madaling naisasantabi o naaalpasan ang maliliit na di pagkakaunawaan dahil pinahahalagahan ng rebolusyonaryo ang pagkakaisa. Ang pag-unawa sa kalagayan ng kanyang kasama at pagsisikap nitong kumilos at maging mahusay na rebolusyonaryo ang inuuna niya.

Maalalahanin at mapagmahal ang rebolusyonaryo sa kanyang mga kasama. Tinutulungan niya ang bawat kasama sa paggampan ng tungkulin at gawain, at sa paglutas ng kanilang mga problema sa pagkilos o sa personal na buhay man. Tinutulungan at binibigyan niya ng suporta ang kanyang kasama na magpanday ng sarili sa gitna ng pakikibaka. Ang kaligayahan at paghihirap ng kanyang kasama ay kaligayahan at paghihirap din ng isang rebolusyonaryo.

11. Ano ang wastong pagtingin sa punahan at pagpuna-sa-sarili?

Ang mga kahinaan at kamalian ay karaniwang pangyayari sa takbo ng pagkilos ng rebolusyonaryo. Kadalasa’y resulta pa ito ng kakulangan sa karanasan o produkto ito ng maling mga kaisipan at di mahuhusay na ugali na nalalabi pa sa atin. Ngunit handa lagi ang rebolusyonaryo na pangibabawan ang mga ito para mas matatag pa niyang maitaguyod ang pambansa-demokratikong interes ng sambayanan.

Ang rebolusyonaryo ay laging handa na punahin ang kanyang mga kahinaan at kamalian. Bukas siya sa mga puna at lagi niyang ipinangingibabaw ang wasto at mabuti para sa sambayanan. Hindi siya tumatanggi o nag-aatubiling magwasto ng mga kahinaan at kamalian. Lagi siyang handang magbago ng sarili para patuloy na mapaglingkuran ang sambayanan.

Ang punahan at pagpuna-sa-sarili ay isang mabisang paraang kailangan para iwasto ang mga kamalian at pangibabawan ang mga kahinaan. Kailangan ito para patibayin ang pagkakaisa sa loob ng rebolusyonaryong hanay at sa pagitan ng mga rebolusyonaryo at ng masa. Sa punahan natutukoy at nauugat ang mga kahinaa’t kamalian. Sa gayon, natututo tayo mula sa ating mga kamalian para maiwasan ang mga ito sa hinaharap.

Dapat maging mapagkasama ang pagpupunahan at alinsunod sa diwa ng “gamutin ang pasyente para mailigtas ang maysakit”. Hindi dapat gawing okasyon ang punahan para sa personal na pag-atake o pagganti. Dapat ituon ang punahan sa mga pinakamahahalagang usapin sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Kailangan ang regular at palagiang pagdaraos ng punahan at pagpuna-sa-sarili. Tinitiyak nitong laging nasusuri ang ating pagkilos, patuloy na mapapahusay ang paggawa, mapananatili at mapahihigpit pa ang ating pagkakaisa, at lagi tayong kaisa at malapit sa masa.

12. Ano ang internasyunalismo?

Sa kasalukuyang panahon ng imperyalismo, dumaranas ng di mabatang pang-aapi at pagsasamantala ang mamamayan ng iba’t ibang bayan sa buong daigdig sa kamay ng imperyalismo. Mahalaga, kung gayon, ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mamamayan ng iba’t ibang bayan sa pakikibaka laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon. Ito ang internasyunalismo.

Tungkulin nating mga rebolusyonaryong Pilipino ang palayain ang bayan mula sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo. Sa pagsulong ng rebolusyong Pilipino, at lalo na sa pagtatagumpay nito, kaalinsabay na napapahina ang imperyalismo sa buong mundo, kaya’t nakakaambag ito sa pagsulong ng pakikibaka ng mamamayan sa ibang bayan. Gayundin, natutulungan tayo ng mamamayan ng ibang bayan na nakikibaka rin sa imperyalismo at iba pang reaksyunaryo.

Laging isinasaisip ng isang rebolusyonaryo na ang pagtupad niya sa mga gawain sa rebolusyon ay hindi lamang para sa sariling bayan kundi para rin sa bilyun-bilyong masang pinagsasamantalahan at inaapi sa buong daigdig. Sa ganitong pagtingin, ang patriyotismo at nasyunalismo – ang pagmamahal sa sariling bayan at bansa – ay wastong naikakawing sa internasyunalismo. Naiiba ito sa makitid na patriyotismo o makitid na nasyunalismo, na nagpapahalaga lamang sa interes ng sariling bayan o bansa, at tumitingin sa ibang bayan at ibang mamamayan sa punto de bista lamang ng sariling pakinabang at bentahe.

Internasyunalistang tungkulin natin ang pagsusulong ng dalawang-yugtong rebolusyong Pilipino. Ang pagwasak sa kapangyarihan ng imperyalismong US at lokal na mga naghaharing uri sa Pilipinas ang pinakamahalagang maiaambag natin sa pagpapabagsak sa paghahari ng imperyalismo at iba pang mapagsamantala at mapang-aping uri sa buong daigdig.

Hindi natatapos ang internasyunalistang tungkulin natin pagkatagumpay ng demokratikong rebolusyon. Pagkaagaw ng kapangyarihang pulitikal, internasyunalistang tungkulin natin ang pagkonsolida nito, pagtatayo ng demokratikong estadong bayan, at paglulunsad ng sosyalistang rebolusyon. Kailangan ding pahigpitin ang pagkakaisa sa mamamayan ng ibang bayan at patuloy na makipagtulungan sa rebolusyonaryo at anti-imperyalistang mga kilusan at organisasyon sa ibang bayan.

13. Anu-ano ang maling mga kaisipan at gawi na nakapipinsala sa interes ng rebolusyon at masa? Paano babaguhin ang mga ito?

a. Ano ang liberalismo at bakit kailangang bakahin ito?

Liberalismo ang pag-ayaw o pag-iwas sa aktibong tunggalian sa ideolohiya. Pag-ayaw o pag-iwas ito sa malinaw na pagtukoy kung alin ang tama at rebolusyonaryong mga ideya, patakaran at pagkilos, at alin naman ang mali at di rebolusyonaryo. Pag-ayaw o pag-iwas ito na itaguyod ang tama at iwaksi ang mali. Dapat bakahin ang liberalismo dahil taliwas ito at inuuk-ok ang makaprinsipyong pagkakaisa sa hanay ng mga rebolusyonaryo. Sa halip, itinataguyod nito ang di makaprinsipyong kapayapaan, ang pag-iral at paglaganap ng mali at di rebolusyonaryong ng mga ideya, patakaran at kilos.

Sa pangkalahatan, matatag ang pagkakaisa sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa sa mga saligang prinsipyo ng rebolusyon. Gayunman, sa iba’t ibang pagkakataon, at laluna kaugnay ng partikular na mga patakaran at sa pang-araw-araw na pagkilos, lumilitaw ang maling mga kaisipan at kilos. Repleksyon lamang ito ng pag-iral ng tunggalian ng linya, ng tama at mali, at ng pagkakaroon ng mga limitasyon at kahinaan sa hanay ng mga rebolusyonaryo.

Dapat maging mapagmatyag ang bawat rebolusyonaryo sa mga kahinaan at kamaliang ito. Tungkulin ng bawat rebolusyonaryo na laging itaguyod at pagpunyagian ang tama, makipagtunggali sa maling mga ideya at punahin para maiwasto ang maling mga kilos. Ito ang tinatawag nating “aktibong tunggalian sa ideolohiya”. Sa ganitong paraan lamang mapapataas at mapapatibay ang makaprinsipyong pagkakaisa sa ating hanay.

b. Anu-ano ang mga anyo ng liberalismo?

Ang liberalismo ay makikita sa sumusunod na tampok na mga kaisipan at gawi:

  • pagpapalampas sa mga kamalian, pag-iwas sa makaprinsipyong pangangatwiran dahil malapit sa kasamang nagkamali, o pagbanggit sa usapin nang pahapyaw lamang sa halip na talakayin ito nang lubusan, alang-alang sa kapayapaan o para mapanatili ang mabuting samahan
  • pagpakalulong sa iresponsableng indibidwal na pagpuna sa halip na masiglang iharap ang mga mungkahi sa organisasyon; tumahimik sa harap ng tao pero magtsismis sa kanyang likuran; tumahimik sa pulong pero magdadaldal pagkatapos; sumunod sa sariling hilig sa halip na igalang ang prinsipyo ng kolektibong pamumuhay
  • palampasin ang mga bagay-bagay kung hindi sangkot ang sarili; magsalita nang babahagya hanggat maaari gayong alam na alam kung ano ang pagkakamali, magpakatuso at maniguro at umiwas lamang na mabagsakan ng sisi
  • sumuway sa mga utos at sa halip ay ipagmalaki ang sariling palagay; humingi ng espesyal ng konsiderasyon ng organisasyon ngunit tumanggi sa disiplina nito
  • magpakasasa sa atakeng personal, maghanap ng away, magbulalas ng sariling galit o maghiganti sa halip na makipangatwiran at makitunggali laban sa maling mga palagay alang-alang sa pagkakaisa o pagpapaunlad o maayos na pagsasakatuparan ng gawain
  • makarinig ng maling mga palagay nang hindi sinasagot ang mga ito at makarinig pa ng mga kontra-rebolusyonaryong pahayag nang hindi iniuulat ang mga ito, at sa halip ay pakinggan ang mga ito nang buong kapanatagan na parang walang anumang nangyari
  • kaligtaang magsagawa ng propaganda at ahitasyon sa masa o kaya’y magsalita sa mga pulong o gumawa ng pagsisiyasat at pagtatanong sa kanila, at sa halip ay ipagwalambahala sila at magpakitang walang pagmamalasakit sa kanilang kapakanan, at makalimot na ang sarili ay isang Komunista at kumilos na parang karaniwang di-Komunista
  • makitang inilalagay ng isang tao sa panganib ang kapakanan ng masa at hindi pa makaramdam ng pagngingitngit, o kaya’y pagpayuhan o pigilin siya o makipagpaliwanagan sa kanya, at sa halip ay pabayaan siyang magpatuloy
  • gumawa nang matamlay at walang tiyak na balak, o patutunguhan; gumawa nang pawalang-bahala at magpabasta-basta—"Hanggat monghe ka’y patugtog ka na lang nang patugtog ng kampana."
  • ipalagay na ang sarili’y nakapaglingkod na nang malaki sa rebolusyon, magmalaki sa pagiging isang beterano, mamuhi sa maliliit na gawain samantalang hindi naman kaya ang malalaking tungkulin, at maging padaskul-daskol sa gawain at tamad sa pag-aaral
  • mabatid ang sariling mga kamalian ngunit hindi magpunyaging iwasto ang mga iyon at maging liberal sa sarili.
  • Paano mababaka ang liberalismo?

Tulad ng kalawang, kailangang kayurin ang liberalismo mula sa pinakakailaliman nito. O tulad ng masamang damo, mababaka lamang ang liberalismo sa pamamagitan ng pagbunot ng mga ugat nito.

Nakaugat ang liberalismo sa pagkamakasarili, sa paglalagay sa sarili sa ibabaw ng kapakanan ng rebolusyon at ng interes ng nakararami. Ito ang ugat ng pag-ayaw sa tunggaliang pang-ideolohiya. Tulad ng ipinakita sa mga halimbawa ng liberalismo, ang pag-ayaw sa tunggalian ay bunga ng pagnanasang mapanatili ang “kapayapaan” kahit hindi ito prinsipyado. Kadalasan, ang pagnanasang ito ay hindi lamang dahil sa pag-ayaw na masaktan ang iba. Kundi, pag-iwas ito na masaktan ang sariling interes: “Hindi kita pupunahin, huwag mo rin akong pakialaman.”

Para puspusang mababaka ang liberalismo, kailangang iwaksi ang pagka-makasarili at itaguyod ang interes ng rebolusyon o ng nakararaming masang pinagsasamantalahan at inaapi. Kailangang manindigan para sa mga prinsipyo ng rebolusyon at aktibong labanan ang lahat ng maling kaisipan, kilos at tendensya. Kailangang linangin at itaguyod ang diwa ng pagkadimakasarili ng bawat rebolusyonaryo. Kailangang palawakin ang isip para makita at mayakap ang mas malawak na interes ng sambayanan, at hindi lamang ang sariling interes. Sa gayon walang pangingimi at pag-aatubiling maitataguyod ang mga tunggaliang pang-ideolohiya at mabubuo ang pinakamatibay na may-prinsipyong pagkakaisa sa ating hanay.

d. Ano ang pananaw na lantay-militar, saan nagmumula ito, at paano ito maiwawasto?

Lantay-militar ang pananaw na magkahiwalay at magkabangga ang pulitika at militar, at tumatangging ipailalim at pagsilbihin sa pulitika ang mga usapin at gawaing militar. Itinuturing nitong tanging tungkulin ng hukbong bayan ang paglaban, at itinatangging tungkulin nito ang pagsasagawa ng propaganda sa masa at produksyon para sa rebolusyon. Nakakaligtaan nito na sa katunayan, ang hukbong bayan ang pangunahing kasangkapan sa pagkakamit ng pampulitikang layunin ng rebolusyon.

Nagmumula ang lantay pananaw-militar sa kakulangang maunawaan ang halaga ng pampulitikang pamumuno sa hukbong bayan, at sa kakulangan ng pag-unawa na sa esensya, ang nag-iiba sa hukbong bayan sa reaksyunaryong hukbo ay ang magkaibang pinagsisilbihang pulitika ng mga ito.

Kung gayon, maiwawasto ang lantay na pananaw-militar sa pamamagitan ng pagpapataas ng kamulatan sa ideolohiya at pulitika ng rebolusyonaryong pwersa. Magagawa ito sa mga edukasyon sa teorya at pulitika, mga punahan at pagpuna sa sarili, at mga talakayan hinggil sa mga usaping militar kung saan naipakikita ang tamang ugnayan nito sa pulitika.

e. Ano ang ultrademokrasya at pagsuway sa disiplina sa organisasyon, at paano maiwawasto ang mga ito?

Ultrademokrasya ang labis na pagpapahalaga o paggigiit sa demokrasya nang lumalabas o hindi nagagabayan ng mga prinsipyo ng organisasyon. Ibig sabihin, hindi isinasaalang-alang, bantulot sa pagpapatupad, kung hindi man tahasang nilalabag, ang mga prinsipyo, patakaran, tuntunin o desisyon ng organisasyon. Mga halimbawa ng kaisipang ultrademokratiko ang “demokratikong sentralismo mula sa ibaba pataas” at “talakayin muna sa nakabababang antas ang lahat ng usapin bago pagpasyahan ng nakatataas na antas”.

Makikita naman ang pagsuway sa disiplina sa organisasyon sa sumusunod:

a. Pagtanggi ng minorya na sumunod sa mayorya. Ang hindi pagsunod sa mayorya ay maaaring nasa anyo ng di seryoso o di lubos na pagpapatupad sa desisyon ng kolektiba o organisasyon; o kaya ay tahasang pagtanggi na ipatupad ito.

b. Pagpuna nang walang pagsasaalang-alang sa disiplina sa organisasyon. Maaaring magkaanyo ito sa mga personal o di makaprinsipyong pagpuna o atake. O kaya, ginagawa ang pagpuna sa labas ng pulong o sa labas ng organisasyon.

Nakakasira sa pagkakaisa at nakakapagpahina ng organisasyon ang ultrademokrasya at pagsuway sa disiplina ng organisasyon. Kapwa nakaugat ang mga ito sa petiburges na pagkamakasarili o indibidwalismo at pag-ayaw sa disiplina. Bukod dito, kapag mahina ang pamumuno at maluwag ang disiplina ng organisasyon, nagkakaroon ng mga kundisyon para sa pag-usbong ng ultrademokrasya at pagsuway sa disiplina.

Para maiwasto, kailangang mabunot ang ugat na petiburges na pagkamakasarili o indibidwalismo at ang pag-ayaw sa disiplina sa organisasyon. Magagawa ito sa pamamagitan ng edukasyon at tunggaliang pang-ideolohiya. Kailangang pairalin ang diwa ng pagkadimakasarili at pagpapailalim ng sariling interes sa interes ng kabuuan. Dapat mailinaw sa kasapian ang halaga ng organisasyon at ng disiplina sa loob nito. Mahalaga ring mailinaw kung paanong ginagabayan ng sentralismo ang demokrasya sa organisasyon, at paanong nakabatay ang sentralismo sa demokrasya.

Sa larangan ng organisasyon, kailangang gawing mas mabisa ang pamumuno at palakasin ang demokratikong sentralismo. Dapat tiyakin ng pamunuan na mahigpit ang ugnayan nito sa mga nakabababang antas at sa kasapian ng organisasyon, naisasaalang-alang ang kalagayan at mga ideya nila, at maayos ang daloy ng komunikasyon sa pagitan nila. Sa anumang antas, ang bawat desisyon ay dapat resulta ng masusing pag-aaral at malayang talakayan.

g. Ano ang indibidwalismo at paano ito maiwawasto?

Indibidwalismo ang labis ng pagpapahalaga sa sariling kapakanan samantalang ipinapailalim dito o isinasantabi ang kapakanan ng organisasyon at ng rebolusyon. Bukod sa ultrademokrasya at pagsuway sa disiplina sa organisasyon, nakikita ang tunguhing indibidwalismo sa sumusunod na mga anyo:

  • pagganti
  • mentalidad na “maliit na grupo”
  • mentalidad na empleyado
  • paghahanap ng aliw
  • pagpapasibo o kawalang-sigasig
  • pagnanais na “bumaba” o “magpahinga”
  • kanya-kanyang kaharian

Dahil sinasalamin ng indibidwalismo ang petiburges at burges na mga kaisipan sa loob ng rebolusyonaryong kilusan, edukasyon sa ideolohiya ang pangunahing paraan ng pagwawasto. Kailangang masapol ng bawat isa na ang di proletaryong mga ideya at gawi ay salungat sa pagtupad sa mga tungkulin sa rebolusyon at sa interes ng malawak na masa ng sambayanan. Kaalinsabay, mahalagang isagawa ang mga usapin, pag-aatas at pagpapairal ng disiplina sa akmang paraan, at mapahusay ang pagtugon sa mga pangangailangan ng pwersa.

h. Ano ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay at paano ito maiwawasto?

Kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay ang hindi pagkilala sa magkakaibang kalagayan at pangangailangan ng iba’t ibang indibidwal at grupo sa loob ng organisasyon. Kaya’t iginigiit nito ang pagkakapantay-pantay sa gawain, rasyon, at iba pang bagay para sa lahat. Dahil hindi ito umaayon sa kongkretong kalagayan at mga pangangailangan, nakakasagka ang ganitong kaisipan sa pagtupad ng gawain at sa pagsulong ng rebolusyon.

Nagmumula ang kaisipang absolutong pagkakapantay-pantay sa ideyalistang kaisipan ng petiburges (maliit na nagmamay-ari) at magsasaka. Bagamat sa unang tingin ang hangarin ay magkaroon ang lahat, nasa ilalim nito ang makasariling pangamba na baka malamangan ng iba.

Para maiwasto ito, kailangang ilinaw na sa rebolusyonaryong hanay, ang pamamahagi ng materyal na mga bagay at gawain ay pangunahing itinatakda ng kongkretong mga pangangailangan sa pakikibaka. Sa larangan ng ideolohiya, kailangang ipaunawa na imposibleng magkaroon ng absolutong pagkakapantay-pantay. Totoo ito hindi lang sa ilalim ng sistemang kapitalista at sa malapyudal na sistema kundi maging sa ilalim ng sosyalismo.

i. Ano ang suhetibismo at paano ito maiwawasto?

Suhetibismo ang maling pagtingin o pagsusuri sa kalagayan, gawain, at maging sa mga kasama. Ibig sabihin, hindi ito umaayon sa obhetibong katotohanan. Kaugnay nito ang pagiging makaisang-panig, tulad ng pagbabalewala sa mahahalagang usapin at labis namang pagpapalaki sa di kasinghalagang mga usapin. Halimbawa nito ang labis na pagpapalaki sa personal na mga kahinaan nang hindi nailulugar o naiuugnay sa gawain sa pulitika at organisasyon.

Mauugat ang suhetibismo sa di proletaryo at di syentipikong pananaw at paraan ng pag-iisip. Nakakapinsala ito sa organisasyon dahil nagbubunga ng maling mga patakaran at desisyon, at naglilikha ng di makaprinsipyong mga tunggaliang nagpapahina sa organisasyon.

Para maiwasto ito, kailangang ipalaganap at itaguyod ang proletaryo at syentipikong paninindigan, pananaw at paraan ng pagsusuri sa mga bagay-bagay. Kailangang magpakahusay ang bawat isa sa pag-aaral, pagsisiyasat at pagsusuri, laluna sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri.

l. Ano ang labi ng putsismo at ideolohiya ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag at paano ito maiwawasto?

Ang labi ng putsismo at ideolohiya ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag ay kapwa di proletaryong mga kaisipan na nagbubunsod ng kawalan ng disiplina, katamaran sa gawain sa pulitika at produksyon, at bulagsak na kilos sa loob ng hukbong bayan. Ang labi ng putsismo sa partikular ay nagbubunsod ng labis na mapusok at mapaminsalang mga kilos sa loob ng hukbong bayan. Kapwa nakakasira ang mga ito sa pagkakaisa sa loob ng hukbong bayan at sa pagitan ng hukbong bayan at ng mamamayan.

Nakikita ang mga labi ng putsismo sa pabulagsak na pagkilos, maluwag na disiplina, mga kalabisan tulad ng panununog ng bahay, pananakit sa masa at mga kasama, at pagpapahirap sa mga bihag.

Nakikita naman ang ideolohiya ng rebeldeng lagalag sa maluwag na disiplina, pag-iwas sa masikhay na gawaing masa, at paghahanap lamang ng kaluwagan at kasayahan. Halimbawa, sa halip na magpropaganda at tumulong sa maralitang magsasaka, mas pipiliin nilang tumungo sa mayamang magsasaka o sa kabayanan para makisalo sa masarap na pagkain.

Nakaugat ang mga labi ng putsismo sa ideolohiyang lumpenproletaryo at petiburges. Ang ideolohiya ng mga pangkat ng rebeldeng lagalag naman ay nagmumula sa kaisipan ng malaproletaryo at lumpen-proletaryong mga lagalag (bagamundo).

Para maiwasto ang mga labi ng putsismo at ideolohiya ng pangkat ng rebeldeng lagalag, kailangang maiwaksi ang makauring ugat ng mga ito. Magagawa ito sa pamamagitan ng edukasyon at aktibong tunggalian sa ideolohiya. Gayundin sa pagpapasampa sa hukbong bayan ng mas maraming militanteng masa mula sa hanay ng mga manggagawa at maralitang magsasaka. Kailangan ding mapahigpit ang disiplina sa hukbong bayan at maisabak ang mga yunit sa gawaing masa at produksyon.

m. Anu-ano ang iba pang maling kaisipan na makikita sa ating karanasan, at paano binabaka ang mga ito?

Aralin II: ANG REBOLUSYONARYONG PAG-AARAL AT WASTONG PAGSUSURI

Mahalagang bahagi ng rebolusyon ang rebolusyonaryong pag-aaral.

Ayon kay Mao Zedong, “ang kumilos na parang ‘isang nakapiring na taong nanghuhuli ng maya’ o isang bulag na nangangapa ng isda’, ang maging padaskul-daskol at pabaya, ang magdaldal lamang, ang magkasya na lamang sa katiting na nalalaman – ito ang napakasamang estilo ng marami pa nating mga kasama”.

Magpunyagi tayo sa rebolusyonaryong pag-aaral upang mapahusay natin ang ating rebolusyonaryong pagkilos. Unawain natin kung ano ang rebolusyonaryong pag-aaral at wastong paraan ng pagsusuri.

A. Ano ang Rebolusyonaryong Pag-aaral?

1. Bakit mahalaga ang pag-aaral?

Ang pag-aaral ay mahalagang gawain ng mga rebolusyonaryo. Mahalaga ito dahil ang kailangan sa rebolusyon ay mulat na pagkilos. Mapanganib para sa masa at sa rebolusyon ang kilos na ipinapaubaya sa tsamba o pagbabakasakali. Ang rebolusyonaryong pagkilos ay hindi rin kara-karakang pagkilos na turo lamang ng emosyon. Ang bawat hakbang ay nakabatay sa kongkretong pag-aaral sa kalagayan at mga pangangailangan ng rebolusyon. Mula sa masigasig na pag-aaral ay wastong naitatakda natin ang mga dapat gawin, nabubuo ang mga balak at ang mga paraan ng pagpapatupad sa mga ito.

Ibinibigay ng pag-aaral ang mahahalagang gabay sa ating pagkilos. Hindi lamang nito itinuturo ang wastong landas ng rebolusyonaryong pakikibaka, ibinibigay din nito ang kagyat at partikular na gabay sa araw-araw nating pagkilos. Sa pamamagitan din ng ating pag-aaral nagiging matalas tayo sa pagkilala ng mapanlinlang na mga kaisipang ikinakalat ng mga naghaharing uri at ng ibang elementong nais umagaw ng pamumuno at ilihis ang kilusan sa wastong landas.

Ang pag-aaral ng isang rebolusyonaryo ay nakikita sa paglahok sa kolektibong mga talakayan, sa pagbabasa ng mga aklat at iba pang lathalain, sa pananaliksik, sa pagsisiyasat, at sa pagsusuring ginagawa sa mga pagtatasa, paglalagom at pagplano ng gawain.

Ang pag-aaral ang proseso ng pag-alam at pag-unawa sa mga bagay. Hindi lamang ito pag-aaral ng teorya mula sa mga kaalamang-aklat – halimbawa, ng mga kurso, at ng teoretikal na mga sulatin nila Marx, Lenin, Mao, at iba pa. Napakahalagang bahagi ng rebolusyonaryong pag-aaral ang pag-aaral ng kalagayan at ng karanasan, gaya ng panlipunang pagsisiyasat, pagsusuri, at iba pa.

Ang pag-aaral ang proseso ng pag-alam at pag-unawa sa mga bagay at proseso. Hindi lamang ito pag-aaral ng teorya, na tulad ng nilalaman ng mga kursong masa at mga akda nina Marx, Lenin, Mao at iba pa. Napakahalagang bahagi ng rebolusyonaryong pag-aaral ang pag-aaral ng kasalukuyan nating kalagayan at mga karanasan, gaya ng panlipunang pagsisiyasat, pagtatasa ng kalagayan at paglalagom ng karanasan.

Ang paksa ng rebolusyonaryong pag-aaral ay ang lipunan at rebolusyon. Bahagi nito ang mga ideya o teorya na naglilinaw sa kalagayan ng mga uri sa lipunan at ang kanilang tunggalian.

Tanging layunin natin sa pag-aaral ang mapahigpit ang paggagap sa mga bagay-bagay upang mas mabisang mabago ang mga ito. Dahil nakikibaka tayo para sa isang lipunang malaya at demokratiko, pangunahing tinutuunan ng ating rebolusyonaryong pag-aaral ang lipunan at rebolusyon. Halimbawa, pinag-aaralan natin ang teorya ng mga uri sa lipunan at tunggalian ng uri dahil sentral na mga usapin ito sa pag-unawa sa katangian at pag-unlad ng lipunan. Gabay ito sa pagsusuri sa katangian ng lipunang Pilipino at pagtatakda ng pangkalahatang linya ng kasalukuyang rebolusyong Pilipino.

2. Bakit mahalaga ang pag-aaral tungkol sa demokratikong rebolusyong bayan?

Ang pag-aaral hinggil sa demokratikong rebolusyong bayan ay napakaimportante dahil itinuturo nito ang wastong pagsusuri sa kalagayan ng lipunang Pilipino, ang ugat ng mga suliranin ng mamamayan, at ang mga paraan ng paglutas nito. Ang rebolusyon ay isang syensya. Sa pakikipagtunggali sa mga kaaway kailangang matalinong pag-aralan ang mga usapin at batas ng pagrerebolusyon, paano mahusay na makikitunggali at makikilaban ang masa para magapi ang mga kaaway. Sa pag-aaral ng demokratikong rebolusyong bayan, napapanatiling maalab ang damdaming mapanghimagsik laban sa mga pagsasamantala at pang-aapi. Napapatibay ang pakikipag-isa sa isip at gawa sa mga uring api’t pinagsasamantalahan.

Ang panimulang sistematikong paglilinaw sa demokratikong rebolusyong bayan ay nakuha natin sa mga kursong masa. Inililinaw sa pangkalahatang kursong masa ang pagsusuri sa lipunan at rebolusyong Pilipino. Sa mga espesyal na kursong masa naman, pinag-aaralan ang pagsusulong ng mga kilusang masa ng manggagawa, magsasaka, kababaihan at kabataan bilang bahagi ng demokratikong rebolusyong bayan.

Tuluy-tuloy na pag-aaral sa demokratikong rebolusyong bayan ang dapat gawin ng mga rebolusyonaryo. Habang tumatagal ang pagkilos at tumataas ang antas ng pakikibaka, magkakalaman at hihigpit ang pag-unawa natin sa mga prinsipyo ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang mga kursong masa ay nagsisilbi ring pintuan para buksan ang patuloy na pag-aaral sa mga sangguniang aklat, dyaryo at iba pang babasahin.

Ang mga librong LIPUNAN AT REBOLUSYONG PILIPINO, STRUGGLE FOR NATIONAL DEMOCRACY (MAKIBAKA PARA SA PAMBANSANG DEMOKRASYA), at KRISIS AT REBOLUSYONG PILIPINO ang pangunahing mga sanggunian ng pag-aaral sa demokratikong rebolusyong bayan. Narito ang mga saligang paglilinaw sa mahahalagang usapin ng lipunan at rebolusyong Pilipino. Sa palagiang pag-aaral ng mga librong ito, laging masasariwa ang mga prinsipyo sa ating isipan. Magagabayan tayo sa pagsusuri at paglutas ng mga problemang makakaharap natin sa pagkilos.

Mahalagang bahagi ng pag-aaral ng lipunan at rebolusyong Pilipino ang pag-aaral ng kasaysayan ng Pilipinas. Sa pamamagitan nito nauunawaan natin ang pag-unlad ng lipunang Pilipino, ang ugat ng mga saligang suliranin ng lipunan, at ang rebolusyonaryong pakikibaka ng masang Pilipino para sa kalayaan at demokrasya. Sa pag-aaral naman natin sa bawat lugar na kinikilusan, napakahalagang pag-aralan ang kasaysayan ng lugar para magagap ang katangian ng lugar, mga suliranin, at ang kasaysayan ng pakikibaka ng masa.

Importante ring palaging basahin at pag-aaralan ang mga isyu ng ANG BAYAN at iba pang rebolusyonaryong lathalain. Makikita natin dito ang pagsusuri at paninindigan ng kilusan sa iba’t ibang usapin sa ekonomya at pulitika sa kasalukuyan, ang kagyat at mahalagang mga tungkulin sa pagsusulong ng rebolusyon, at mga karanasan sa pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka sa iba’t ibang sektor, lugar at larangan ng gawain.

3. Ano ang pagsisiyasat?

Ang pagsisiyasat ay ang pagkuha ng tunay o wastong impormasyon hinggil sa kalagayan at mga pangyayari. Mayroong panlipunang pagsisiyasat at pagsisiyasat sa pagpapatupad ng mga gawain, plano o programa.

Ang panlipunang pagsisiyasat ay pag-aaral sa kalagayan ng mga uri sa tunay na buhay. Isa itong mahalagang gawain sa pagsulong ng ating gawaing pampulitika. Sa pagsusuri sa relasyon ng mga uri sa larangan ng ekonomya, pulitika at kultura sa tunay na buhay ng mga tao, nabubuo ang kongkretong larawan ng isang lipunan o bahagi ng lipunan, tulad ng isang lokalidad. Mahalaga ang panlipunang pagsisiyasat dahil inililinaw nito sa atin ang target, paraan at direksyon ng pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.

Ang pagsisiyasat sa pagpapatupad ng gawain, plano o programa ay ang paglikom ng datos hinggil sa tinakbo ng pagpapatupad. Halimbawa, sa mga suliraning kinaharap, sa naging pagkilos ng mga kasama at ng masa, at mga resulta nito.

Ang pagsisiyasat ay mahalagang bahagi ng rebolusyonaryong pag-aaral. Ang wasto at sapat na impormasyong nakukuha natin sa pamamagitan ng pagsisiyasat ay mahalaga, at kailangan para makabuo ng wastong mga desisyon, plano at programa sa pagkilos. Sabi nga ni Mao Zedong, “Kung walang pagsisiyasat, walang karapatang magsalita”. Kung wala tayong pagsisiyasat, wala tayong hawak na wasto at sapat na impormasyon. Ang anumang gagawing desisyon at pagkilos ay magsisimula sa ating pagbabakasakali at malamang na humantong lamang sa kabiguan.

Ang pagsisiyasat ay isang walang katapusang gawain. Ugaliin natin ang pagiging mapagsiyasat. Simulan natin ang anumang pag-aaral sa pagtitiyak na wasto at sapat ang impormasyong hawak natin. Tiyakin nating walang anumang nakalalampas sa ating pansin. Sa gayon, aakma palagi ang ating kaalaman sa nababagong kalagayan at patuloy na yayaman ang ating pag-unawa sa obhetibong kalagayan.

4. Ano ang pagsusuri at bakit ito mahalaga?

Ang pagsusuri ay importanteng bahagi ng ating pag-aaral. Sa pamamagitan nito, mas nasasapol natin ang katangian ng mga bagay o pangyayari na sinusuri. Nauugat natin ang mga dahilan at paraan ng pag-unlad ng mga ito.

Sa ibang salita, sinasagot natin sa pagsusuri ang mga tanong na “Bakit?”, “Paano?” at “Ano ang katangian at ugnayan?” Sa pag-alam kung bakit at paano umiiral ang mga bagay at nagaganap ang mga pangyayari, nagkakaroon tayo ng mas buo at mas malalim na pag-unawa sa mga bagay at pangyayari.

Talagang importante ang pagsusuri para sa rebolusyonaryong pagkilos. Ang ating mga plano at programa ay nababatay sa pagsusuri sa pagbabago ng kalagayan at pag-unlad ng pagkilos. Sa pagsasagawa ng pagsusuri, nalilinaw kung paano ang wasto at mabisang pagharap at paglutas ng anumang problema. Sa pamamagitan ng pagsusuri nalilinaw natin kung paano paghuhusayin ang paggawa at matagumpay na tutuparin ang ating mga gawain.

Maging mapanuri. Anumang usapin ang ating hinaharap, maging interesadong masagot hindi lamang ang “Ano?”, kundi higit pa ang “Bakit?” at “Paano?” para alamin ang sustansya o pinakaubod ng bagay o usapin. Dapat nating iwasan ang suhetibo, mababaw at makaisang-panig na pagtingin sa mga bagay-bagay. Kung nagsusuri hindi tayo malilinlang sa mga panlabas na anyo. Malalagay tayo sa aktibong pusisyon para mabisang kumilos sa pagsusulong ng ating gawain.

Tuluy-tuloy at magkaalinsabay ang pagsasagawa ng pagsusuri at pagsisiyasat. Bagamat magkahiwalay na gawain o aktibidad, nagsasalimbayan ang mga ito sa iisang proseso. Matapos magsiyasat, sinusuri natin ang datos. Nagbubuo tayo ng mga kongklusyon at desisyon na isinasapraktika. Muli nating sinisiyasat ang pagpapatupad nito, at muling sinusuri ang mga nagawa at pangyayari upang batay dito ay muling gumawa ng kongklusyon at desisyon para higit pang isulong ang rebolusyonaryong gawain.

