Ang mga Tungkulin ng Ikalawang Kilusang Propaganda

Communist Party of the Philippines

Resize text: A+ A- Reset

Si Senador Claro Mayo Recto ang unang nagpahayag na kailangan ang ikalawang kilusang propaganda. Balak niyang magpasimula noong 1960 ng isang masinsin at malawak na kampanyang anti-imperyalista pagkarating mula sa paglalakbay sa ibang bayan. Hindi na niya naituloy ang kanyang balak pero nananatili sa atin ang kanyang anti-imperyalistang pamana.

Ang anti-imperyalistang pamanang ito ay ang lupon ng mga ideya at prinsipyong kanyang inilinaw sa takbo ng makabayang krusadang inilunsad noong unang mga taon ng dekada ’50. Kung tutuusin, hindi na niya kailangan pang pormal na ipahayag na siya at ang iba pang mga makabayan ay magpapasimula ng Ikalawang Kilusang Propaganda. Inumpisahan niya ito sapol nang kanyang iugnay ang kasalukuyang pakikibaka sa pakikibaka ng mga matagumpay na lumaban at naghiwalay sa unang tiranyang kolonyal pero hindi ganap na nagtagumpay na pigilin ang pagdating ng isang panibagong tiranyang dayuhan, ang imperyalismong US.

Mahalagang pag-usapan ang Ikalawang Kilusang Propaganda dahil kailangan nating balikan ang di tapos na mga tungkulin ng rebolusyong Pilipino. Kailangan ang Ikalawang Kilusang Propaganda para minsan pang pukawin ang ating bansa sa pakikibaka para matupad ang mga pambansa-demokratikong tungkulin ng rebolusyong Pilipino.

Ang Ikalawang Kilusang Propaganda ay pagpapatuloy ng Unang Kilusang Propaganda at ng rebolusyong Pilipino kahit na ang kasalukuyang mga kalagayan ay ibang-iba sa umiiral noong panahon ng unang mga makabayang propagandista. Bagamat nananatili ang mga dating problema, may mga bagong problemang lumitaw na higit na nagpapahirap at nagkukumplika sa ating pambansang pakikibaka.

Kailangan sa gayon na maging mas malakas at matatag ang Ikalawang Kilusang Propaganda. Dapat itong maging isang bagong tipong kilusang propaganda na may bagong makauring pamumuno at bagong pagkakahanay ng mga pwersa at bagong oryentasyong pang-ideolohiya at pampulitika na mas abante at mas progresibo para makasabay tayo sa takbo ng mas mataas na yugto ng istorikong pag-unlad at maipagtagumpay natin ang pakikibaka laban sa isang kaaway na hamak na mas malakas at mas tuso kaysa sa lumang tipo ng kolonyalismo. Sa madaling sabi, dapat lampasan ng Ikalawang Kilusang Propaganda ang una dahil nasa mas mataas na yugto ito ng istorikong pag-unlad at dahil ang kaaway na kaharap natin, kasama ang lokal nitong mga alyado, ay mas malakas at mas abante kaysa lumang kolonyalismong pinalitan nito.

Gayunman, ang imperyalismong US at pyudalismo, na prinsipal na mga target ng Ikalawang Kilusang Propaganda, ay estratehikong mahina dahil nahaharap ang mga ito sa anti-imperyalista’t antipyudal na pagkakaisa ng mamamayan sa pamumuno ng uring manggagawa. Dagdag pa, sa pandaigdigang saklaw, ang imperyalismong US at pyudalismo ay mabilis na nadadaig ng sumusulong na pwersa ng pambansa-demokratiko at sosyalistang mga rebolusyon. Mabigat ang kasalukuyang mga tungkulin ng Ikalawang Kilusang Propaganda pero mahusay din ang kalagayan para sa pagtatagumpay nito.

Ang Ikalawang Kilusang Propaganda, una sa lahat, ay isang kilusang pampulitika. Kilusang pang-edukasyon ito na may mga layuning pampulitika; dahil kung tutuusin, walang anumang tipo ng edukasyon at kultura na hiwalay sa pulitika. Layon nitong palitan ang lumang tipo ng edukasyon at kultura habang pinananatili ang progresibong mga elemento nito. Layon nitong ihanda at gabayan ang sambayanan sa pakikibaka laban sa mga mapagsamantalang dayuhan at pyudal. Layon nitong makagawa ng mga pagbabago at nagsisimula sa isang partikular na paninindigang pampulitika. Ang mga makauring interes ng mga pinagsasamantalahan man o nagsasamantala ay nagluluwal ng mga pampulitikang ideya, pinagpapahalagahan at aktitud na nagbibigay inspirasyon at gumagabay sa tao para kumilos.

Matuto sa Masa

Para mapakilos ang mamamayan at makakuha ng ilang tagumpay sa pamamagitan ng kanilang kolektibong aksyon, dapat munang alamin ang kanilang mga motibo batay sa kanilang kongkretong kalagayan at makauring interes. Kailangang alamin ng Ikalawang Kilusang Propaganda mula sa masa ang kanilang kalagayan, mga problema, interes at mithiin bago ito mangahas na turuan sila kung ano ang gagawin. Ang Ikalawang Kilusang Propaganda ay isang kilusang masa sa pinakatunay na kahulugan nito, na ang pangunahing layunin ay pakilusin at pagtagumpayin ang masa at kamtin ang kanilang tagumpay.

Hindi kailanman dapat kalimutan ang prinsipyong matuto sa masa kahit na sa puntong ito’y napapakinabangan na natin ang kabang-yaman ng pangkalahatang kaalamang naipon mula sa nakaraang karanasan. Ang pangkalahatang kaalaman o kaalaman mula sa iba’y mahalaga ngunit laging mas mahalaga ang sariling pagkilala o pagkakatuto sa masa dahil nangangahulugan ito na lagi tayong kapiling at kaisa nila. Sa pagkakatuto sa masa at pakikisalamuha sa kanila, nagiging mas tumpak at dinamiko ang ating mga pangkalahatang gabay sa pagkilos at mga pormulasyon ng solusyon. Kaagad ay nakikiisa tayo sa masa sa kanilang pagkilos.

Ang Ikalawang Kilusang Propaganda ay hindi kailanman dapat maging kampanya para utusan o diktahan ang masa. Hindi dapat magbato ng mabibigat na teorya at islogan nang hindi muna inaalam ang kongkretong kalagayan at mga problema ng sambayanan. Ang kaalamang ito na mula sa sariling obserbasyon, sa praktika sa hanay ng masa at sa pakikinig sa masa, ay magpapahintulot sa atin na masubukan at mapatunayan ang mga teorya, mapayaman at maipaliwanag ang mga ito sa mamamayan sa pinakakongkretong paraan na agad nilang maiintindihan.

Dapat nating malampasan ang naging takbo at pagkilos ng Unang Kilusang Propaganda na nagsimula bilang isang kilusan ng mga destiyero sa isang dayuhang syudad, gayong dapat sana’y nakatuon ito sa kalagayan at mga problema ng Pilipinas. Hindi na rin uubrang angkinin ngayon ng mga ilustrado at petiburgesya ang pamumuno sa kilusan sa pamamagitan lamang ng pagwawasiwas ng kanilang pormal o artipisyal na kaalamang-aklat, o sa pamamagitan ng pagpapahanga sa mamamayan sa pamamagitan ng kanilang edukasyong burges.

Mismong ang mga ahente ng imperyalismong US, ang mga panginoong maylupa at mga relihiyosong sektaryoan ay nagsisikap na makihalubilo sa masa, sa tabing ng makapangyarihang masmidya na pag-aari at kontrolado nila at sa tabing ng maraming pagkukunwari, na ang tanging layunin ay lituhin at linlangin ang mamamayan.

Walang ibang mapapagpilian ang mga aktibista ng Ikalawang Kilusang Propaganda kundi sundin ang linyang masa, makiisa sa masa at matuto sa masa. Hindi na rin makakasapat ngayon ang paglalabas ng mga manipesto at proklamasyon mula sa mga lunsod at malalaking bayan kung saan nakakahiligan ng mga tamad na “lider” na palipasin ang rebolusyon. Ang tagumpay ng Ikalawang Kilusang Propaganda ay itatakda ng mga magpapasyang tumungo sa masa at makipamuhay sa kanila.

Sa Ikalawang Kilusang Propaganda, kailangang tiyakin kung kaninong ideolohiya o pulitika ang mamuno sa mamamayan.
Sa palagay ng burgesya at mga panginoong maylupa, tanging ang mga taong may mataas na pormal na pinag-aralan lamang ang nababagay na mamuno sa mamamayan. Buong panghahamak nilang sinasabing mangmang at walang pinag-aralan ang mamamayan. Sa paggigiit na tanging ang mga nakapag-aral sa burges at konserbatibong paraan lamang ang nababagay na mamuno, gusto nilang palalimin ang pagkakabaon ng masa sa loob ng sistema ng pagsasamantala.

Dapat itakwil ng Ikalawang Kilusang Propaganda ang mapanganib at di demokratikong palagay na ito bilang isang kasinungalingan na naglalayong linlangin ang masa. Mahigit nang tatlong siglo at marami pang dekada ang naibigay natin sa mga produktong ito ng neokolonyal na edukasyon para lutasin ang mga problema ng masa. Pero ano ang nagawa nila? Sapat-sapat nang panahon ang ibinigay natin sa matatalinong ginoo o mga teknokrata ng burgesya at uring panginoong maylupa, pero maaaring napakabobo nila o napakamapanlinlang para makita ang mga saligang problemang imperyalismong US at pyudalismo.

Nakakapanghinayang na hindi malinaw na nakikita ng mga nakapag-aral na nabibilang sa mataas na lipunan ang mga saligang problemang imperyalismong US at pyudalismo, na kitang-kita naman at damang-dama ng masang mas mababa ang pormal na pinag-aralan dahil sila ang pinakamatinding tinatamaan. Nasa pusisyon ang masa para makita hindi lamang ang sarili nilang paghihirap kundi pati na rin ang pakinabang ng iilan mula sa imperyalismong US at pyudalismo.