5. Ano ang pagtatasa?

Ang pagtatasa ay isang anyo ng pagsusuri. Bahagi ito ng rebolusyonaryong pag-aaral. Dalawang klase ng pagtatasa ang karaniwan nating ginagawa: ang pagtatasa ng gawain at ang pagtatasa ng kalagayan. Ang pagtatasa ng gawain ay ang pagsusuri para masukat kung ano ang katayuan o naabot sa pagtupad ng programa o plano. Ang pagtatasa naman ng kalagayan ay ang pagsusuri sa katangian ng sitwasyon at ng antas ng tunggalian ng mga uri sa lipunan.

Halimbawa ng pagtatasa ng gawain ang buwanang pagtatasa na karaniwang ginagawa natin kasabay ng paghahanda ng mga ulat. Inihahanay dito ang mga nagawa at hindi nagawa, mga natamo at hindi natamo batay sa plano ng pagkilos. Gumagawa rin tayo ng pagtatasa pagkatapos ng bawat aksyong masa. Natutukoy din dito kung ano ang mga nagawa at hindi nagawa, ano ang mga kulang na dapat punuan, ang mga kahinaang dapat pangibabawan at ang mga maling dapat ituwid, at ang mga gawain sa hinaharap.

Halimbawa ng pagtatasa ng kalagayan ang pagsusuri natin sa balanse ng mga pwersa – ang naabot na pagsulong ng rebolusyonaryong pwersa sa isang banda at ang kakayahan ng reaksyunaryong pwersa sa kabila. Nililinaw natin ang naabot na antas ng rebolusyonaryong pag-oorganisa, at kung ano ang mga pangangailangan at tungkulin para higit pang isulong ang rebolusyonaryong lakas at kakayahang lumaban sa isang panahon. Nililinaw natin ang lakas, dispusisyon at kilos ng kaaway, at kung paano ito patuloy na papahinain. Sa gayon, matatantya natin ang ating kakayahan sa pagsusulong ng pakikibaka at ang kakayahan naman ng kaaway para gumanti.

Isa pang halimbawa ang pagtatasa natin sa kalagayang pang-ekonomya ng mga magsasaka at manggagawang bukid halimbawa matapos ng bagyo upang makagawa ng kinauukulang mga hakbang para matugunan ang mga pangangailangan.

Kailangan ang palagian at napapanahong pagtatasa. Tinitiyak nitong mulat tayo sa kalagayan at mga pangangailangan ng pagkilos, at maagap tayong makakapagtakda ng mga gawain. Ang pagtatasa ay nagbibigay sa atin ng tuwiran, kagyat at ispesipikong batayan sa wastong pagpaplano at pagtupad ng ating mga gawain.

Kapag lumilitaw sa patuloy na pagtatasa na nagbago na ang kalagayan, o di kaya mali ang naunang pagtaya ng kalagayan, kailangang baguhin ang plano para maiangkop ang kilos sa kongkretong kalagayan.

Gayundin, nakabatay ang mga plano sa pagtatasa ng inabot na antas ng gawain. Kung gayon, binabago ang mga plano at kilos ayon sa mga pagbabago at pag-unlad na natutukoy sa patuloy na mga pagtatasa ng gawain.

6. Ano ang paglalagom?

Ang paglalagom ay ang pagsusuri ng ating positibo at negatibong karanasan para humalaw ng mga aral. Ang mga kongklusyong nabubuo natin sa paglalagom ay mga pangkalahatang aral na nakakagabay sa ating pagkilos.

Natututo tayo kapwa sa positibo at negatibong karanasan. Pinanghahawakan natin ang mga natutunan sa positibong karanasan at higit pang pinapaunlad ito. Natututo tayo mula sa negatibong mga karanasan; maaaring maiwasan ang katulad na mga karanasan kung mahigpit na tatangangan ang mga aral mula rito.

Maraming klase ng paglalagom, depende sa ating pangangailangan at sa saklaw at katangian ng karanasang nilalagom. Karaniwang nilalagom natin ang karanasan sa pagkilos ng masa, sa pamumuno sa masa at sa pagkilos ng organisasyon. Halimbawa nito ang paglalagom ng karanasan sa paglulunsad ng isang kampanyang masa. Dito humahango tayo ng mga aral sa wasto at mahusay na paraan ng paghahanda at paglulunsad ng isang kampanyang masa. Mayroon ding paglalagom ng karanasan sa gawaing masa sa lokalidad para humango ng mga aral sa wasto at mahusay na paraan ng pagtupad ng gawaing masa at solidong pag-oorganisa sa baryo.

Matapos mailinaw ang mga datos at resulta ng pagkilos, ayon sa saklaw ng panahon at karanasang nilalagom, pinapansin natin ang:

a. pagsulong, pagkabalaho o pag-atras ng pagkilos; ang mga dahilan at kalagayang nagbunsod nito; at mga aral na mahahango rito.

b. mga tampok na kalakasan, kahusayan, kahinaan at kamalian sa pagkilos; ang mga kalagayan at pananaw na nagbunsod ng mga ito; at ang mga aral na mahahango rito.

Mula sa mga ito, matutukoy ang mga rekisitos para sa mahusay na pagganap na gawain o para sa matagumpay na aksyon. Ang kabuuan ng mga aral na nahahango sa paglalagom ay magsisilbing gabay sa panibagong antas ng pagpaplano at pagkilos. Nakakapagbigay ang mga ito ng ibayong kumpyansa para sa patuloy na pagsulong ng gawain.

Ang paglalagom ay mahalagang bahagi ng ating pag-aaral. Sa pamamagitan nito, mahusay tayong natututo mula sa sariling karanasan. Aktibo nating nagagamit ang karanasan, positibo o negatibo man, para patuloy na paunlarin ang ating kaalaman at pag-unawa sa ating mga gawain at tungkulin. Sa pamamagitan ng paglalagom, mapapahigpit natin ang pag-unawa sa mga prinsipyo ng rebolusyon batay sa naging karanasan mismo.

7. Paano ang buong proseso ng pag-alam at ng rebolusyonaryong pag-aaral?

Alamin natin ang katotohanan mula sa pangyayari. Ayon kay Mao, “Ang mga ‘pangyayari’ ay lahat ng bagay na obhetibo (o kongkreto) na umiiral; ang ‘katotohanan’ ay ang panloob na pagkakaugnay-ugnay nila, iyong mga batas na sumasaklaw sa kanila; at ang ‘pag-alam’ ay pag-aaral.”

Ang pag-alam sa kalagayan at ang pagkilos para baguhin ito ay isang tuluy-tuloy na proseso. Halimbawa, tuluy-tuloy nating inaalam ang kalagayan sa isang baryo, pinupukaw, inoorganisa at pinapakilos ang masa para lutasin ang mga suliranin. Sa bawat hakbang ng pagkilos, inaalam muna nating mabuti ang kalagayan at mga suliranin.

Kapag nagsisimula pa lamang tayong kumilos sa baryo, inaalam natin ang kasaysayan ng lugar, ang katangian ng tereyn, anu-ano ang mga pananim at pinagkukunan ng kabuhayan, anu-ano ang suliranin ng mga magsasaka, sinu-sino ang mapagkakatiwalaan at maaasahang kumilos, sinu-sino ang mga panginoong maylupa at mga ahente nila, atbp. Batay sa panimulang pagsisiyasat at pagsusuri, gumagawa tayo ng mga plano para sa hakbang-hakbang na pag-abot, pagpupukaw, pag-organisa, hanggang sa pagpapakilos sa masa. Ginagabayan tayo ng mga paglilinaw sa teorya ng demokratikong rebolusyong bayan, tulad ng paglilinaw sa mga uri.

Habang pinapatupad natin ang mga plano, patuloy nating sinisiyasat at sinusuri ang kalagayan. Nadaragdagan ang impormasyon. Nakukumpirma ang ilang naunang kongklusyon, habang napapatunayang mali ang iba pa. Sinusuri natin batay sa praktika o sa mga resulta ng pagkilos kung tama o mali ang mga nauna nating pagsusuri, kongklusyon at mga balak. Pana-panahong tinatasa ang buong kalagayan para matukoy o maangkupan ang mga pagbabago rito.

Batay sa bago, mas mayaman at mas tumpak na mga ideya at kongklusyon, muli tayong nagbabalak at iniaangkop ang kilos para baguhin ang kalagayan. Itinutuwid ang maling kaalaman, iwinawasto ang maling mga kaisipan at gawi, pinupuna ang maling mga pagkilos. Kasabay nito, itinataguyod natin at pinapagpunyagian ang napapatunayang wasto at totoo.

Kapag nagkaroon ng sapat ng karanasan, o sa mga pagkakataong may malaking pagbabago sa kalagayan o gawain, nilalagom natin ang buong karanasan para makahango ng mas malalalim na aral. Ang mga aral na ito ay magsisilbing gabay sa panibago at mas mataas na antas ng pagkilos. Itinutuntong ang paglalagom sa mga isinasagawang pagtatasa ng kalagayan at gawain.

Mahalagang bahagi sa buong prosesong ito ang pagtatasa sa sariling pwersa: pagtatasa ng buong yunit sa sariling pagkilos at kalagayan, at pagtatasa sa pagkilos at gawain ng bawat isa. Dito pumapasok ang punahan at pagpuna-sa-sarili.

B. Paano Wastong Sinusuri Ang Mga Bagay at Pangyayari?

Pinapalalim natin ang pag-unawa natin sa isang bagay o pangyayari sa pamamagitan ng pagsusuri. Ang mga kongklusyon na nabubuo sa wastong pagsusuri ay gumagabay sa pinakamahalagang hakbang sa pag-aaral – ang pagsasapraktika. Pag-aralan natin kung gayon kung paanong wastong sinusuri ang mga bagay at pangyayari.

1. Ano ang pinagbabatayan ng wastong pagsusuri?

Nakabatay ang wastong pagsusuri sa kongkreto, aktwal, tunay, o obhetibong mga kalagayan at pangyayari. Ibig sabihin, hindi ito nagsisimula sa mga pangarap, haka-haka, superstisyon at iba pang palagay o pag-iisip na suhetibo o walang kongkretong batayan. Kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan ang tanging wastong paraan ng pagsusuri.

Madalas mangyari na mahirap gumawa ng tamang kongklusyon – halimbawa mahirap matukoy ang tunay na katangian o dahilan ng isang problema – dahil kulang pa sa kongkretong datos. Halimbawa, marami sa hawak na datos ay mali o suhetibo. Sa ganitong mga pagkakataon, kailangang palawigin at palalimin pa ang pagsisiyasat sa kalagayan.

Nangyayari ring hindi maabot ang tamang kongklusyon kahit sapat o higit pa sa kailangan ang hawak nang datos. Ito’y dahil sa kakulangan sa wastong pagsusuri o pagproseso sa datos. Kaakibat nito, maaaring kulang din sa paggamit ng mga prinsipyo na gumagabay sa pag-uugnay-ugnay ng kalat-kalat na datos.

Nangyayari pa nga na maling mga kongklusyon ang nararating bunga ng maling pagsusuri, kahit sapat ang datos na pinagbabatayan. Sa ganitong karanasan, karaniwang ang maling pagsusuri ay bunga ng maling pag-uugnay-ugnay ng datos.

Magsimula sa mga tunay o aktwal na mga pangyayari at kongkretong mga datos ng kalagayan. Pag-aralan ang ugnayan ng mga datos, pangyayari, at iba pa. Alin ang mahalaga, alin ang hindi? Alin ang totoo, alin ang mali? Paano ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari? Ito ang pinagbabatayan ng wastong pagsusuri.

2. Bakit natin sinasabi na lahat ng bagay ay nagbabago?

Ang lahat ng bagay ay nagbabago. Walang anumang bagay ang masasabi nating yari o ganap na kaya’t hindi na magbabago. Kung pagmamasdan natin ang kapaligiran, ang kalikasan at ang lipunan ng tao, makikita nating patuloy na nagbabago ang mga bagay-bagay – pati na ang tao. Bawat bagay ay may pagsibol, pag-unlad at paglipas. May mga pagbabagong dahan-dahan, may mga biglaan naman. At ang pagbabago ay nangyayari sa buong proseso ng pag-iral ng bagay, mula sa umpisa hanggang sa wakas nito.

Maraming naniniwalang hindi nagbabago o imposibleng magbago ang maraming bagay. Isang dahilan nito ay hindi lahat ng pagbabago ay madaling makita o dili kaya’y matagal ang proseso ng pagbabago. Isa pa, ipinapalaganap ang ganitong kaisipan ng mga naghaharing uri para mapanatili ang kanilang paghahari. Halimbawa, may mga nagsasabi na hindi na maaaring baguhin ang kalagayang may mayayaman at may mahihirap. Alam nating hindi ito totoo, at pinalalaganap lamang ito ng mga naghaharing uri na nakikinabang sa sistemang mapagsamantala at mapang-api para ilayo ang masa sa rebolusyon.

Marami ring naniniwala na kung nagbabago man ang mga bagay, ito’y paglipat lamang sa pwesto, pagdaragdag lamang sa bilang, o kaya’y pag-uulit lamang. Halimbawa, ang mga nakikita lamang sa kasaysayan o pag-unlad ng lipunan ay ang paglikas ng tao, paglaki ng populasyon, pagpalit ng bagong henerasyon, o mga aksyon ng mga “dakilang lider”. Itinatatwa ng ganitong pagtingin ang saligan o rebolusyonaryong mga pagbabagong nagaganap sa kasaysayan tulad ng mga pagbabago sa sistema sa ekonomya, pulitika at kultura ng lipunan.

Ang kaalaman ng tao ay bunga ng pag-aaral sa pagbabago, paggalaw o pag-iral ng mga bagay. Kasabay ng pag-unlad ng lipunan, patuloy ding umuunlad ang kaalaman ng tao. Sumusulong ang kaalaman ng tao sa pagsusuri na wastong tumutuklas sa mga dahilan at paraan ng pagbabago. Sa pag-unlad ng kaalaman ng tao, aktibo at mabisa siyang nakakakilos sa pagbabago ng mga bagay para sa kanyang pakinabang.

Ang kaalaman na mauunawaan ng tao ang mga bagay sa pamamagitan ng pag-aaral sa pagbabago ang nagbibigay sa atin ng tibay ng loob at tatag ng kapasyahan sa harap ng problema at mahirap na sitwasyon. Itinuturo nito sa atin na kapag wasto nating masusuri ang kalagayan, mauunawaan natin kung paano lulutasin ang problema at haharapin ang mahirap na sitwasyon.

3. Ano ang dahilan ng pagbabago ng mga bagay?

Bawat bagay ay may dalawang panig o aspeto na magkasalungat at nagtutunggalian. Ito ang tinatawag nating kontradiksyon. Ang katangian ng bagay ay itinatakda ng kontradiksyon, at ang pag-unlad at pagbabago ng bagay ay itinatakda ng pagtutunggalian ng dalawang aspeto ng kontradiksyon. Kung gayon, ang dahilan ng pagbabago ng anumang bagay ay nasa loob, o kaibuturan, at wala sa labas nito.

Halimbawa, bakit nagbabago at umuunlad ang lipunang Pilipino? Kapalaran ba ang nagtatakda, ang klima at kalupaan kaya, o ang tulong ng ibang bayan? Hindi. Ang nagpapagalaw ng lipunan ay ang kontradiksyon sa loob nito: ang tunggalian ng mga uri. Sa isang panig naririyan ang mga uring naghahari, nagsasamantala at pumipigil sa pag-unlad ng bayan; at sa kabilang panig naman naririyan ang mga uring pinaghaharian, pinagsasamantalahan at naghahangad ng kaunlaran, kalayaan at demokrasya.

Nag-iimpluwensya naman ang mga panlabas na kalagayan sa pagbabago ng bagay. Walang bagay ang umiiral nang hiwalay sa kanyang paligid. Sa kanyang paggalaw at pag-unlad, nakakaugnay nito ang iba pang bagay sa paligid. Ito ang panlabas na mga kalagayan na nakapagpapabilis o nakapagpapabagal sa pagbabago ng bagay.

Halimbawa, ang nagtatakda sa patuloy na pag-unlad ng isang kasama ay ang tunggalian ng wasto at maling mga ideya sa sarili niya: ang pagtataguyod ng pambansa-demokratikong interes ng sambayanan laban sa anumang salungat dito. Kaya nga nasa naturang kasama ang pagpapasya kung magpursigi sa rebolusyon o magpasibo na lamang. Ngunit may mahalagang impluwensya rin ang panlabas na kalagayan sa kanyang pagpapasya: ang kanyang mga kakolektibo, ang gumagabay sa yunit niya, ang kanyang pamilya, ang kanyang minamahal, ang masang nakakasalamuha niya sa pagkilos, at iba pa.

Sa halimbawang unang nabanggit, ang pag-unlad ng lipunang Pilipino ay pangunahing nakasalalay sa tunggalian sa pagitan ng mamamayan laban sa imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo na matalas na nasasalamin sa rebolusyon. Ang pagsulong at tagumpay ng rebolusyon ay hindi maitatakda ng magandang kalagayang panlabas tulad ng tagumpay ng rebolusyon sa ibang bayan at krisis sa ibang bayan, gayundin ng tulong ng mga kaibigan. Ngunit ang magandang kalagayang panlabas, at ang tulong sa rebolusyon ay mahalaga at nakakatulong sa pagsulong ng rebolusyon hanggang sa tagumpay.

Itinuturo ng ganitong pag-unawa natin ang pag-iwas sa pagiging mababaw sa pagsusuri. Upang maunawaan natin ang pag-unlad ng isang bagay, kailangang pag-aaralan natin ang panloob na katangian nito, gayundin ang ugnayan nito sa iba pang bagay. Kailangang alamin natin kung alin sa mga nalikom na datos ang panloob at alin ang panlabas. Kailangang alamin natin ang panloob na kontradiksyon at paano ito naiimpluwensyahan ng panlabas na kondisyon.

4. Bakit natin sinasabing ang “paghahati ng isa sa dalawa” ang wastong paraan ng pagsusuri?

Ang “paghahati ng isa sa dalawa” ay walang iba kundi ang pag-aaral ng kontradiksyon. Ito ang pagtungo sa kaibuturan ng bagay para pag-aralan ang katangian at pagtutunggalian ng magkasalungat na aspeto ng kontradiksyon. Pinag-aaralan ang paggalaw at pag-unlad ng bawat aspeto, ang anyo at paraan ng pag-iral at pagtutunggalian, pagtindi at paghupa nito, aksyon at ganting aksyon, at iba pa. Ito ang wastong paraan ng pagsusuri.