Ang anumang nararanasan ng masa ay kaagad nilang nasasapol. Madali rin nilang masapol ang tamang mga solusyon batay sa wastong pagsusuri ng kanilang mga problema. Ang mga kuntentong statesman, edukadong ginoo at publisista ng burgesya at panginoong maylupa ang nagpapalagay na lampas sa kanilang pag-unawa ang imperyalismo at pyudalismo hindi pa dahil bobo sila kundi dahil hindi sila tapat at takot na ilantad ang negatibong katangian ng sistemang pinakikinabangan nila.

Ang paglayang pambansa’t panlipunan ng masa ay mismong sa masa lamang magmumula. Tanging sila lamang ang may malalim na pag-unawa sa kanilang mga problema. Ang mga aktibista ng Ikalawang Kilusang Propaganda ay maaari lamang magsuma at magbuo ng solusyon mula sa karanasan ng masa.

Ang Syentipiko’t Demokratikong Pananaw sa Daigdig

Ang pagtitiwala sa masa at pagtatakwil sa burges at makasariling edukasyon ay mauunawaan lamang kung ang isang tao ay may syentipiko’t demokratikong pananaw sa daigdig.

Dapat pa ngang mas abante ang syentipiko’t demokratikong pananaw sa daigdig kaysa liberal-demokratikong pananaw na dinala ng Unang Kilusang Propaganda bilang pusturang pampulitika. Sa panahong ito, ang proletaryong pananaw sa daigdig ang pinakasyentipiko’t demokratikong pananaw. Daig nito ang makitid na pananaw ng “naliliwanagang” liberal na burgesya. Malinaw nitong nakikita ang kabuuang hanay ng magkakatunggaling pwersang makauri sa lipunan ngayon, pati na ang kanilang mga kaukulang pananaw. Sapol nito ang kanilang mga saligang relasyon at kontradiksyon at napakalalim na nasasapol ang sitwasyon kung kayat kaya nitong baguhin ang mga ito sa pamamagitan ng rebolusyonaryong praktika.

Natutukoy nito ang progresibong pwersa sa anumang kontradiksyon at sa yugtong ito ng kasaysayan ng daigdig ay kinikilala nito ang proletaryado bilang progresibong uri sa tunggalian ng mga monopolistang US at ng proletaryado na patuloy na nagaganap sa buong mundo at sa ating bayan. Hindi lamang nito natutukoy ang lahat ng progresibong pwersa kundi may pinapanigan pa bilang usapin sa paninindigan. Alam ng taong may syentipiko’t proletaryong pananaw sa daigdig na walang sinumang tao o maliit na grupo ang maaaring mahiwalay o mapwera sa mga batayang tunggalian sa lipunan. Obhetibong nagaganap ang tunggalian ng mga uri nang labas sa kamalayan ng indibidwal; ang maaari lamang gawin ay pumanig sa progresibong pwersa o sa reaksyunaryong pwersa sa oras ng krisis. Ang pagpupusturang nyutral ay pagpapakasangkapan sa mas malakas na pwersa.

Obhetibong nagaganap ang tunggalian ng mga uri sa Pilipinas pero nasa anyo ito ng isang pambansang pakikibaka kung saan nakahanay ang mga makabayang uri—ang uring manggagawa, magsasaka, intelihensya at pambansang burgesya-laban sa mga imperyalistang US, kumprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Ang uring manggagawa ang namumunong uri at ang uring magsasaka ang pinakamaaasahang alyado nito, at nakikibaka ito sa monopolyong kapitalistang US at sa lokal na burgesyang kumprador na suportado ng uring panginoong maylupa.

Dapat isulong ng Ikalawang Kilusang Propaganda ang isang moderno, syentipiko’t demokratikong pananaw sa daigdig na nagtatakwil sa relihiyoso-sektaryong kultura ng kapanahunang pyudal sa bulok na kulturang imperyalista at sa makasariling petiburges na pag-iisip. Ang mga paaralang pinatatakbo sa Pilipinas ngayon ay mga tagapagpalaganap ng nasabing mga kultura na dapat nating itakwil.

Ang Pagkakahiwalay na Dulot ng Kasalukuyang Kultura

Kailangang magkaroon ng ganap na pagbabago ng buong sistema ng edukasyon. Pero ang unang hakbang na kinakailangang gawin ay isulong ang isang pambansa-demokratikong kultura na bagong tipo. Ang pambansa-demokratikong kulturang ito ay bahagi ng ating pampulitikang pakikibaka para makamit ang pambansang demokrasya. Ang edukasyon ay dapat magsilbi sa ating pambansang pakikibaka para makamit ang kalayaan at pagsasarili sa bawat larangan ng pagsisikap, ito ma’y sa pulitika, ekonomya, lipunan, kultura, militar at diplomasya.