Idinidiin nito na ating pakaiwasan ang pagiging makaisang-panig lamang. Makaisang-panig ang pagtingin sa isang aspeto lamang ng bagay o kontradiksyon; at ang labis na pagdiin sa isang aspeto habang minamaliit ang kabila. Makaisang-panig rin ang pag-aaral lamang sa dalawang aspeto nang hindi pinag-aaralan kung paano sila nag-uugnayan at nagtutunggali.

Halimbawa, sa pagsusuri ng isang kasama, pinag-aaralan natin ang positibo at negatibong mga katangian niya. Sa pagsusuri ng isang baryo, pinag-aaralan natin ang mga magsasaka at manggagawang bukid sa isang banda, at ang panginoong maylupa sa kabilang banda. Sa pagsusuri ng lipunan, pinag-aaralan natin ang mga pinagsasamantalahan at inaapi sa isang banda, at ang mga nagsasamantala at nang-aapi sa kabilang banda.

Para malaman ang esensya o kalikasan ng isang bagay, kailangang alamin kung alin sa dalawang aspeto nito ang nangingibabaw, o prinsipal. Napakahalaga nito dahil ang mas matimbang sa dalawang aspeto ang nagtatakda ng esensya o kalikasan ng bagay o pangyayaring sinusuri.

Anumang bagay ang ating sinusuri, sinesentruhan agad natin ang pag-aaral sa kalikasan nito: ang pag-aaral sa kontradiksyon sa kaibuturan nito, ang pag-aaral sa magkasalungat na aspeto, panig, katangian o pwersang nagpapagalaw nito, at pagtukoy sa kung aling aspeto ang nangingibabaw. Sa isang kasama, halimbawa, sinusuri natin ang kontradiksyon ng mga kaisipan o katangiang positibo o negatibo, wasto o mali, rebolusyonaryo o di rebolusyonaryo. At malinaw na tinutukoy ang nangingibabaw na katangian – ang positibo, wasto, at rebolusyonaryo.

Sa pagsusuri ng ating mga pagkilos, sinusuri natin ang nakamit at di nakamit, at kung hanggang anong antas natugunan ang layunin; ang mga kalakasan at kahinaan; at iba pa. Gayundin, tinutukoy natin kung alin ang nangingibabaw.

Sa pagsusuri ng kontradiksyon, ginagamit natin ang paghahambing at pag-iiba. Ang kontradiksyong nagpapagalaw ng bagay na sinusuri ay higit nating nakikilala sa pamamagitan ng paghahambing at pag-iiba nito sa iba pang kontradiksyon. Ang kontradiksyon sa ating baryo, halimbawa, ay maihahambing at mapag-iiba natin sa kontradiksyon sa ibang baryo.

Sa paghahambing, sinusuri natin ang mga katangiang komun na tinataglay ng kontradiksyong pinag-aaralan sa iba pang kontradiksyon. Nakakatulong ito sa atin para sentruhan agad ang pagsusuri sa esensya ng bagay at nakakagabay sa atin sa pag-aaral ng kontradiksyon.

Sa pag-iiba, sinusuri natin ang mga katangiang kakaiba sa tinataglay ng ibang kontradiksyon, mga katangiang partikular lamang sa kanya. Sa pag-iiba mas nabubuo at napapalamnan natin ang pag-unawa sa bagay na sinusuri. Kailangan ang pag-iiba para makabuo ng wasto at angkop na solusyon o paraan ng pagkilos.

Halimbawa, sa pagsusuri ng kontradiksyon sa ating baryong sakahan, alam nating katulad ito ng kontradiksyon sa mga baryong sakahan sa Pilipinas. Kaya dapat ipatupad ang rebolusyong agraryo sa baryo natin, at ang mga karanasan sa pagpapatupad ng rebolusyong agraryo na mababasa natin sa ANG BAYAN ay makapagbibigay sa atin ng ideya kung paano ito ilulunsad sa sariling baryong kinikilusan. Subalit maaaring magkaiba ang anyo at paraan ng pangingikil ng upa sa lupa ng panginoong maylupa, ang katangian at lakas ng panginoong maylupa, ng kanyang katiwala, ng pwersang militar, ang laki at tatag ng samahang masa sa baryo, ang lakas at kahandaan ng masa, at iba pa. Kaya hindi pwedeng kopyahin ang bawat hakbang na ginawa ng ibang baryo sa pagpapababa ng upa sa lupa.

Mahalaga sa pagkilala sa bagay ang pag-alam sa kasaysayan nito. Sa pagsusuri natin sa kasama, inaalam natin ang kanyang uring pinagmulan, ang kanyang pamilya, ang kanyang pagkamulat, ang kasaysayan ng kanyang pagkilos. Sa pagsusuri natin sa lipunang Pilipino, napakahalagang maunawaan ang kasaysayan nito upang malaman ang istorikong ugat ng kasalukuyang kalagayan at higit na maunawaan ang saligang katangian nito.

Ang pagsusuring naghahati ng isa sa dalawa ang wastong paraan ng pagsusuri. Inaalam natin ang dalawang aspeto na bumubuo sa kontradiksyon. Inaalam natin kung alin sa dalawang aspeto ang nangingibabaw o prinsipal. Ihinahambing natin ang isang bagay sa iba pa upang malaman ang esensyang komun sa kanila. Iniiba natin ang bagay na ito sa iba pa upang mapalamnan at mabuo ang pag-unawa sa bagay na sinusuri. Inaalam natin kung paano umunlad ang kontradiksyon.

5. Sa isang karaniwang bagay, ano ang pangunahing nagtatakda ng pagbabago?

Ang karaniwang bagay o proseso na sinusuri natin ay kumplikado. Ibig sabihin, marami itong taglay na kontradiksyon. Kailangang pag-aralan ang iba’t ibang kontradiksyong ito, ang dalawang aspeto ng bawat kontradiksyon, at ang ugnayan ng mga kontradiksyon sa isa’t isa upang maiwasan ang pagiging makaisang panig.

Sa maraming kontradiksyong ito, mayroong isang kontradiksyon na mapagpasya sa pag-unlad ng bagay o proseso. Ang kontradiksyong ito ang tumutuhog, kaugnay, at nakakaapekto sa pag-iral at pag-unlad ng lahat ng iba pang kontradiksyon.

Susi, kung gayon, sa pag-unawa sa katangian ng isang kumplikadong bagay o proseso at kung paano ito umuunlad, ang pagtukoy kung alin ang prinsipal na kontradiksyon sa bagay o proseso, at pag-alam kung paano ito umiiral at umuunlad.

Para malaman kung alin ang mapagpasya o prinsipal na kontradiksyon, kailangang masusing pag-aralan ang iba’t ibang kontradiksyon sa isang bagay o proseso. Makaisang-panig o suhetibo ang pag-aaral sa isang kontradiksyon lamang, kahit ito ang prinsipal o mapagpasyang kontradiksyon. Hindi malinaw na maipipirmi na ito nga ang prinsipal na kontradiksyon. Hindi makikita ang ugnay nito sa iba pang kontradiksyong umiiral.

Halimbawa, sa pagsusuri sa kalagayan ng isang baryo, napakaraming kontradiksyon. Nariyan ang kontradiksyon sa pagitan ng panginoong maylupa sa isang banda, at mga kasamá at manggagawang bukid sa kabilang banda. Nariyan ang kontradiksyon sa pagitan ng mayamang magsasaka, at maralitang magsasaka at manggagawang bukid. Nariyan ang kontradiksyon sa pagitan ng mga panginoong maylupa, at sa pagitan ng mga panginoong maylupa at mayamang magsasaka. Nariyan ang kontradiksyon sa pagitan ng mga komersyante at mga magsasaka. Nariyan ang kontradiksyon sa hanay ng mga magsasaka.

Sa ganitong baryo, ang prinsipal na kontradiksyon ay iyong sa pagitan ng panginoong maylupa sa isang banda, at mga kasamá at manggagawang bukid sa kabilang banda. Ito ang humuhugis at mabigat na nakakaimpluwensya sa iba pang kontradiksyon sa baryo. Ang pagtukoy sa prinsipal na kontradiksyon ay napakahalaga sa pag-unawa sa kalagayan ng baryo. Mahalaga namang masuri ang iba’t ibang kontradiksyon upang makita ang kabuuang kalagayan. Pinag-aaralan natin ang ugnayan ng iba’t ibang kontradiksyon sa isa’t isa, at sa kabuuan.

Tulad sa simpleng bagay o proseso, ang prinsipal o nangingibabaw na aspeto ng kontradiksyon ang nagtatakda sa kalikasan ng isang bagay. Sa kumplikadong bagay o proseso, ang prinsipal na aspeto ng prinsipal na kontradiksyon ang pangunahing nagtatakda ng kalikasan ng isang bagay, ng esensya nito.

Sa halimbawang tinukoy, nangingibabaw ang panginoong maylupa sa mga kasamá at manggagawang bukid. Nakapangingikil siya ng upa sa lupa at nakakapagtakda ng napakababang sahod sa mga manggagawang bukid. Nakakaimpluwensya ito sa pag-iral ng iba pang kontradiksyon. Ang ganitong kalagayan ay napagbabatayan ng pagsasamantala ng komersyante at usurero sa mga maralitang magsasaka at manggagawang bukid, at ng mga mayamang magsasaka sa mga manggagawang bukid. Ang pangingibabaw ng panginoong maylupa ang nakapagtatakda ng katangian ng kalagayan sa sinusuring baryo.

Ang paglutas ng prinsipal na kontradiksyon ang magbibigay daan sa paglutas sa iba pang kontradiksyon. Sa halimbawang nabanggit, hinaharap natin ang tunggalian sa pagitan ng mayamang magsasaka, sa isang banda, at ng magsasaka at manggagawang bukid, kaugnay ng pagwasak sa paghahari ng panginoong maylupa. Ibig sabihin, ninunyutralisa natin sila, at hindi labis na sinasaktan ang interes nang sa gayon ay hindi aktibong pumanig sa panginoong maylupa at sa halip ay mahimok pa nga na sumuporta sa pakikibaka ng magsasaka at manggagawang bukid hanggang makakaya.

Ano ang itinuturo ng ating pag-unawa na sa karaniwang bagay na nagtataglay ng maraming kontradiksyon, ang prinsipal na kontradiksyon ang mapagpasya sa pag-inog ng bagay na ito at ang prinsipal na aspeto ng prinsipal na kontradiksyon ang pangunahing nagtatakda sa kalikasan ng bagay? Itinuturo nito sa atin na sa pagsusuri, pag-aralan natin ang mga kontradiksyong bumubuo ng bagay, suriin kung alin sa mga kontradiksyon ang prinsipal, pag-aralan kung paano ito tumutuhog at nakakaimpluwensya sa iba pang kontradiksyon, pag-aralan ang mga aspeto nito at alamin kung alin sa dalawang aspeto nito ang prinsipal. Kailangan ring pag-aralan ang segundaryong mga kontradiksyon at ang mga aspeto nito.

6. Bakit kailangang isaalang-alang ang ugnayan ng kabuuan at mga bahagi?

Sa pagsusuri ng bagay, dapat iugnay ito sa kabuuan para maiwasang maging makaisang-panig, mababaw at lutang ang mga kongklusyon. Sa kabilang banda, ang pagsusuri ng bagay ay nabubuo at napapalalim kapag mahusay na sinusuri ang lahat ng bahagi nito.

Anumang bagay na sinusuri natin ay kabahagi ng isang mas malawak na kabuuan. Dapat isaalang-alang ang relasyon ng bagay na sinusuri sa kabuuang ito. Kailangang pansinin kung paano nagkakaimpluwensya at nasasalamin sa bagay na sinusuri ang pag-unlad ng kabuuan. Sa gayon mas mauunawaan pa natin ang dahilan at pag-unlad ng bagay na iyon.

Halimbawa, ang baryong kinikilusan natin ay bahagi ng isang munisipalidad at isang lalawigan. Ang mga pangyayari sa munisipalidad at sa lalawigan, tulad ng pagtindi ng reaksyong militar, ay namamalas sa ating baryo sa pagtatayo halimbawa ng CAFGU o sa pagkakaroon ng mga operasyong militar. Sa pag-uugnay ng pagsusuri sa baryo at relasyon nito sa mga pangyayari sa bayan at lalawigan, mas mauunawaan natin kung paano at bakit nagaganap ang reaksyong militar ng kaaway. Hindi natin iisiping simpleng reaksyon ito ng isang pangyayaring naganap halimbawa sa baryo.

Isa pang halimbawa ang pagkilos ng ating grupo at komiteng pang-organisa sa baryo. Ang ating mga plano ay nagsasaalang-alang at nakabatay sa plano ng seksyon at distrito. Kaya sa pagtatasa, binibigyan natin ng pansin ang epekto at impluwensya ng gabay at atas mula rito at ang pangkalahatang pagkilos sa saklaw ng munisipalidad o seksyon.

Ang ating pagsusuri sa isang bagay ay dapat ding mag-ukol ng pansin sa pag-aaral ng mga bahaging bumubuo nito. Magiging mas buo, malaman at malalim ang ating pag-unawa sa bagay, nakukumpirma ang mga panimulang kongklusyon at naiiwasan ang pahapyaw na mga kongklusyon.

Sa ating pagtatasa, halimbawa, di dapat na basta na lamang sabihing mahusay sa kalahatan ang takbo ng pagkilos. Dapat pansinin sa pagsusuri ang pagkilos ng iba’t ibang grupo at ang paggampan ng iba’t ibang gawain sa edukasyon, organisasyon at pagmomobilisa sa masa. Sa gayon, mas malinaw, malaman at makatotohanan ang ating pagsusuri sa naging pagtupad ng plano o programa.

Isa pang halimbawa, sa pagtatasa sa gawaing masa sinusuri natin ang katangian ng bawat grupong pang-organisa, at ang latag ng gawain sa bawat sityo o bahagi ng baryo. Ang gayong pagsusuri sa mga bahaging bumubuo ng bagay na pinag-aaralan ang makapagbibigay sa atin ng buong larawan nito.

7. Paano nagbabago ang isang bagay?

May kontradiksyon mula sa simula hanggang matapos ang bagay. Mahalagang pag-aralan kung paano umunlad ang kontradiksyon sa buong proseso ng pag-unlad ng bagay, para maunawaan o masapol ang katangian ng bagay at paano umuunlad ito. Ang pag-unlad ng mga bagay ay nagdaraan sa kantitatibo at kalitatibong pagbabago.

Sa simula, ang isang aspeto ng kontradiksyon ay mas malakas at nakakapangibabaw sa kabilang aspeto. Ang nangingibabaw na aspeto ang nagtatakda ng batayang kalikasan ng bagay. Malakolonyal at malapyudal ang katangian ng bayang Pilipinas, halimbawa, dahil pinaghaharian ng imperyalismong US, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo ang mamamayan.

Pero hindi tigil ang katayuang ito. Walang-humpay na nagtutunggalian ang dalawang aspeto. Patuloy na nagbabago ang anyo at lakas ng bawat kasalungat. At patuloy na nagbabago ang anyo at tindi ng kanilang pagtutunggalian, minsa’y tago, minsa’y litaw. Ito ang tinatawag na antas ng kantitatibong pagbabago, isang antas na parang hindi nagbabago ang bagay. Ang mapapansin lamang natin, kung mayroon man, ay ang maliliit na pagbabago sa porma o panlabas na kaanyuan ng bagay. Sa buong antas na ito, hindi nagbabago ang pusisyon ng mga aspeto.

Sa Pilipinas halimbawa, ang tunggalian ng mga uri ay namamalas sa maraming mga pagbabago sa porma tulad ng pagdami ng walang hanapbuhay, pagdami ng mga welga at iba pang pakikibakang masa, paglakas ng hukbong bayan at iba pa. Patuloy na nilalabanan ng mamamayan ang pagsasamantala at pang-aapi. Patuloy na pinapatindi ng naghaharing uri ang pagsasamantala at pang-aapi, at ang panunupil at panlilinlang sa mamamayan. Nagbabago ang tindi ng tunggalian, nagbabago ang balanse ng mga pwersa, pero hindi nagbabago ang katangian ng lipunan. Wala pang nagaganap na pagbabago sa batayang relasyon ng mga uri sa lipunan. Kaya nananatili ang kalikasang malakolonyal at malapyudal ng lipunang Pilipino.

Nagkakaroon ng kalitatibong pagbabago sa bagay kapag nagpalit ng pusisyon ang dalawang aspeto. Sa patuloy na paglakas ng dating segundaryong aspeto at paghina ng prinsipal at pabulusok na aspeto, aabot ang panahon na ang dating segundaryo pero pasulong ang mangingibabaw at ang dating prinsipal ang pangingibabawan. Ito ang tinatawag na antas ng kalitatibong pagbabago. Ang pagpapalitan ng pusisyon ng pangingibabaw ng magkasalungat na aspeto ay mamamalas sa isang igpaw na nagbabago sa kalikasan ng bagay. Itatakda na ngayon ng bagong nangingibabaw na aspeto ang kalikasan ng bagay.

Bunga ng pagbabago sa balanse ng mga pwersa, darating ang kalitatibong pagbabago sa kasalukuyang lipunang Pilipino pagkapanalo ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Ang mga uring dating naghahari, nang-aapi at nagsasamantala ay siya ngayong paghaharian, at ang mga uring dating pinaghaharian, inaapi at pinagsasamantalahan ang siya ngayong maghahari. Magkakaroon ng pagbabago sa kalikasan ng lipunang Pilipino, pati na ng saligang mga pagbabago sa pulitika, ekonomya at kultura ng bayan.

Kailangang suriin kung saan nagsisilbi ang kantitatibong pagbabago. Ang mga kantitatibong pagbabago na naglilingkod at nagpapalakas sa prinsipal na aspeto ay hindi hahantong sa kalitatibong pagbabago. Ang mga kantitatibong pagbabago naman na naglilinkod at nagpapalakas sa segundaryong aspeto ang hahantong sa kalitatibong pagbabago.