Sa kabuuan, ang kasalukuyang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay hawak ng mga pwersang salungat sa mga prinsipyo ng pambansang demokrasya. Kontrolado ito ng mga ahente ng isang imperyalistang kultura at atrasadong kulturang pyudal-sektaryo.

Isa itong sistema ng edukasyon na sa katunaya’y nagtatanggol sa naghaharing uri at naghihiwalay ng mga may pormal na pinag-aralan mula sa masa. Hinding-hindi nito ipinapalaganap ang isang malusog, syentipiko’t demokratikong pananaw; maging ang katangi-tanging mga anak ng mahihirap na nakatapos ng mataas na edukasyon ay walang salang sumusunod sa dekadente at bulok na mga pinagpapahalagahan ng naghaharing uri at tumatalikod sa simulain ng pambansa at panlipunang pagpapalaya. Ang ganitong klase ng edukasyon ay isang pamamaraan na tumitiyak sa pagkakanulo sa masa ng ilan sa sarili nitong mga anak.

Sa panahong matatag ang kapangyarihan ng naghaharing uri, ang nakapag-aral na panggitnang uri ay nagsisilbing tulay ng mga ideya at pinagpapahalagahan ng naghaharing uri sa mga nakakababang uri. Bago ito makabig o manyutralisa ng organisadong masa, ang panggitnang uri ay nagsisilbing kasangkapan ng mga nagsasamantalang uri.

Bilang malinaw na patunay ng pagkakahiwalay ng ating sistema ng edukasyon sa simulain ng pambansang demokrasya, hindi nito tinuturuan ang mga mag-aaral na makiisa at magpakilos sa sambayanan para sa pambansang kasarinlan, reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon o anumang kahalintulad na mahigpit na tungkulin.

Dapat matiyagang pukawin at pakilusin ng mga aktibista ng Ikalawang Kilusang Propaganda ang masa, kabigin ang intelihensya at buuin ang alyansa sa pambansang burgesya sa batayan ng sarili nitong interes sa pambansang demokrasya.

Ang Pilipinisasyon ng Sistema ng Edukasyon

Ang isang kagyat na hakbang na maaaring gawin sa kasalukuyang sistema ng edukasyon ay ang Pilipinisasyon nito. Dapat itong gawin upang ilipat ang pagmamay-ari, kontrol at impluwensya sa mga eiskwelahan mula sa mga dayuhan tungo sa mga Pilipinong lipos ng diwa ng pambansang demokrasya.

Mismong ang mga titser na sinanay sa lumang paraan ay dapat muling turuan. Ang proseso ng kanilang edukasyon ay bibilis habang patuloy na umuunlad ang sitwasyon sa pulitika pabor sa rebolusyonaryong masa.

Dapat gamitin ang mga teksbuk at iba pang materyal sa pag-aaral na maka-Pilipino at progresibo para labanan ang daan-daang taong pagkakaalipin ng ating isipan sa sistemang kolonyal, imperyalista at neokolonyal. Dapat makibaka ang mga Pilipinong awtor para mapalitan ang ginagamit ngayong mga materyal at teksbuk na hiwalay sa kalagayan at mga problema ng masa.

Dapat mababalaan ang mga eistudyante at mamamayang Pilipino tungkol sa mga ahensya’t instrumentong dayuhan na ginagamit para panatilihin ang kaisipang kolonyal at pyudal. Dapat ilantad nang husto ang imperyalista’t mapangwasak na aktibidad at impluwensya ng AID, USIS, Peace Corps, mga iskolarsyip at grant ng US, ng ALEC, IEDR, mga grant sa pananaliksik ng mga korporasyong US, Asia Foundation, Rockefeller Foundation, Ford Foundation at Congress for Cultural Freedom. Ang mga ahensyang ito ay dati nang nailantad bilang mga ahensyang imperyalista o mga kublihan at tulay ng CIA.

Kapag nagawa ng iyong kaaway na mapag-isip ka nang katulad niya, paimbabaw mo siyang nagiging kaibigan kahit nilalapastangan niya ang iyong interes at pinagsasamantalahan ka. Tulad ng sinabi ni Senador Recto sa kanyang mensahe sa kabataan, sinundan ang pagkatalong militar ng rebolusyong Pilipino ng isang nabreynwas na henerasyon. Ang resulta’y ang pagtalikod sa mga pambansa-demokratikong tungkulin.

Bilang katunayan ng pagtatakwil sa istorikong mga tungkulin ng bansa at pagtataksil sa rebolusyong Pilipino, ipinagpapalagay ngayon na “subersibo” para sa kabataan at mamamayan na balikan ang rebolusyong Pilipino at magpunyagi para sa pambansang demokrasya.

Gayundin, dapat maging mapagbantay ang Ikalawang Kilusang Propaganda sa mga prayleng kaaway ng Unang Kilusang Propaganda. Kasabwat ng mga imperyalista, sila ngayo’y mabilis na nagpapalawak ng kanilang pagmamay-ari at kontrol sa mga establisimyentong pang-edukasyon. Hindi dapat malinlang muli ang mamamayan sa pakunwaring kabanalan ng isang Padre Salvi at isang Padre Damaso.