Tignan natin halimbawa ang reporma. Magkaiba ang repormismo sa rebolusyonaryong pakikibaka para sa reporma. Ang una’y nagtataguyod lamang ng, at nagkakasya sa, ilang paimbabaw na pagbabago nang hindi nakikibaka para sa pagbabago sa saligang kaayusan, at bagkus ay nakakatulong sa pagpapanatili nito. Samantalang ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa reporma, habang nagtataguyod ng kagyat na pagbabago ay nagpapalakas sa rebolusyonaryong hanay, at nakatumbok at nagsisilbi sa rebolusyonaryong pagbabago. Ang kaibahang ito ay makikita sa layunin at paraan ng pagdadala ng isyu at pakikibaka, halimbawa, ng pagpapataas ng presyo ng produkto ng magsasaka, o sa paglaban sa pagtaas ng presyo ng langis. Repormismo ang magkasya sa partikular na hinihingi nang hindi inilalantad ang ugat ng suliraning nabanggit at ang papel ng estado rito.

Dagdag pa, nalilinaw sa atin ng pag-unawa sa kantitatibo at kalitatibong pagbabago kung ano ang mga pangangailangan at kalagayan para maganap ang kalitatibong pagbabago ng bagay o pangyayari.

Halimbawa, sa pagbubuo ng unyon sa pabrika kailangang tantyahin kung ang antas ng pagpupukaw at pag-oorganisa sa mga manggagawa ay sapat na, o hindi pa sapat, upang hayagang ipaglaban na ang pagtatatag ng unyon. Gayon din, kailangang tantyahin kung sapat na ang lakas ng samahang magsasaka para sa pagharap sa kampanya sa pagpapababa sa upa sa lupa. Kapag hindi wastong nasuri ang bagay na ito, masusubo sa labanang hindi pa kakayanin, sa isang banda, o dili kaya’y mag-aatubiling pumasok sa mga laban na kaya at dapat nang isulong.

Isa pang halimbawa. Sa proseso ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan, hakbang-hakbang na nag-iipon ng lakas ang rebolusyonaryong mga pwersa habang pinapahina ang reaksyunaryong mga pwersa. Kailangan makamit nito ang antas ng lakas pampulitika at militar na bumaling na ang balanse ng mga pwersa bago maagaw ang kapangyarihang pampulitika. Ang paghahangad ng dagliang tagumpay militar nang hindi pa nakakamit ang pagbabagong ito ay tiyak na hahantong sa kabiguan.

Itinuturo sa atin ng pag-unawa kung paano nagbabago ang isang bagay, ang pagdaan nito sa kantitatibo at kalitatibong pagbabago, ang masusing pagsusuri sa pagbabago sa anyo at lakas ng bawat kasalungat, sa pagbabago sa anyo at tindi ng kanilang tunggalian, sa aksyon at ganting-aksyon ng bawat isa sa kasalungat; pag-unawa sa kaibahan ng kantitatibo at kalitatibong pagbabago; pagkilala kung ang kantitatibong pagbabago ay tutungo sa kalitatibong pagbabago; at sa pag-unawa sa mga pangangailangan at kalagayan para maganap ang kalitatibong pagbabago.

8. Paano nalulutas ang isang kontradiksyon?

Sa pagkakaroon ng kalitatibong pagbabago sa pagpapalitan ng pusisyon ng prinsipal at segundaryong aspeto ng kontradiksyon, nagbabago na ang kalikasan ng isang bagay. Nawawala ang kondisyon sa pag-iral ng dating magkasalungat na aspeto at nagwawakas ang lumang bagay. Sumisibol naman ang bagong kontradiksyon at bagong bagay. Sa sandaling mangibabaw ang bagong aspeto sa luma, ang lumang bagay ay nagbabago ng kalidad at nagiging bagong bagay.

Halimbawa, magbabago ang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino sa pagtagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan, sa paggapi sa armadong kapangyarihan ng imperyalismong US, malaking komprador burges at malaking panginoong maylupa. Ang nabanggit na nabubulok at reaksyunaryong aspeto na dating nangingibabaw sa buong lipunang Pilipino ay nagiging segundaryo, at ang dating pinangingibabawang aspeto – ang sambayanang Pilipino, sa rebolusyonaryong pamumuno ng uring manggagawa at ng partido nito, ang siyang mangingibabaw. Sa pagpapalit ng lugar ng dalawang aspeto ng kontradiksyon sa lipunang Pilipino, nagbabago na sa saligan ito mula sa pagiging malakolonyal at malapyudal, at sumisibol bilang sosyalistang lipunan.

Isa pang halimbawa, sa paglutas ng kontradiksyon sa pagitan ng panginoong maylupa at magsasaka, isinusulong ang rebolusyong agraryo. Kapag naipatupad na ang maksimum na programa ng reporma sa lupa, nalulutas ang kontradiksyon, nawawasak ang kapangyarihan ng panginoong maylupa at napapawi ang pyudalismo. Sumisibol naman ang suliranin sa pagpapaunlad ng kooperasyon at kolektibisasyon sa agrikultura.

Bahagi ng pag-aaral natin sa kung paano nalulutas ang kontradiksyon ang pag-alam sa paraan ng paglutas nito. Ang tunggaliang magkaiba sa kalidad ay malulutas sa kalitatibong magkaibang paraan. Naitatakda ng katangian ng kontradiksyon ang paraan ng paglutas nito. Halimbawa, ang tunggalian sa pagitan ng mga panginoong maylupa at mga magsasaka ay malulutas lamang sa pamamagitan ng rebolusyong agraryo; ang tunggalian sa pagitan ng imperyalista, malaking komprador burges at panginoong maylupa sa isang banda at ng mamamayan sa kabila ay malulutas sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang tunggalian naman sa pagitan ng magsasaka at manggagawang bukid ay malulutas sa pamamagitan ng pagpapataas ng sahod sa balangkas ng pakikibaka laban sa pyudalismo; at ang tunggalian sa hanay ng mamamayan ay malulutas sa pamamagitan ng paglilinaw sa tama at mali.

Ang ating sinusuri ay ang mga bagay na patuloy na gumagalaw, umuunlad, at nagbabago. Ang pag-unawa natin kung gayon sa kung paano nagbabago ang mga bagay ay napakahalaga upang makagawa ng wastong pagsusuri. Ating baliktanawin. Lahat ng bagay ay nagbabago at ang dahilan ng pagbabago ay nasa loob nito, nasa kontradiksyon, nasa tunggalian ng magkasalungat na aspeto na bumubuo nito, na umiiral sa buong proseso mula simula hanggang wakas nito. Ang panlabas na mga bagay ay nakakaimpluwensya rito at tumatayong kalagayan sa pagbabago nito. Itinatakda ng prinsipal na aspeto ng kontradiksyon ang kalikasan ng bagay. Ang karaniwang bagay ay kumplikado at binubuo ng maraming kontradiksyon, at ang prinsipal na kontradiksyon ang nakakapagtakda ng pangunahing katangian ng bagay na iyon. Walang humpay na nagtutunggalian ang magkasalungat na aspeto at dumadaan sa panahon ng dahan-dahan at kantitatibong pagbabago. Unti-unting lumalakas ang pinangingibabawang aspeto at humihina ang nangingibabaw na aspeto hanggang umigpaw at magpalitan ng pwesto ang dalawa. Ito ang antas ng kalitatibong pagbabago, ang pagbabago sa kalikasan ng bagay. Nalulutas ang kontradiksyon. At nagsisimula naman ang bagong kontradiksyon at bagong bagay.

Itinuturo ng ganitong pag-unawa natin sa paggalaw at pagbabago ng mga bagay ang wastong paraan ng pagsusuri – ang pagbabatay sa kongkreto, ang “paghahati ng isa sa dalawa”, ang paglilinaw kung alin ang panloob at panlabas, ang pag-aaral sa lahat ng mga kontradiksyong bumubuo ng isang kumplikadong bagay, ang pagtukoy sa prinsipal na kontradiksyon at sa prinsipal na aspeto ng kontradiksyon upang matukoy ang kalikasan ng bagay, ang pagtukoy sa prinsipal at sekundaryong mga kontradiksyon at ugnayan at pag-unlad nila; pagtukoy sa prinsipal at segundaryong aspeto ng bawat kontradiksyon, at paano sila nagtutunggalian; paano nagaganap ang kantitatibong pagbabago ng bagay at ang pagbabago sa kalidad nito at kalitatibong pagbabago ng bagay, at paano nagbabago ang kalidad nito; paano isinasaalang-alang ang ugnayan ng kabuuan at bahagi; at paano nalulutas ang kontradiksyon at sumisibol ang bagong bagay o kontradiksyon. Sa gayon, mauunawaan natin hindi lamang ang kalikasan at esensya ng bagay, kundi pati kung paano ito babaguhin. Sa maiksing salita, sa kabuuan, itinuturo nito sa atin ang diwa ng kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan.

Aralin III: ANG LINYANG MASA

1. Bakit ang prinsipyong “ang masa at ang masa lamang ang tagapaglikha ng kasaysayan” ang salalayang prinsipyo ng linyang masa?

Ang prinsipyong “ang masa at ang masa lamang ang tagapaglikha ng kasaysayan” ay isang prinsipyong nahalaw sa syentipikong paraan sa malalim na pagsusuri sa kasaysayan ng tao. Ani Mao: “Ang masa, at ang masa lamang, ang pwersang pampakilos sa paglikha ng kasaysayan ng daigdig.” Pinatunayan na ng maraming daantaon ng kasaysayan ng sangkatauhan na ang nagsusulong ng mga pagbabago ng lipunan ay walang iba kundi ang masa. Sa kanilang lakas sa produksyon nabubuhay ang lipunan. Sa kanilang dunong at talino umuunlad ang kaalaman at buhay ng lipunan. Sa kanilang kapangyarihan napapalis ang anumang pwersang sumasagka sa pagsulong ng lipunan. Ang mga sagka sa pagsulong ng lipunan ay malinaw na nakikita sa krisis na nararanasan ng buong lipunan, ngunit pinakamabigat na pinapasan ito ng masa na binubuo ng anakpawis. Kung hindi kikilos ang masa, hindi matatamo ang anumang saligan pagbabago sa lipunan. Ito ang kahulugan kapag sinasabi nating ang masa ang tunay na bayani.

Ang prinsipyong “ang masa at ang masa lamang ang tagapaglikha ng kasaysayan” ang salalayang prinsipyo ng linyang masa dahil inililinaw nito sa syentipikong paraan kung bakit dapat lubusang sumalig sa masa, kung bakit dapat pukawin, organisahin at pakilusin ang masa sa pagsusulong ng rebolusyon at sa pagsusulong ng mga rebolusyonaryong gawain.

Ito ang matibay at syentipikong batayan ng wastong aktitud sa masa, ng matiyaga at pursigidong pagkilos sa hanay ng masa at ng mapagkumbabang pakikitungo sa kanila. Ito ang matibay at syentipikong batayan ng pagsalungat sa maling kaisipan na umasa sa iilang tao lamang, sa pagiging palautos sa isang banda, at pag-ako naman ng lahat ng gawain sa kabilang banda.

2. Ano ang ibig sabihin ng magtiwala at sumalig sa masa?

Dapat mahigpit nating sapulin na ang rebolusyon ay isang pagsisikap ng malawak na masa. Kung wala ang kanilang pagtangkilik at aktibong paglahok dito, hindi kailanman makakamit ang rebolusyonaryong mga layunin. Para maipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan, kailangang sumalig at magtiwala tayo sa masa, partikular sa malawak na masang manggagawa at magsasaka.

Nakasalalay ang katuparan ng anumang layunin at kalutasan ng anumang problema sa aktibong paglahok at pagkilos ng masa. Kung gayon, dapat tayong tumungo sa hanay ng masa, makiisa sa kanila at mabisang pamunuan sila. Sa matiyagang pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na masa, mabubuo at maipapamalas ang kanilang lakas at ang mga rebolusyonaryong ideya ay magiging isang makapangyarihang materyal na pwersa na siyang magtutulak sa pagsulong ng lipunan.

Sinabi ni Kasamang Mao, dapat tayong magpakahusay na maisalin sa kilos ng masa ang mga patakaran ng Partido, dapat magpakahusay na maipaunawa at mahasa ang malawak na masa, hindi lamang ang ilang nangungunang kadre sa bawat kilusan at pakikibakang ating inilulunsad.

3. Ano ang ibig sabihin ng mahigpit na ugnay sa masa at mainit na pakikisalamuha sa kanila?

Ang linyang masa ay nangangahulugan na laging pinananatili ang mahigpit na ugnay sa masa. Una sa lahat, ito ay ang pagsasapuso ng interes ng masa. Dapat nating tiyakin na lahat ng kasama ay mahigpit na nakaugnay sa masa at laging ang kanilang interes ang laging isinasalang-alang sa lahat ng gawain. Itinuturo sa atin ng linyang masa na laging pakamahalin ang masa at laging makinig sa tinig ng masa, at sa halip na ihiwalay ang sarili o mangibabaw sa kanila ay mainit na makisalamuha sa masa.

Sa pakikisalamuha sa masa, pinupukaw natin sila at itinataas ang kanilang antas ng kamulatan, tinutulungan natin silang kusang organisahin ang sarili at ibunsod ang lahat ng esensyal na pakikibakang ipinahihintulot ng mga kalagayan. Kailangang bigyan natin ng masusing pansin ang kapakanan ng masa, ang kanilang mga suliranin mula sa kawalan ng lupa, mataas na upa sa lupa, mababang sahod atbp. hanggang sa partikular na suliranin tulad ng kawalan o kakulangan ng bigas, asin, at iba pa. Kailangang talakayin nating maigi ang mga ito at gumawa ng kaukulang kapasyahan kaugnay ng mga ito.

Sa pamamagitan ng mga nabanggit, maipapaunawa natin sa masa na kinakatawan natin ang kanilang interes at ang ating buhay ay karugtong ng kanilang buhay. Mula sa ganoong pagkakaunawa, matutulungan natin silang maunawaan ang mas malalaking tungkulin kaugnay ng pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka hanggang sa tagumpay.

Walang mangyayari sa anumang pagsisikap ng isang namumunong grupo kung hindi ito mahigpit na ikukumbina sa pagkilos ng masa, na matatamo lamang sa pamamagitan ng mahigpit na ugnay sa kanila. Sa kabilang banda, kung ang masa lamang ang kumikilos nang walang matatag na pamunuan na mahusay na makapag-oorganisa ng kanilang pagkilos, hindi maisusustini ang gayong pagkilos, ni maisusulong sa wastong direksyon, ni maitataas sa mas mataas na antas.

4. Ano ang ibig sabihin ng “mula sa masa, tungo sa masa”?

Ang wastong paraan ng pamumuno sa masa ay “mula sa masa, tungo sa masa”. Ibig sabihin, kalapin ang hiwa-hiwalay na mga ideya at palagay ng masa at buuin ang mga ito. Pagkatapos ay ibalik at ipaliwanag sa masa ang nabuong ideya hanggang sa tanggapin nila at isakatuparan.

Umaayon sa linyang masa ang pamumunong “mula sa masa, tungo sa masa”. Para maunawaan ang kalagayan at problema ng masa, at mailinaw kung paano ito malulutas, sumasalig tayo sa kaalaman at talino ng masa. Mabubuo lamang ang wastong mga desisyon at plano kung kabahagi ang mga karanasan at kaalaman ng masa. Kaya tungkulin nating lumubog at magsiyasat sa hanay ng masa para maipon ang hiwa-hiwalay na mga ideya nila. Sa pagsusuri at pagsisinop ng mga ideyang ito, makokonsentra natin ang mga ito sa isang sistematikong kabuuan na sumasalamin sa obhetibong kalagayan at interes ng masa at naglilinaw kung paano malulutas ang mga problema nila.

Para maisakatuparan ang mga ideyang nabuo at lutasin ang problema ng masa, kailangang sumalig sa kakayahan at lakas ng masa. May tiwala tayo na gaano man kalaki ang problema, tiyak na malulutas ito basta’t nabubuo ang kapasyahan at pagkakaisa ng masa. Kaya tungkulin nating matiyagang ipaliwanag sa masa ang ideyang nabuo mula sa mga ideya nila hanggang yakapin nila ito bilang mismong sa kanila. Sa gayon maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagkilos.

5. Ano ang ibig sabihin ng kumilos ayon sa interes at kahandaan ng masa?

Itinuturo ng linyang masa na dapat tayong kumilos ayon sa obhetibong interes ng masa. Ibig sabihin, dapat tayong magsimula at kumilos ayon sa kanilang kongkretong kalagayan at pangangailangan, hindi sa kung ano ang ating inaakala. Gaano man kabuti ang ating intensyon, kapag lumilihis tayo sa obhetibong interes ng masa, mahihiwalay tayo sa kanila sa malao’t madali. Sa kalahatan, wasto ang ating itinatakdang mga tungkulin at mga patakaran, at wasto ang ating paraan ng pagkilos kung umaayon ang mga ito sa mga kahilingan ng masa sa isang takdang panahon at lugar.

Ngunit kadalasan sa simula hindi pa mulat ang masa sa obhetibong pangangailangan nila, hindi pa nila nauunawaan ang pangangailangan ng pagbabago at hindi pa sila handang kumilos para isagawa ang pagbabago. Kung kaagad na igigiit natin ang ating mga ideya, gaano man tayo kawasto’y mahihiwalay din tayo sa masa. Dapat tayong magtiyaga at maging pursigido sa pagpapaliwanag hanggang sa tanggapin ng masa ang ideyang nahalaw batay sa kanilang obhetibong interes, at maging handa’t determinado na silang isakatuparan ito.

Kaya dapat bakahin ang komandismo sa masa, ibig sabihin ang paglampas sa aktwal na antas ng kamulatang pampulitika ng masa at paglabag sa prinsipyo ng boluntaryong pagkilos ng masa. Hindi dapat ipagpalagay ng mga kasama na ang kanilang nauunawaan ay nauunawaan na rin ng masa. Matutuklasan lamang kung tunay ngang nauunawaan na ng masa ang ating nauunawaan at kung handa na silang kumilos sa pamamagitan lamang ng pagtungo sa kanilang hanay at pagsasagawa ng pagsisiyasat.