Dahil naniniwala tayo sa kalayaan sa relihiyon, malaya silang mangaral sa kanilang mga simbahan, pero hindi sila dapat sumalungat sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya at magtangkang siraan tayo bilang umano’y mga erehe at pilibustero, sa pamamagitan ng pang-aabuso sa kanilang kredibilidad sa hanay ng kanilang mananampalataya. Hindi dapat gamitin ang relihiyon para itago ang mga kaaway ng mamamayan. Kapwa ang simbahan at ang mga nagpupunyagi para baguhin ang lipunan ay dapat umiwas na gawing pakikibaka sa relihiyon ang pambansa’t panlipunang pakikibaka. Kung hindi, yaong mga nagsasabing pinangangalagaan nila ang ispiritwal na kapakanan ng kanilang mananampalataya ay malalantad lamang bilang kasangkapan ng mga gustong magpanatili sang pampulitikang kapangyarihan ng mga mapagsamantalang uri. Ang laganap na imperyalistang kultura at dekadenteng pyudal na pinagpapahalagahan ng mga mapagsamantalang uri ang lumilikha ng mga halimaw at demonyo ng lipunang ito.

Sa anu’t anuman, dapat paunlarin ang isang syentipiko’t demokratikong tipo ng edukasyon at hindi ito dapat masagasaan ng lumalaganap na mga eskwelahan ng mga dayuhang prayle. Dapat ipanawagan ng pambansa-demokratikong kilusan, ibig sabihi’y ng Ikalawang Kilusang Propaganda, na huwag pahintulutang mangibabaw ang klerikong tipo ng edukasyon sa syentipiko’t demokratikong tipo ng edukasyon. Ang mga eskwelahang kleriko ay nagsisilbing balwarte lamang ng makauring diskriminasyon, awtoritaryanismo at anti-sekularismo.

Ang Pambansa-Demokratikong Iskolarsyip

Sa loob at labas ng mga eskwelahan, ang mga progresibong iskolar at mananaliksik na nagbibilang sa sarili na bahagi ng Ikalawang Kilusang Propaganda ay dapat masigasig na kumilos para palitan ang istorikong mga sulatin at pananaliksik sa lipunan na makaisang panig na naglalarawan sa kolonyal at imperyalistang mga mananalakay bilang mulat na tagapagpala ng mamamayang Pilipino.

Dapat magkaroon ng obhetibong paglalahad ng ating istorikong pag-unlad bilang isang bansa. Ang tunggalian ng magkasalungat sa lipunan ay dapat obhetibong ilahad nang may malinaw na pagpapahalaga sa ating pambansang pagsisikap at nang may malinaw na pag-unawa na ang rebolusyonaryong masa ang tagapaglikha ng kasaysayan.

Umabot pa nga ang ating mga istoryan at syentipiko na isip-kolonyal at burges sa punto ng pagsasantabi sa pinakaimportanteng mga dokumento ng kasaysayan ng rebolusyong Pilipino sa kanilang pagsisikap na patampukin ang kanilang mga bayaning kolonyal at intelektwal na pagkaalipin.

Ang hakbang ng paparaming iskolar sa pagsusulat sa kasaysayan ng Pilipinas na maka-Pilipino ay isang positibong hakbang na kumikilala sa pambansa-demokratikong pagsisikap ng ating mamamayan. Ang pinakaprogresibong hakbang na maaaring gawin ng ating mga Pilipinong iskolar ngayon ay obhetibong ilahad ang pakikibaka ng bansa at ng iba’t ibang makabayang uri sa ating lipunan para sa demokrasya at pag-unlad.

Isang Pambansang Wika at Rebolusyonaryong Sining at Literatura

Dapat magkaroon ng puspusang pagsisikap sa wika, literatura at sining para mapaglingkod ang mga ito sa masa.

Bagamat dapat nating pangalagaan ang kultura ng mga lokalidad at minorya bilang bahagi ng ating pamanang kultura, dapat din tayong magpaunlad ng isang bago at tunay na pambansang kultura sa pamamagitan ng pagpapalaganap at paggamit ng isang pambansang wika na kaangkan ng lahat ng ating lokal na wika at sa gayo’y madaling maintindihan ng masa kahit saan, di katulad ng Ingles. Dapat masiglang kumilos para mapangibabaw ang wikang Pilipino sa Ingles. Ang pangunahing dahilan dito’y para magkaroon ng behikulo sa mabilis na pagpapalaganap ng pambansa-demokratikong pag-uunawaan ng mamamayan sa buong kapuluan. Ginamit ng mga nakapag-aral na nabibilang sa mataas na lipunan ang isang dayuhang wika bilang wika ng pagmamataas para hamakin ang masa. Sa Espanyol at Ingles pa rin nakasulat ang mga batas: ito’y isang tanda ng tindi ng pagkakahiwalay ng mga batas ng naghaharing uri mula sa masa.