Sa kabilang banda, dapat ding bakahin ang buntotismo sa masa. Ibig sabihin ay pagkahuli sa antas ng kamulatang pampulitika ng masa at pagpapatumpik-tumpik sa pagkilos at paglabag sa prinsipyo ng pamumuno sa masa upang sumulong sa rebolusyonaryong pakikibaka. Hindi dapat ipagpalagay na walang pagkaunawa ang masa sa mga bagay na hindi pa rin natin nauunawaan. At ang ilang kasama ay bumubuntot sa ilang atrasadong elemento at ipinagkakamaling ang kanilang pananaw ang pananaw ng malawak na masa.

Upang mabaka, kapwa ang komandismo at buntotismo sa masa dapat mahusay na makisalamuha at magsiyasat sa masa. Paano ito isasagawa?

Mahahati natin ang masa sa tatlong bahagi: ang sulong, ang panggitna at ang nahuhuling bahagi. Mas madaling nakakaunawa ang sulong na bahagi ng masa sa pangangailangan ng pagbabago at nakahandang kumilos para dito. Ang nahuhuling bahagi naman ay kadalasang nababahiran pa ng atrasadong mga impluwensya at nag-aatubili o tumatangging kumilos. Sa kadalasa’y nakakaunawa ang panggitnang bahagi sa pangangailangan ng pagbabago, pero nag-uurong-sulong at hindi lubos na handang kumilos.

Pangunahing umaasa tayo sa sulong na bahagi ng masa, ang bahaging pinakaaktibo, masigasig at interesado sa pagbabago. Sa pamamagitan ng sulong na bahaging ito, napapakilos ang panggitnang bahagi at nakakabig ang nahuhuling bahagi. Sa ganitong paraan, wasto nating napapamunuan ang masa ayon sa kanilang obhetibong interes at nang may pagsasaalang-alang sa kanilang kahandaang kumilos para sa pagbabago.

Kung hindi natin isasaalang-alang ang kahandaan ng masa, lalampas tayo sa kanilang kamulatan at kahandaan sa isang panahon. Pakikilusin natin sila sa pamamagitan ng pag-uutos at pamimilit, hindi sa kusang pagkilos na nagmumula sa kanilang pagkakaunawa. Kung magpapatali naman tayo sa pananaw at pagkilos ng nakararami, at lalo na ng malaki ngunit nahuhuling bahagi, bubuntot tayo sa masa. Mangyayaring handa na’t nananawagan ng pagbabago ang sulong at maging ang panggitnang bahagi ng masa, pero tayo pa ang nag-aatubili’t kukumbinsihin nila.

Dapat tayong magpunyagi sa pagpapataas ng rebolusyonaryong kamulatan ng masa. Ibig sabihin, maging matiyaga tayo sa pagbibigay ng rebolusyonaryong edukasyon sa kanila nang sa gayon tuloy-tuloy na naitataas ang antas ng kanilang kahandaan at kakayahang lumaban. Kasabay nito ang mga pagsisikap upang tuloy-tuloy ding mapalawak at mapatatag ang organisadong lakas ng masa. Sa pamamagitan nito, tuloy-tuloy na naitataas ang antas ng kanilang pagkilos hanggang sa tagumpay.

6. Bakit ang pagtalima sa linya ng demokratikong rebolusyong bayan ang susi sa wastong pagsabuhay ng linyang masa sa kasalukuyang yugto ng rebolusyong Pilipino?

Ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan ay nabuo mula sa masusing pag-aaral ng kasaysayan at kalagayan ng lipunang Pilipino. Ito ang tumutugon sa interes ng sambayanan para sa kalayaan at demokrasya. Ang demokratikong rebolusyong bayan ay nagsisimula sa obhetibong kalagayan at pangangailangan ng malawak na masa at nagtuturo sa wastong landas ng rebolusyonaryong pagbabago. At dahil umaalinsunod sa obetibong interes ng malawak na masa, ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan ay madaling mauunawaan ng masa, madaling mayayakap bilang kanila at maisasalin sa kanilang pagkilos.

Ang linya ng demokratikong rebolusyong bayan ang susi para wasto at mabisang pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong masang pinagsasamantalahan at inaapi. Sa pag-aaral sa partikular na kalagayan, problema at pananaw ng masa sa lugar na kinikilusan dapt mahigpit itong nagagabayan ng mga saligang pananaw, prinsipyo at programa ng demokratikong rebolusyong bayan.

7. Bakit mahalaga ang demokratikong estilo ng paggawa sa pagsasabuhay ng linyang masa?

Bukod sa wastong linyang demokratikong rebolusyong bayan, at wastong mga patakaran na wastong naglalapat ng linyang ito ayon sa partikular na kalagayan at pang-araw-araw na pagkilos ng masa, mahalaga ang demokratikong estilo ng paggawa sa pagsasabuhay ng linyang masa. Malinaw na ipinapakita ng ating karanasan pinahihigpit ng wastong estilo ng paggawa ang ating ugnay sa masa, habang ang maling estilo ng paggawa ay walang salang sumasalungat sa mga adhikain at kahilingan ng masa sa isang takdang panahon at lugar at tiyak na ihihiwalay tayo sa masa.

Ang mga kapasyahan ay dapat gawin matapos ng masusing pagsisiyasat at pakikipagkonsultahan sa mga kasama at sa masa at matapos ng sapat na kolektibong talakayan. Matapos marating ang kapasyahan, hindi sapat na ang mga namumuno lamang ang nakakaunawa ng mga panawagan at patakaran; dapat itong iparating at mahigpit na ipaunawa sa masa para aktibong makalahok sila sa pagpapatupad ng mga ito.

Kailangang mahusay na makiisa sa malawak na mayorya ng mga kasama at sa masa. Kailangang matamang pakinggan ang masa, at tanggapin ang wastong mga obserbasyon at panukala at punahin ang mali. Dapat laging iwasan ang pagkilos sa maliliit na grupo at ang pagsasaalang-alang lamang sa kapakanan ng maliit na grupo. Sa lahat ng pagkakataon, dapat nating linangin ang demokratikong estilo ng masa.

8. Bakit umaalinsunod ang linyang masa sa rebolusyonaryong linya sa uri?

Sino ang bumubuo ng masang Pilipino? Sino ang masang dapat pukawin, organisahin at pakilusin? Masasagot lamang nang wasto ang mga tanong ito sa pamamagitan ng pagsusuri sa uri at pag-unawa sa rebolusyonaryong linya sa uri.

Ang rebolusyonaryong linya sa uri ang prinsipyong nagtuturo sa atin ng pagkilala at wastong pakikitungo sa iba’t ibang uri sa lipunang Pilipino. Inililinaw nito kung sino ang tunay na mga kaibigan at ang tunay na mga kaaway ng rebolusyon. Sino ang nakararaming uring pinagsasamantalahan at inaapi. Inililinaw nito ang wastong makauring batayan ng pamumuno natin sa masa: ang umasa pangunahin sa pinakamasasaligang mga uri, paghimok sa mga gitnang pwersa, at paghiwalay at paglaban sa mga kaaway. Sinasamantala rin natin ang mga hidwaan sa hanay ng kaaway nang sa gayon higit pang mapahina ang buong naghaharing uri at ibayong mapalakas ang rebolusyonaryong pwersa.

Sa kalahatan, itinuturo ng rebolusyonaryong linya sa uri ang pagbibigay-diin sa pagkilos sa hanay ng mga anakpawis – ang mga manggagawa, magsasaka at mala-proletaryado. Sa kanayunan, binibigyan natin ng pangunahing pansin ang pinakamasasaligang mga uri at saray – ang mga manggagawang bukid, at ang maralita at mababang panggitnang mga magsasaka. Kinakabig natin ang panggitna at nakatataas na panggitnang mga magsasaka at ninunyutralisa ang mayamang mga magsasaka. Sinasamantala rin natin ang hidwaan sa pagitan ng naliliwanagan at despotikong mga panginoong maylupa. Sa pamamagitan nito, mabisang naihihiwalay natin ang huli at napapahina ang kapangyarihan ng kabuuang uring panginoong maylupa. Sa pamamagitan ng rebolusyonaryong linya sa uri nagkakaroon ng syentipikong makauring batayan ang pagkilala sa bumubuo ng masa sa isang lugar.

Aralin IV: ANG DEMOKRATIKONG SENTRALISMO

A. Ang Demokratikong Sentralismo

1. Ano ang organisasyon at bakit ito mahalaga?

Ang organisasyon ay isang sistema ng pagbubuklod ng mga tao para tumindig at kumilos bilang isang buong pwersa. Binibigkis nito ang bawat kasapi at ang iba’t ibang bahagi para kumilos bilang isa tungo sa pagkakamit ng iisang layunin. Sa pamamagitan ng organisasyon at organisadong pagkilos, ang pagkakaisang nakabatay sa iisang diwa’t adhikain ay nagkakaroon ng kongkretong anyo o ekspresyon.

Bilang sistema, ang isang organisasyon ay mayroong tiyak na mga prinsipyong gumagabay sa pag-iisip at pagkilos ng buong kasapian nito. Mayroon itong balangkas ng pangunahing mga tungkulin na sinasalamin ng isang sistema ng pamumuno sa iba’t ibang antas at saklaw ng responsibilidad. Ito ang pangunahing mga sangkap na tumitiyak ng pagmartsa sa iisang kumpas tungo sa pagtatamo ng naitakdang layunin.

Maihahambing ang organisasyon sa walis na kumukuha ng lakas sa pagkabigkis ng mga tinting. Kung magkakahiwalay, mahina at mas madaling mabali ang bawat tinting. Ngunit kapag pinagbigkis, nagiging walis ang mga tinting na mabisang panlinis ng mga dumi.

2. Ano ang rebolusyonaryong organisasyon? Bakit ito mahalaga?

Rebolusyonaryo ang isang organisasyon na nagtataguyod sa interes ng malawak na masa. Puspusan itong kumikilos para palayain ang sambayanan mula sa pagsasamantala at pang-aapi at para sa tunay na pagbabago ng lipunan.

Ang ating kasaysayan ay punong-puno ng mga karanasan ng sambayanang Pilipino sa pagbubuo ng iba’t ibang organisasyon para sa pagsusulong ng kanilang rebolusyonaryong mga pakikibaka. Halimbawa, itinatag ang Katipunan noong 1896 bilang daluyan ng armadong paglaban ng sambayanan tungo sa layuning palayain ang bayan mula sa paghahari ng kolonyalismong Espanyol. Sa kasalukuyan, naririyan ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan, at ang iba’t ibang mga organisasyong masa sa iba’t ibang sulok ng bayan na nagpupunyagi para sa pagsusulong ng pakikibaka para makamit ang pambansang kalayaan at tunay na demokrasya.

Kabaliktaran nito ang mga organisasyong nakatayo o itinatayo ng kaaway. Layon ng mga ito na pangalagaan ang makitid na interes ng nagsasamantala at nang-aaping mga uri. Nais nilang panatiliin ang isang kaayusan ng lipunan na napapakinabangan lamang ng iilan habang hinahadlangan ang mithiin ng nakakarami para sa pagbabago. Sa tuwiran at di tuwirang mga pamamaraan, ginagamit ang mga ito upang linlangin at supilin ang mamamayan. Halimbawa, naririyan ang AFP, Konseho ng Baryo, at mga bogus na kooperatiba.

Hindi lamang pabor sa kaaway kundi ginagawa nito ang lahat para panatiliing hiwa-hiwalay tayong mga anakpawis. Karaniwan niyang ipinapatupad ang taktikang “manghati at magharian” para sagkaan ang pagbubuo ng ating pagkakaisa. Ito ang dahilan kung bakit ang minoryang mga naghaharing uri ay nakakapangibabaw sa mayoryang masang Pilipino. Hangga’t tayo ay hiwa-hiwalay, hindi tayo magiging mabisa sa paglaban sa kanilang pagsasamantala, pang-aapi at paghahari. Ngunit kung organisado at matibay ang pagkakaisa, tulad ng walis, makakakilos tayo para alisin ang mga dumi at suliranin ng lipunan. Ang lakas ng pagkakaisa ang tanging pwersa na maihaharap ng malawak na sambayanan laban sa makapangyarihang mga kaaway sa uri.

Kaya tungkulin nating itayo ang mga rebolusyonaryong organisasyon ng mamamayan para may magsilbing daluyan ng pagkakaisa at ng mga pakikibaka nila. Palagi nating patatagin at palakasin ang mga ito at magpakahusay sa pagbibigkis at pagpapakilos ng ating pwersa. Sa gayon lamang natin maipapamalas ang kapangyarihan at lakas sa pagkakaisa ng nakararaming mga uring pinagsasamantalahan at inaapi para ibagsak ang kanilang mga kaaway sa uri at itayo ang demokratiko at malayang Pilipinas.

Boluntaryo ang pagsapi sa rebolusyonaryong mga organisasyon. Ang pagsapi ay nangangahulugan ng mulat na pagyakap sa simulain, at komitment na kusang kikilos ayon sa mga prinsipyo, patakaran at desisyon ng organisasyon.

3. Ano ang demokratikong sentralismo?

Ang demokratikong sentralismo ang prinsipyong gumagabay sa atin sa pagbubuo at pagpapatakbo ng ating organisasyon. Ito ang nagtitiyak na kikilos tayo bilang isang organisadong kabuuan.

Ang demokratikong sentralismo ay nangangahulugan ng sentralismong nakabatay sa demokrasya at demokrasyang ginagabayan ng sentralisadong pamumuno.

Ang sentralismong nakabatay sa demokrasya ay nangangahulugan ng pagsasaalang-alang ng lahat sa kabuuang interes at kalagayan ng organisasyon. Ang mahusay na pagkilos ng buong organisasyon ay nagmumula sa aktibong partisipasyon ng bawat kasapi at bahagi nito. Ang mga desisyong pinapairal sa organisasyon ay kolektibong pinagpapasyahan at nakabatay sa pangkalahatang interes.

Ang demokrasyang ginagabayan ng sentralisadong pamumuno ay nangangahulugang ang interes at pagkilos ng bawat kasapi o bahagi ng organisasyon ay napaiilalim, umaayon at nagsusulong sa pangkabuuang interes at layunin. Mahigpit na sinusunod ang mga desisyon ng organisasyon at buong-layang kumikilos ang bawat isa para isulong ang interes at mga layunin ng organisasyon.

Ang esensya ng sentralismo ay ang matibay na komitment ng bawat kasapi sa mga prinsipyo at layunin ng organisasyon na siyang pinakabatayan ng pagkakaisa ng buong kasapian. Dito nagmumula ang mulat na disiplina ng mga kasapi ng organisasyon, o ang kusang pagsasailalim nila sa disiplina ng organisasyon para sa ikatatagumpay ng mga layunin ng organisasyon. Sa kabilang banda, ang demokrasya ay ang paglahok ng kasapian sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga desisyon, at ang mahusay na pagtangan ng bawat kasapi ng kanilang mga tungkulin at mga karapatan bilang kasapi ng organisasyon.

Inilalatag ng ating mulat na pagsunod sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo ang mahusay na kalagayan para sa masigla at mahusay na pagkilos ng bawat isa at ng buong organisasyon. Sa gayon nabubuo natin ang wastong mga desisyon, plano at programa sa pagkilos at epektibo natin itong naipapatupad. Tinitiyak din nito na mananatiling matibay at buo ang ating organisasyon sa harap ng iba’t ibang pakana ng kaaway na wasakin ito. Ang pagsasabuhay sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo ay mahalaga para matiyak ang mabisang organisadong pagkilos tungo sa pagtatagumpay ng rebolusyonaryong mga layunin natin.

Nasa ubod ng demokratikong sentralismo ang mahigpit na pagtataguyod sa mga saligang prinsipyo at pagpapatupad sa mga patakaran at mga desisyon ng organisasyon. Ito ang pangunahing nagtitiyak ng pagkakaisa ng buong kasapian sa isip at sa pagkilos.

4. Anu-ano ang mga batayang kundisyon ng pag-iral ng demokratikong sentralismo?

Upang maisabuhay ang demokratikong sentralismo kinakailangan ang sumusunod na mga kundisyon:

a. Ang mga namumunong yunit o grupo sa lahat ng antas ng organisasyon ay pinipili sa demokratikong pamamaraan. Sila ay responsable sa kani-kanilang pinamumunuang antas na pumili sa kanila.

b. Pagkatapos ng malaya at masusing talakayan, lahat ng desisyon ay ipapatupad nang walang pasubali at alinsunod sa apat na alituntunin sa disiplina.

k. Laging binibigyang-pansin ng mga namumunong yunit o grupo ang mga ulat at pananaw ng mga pinamumunuan nilang yunit at ng masang kasapian. Lagi nilang pinag-aaralan ang mga kongkretong karanasan at nagbibigay ng maagap na gabay at tulong sa paglutas ng mga suliranin.

d. Ang nakabababang mga yunit ay magbibigay ng mga regular at espesyal na ulat tungkol sa mga gawain nila sa organisasyong nakatataas sa kanila at maagap na hihiling ng mga instruksyon tungkol sa mga suliraning nangangailangan ng desisyon ng nakatataas na yunit.

e. Lahat ng yunit ay sumusunod sa prinsipyo ng kolektibong pamumuno at lahat ng mahalagang usapin ay pinagpapasyahan nang kolektibo.

5. Ano ang apat na alituntunin sa disiplina?

Mahalaga ang apat na alituntunin sa disiplina para matiyak ang pagkakaisa ng ating organisasyon. Nakabatay ang mga ito sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Ang mga ito ay:

Una, ang indibidwal ay napapailalim sa organisasyon. Ibig sabihin, ang bawat indibidwal ay kailangang pumailalim sa interes ng buong organisasyon. Kailangang sundin niya ang Saligang Batas ng organisasyon at mga desisyon nang walang pasubali.

Ikalawa, ang minorya ay napapailalim sa mayorya. Ibig sabihin, ang pasyang masusunod sa organisasyon ay nakabatay sa pagsang-ayon ng mayorya o nakararami. Kahit may ibang pusisyon ang minorya o iilan, kapag nabuo na ang pasya ng organisasyon, kailangan silang pumailalim at sumunod sa kolektibong pasya.