Sa literatura at sining, dapat magkaagapay ang proseso ng pag-aangat sa pamantayang estetiko at popularisasyon. Dahil ang masa na pinakamalaki nating tagatangkilik ay makakapagpahalaga lamang sa ating literatura at sining kung gagamiting mateiryal ng ating mga manunulat at artista ang buhay at pakikibaka ng ating masa. Kung gagamitin itong hilaw na materyal, maibibigay dito ang hugis na kayang likhain ng ating mga may talento sa sining.

Kailangang magbago ang ating mga bayani at pinagpapahalagahan kung tunay tayong para sa rebolusyonaryong pag-unlad. Ang mga manggagawa, magsasaka at rebolusyonaryong mandirigma ang dapat mangibabaw sa ating paglalarawan ng buhay. Kailangang ibaling ang nilalaman at tema ng ating literatura at sining mula sa mapagmataas at petiburges na pagpapahalaga sa makitid at limitadong bahagi ng ating pambansang buhay. Tungkulin ng ating mga manunulat at artista ngayon na bumatay sa dakilang drama ng pakikibaka ng masa para sa pambansa’t panlipunang pagpapalaya.

Napakakitid naman ng isip ng mga mapanlikhang manunulat at artista na hindi makakapaglarawan sa buhay ng mahigit 90 porsyento ng ating mamamayan. O kaya, labis silang naliligaw at nalululong sa paghahabol ng mga grant sa pagbibyahe at iba pang konsesyon mula sa Rockefeller Foundation, USIS at iba pang imperyalistang institusyon na kalkuladong nagplano na gawing mapangarapin at eskapista ang ating mga manunulat at artista.

Panahon na para kilalanin ng petiburges na manunulat o artista na walang bagay na walang uri, angat sa uri, walang pulitika o hiwalay sa pulitika. Maipapakita ng isang tapat na pagsusuri ng obra ng mga taong may ganyang palagay ang kanilang obhetibong pagpanig sa mga naghaharing uri na nagbibigay sa kanila ng mga mumo at gantimpala. Sa katunayan, sagad sa buto ang kanilang pagkareaksyunaryo, pinupuri ang mga atrasadong panuring ng primitibo o pyudal na buhay o kaya’y itinatanghal ang indibidwal na walang kalaban-laban at mapagpalayaw sa sarili, na bihag ng isang sistemang ayaw naman niyang unawain o sinasadyang gawing mahiwaga.

Yaong mga nagsusulat para sa proletaryado o masa at para sa simulain nila ay itinuturing na magaspang at utilitaryan ng manunulat na imperyalista, pyudal o petiburges. Pero masdan ang mga obra ng ating diumano’y pino at makasining na mga manunulat o artista: sa katunayan, garapal na kakitiran ng isip at kawalang kakayahang magagap ang batayang mga tensyon ng buhay ang ipinapakita ng kanilang makasarili’t walang katuturang mga pinagkakaabalahan. Ang kaya lamang nilang ipakita ay ang makitid na bahagi na realidad, ang pagkakahiwalay at sikolohiya ng indibidwal na malayo sa mas dinamikong mga pwersa ng lipunan.

Ang Ikalawang Kilusang Propaganda ay dapat isulong ng mga manggagawang pangkultura na kayang lampasan maging ang tradisyon ng mapanuring realismo ni Dr. Jose Rizal sa kanyang mga nobelang Noli at Fili, at ni Juan Luna sa kanyang obrang La Spolarium.

Ang literatura at sining ay mga konsentradong ekspresyon ng realidad. Sa kasalukuyang panahon, kailangang tuluy-tuloy na dalhin ang proletaryong paninindigan para makamit ang pinakamalaking pagsulong sa sining at literatura. Sasalamin ng literatura at sining ang rebolusyonaryong pakikibaka at ipatanaw ang tagumpay nito.

Syensya at Teknolohiya para sa Pambansang Industriyalisasyon

Suriin natin ang syensya at teknolohiya. Hindi totoong malaya ang syensya at teknolohiya sa pampulitika o makauring pandidikta. May natatanging paraan ang mga pyudalista at imperyalista sa paggamit at paglilimita ng mga ito para sa mga tiyak na dahilan.

Noon, gustong ilimita ng mga pyudalista ang syensya at teknolohiya dahil ayaw nilang mahamon at malantad ang kanilang mga dogma sa relihiyon. Ngayon, ginagamit ng mga imperyalista ang syensya at teknolohiya para lumikha ng mapangwasak na mga armas para sa kanilang mga gera ng pananalakay at nililimita rin nila ang produksyon para mamaksimisa ang kanilang tantos ng tubo.

Sa Pilipinas, gusto nating gamitin ang syensya at teknolohiya para sa ating pagsulong na industriyal at para makalikha nang mas maraming produkto para sa ating mamamayan. Sa intelektwal na pananaw, malayo na ang ating isinulong mula sa panahon nang tutulan ng mga prayle ang syentipikong kaalaman bilang “erehe” at paglaruan ang “A Class in Physics” para pigilin ang ating intelektwal na pag-unlad.