Ikatlo, ang nakabababang antas ay napapailalim sa nakatataas na antas. Ibig sabihin, ang mas nakabababang antas o yunit ay kailangang sumunod sa mga desisyon at patakaran ng nakatataas na organo na kumakatawan ng mas malawak na saklaw ng organisasyon.

At panghuli, ang buong kasapian ay napapailalim sa pinakamataas na pamunuan at kapulungan. Ibig sabihin, ang mga desisyon at patakarang binuo ng pinakamataas na pamunuan at kapulungan ay may bisa at kailangang sundin ng lahat ng kasapi at bahagi ng organisasyon.

6. Ano ang mga tungkulin ng pamunuan at nakatataas na antas ng organisasyon?

Kakaiba ang pamunuan ng rebolusyonaryong organisasyon sa mga burges o pyudal na organisasyon ng kasalukuyang bulok na lipunan. Hindi sila mga haring nangingibabaw at nagmamando sa kasapian. Ang pamunuan ay binubuo at kumikilos ayon sa prinsipyo ng demokratikong sentralismo. Kumikilos ito para sa pangkalahatang interes ng organisasyon at hindi para sa interes ng indibidwal o maliit man na grupo.

Ang pamunuan ay pinipili sa demokratikong paraan. Maaaring maisagawa ito sa pamamagitan ng simpleng konsensus (ibig sabihin, may pangkalahatang pagsang-ayon ng kasapian sa pinipiling mga mamumuno). Sa mas mataas na antas ng pag-unlad ng organisasyon, kapag hinog na ang mga kalagayan at nakapag-ipon na ng mayayamang mga karanasan, ang mas pormal na proseso ng halalan sa pagpili ng mga namumuno ay maaaring isagawa.

Tungkulin ng pamunuan ang pangkalahatang pamumuno sa organisasyon. Sinusubaybayan nito ang pangkalahatang takbo ng pagkilos ng buong organisasyon para matiyak na masinop at nagkakaisang isinusulong ang mga layunin ng organisasyon. Direkta nitong pinapangunahan ang paggampan ng mahahalagang gawain para matiyak ang mahusay na pagtupad sa mga desisyon, plano at programa sa pagkilos. Pinapangasiwaan nito ang pagkilos sa iba’t ibang bahagi ng organisasyon para matiyak ang masinop na pagpapatupad ng mga gawain.

Isang mahalagang papel ng pamunuan ang pagbabalangkas ng plano at programa ng pagkilos ng organisasyon. Karaniwang nakasaad sa programa ang partikular na mga layunin sa isang panahon at ang mga tungkulin o gawaing kailangang ipatupad para kamtin ang itinakdang mga layunin. Nagtatakda rin ang pamunuan ng mga gabay at patakaran para pagpapatupad ng programa o plano. Sa pamamagitan ng programa o plano ng pagkilos, nasisistematisa at napapag-isa natin ang pagkilos ng organisasyon. Gayundin, kailangan ang mahusay na pag-aaral sa kalagayan ng masa at pagtiyak na ang programa, plano at mga patakaran ay tumutugon sa obhetibong interes ng masa. Ang mga plano at programang binabalangkas ay kailangang ipalaganap at ipaunawa agad sa buong kasapian.

Napakahalagang nagagagap ng pamunuan ang takbo ng pagkilos ng kabuuang organisasyon at maging ang mga baha-bahagi nito. Tumatanggap ang pamunuan ng mga ulat mula sa nakabababang mga antas ng organisasyon at masusi nitong pinag-aaralan at sinusuri ang mga iyon. Bukod dito, tumutungo ang mga namumuno sa hanay ng kasapian at sa masa para tuwirang mangalap ng kinakailangang mga impormasyon at alamin ang kongkretong kalagayan. Sa gayon, natitiyak ng pamunuan na laging nasusubaybayan nito ang takbo ng pagkilos at nasasapol agad ang anumang pagbabago ng kalagayan. Kaya maagap ang paggabay at pagdedesisyon at naaangkupan at nalulutas ang sumusulpot na mga problema. Sa gayon natitiyak na naisusulong ang mga gawain.

Ang pamunuan ang tumatawag at nagpapatakbo ng mga pangkalahatang pulong ng organisasyon. Dito tinatalakay at pinagpapasyahan ang mahahalagang usaping kasangkot ang interes at pagkilos ng organisasyon tungo sa pagbubuo ng nagkakaisang pagtanaw at kinakailangang mga desisyon kaugnay ng naihapag na mga usapin. Dito rin iniuulat ng pamunuan ang kalagayan at takbo ng pagkilos at inihahapag ang binalangkas na programa o plano para mapagkaisahan. Tungkulin ng pamunuan na tiyaking mahusay na nabubuo ang pagkakaisa sa loob ng mga pulong.

7. Ano ang mga tungkulin ng kasapian at nakabababang antas?

Ang kasapian ng rebolusyonaryong organisasyon ay binubuo ng mga aktibo at responsableng indibidwal na kumikilos para isulong ang mga layunin ng organisasyon. Kaiba ito sa pagsapi sa burges o pyudal na organisasyon na buhaghag ang pagkakaisa dahil ang umiiral ay ang pagiging sunud-sunuran sa utos ng pamunuan o dili kaya’y ang pag-asa lamang sa pagkilos at maibibigay ng pamunuan. Ang mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyon ay hindi kumikilos para lamang sa sariling interes o interes ng maliit na grupo, kundi para sa layunin ng organisasyon. Ang bawat isa’y nagpapahalaga at kumikilos para mabuo ang isang matatag at malakas na organisasyon laban sa mga naghaharing uri.

Tungkulin ng bawat kasapi at bahagi ng organisasyon na sumunod sa lahat ng desisyon, ipatupad ang mga gawain, plano at programa nang buong husay, pangalagaan ang interes at kaligtasan ng organisasyon at kumikilos ayon sa kabuuang interes at layunin ng organisasyon. Kailangang pag-aralan ng bawat isa at bawat bahagi ng organisasyon ang mga desisyon, plano at programa para maunawaan ang mga ito nang husto, masuri kung paano ito maipapatupad at makapagtatakda ng mga paraan ng paggawa. Kailangang ipaabot agad sa pamunuan ang anumang katanungan o problema, at ang resulta ng pagpapatupad ng mga gawain.

Tungkulin ng lahat ng kasapi at nakabababang antas ng organisasyon ang regular at maagap na pagpapaabot ng mga ulat, kasama na ang kanilang mga mungkahi, obserbasyon at puna sa iba’t ibang usaping mahalaga sa interes at pagkilos ng organisasyon. Responsibilidad ng bawat isa na masusing pag-aralan ang kalagayang kinapapalooban, at maging tapat at tiyaking naipapaabot ang wastong impormasyon. Kailangan ito para mabuo ang wastong mga desisyon at plano .

Tungkulin ng bawat kasapi ang dumalo at aktibong lumahok sa mga pulong. Responsibilidad niyang tumulong sa pagbubuo ng pagkakaisa at mag-ambag sa pagbubuo ng mga desisyon. Sa mga pulong lumalahok ang bawat kasapi sa paglalahad ng kanyang karanasan at kaalaman sa kalagayan at pagpapahayag ng kanyang mga opinyon, obserbasyon, mungkahi at puna.

B. Ang Sistemang Komite

1. Ano ang kolektibong pamumuno?

Ang kolektibong pamumuno ay ang pagsasabuhay ng prinsipyo ng demokratikong sentralismo sa pagkilos ng pamunuan ng rebolusyonaryong organisasyon. Itinuturo nito ang pagkilos ng mga namumunong komite bilang mga kolektiba. Ang lahat ng mahahalagang usapin ay kolektibong dinedesisyunan at ipinapatupad.

Sa pamamagitan ng kolektibong pamumuno, wastong makakatawan sa pamunuan ang malawak na base ng demokratikong partisipasyon ng kasapian. Mas mahusay na masasapol ng pamunuan ang kalagayan at mga suliraning kinakaharap ng organisasyon. Nakakatayo ang mga namumunong komite bilang matatatag at nagkakaisang sentro ng pamumuno ng rebolusyonaryong organisasyon.

Sa pamamagitan ng kolektibong pamumuno mahusay na napagsasanib ang pagkilos ng mga kagawad para gampanan ang kanilang mga tungkulin sa pamumuno. Pinauunlad nito ang inisyatiba at pagsisikap ng bawat kagawad na lumahok sa pagbubuo at pagpapatupad ng mga desisyon ng kolektiba. Sa gayon, naiiwasan nating mamonopolyo ng isa o ng iilan ang pagdedesisyon at pagpapatakbo ng organisayon.

2. Ano ang sistemang komite?

Ang sistemang komite ay sistema o paraan ng kolektibong pagkilos ng namumunong grupo o komite. Nakikita sa sistemang komite ang paghahati ng mga gawain, ang relasyon ng kalihim at mga kagawad, pagpupulong at iba pa. Naglalayon itong palakasin ang pamunuan ng organisasyon nang sa gayon mabisang magampanan nito ang tungkulin ng pamumuno.

Ang sistemang komite ay mahalagang pag-aralan at ipatupad nang buong husay. Paraan ito para mahusay na naisasabuhay ang prinsipyo ng kolektibong pamumuno. Lalo na sa pagdami at paglaki ng mga gawain ng pamumuno ng lumalaking organisasyon, kailangang bigyang pansin ng namumunong komite ang organisado at sistematikong pag-atupag ng mga gawain nito.

Mahusay na pinagkukumbina ng sistemang komite ang kolektibong pamumuno at indibidwal na responsibilidad. Ang mahusay na paggampan ng bawat kagawad ng komite ng kani-kanilang partikular na tungkulin ay tumutulong sa pagpapalakas ng kolektibong pamumuno.

Sa pamamagitan ng sistemang komite naiiwasan ang mga problemang nakakabara sa takbo ng pagkilos ng komite. Kung may nasusunod na sistema ng paghahati ng gawain, naiiwasang matambak sa kalihim ang mga gawain habang hindi naman mahusay na napapakilos ang ibang kagawad. Kung may sinusunod na sistema ng mga pulong, naiiwasan ang sobrang madadalas at mahahabang pulong at mahusay na napaghahandaan ang bawat pulong. Naiiwasan ang pagkaligta sa ibang gawain o matagal bago malutas ang mga problema. Ang sistemang komite ay importante para mahusay na maharap ng komite ang mahahalagang gawain at problema ng pamumuno.

3. Ano ang tungkulin ng kalihim?

Ang kalihim ang namumuno sa komite. Sa ibang salita, siya ang lider ng kolektibong pagkilos ng komite.

Ang kalihim ang pangunahing sumusubaybay sa pagkilos ng komite. Ang pagtiyak ng mahusay na pagganap ng komite sa mga tungkulin at gawain nito ay palaging isinasaisip ng kalihim. Tinitiyak niyang napapanatili at napapahigpit pa ang pagkakaisa at napapahusay ang kolektibong pagkilos ng komite. Pinapansin niya ang pagkilos ng bawat kagawad at ang pagtupad ng iba’t ibang gawain para tiyaking mahusay na naisasakatuparan ang mga desisyon. Agad-agad niyang iniimbestiga at ikinukonsulta sa mga kagawad ang anumang problema o pagbabago ng kalagayan na kailangang aksyunan.

Ang kalihim ang nangunguna sa pagkilos ng komite, sa pagtupad ng mga desisyon at paglutas ng mga problema. Sa gayon nailalagay siya sa pinakamahusay na pusisyon para sumentro at bumigkis sa kolektibong pagkilos ng komite. Patuloy na pinaghuhusay niya ang pakikipagkaisa at pag-iisa ng mga kagawad. Sa gayon mas mahusay niyang natitiyak ang sabay-sabay na paghakbang ng mga kagawad para epektibong pamunuan ang pagkilos ng organisasyon.

4. Ano ang wastong relasyon ng kalihim at ng mga kagawad ng komite?

Umiiral sa pagitan ng kalihim at mga kasapi ng komite ang mahigpit na pagkakaisa – pagkakaisang tupdin ang kanilang tungkulin sa pamumuno na ipinabalikat sa kanila ng organisasyon. Mahalaga ang pagkakaisang ito para maging mabisa at mabunga ang pamumuno ng komite. Isang mahalagang sangkap ang pagtitiwala ng mga kagawad sa isa’t isa para mapanatiling buo ang pagkakaisa ng buong komite.

Bilang pinuno ng komite, sinusubaybayan ng kalihim ang pagkilos ng mga kagawad para tiyaking mahusay na naipapatupad ang mga desisyon ng komite. Ginagabayan at tinutulungan niya ang bawat isa sa paggampan ng mga gawain. Sa pangunguna sa pagkilos, ipinapakita niya ang wastong paraan ng paggawa sa pamamagitan ng halimbawa. Ngunit ang pamumuno ng kalihim ay hindi nangangahulugang natatangi at nangingibabaw siya sa komite at mga kagawad nito. Kapantay ang boses at mga karapatan niya sa iba pang kagawad. Wala siyang espesyal na mga pribilehiyo, at tungkulin niyang tupdin ang mga kolektibong desisyon.

Tungkulin naman ng mga kasapi na sumuporta at tumulong sa kalihim. Isinasagawa ito nang may pagkilala at pagrespeto sa pamumuno ng huli. Ang ganitong suporta at respeto ay isang mahusay na kalagayan para sa paggampan ng kalihim ng kanyang mga tungkulin. Tumutulong ang bawat kasapi sa pagsubaybay sa takbo ng pagkilos ng organisasyon at ng komite. Iniuulat agad nila sa kalihim ang resulta ng mga gawain, lalo na kung may problema at pagbabago sa kalagayan na kailangan aksyunan. Tumutulong sila sa paghahanda at pagpapasabi kung may pinatawag na pulong. Sa loob ng pulong, tumutulong sila sa pagtiyak ng mahusay na takbo nito at paglutas ng mga di pagkakaunawaan. Nag-iinisyatiba sila sa anumang gawain nang hindi palaging naghihintay sa pangunguna ng kalihim.

5. Ano ang mga tungkulin ng pangalawang kalihim?

Ang pagtatakda ng pangalawang kalihim ay isang anyo ng pagtutulungan at paghahati ng gawain sa loob ng komite. Isang paraan ito ng pagsuporta sa kalihim para maatupag ng huli ang mas mahahalagang problema o gawain.

Ang pangalawang kalihim ay tagahalili sa kalihim, kung sakaling hindi magampanan ng huli ang kanyang mga gawain bunga ng iba’t ibang dahilan. Sa gayon natitiyak nating hindi napipilay o nadidiskaril ang pagkilos ng komite kung sakaling hindi makagampan ang kalihim.

Kapag bago at maliit pa ang organisasyon at ang komiteng namumuno rito, sapat nang may isang pangalawang kalihim. Sa paglaki ng organisasyon, lalaki na rin ang komite at bibigat ang mga gawain nito. Karaniwang nagtatakda na tayo ng pangalawang kalihim para sa iba’t ibang malalaking dibisyon ng gawain. Depende sa pangangailangan, nagtatakda tayo ng pangalawang kalihim sa organisasyon, edukasyon, pinansya at iba pa.

Ang kalihim at ang mga pangalawang kalihim ang bumubuo ng kalihiman. Sa pamamagitan ng kalihiman, kolektibong ginagampanan ang mga tungkulin sa pang-araw-araw na pagsusubaybay at pangangasiwa ng pagkilos ng komite. Ang kalihiman ay hindi hiwalay na pamunuan o nakapangingibabaw sa komite.

6. Anu-ano ang dapat isaalang-alang para mapahusay ang pagpapatakbo ng mga pulong?

Ang pulong ay mahalagang bahagi ng pagkilos ng komite. Dito pinagkakaisahan kung ano ang dapat gawin para isulong ang mga layunin ng organisasyon. Sa pulong, kolektibong nagsusuri ang komite para makabuo ng mga desisyon, plano at programa sa pagkilos. Sa pamamagitan ng pulong isinasabuhay ang kolektibong pamumuno at binubuo ang mahigpit na pagkakaisa ng komite. Tungkulin ng komite ang pagtatakda at pagsunod ng isang sistema ng mga pulong.

Magbalangkas ng regular na iskedyul ng mga pulong ng komite. Iwasan ang sobrang madalas o maraming mga pulong. Itinatakda ng nakatataas na organo, at matatantya na rin ng komite, kung gaano kadalas ang pagtatasa ng gawain, paghahanda ng ulat, pagpoprograma at pagpaplano ng gawain, at iba pang kailangang pagpulungan. Dapat ding iwasan ang sobrang mahahabang pulong. Mangyayari ito kung sobrang madalang naman ang pagpupulong, kung hindi mahusay na pinaghahandaan ang pulong at kung hindi mahusay na pinapatakbo ang pulong. Kung kinakailangan, nagdadaos din ng espesyal na mga pulong. Karaniwang hinaharap sa mga ito ang pangkagipitang mga usapin para maagap na makabuo ng mga desisyon at malutas ang mga problema.

Tiyaking naipapaabot sa mga kagawad ang pabatid ng pulong. Kailangan ito para mapaghandaan ng mga kagawad ang mga bagay na pagpupulungan at matiyak ang kanilang pagdalo. Gumawa ng adyenda o listahan ng mga bagay na pagpupulungan at ipaabot ito sa mga kagawad.

Tiyakin ang paghahanda para sa mga pulong. Ipaabot sa mga kagawad kung anong ulat, imbestigasyon o pagbabasa ang kailangan nilang gawin bilang paghahanda. Pwedeng magkaroon ng mga panimulang talakayan bago ng pulong tungkol sa mga bagay na pag-uusapan. Bahagi rin ng paghahanda ang pagsasaayos ng lugar, seguridad, pagkain at iba pang pangangailangan.

Sa pagpapatakbo ng pulong, tiyaking nasesentruhan agad ang mga pangunahing usapin. Iwasan ang sobrang paglawig sa ibang minor na usapin o sa mga di kinakailangang talakayan. Sa pagsesentro sa pangunahing usapin, natitiyak nating madaling natatapos ang pulong at nagiging mabunga ang mga talakayan. Sikaping mabalanse ang partisipasyon ng mga kagawad at iwasang mamonopolyo ng iilan ang diskusyon. Lagumin sa tuwina ang takbo ng talakayan para malaman ng lahat kung ano na ang naabot.