Nang sakupin ng imperyalismong US ang Pilipinas, kumpara sa mga prayle ay nagpakita ito sa simula ng kagustuhang bahaginan tayo ng syensya at teknolohiya; pero ngayong gusto nating gamitin ang syensya at teknolohiya para kamtin ang pambansang industriyalisasyon at kalayaan sa ekonomya, tutol sa ating pag-unlad ang kapitalistang lipunang Amerikano na may sariling syentipiko at teknolohikal na kaunlaran. Hindi pinahihintulot ng pulitika ng imperyalistang US na gamitin natin nang husto ang syensya at teknolohiyang kayang abutin ng ating mga syentipiko, teknolohista at mamamayan dahil ang malilikha nating kaunlaran sa ekonomya ay magpapalaya sa atin at magpapaliit sa pamilihan at tubo ng mga industriya ng US.

Pangangarap nang gising, sa gayon, ang isiping walang anumang kaugnayan sa pulitika at makauring pandidikta ang syensya at teknolohiya.

Sa mga bayang sosyalista, ang syensya’t teknolohiya at produksyon ay saklaw ng pulitika, ibig sabihin, tinutugunan ng mga ito ang pangangailangan ng sambayanan. Pero sa mga bayang kapitalista, sa kabila ng mataas na antas ng pag-unlad sa syensya, teknolohiya at mga pwersa sa produksyon, ang lahat nito’y kinakasangkapan sa pagkakamal ng tubo at pampulitikang kapangyarihan ng mga monopolyo laban sa interes ng masa at ibang bayan.

Sa Pilipinas, dapat nating itaguyod ang isang puspusang programa na magpapalalim sa ating kaalamang syentipiko at teknolohikal para sa mga layuning pampulitika’t pang-ekonomya; ibig sabihin, para sa ating paglayang pampulitika at kapakanan sa ekonomya. Gusto nating magkaroon ng kasanayan para sa pambansang industriyalisasyon at pag-unlad sa agrikultura. Para matiyak ang partisipasyon sa produksyon at mabilis na panlipunang pag-unlad ng masa ng ating sambayanan, dapat nating ipopularisa ang pinakaabanteng mga kasanayan; pero bago natin ito magawa, kailangan munang armasan ng masa ang sarili sa pulitika, palayain ang bansa at sarili mula sa mga pampulitikang pwersang naglilimita sa ating pang-ekonomyang pag-unlad at syentipiko’t teknolohikal na pagsulong.

Pilipinisasyon ng Masmidya

Suriin natin ang mga dyaryo, radyo, telebisyon, sine at iba pang kahalintulad na daluyan ng impormasyon, upinyon at entertainment na ngayo’y makapangyarihang mga instrumento ng pag-unlad man o ng reaksyon sa panahong ito ng Ikalawang Kilusang Propaganda. Alam nating hindi kontrolado ng masa ang mga ito. Sa kabilang banda, ang masa ay nauuwi sa pagiging pasibong tagatanggap na lamang ng ipinapalabas ng masmidyang ito.

Dahil imperyalista’t may oryentasyong imperyalista ang karamihan ng mga korporasyong nagmamay-ari ng midya o nag-iisponsor sa mga programa, ang ating masmidya sa ngayon ay hindi maaaring gamitin sa pagpapalaganap ng pambansang demokrasya. Sa kabilang banda, ang pagpapatampok sa seks at karahasan, na likas sa imperyalistang kultura, ay ipinapalaganap sa pamamagitan ng masmidya sa kapahamakan ng ating kabataan at mamamayan. Pansinin ang kulto ni James Bond, mga palabas na koboy at ang karerista at mersenaryong tipo ng hustisyang isinusubo sa atin ng masmidyang kontrolado ng mga imperyalista. Mga behikulo ito ng imperyalistang propaganda at gayundin ng anti-Pilipino’t anti-demokratikong mga palagay. Dahil sa pag-iisponsor ng mga produkto, ang panlasa, aktitud at gawi sa pagkonsumo ng sambayanang Pilipino ay nakaangkla sa mga produkto ng imperyalismong US.

Sa kabuuan, ang dayuhang kontrol sa masmidya at nilalaman nito (mula sa lokal na sensasyunalismo hanggang sa may kinikilangang mga ulat ng mga ahensya sa pamamahayag ng US tulad ng AP at UPI) ay isang panghihimasok sa ating buhay pampulitika; at sa pinakatusong paraan, kinukundisyon nito ang isip ng sambayanan para tanggapin hindi lamang ang mga produktong komersyal kundi pati na rin ang mga produktong pampulitika sa anyo ng mga kasunduang pampulitika at patabaing mga tuta ng imperyalismong US.

Sa larangan ng masmidya, balikan natin ang maringal na tradisyon ng Kalayaan at La Independencia, na mga tunay na instrumento sa pamamahayag ng pambansa-demokratikong kilusan. Sa diwa ng mga publikasyong ito, kumbinsihin natin ang ating mga mamamahayag na ang katotohanan ay hindi lamang matatagpuan sa loob ng balangkas ng kapangyarihang pampulitika ng imperyalista’t panginoong maylupa. Marami sa kanila ang nakakaunawa na nito; at tiyak na paulit-ulit nilang palalawakin ang kanilang kalayaan sa pamamahayag.