7. Paano patuloy na pinapahusay ang kolektibong pagkilos ng komite?

Para patuloy na patatagin ang kolektibong pagkilos ng komite, kailangang pairalin at paunlarin ang pagkakaisa, pag-uunawaan at pagtutulungan sa hanay ng mga kagawad nito. Sa gayon magiging maluwag at palagay ang loob sa isa’t isa, maaalis ang pagkakanya-kanya, at magiging madulas ang pagsunod ng kolektibong pamumuno sa pagkilos nito.

Dapat bigyang pansin ang pagbubuo ng iisang wika sa hanay ng mga kagawad. Mabubuo ang komun na pag-unawa at kaalaman ng mga kagawad sa iba’t ibang usapin at pangyayari sa pamamagitan ng sama-samang pagtatalakayan at pag-aaral, at patuloy na pagpapalitan ng impormasyon. Kaya mapapadali ang pagkakaintindihan at pag-iisa ng mga kagawad.

Kailangang linangin ang pagiging bukas ng mga kagawad sa isa’t isa. Kaysa ilihim, dapat ihapag ang mga problema o anumang bagay na kailangang ipaabot sa pansin ng mga kasama. Hindi na dapat hintayin ang mga pulong para ipaabot ang mga palagay, problema o pusisyon sa mahahalagang usapin. Nakakasira lamang sa pagkakaisa ang pananahimik sa pulong o sa harap ng kinauukulan, at pagkatapos ay manira o mamuna sa labas ng pulong o sa likod ng kasama.

Kailangang matutong makipagkaisa sa mga kakolektibo, matutong kumilos kahit na di natin kapalagay ang kasama natin. Ang mga kilos at maling mga hangaring magbuo ng barkada o maliit na grupo ng mga kaibigan ay makapagpapahina at aagnas sa pagkakaisa ng komite. Maging maalalahanin at matulungin tayo sa mga kasama. Maging mapagbantay tayo sa anumang bagay na makakasira sa pagkakaisa at kolektibong pagkilos ng komite.

K. Paraan ng Paggawa ng Isang Komite

1. Ano ang kahalagahan ng wastong mga paraan ng paggawa ng isang komite?

Para mabisang magampanan ang tungkulin sa pamumuno ng isang komite, hindi nakasasapat na magbuo lamang ito ng mga desisyon tungkol sa kung ano ang mga dapat gawin. Kinakailangan ding magkaroon ng wastong mga paraan ng paggawa ang komite mismo nang sa gayon matiyak ang mahusay na pagpapatupad sa nabuong mga desisyon. Maaari pa ring sumulpot ang mga bara sa pagpapatupad ng mga gawain, maski wasto ang nabuong mga desisyon, kung hindi nabibigyang-pansin ang wastong mga paraan ng paggawa.

May subok nang mga paraan ng paggawa ng komite para mabisang makapamuno ito sa masa.

2. Ano ang ibig sabihin ng ang kalihim ng komite ay dapat magpakahusay bilang isang “iskwad lider”?

Ang komite ay maihahalintulad sa isang “iskwad” ng hukbong bayan, at ang kalihim, sa “iskwad lider”. Upang magampanan ang kanyang tungkulin sa pamumuno, dapat umasa ang komite sa “mga kagawad ng iskwad” at bigyang-daan ang kanilang lubos na pagtugon sa mga responsibilidad.

Upang maging mahusay na “iskwad lider”, dapat masikhay na mag-aral at malalim na mag-imbestiga ang kalihim. Mahihirapan siyang patnugutan ang kanyang “iskwad” kung hindi siya nagsasagawa ng gawaing propaganda at organisasyon sa “mga kagawad ng iskwad”, kung hindi nagpapakahusay na paghawak ng kanyang relasyon sa kanila o kung hindi pinag-aaralan kung paano mahusay na pinapatakbo ang mga pulong.

Lubhang napakahalaga ng pag-uunawaan at pagsusuportahan sa isa’t isa, gayundin ng mahigpit na pagiging mapagkasama sa pagitan ng kalihim at ng mga kagawad ng komite. Isa itong tumitiyak sa nagkakaisang pagmartsa ng buong “iskwad” na siyang salalayan ng mabisang pamumuno sa masa.

3. Ano ang ibig sabihin ng “ihapag ang mga problema sa mesa”?

Kapag may mga problemang sumusulpot, kailangang maagap na tumawag ng pulong, “ihapag ang mga problema sa mesa” para matalakay ang mga ito at gumawa ng karampatang mga desisyon para lutasin ang mga problema. Kung may umiiral na mga problema ngunit hindi ito “naihahapag sa mesa” para masusing matalakay at mahanapan ng kalutasan, ang mga ito ay magiging hadlang sa pagpapatupad ng mga tungkulin at gawain.

Hindi lamang gawain ito ng “iskwad lider” kundi ng lahat ng mga kasapi ng komite. Hindi nakakalutas sa mga problema ang pagsasalita sa likod ng mga tao tungkol sa mga ito, bagkus, malimit na nakapagpapalala pa nga sa mga problema.

4. Ano ang ibig sabihin ng “pagpapalitan ng impormasyon”?

Ang “pagpapalitan ng impormasyon” ay nangangahulugan na ang mga kagawad ng isang komite ay dapat laging nagtatalastasan sa isa’t isa at nagpapalitan ng pananaw tungkol sa mga usaping nakatawag ng kanilang pansin. Napakahalaga ito upang matamo ng mga kagawad ng komite ang lenggwaheng komun.

Importante para sa mga kagawad ng komite na magkaroon ng batayang pag-unawa sa rebolusyonaryong teorya at sa linya ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Isa itong magtitiyak ng madaling pag-uunawaan at pagbubuo ng nagkakaisang pagtanaw sa mga usaping sumusulpot sa pagtupad ng mga gawain.

5. Bakit mahalaga ang matiyagang pakikinig sa mga opinyon at pagtingin ng mga kasama sa nakabababang antas at ng masa?

Isa pang paraan ng mahusay na pamumuno ang matiyagang pakikinig sa mga pagtingin at ideya ng mga kasama sa nakabababang antas at ng masa. Isinasanib sa ating mga desisyon ang wastong mga pagtingin nila kung kaya mas makakaasa tayong susuportahan nila ang mga ito. Dagdag pa, mas mararamdaman nilang bahagi sila sa pagbubuo ng mga desisyon kung kaya maikikintal natin sa kanila ang paggana ng tunay na demokrasya.

Hindi tayo dapat mahiyang magtanong sa mga nakabababa sa atin at dapat laging bukas na matuto sa kanila. Huwag tayong magkunwaring alam ang hindi nalalaman. Hindi ito magpapababa sa ating prestihiyo, bagkus magpapataas pa nga.

Hindi rin dapat dagliang sinasang-ayunan o di sinasang-ayunan ang mga sinasabi ng mga nakabababa sa atin. Ang mga sinasabi nila ay maaaring wasto o mali, at dapat nating suriin ang mga ito. Kasabay nito dapat tayong maging mahusay sa paghawak ng tagisan ng mga ideya at matiyagang maglinaw upang mapangibabaw ang wasto. Sa ganitong paraan mabubuo natin ang mas matibay na pagkakaisa sa pagitan ng mga namumuno at pinamumunuan batay sa kung ano ang wasto at nakakatulong sa pagsusulong ng rebolusyon.

6. Ano ang ibig sabihin ng matutong “tumugtog ng piano”?

Sa pagtugtog ng piano, lahat ng sampung daliri ay ginagalaw. Ngunit para makalikha ng magandang melodya, ang sampung mga daliri ay hindi basta-basta tumitipa sa piano kundi ginagalaw ang mga ito nang may malinaw na padron at koordinasyon. Hindi uubra na ang ilang daliri lamang ang ginagalaw habang ang iba’y hindi.

Hinaharap ng isang komite hindi lamang ang isang gawain kundi maraming gawain. Ngunit, katulad ng pagtugtog ng piano, kailangang may tiyak na kaayusan at koordinasyon sa pagharap sa iba’t ibang gawain para mabisang maipatupad ang mga ito. Upang magawa ito, kailangang masapol at mahigpit na mapanghawakan ng komite ang naitakda nitong sentral na tungkulin sa isang panahon. Mahalaga ito dahil ang sentral na tungkulin ang siyang nagtatakda sa pangunahing direksyon ng mga gawain at dito umiinog ang iba pang mga pagsisikap. Dagdag rito, kinakailangang malinaw na maitakda ang mga prayoridad sa isang panahon, ibig sabihin, ang mga gawaing inuuna o pangunahing hinaharap.

Sa proseso ng pagtupad sa mga gawain, tiyak na may susulpot na mga problema. Hindi pupwedeng basta-basta isantabi at hindi bigyang-pansin ang mga ito. Gayunman, kailangang matukoy ang pangunahing problema sa isang panahon at ibuhos ang mga pagsisikap para sa paglutas nito. Nasa paglutas ng pangunahing problema ang magbibigay-daan para sa mas madulas na paglutas sa iba pang mga problema.

Sa ganitong paraan ng paggawa maipapatupad ang mga gawain at masasabing mahusay tayo sa “pagtugtog ng piano”.

7. Ano ang ibig sabihin ng “hawakan nang mahigpit” ang pangunahing mga tungkulin?

Ang “hawakan nang mahigpit” ang pangunahing mga tungkulin ay nangangahulugan ng pagbubuhos ng atensyon at pagsisikap sa mga ito para matiyak na maipatutupad ang mga ito. Mabibigo tayo sa ating mga gawain kung hindi nakapokus ang ating pag-iisip at pagkilos sa pangunahing mga tungkulin. Tulad sa isang bagay na simpleng inilagay lamang sa nakabukas na palad, sandali lang ay malalaglag na ito. O kaya kung hinawakan nga ang isang bagay pero hindi naman mahigpit ang hawak, maaari din itong madaling mabitawan.

Kaya walang mangyayari kung hindi natin pinanghahawakan ang mga tungkulin, gayundin, kung hindi natin pinanghahawakan nang mahigpit ang mga ito.

8. Ano ang ibig sabihin ng “magpakahusay sa mga numero”?

Ang “pagpapakahusay sa mga numero” ay nangangahulugan na dapat nating bigyang-pansin ang kantitatibong aspeto ng isang sitwasyon o problema at gumawa ng batayang kantitatibong pagsusuri. Nagkakaroon ng hugis ang bawat kalidad sa isang takdang kantidad, at walang kalidad kung walang kantidad.

Malimit na nakakasagupa natin ang kantitatibong aspeto ng mga bagay-bagay sa ating pang-araw-araw na gawain. Ngunit kung hindi tayo “nagpapakahusay sa mga numero”, ibig sabihin, hindi natin binibigyang-pansin ang kantitatibong aspeto ng mga bagay-bagay – tulad ng mga batayang istatistika, pangunahing mga porsyento, kantitatibong mga hangganan na nagtatakda sa kalidad ng isang bagay – kailanman hindi natin mapapalalim ang pagsusuri at masasapol ang esensya ng mga ito. Magbubunga ito ng mga kamalian sa ating mga gawain.

Halimbawa sa kilusang masa, dapat tayong gumawa ng batayang imbestigasyon at pagsusuri sa bilang ng aktibong mga tagasuporta, mga gumigitna o nagnyunyutral, at mga sumasalungat. Hindi natin dapat suhetibong pagpasyahan ang mga problema nang walang kongkretong batayan. Sa ganitong paraan, mas makikita natin ang kalagayan ng ating mga gawain at matutukoy ang tiyak na mga hakbang para paunlarin ang mga ito.

9. Ano ang ibig sabihin ng “abiso para pabatiran ang publiko”?

Ang “abiso para pabatiran ang publiko” ay nangangahulugan na dapat may paunang abiso ng idaraos na mga pulong. Kasabay nito dapat mapaabutan ang mga dadalo sa pulong kung ano ang mga tatalakayin at mga problemang lulutasin. Gayundin, dapat maisagawa ang karampatang mga paghahanda tulad ng mga ulat at borador ng panukalang mga resolusyon, at ng pagdadausan ng pulong mismo at mga pangangailangan dito.

Hindi mahusay na tatakbo ang mga pulong at maraming masasayang na panahon kapag hindi unang naisasagawa ang “abiso para pabatiran ang publiko”.

10. Ano ang ibig sabihin ng “mas kaunti at mas mahusay na mga tropa at mas simpleng administrasyon”?

Ang “mas kaunti at mas mahusay na mga tropa at mas simpleng administrasyon” ay nangangahulugan na ang mga pangungusap, talumpati, artikulo at resolusyon ay dapat gawing maikli at direkta sa mga punto. Hindi rin dapat maging napakahaba ang mga pulong.

Susi dito ang mahusay at masinop na paghahanda nang sa gayo’y maiiwasan ang pagsasayang ng panahon at magiging mas mabunga ang mga pulong.

11. Bakit kailangang makipagkaisa at makipagtulungan maging sa mga kasamang hindi natin kapareho ang mga ideya?

Hindi maiiwasan na sa ating hanay karaniwan na nagkakaroon pagkakaiba ng pagtingin sa mga sumusulpot na usapin. Ito ay dahil tayo ay nagmula sa iba’t ibang lugar, at iba-iba ang ating mga pinagdaanan at karanasan. Kaya hindi lang dapat tayong magpakahusay sa pakikipag-isa sa mga kasamang kapareho ang pagtingin sa atin kundi maging sa mga kasamang may ibang pagtingin.

Ganito rin dapat ang ating aktitud maski sa mga kasamang nakagawa ng seryosong mga pagkakamali. Hindi natin dapat silang masamain at ihiwalay, at dapat tayong maging handa na makipagtulungan sa kanila sa pagtupad ng mga gawain.

Ang mga pagkakaiba ng pagtingin sa mga usapin ay dapat nireresolba at isinasagawa ang pagpuna at pagpuna-sa-sarili para mabuo ang mahigpit na pagkakaisa. Sa pagresolba ng mga pagkakaiba, dapat laging panghawakan ang diwa ng pagpapangibabaw sa interes ng rebolusyon at ng malawak na masa, hindi ang pansariling interes. Sa pagsasagawa ng punahan, dapat tayong magsimula sa hangaring makipag-isa, at sa pamamagitan ng punahan at pagtatagisan ng mga ideya na naglalayong patampukin at panghawakan kung ano ang wasto, kamtin natin ang mas mataas na antas ng ating pagkakaisa.

12. Bakit kailangang bantayan ang arogansya?

Ang mahigpit na pagbabantay para hindi dapuan ng arogansya lalung-laluna ang mga namumuno ay isang usapin ng prinsipyo at isang mahalagang rekisito para mapanatili ang pagkakaisa sa ating hanay. Ang mga hindi nakagawa ng seryosong mga pagkakamali at naagkamit ng malalaking tagumpay sa kanilang mga gawain ay hindi dapat “lumaki ang ulo”. Importante na panatilihin ang pagiging mapagpakumbaba. Kaugnay nito, dapat bakahin ang kagawiang “nagbubuhat ng silya” o ang labis pagpuri sa sarili dahil sa mga nagawa o sariling kakayahan. Laging panatilihin ang simpleng pamumuhay at ang masikhay na paggawa.

Bukod sa makakaapekto ang arogansya sa pagbubuo ng pagkakaisa, magdudulot din ito ng di mabuti sa kasamang “lumalaki ang ulo”. Karaniwan ang kasamang ito ay magkakaroon ng tendensyang maging kampante, magluwag sa pagmamatyag sa pagkakamali at maging padalus-dalos sa pagtupad sa mga gawain dahil iniisip na hindi siya maaaring magkamali. Sa mga talakayan, iniisip niya na siya lamang ang laging tama at sinasarhan ang sarili para makinig at matuto sa iba.

13. Bakit mahalagang gumihit ng linya ng pagkakaiba sa pagtingin sa mga bagay- bagay?

Itinuturo nito na dapat nating sapulin ang batas ng kontradiksyon at tingnan ang mga bagay-bagay nang buo, di lang ang isang panig. Mahalaga ito para malalim na maunawaan at mapanghawakan ang mga bagay-bagay.

Unang-una, kailangang gumihit ng linya ng pagkakaiba sa pagitan ng rebolusyon at kontrarebolusyon. Halimbawa, tungkol sa usapin ng diktadura. Kapag nababanggit ang salitang ito sa mga talakayan, kaagad na iisiping ito ay masama. Hindi nauunawaan na ang paghahari ng mga imperyalista, malaking kumprador burgesya at uring panginoong maylupa ay isang klase ng diktadura na ang layon ay panatilihin ang kanilang patuloy na pagsasamantala at pang-aapi sa malawak na masa ng sambayanan. Sa kabilang banda, sinasabi nating itatayo ang demokratikong diktadurang bayan sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan. Ito ay naiibang klase ng diktadura na kumakatawan sa interes ng nakakaraming mamamayan laban sa iilan o minoryang nagsasamantala’t nang-aaping mga uri.

Ikalawa, sa loob ng rebolusyonaryong hanay, kinakailangang gumawa ng malinaw na pag-iiba sa pagitan ng tama at mali, sa pagitan ng mga natamo at mga pagkukulang at linawin kung alin ang pangunahin, alin ang segundaryo. Halimbawa, sa pagtatasa sa pagkilos. mayroong pagkakataon na kapag natukoy ang isang pagkakamali, dito na natutuon ang buong pagsusuri at nakakaligtaang tingnan ang kabuuang pagkilos. Sa kabilang banda, kapag ang nakikita lamang ay ang mga nagawang positibo, nagiging bulag naman sa posibleng magawang mga kahinaan.

Mapapanghawakan natin nang mahusay ang mga bagay-bagay kung isinasaalang-alang natin ang dalawang pagkakaibang tinalakay sa itaas. Upang maging bihasa tayo sa pag-iiba, kinakailangan ang masikhay na pag-aaral at malalim na pagsusuri. Ganitong aktitud ang dapat nating paunlarin.