Hindi kailanman maaaring maging abstrakto ang kalayaan sa pamamahayag. Tanging ang taong sinungaling o bobo ang maggigiit nito. Ang mga reporter ay nakatali sa patakarang editoryal; ang patakarang editoryal naman ay nakatali sa patakaran ng publisista o ng lupon ng mga direktor ng kumpanya; ang publisista o lupon naman ay nakatali sa patakaran ng mga adbertayser. Kahangalang igiit ang argumentong burges-liberal na sa pagkakaroon ng iba’t iba o ilang adbertayser, wala kahit isa sa kanila ang makakakontrol sa pahayagan. Organisadong-organisado ang mga adbertayser sa kanilang mga chamber of commerce at pambansang asosasyon ng mga adbertayser at sa marami pang grupo sa negosyo. Kung sa kanila aasa ang pahayagan para mabuhay, hinding-hindi nito lalabagin ang mga batayang makauring “katotohanan” ng kanilang interes.

Karaniwang kaalaman kung paano sinikap pigilin ng mga kumpanya ng US ang pambansa-demokratikong pamamahayag sa mga dyaryo. Dapat ipaglaban ng makabayan at progresibong mga mamamahayag ang higit na kalayaan sa pamamahayag sa pamamagitan ng pagpanig sa iba’t ibang paraan sa mga pwersa ng pambansang demokrasya.

Ang propesyunalismo sa serbisyo ng mga mapagsamantala ay nangangahulugan ng pampulitikang pagpapaalipin sa kanila, sa dahilang naghuhubog at nagtataguyod ito ng mga upinyon na nagsisilbi sa mga mapagsamantala.

Ang isang kongretong hakbang na maaaring gawin ng Ikalawang Kilusang Propaganda ay ipaglaban ang Pilipinisasyon ng pamamahayag nang sa gayo’y matanggal ang tuwirang pagmamay-ari ng mga dayuhan sa antinasyunal at anti-demokratikong midya tulad ng Philippines Herald, Manila Daily Bulletin, DZBB, DZHP, DZBU at iba pa. Kapag nagtagumpay tayo sa Pilipinisasyon ng pamamahayag, ang makukuha nating popular na suporta ay awtomatikong magsisilbing tagatangkilik ng pambansa-demokratikong mga publikasyon. Sa kasalukuyan, dapat patuloy nating ilantad at ihiwalay ang lahat ng antinasyunal at anti-demokratikong midya na tuwirang pagmamay-ari, suportado o kontrolado ng mga dayuhang monopolyo at kumprador.

Kung nais ng ating mga mamamahayag na tularan ang pambansa-demokratikong tradisyon nina Jose Rizal, Lopez Jaena, del Pilar, Jacinto at Luna, dapat nilang organisahin ang sarili bilang palabang progresibong mga mamamahayag at obrero na naghahangad na mapalawak ang kanilang kalayaan sa pamamahayag. Ang kanilang pagkakaisa ay makakasagka sa kapangyarihang magdesisyon ng publisista na mahigpit na nakatali sa pampinansyang mga kasunduan sa mga antinasyunal at anti-demokratikong mga adbertayser at stockholder.

Sa loob at labas ng larangan ng pamamahayag, buong-tapang na maaaring ipanawagan ng Ikalawang Kilusang Propaganda ang pagsasabansa ng ekonomya at pambansang industriyalisasyon para sa kalaunan ay mawala sa pagkakasakal ng mga dayuhang adbertayser ang pamamahayag.

Ang maaaring gawin mismo ng Ikalawang Kilusang Propaganda ngayon sa pagpapalawak ng kalayaan sa pamamahayag ay magtayo ng isang publikasyon kung saan may ganap na kalayaang magpahayag at magtaguyod ng mga pambansa-demokratikong pananaw. Tulad ng pinapangarap ni Sen. Claro Mayo Recto, dapat isaboses at organisahin ng publikasyong ito ang muling bumabangong mga pwersa ng rebolusyong Pilipino. Sa gayon, dapat itong magabayan ng makabayang estilo ng ating mga rebolusyonaryong ninuno at ng mga tunay na rebolusyonaryo ng kasalukuyan. Dapat gamitin ng Ikalawang Kilusang Propaganda ang publikasyong ito upang tumulong sa pagwasak ng mga lumang ideya, lumang kaugalian, lumang gawi at lumang aktitud at tumulong sa pagsusulong ng rebolusyong Pilipino.

Ang Ikalawang Kilusang Propaganda ay dapat maging isang puspusang rebolusyon sa kultura. Dapat nitong wasakin ang kasalukuyang malakolonyal at malapyudal na superistruktura. Naghuhumiyaw na mailuwal ang isang bagong pambansa at demokratikong kultura. Ang mga organisasyong masa, laluna ng kabataan ay may malaking papel sa pagtataguyod ng nasabing bagong kultura sa ilalim ng pamumuno ng proletaryado.